Change of Plans

DAHIL sa tanong ni Theo ay pumayag na akong ihatid niya sa bahay. Wala naman sigurong masama at hindi naman siguro magagalit si Jasmine? Pero aaminin kong kung ako ang nasa kalagayan niya ay baka magalit ako. Dahil tahimik lang si Theo na nagda-drive ay binasag ko na ang katahimikan sa pagitan namin.
“Hindi naman sa iniiwasan kita, Theo. Ayaw ko lang na matulad kayo ni Jasmine…sa…sa atin noon,” aniko. Lihim kong pinagalitan ang sarili dahil sa di-sinasadyang naungkat ko ang nakaraan namin. Nangako pa naman akong iiwasang bumanggit sa kaniya ng ano mang tungkol sa amin noon.
Napansin kong kunot-noo niya akong tiningnan pagkatapos ay natatawang umiling-iling. Para bang may naalala siyang nakakatawa.
“B-Bakit ka tumatawa?” maang na tanong ko.
“Hindi ako tumatawa,” tanggi niya. “You’re still the same, Trish. Napaka-selosa mo pa rin,” komento niya.
“Ha? Ako selosa? Nagbago na ako, hindi na ako tulad ng dati!” pagdidiin ko. At paano naman niya nasabing selosa ako? Di ko maiwasang kabahan dahil baka alam na niyang mahal ko pa siya.
“Sure, madaming nagbago sa’yo. You changed the way you dress, and you now wear make-up. Most importantly, you are now a skilled architect. But I can still see the old Trish.”
Natahimik ako. Kaybilis ng tibok ng puso ko dahil kinakabahan ako sa nagiging direksyon ng usapan namin. Madami pala siyang napupuna sa akin?
“Kumusta ka na Trish? Naging masaya ka ba talaga sa Dubai?” maya-maya ay tanong niya.
“O-Okay naman ako,” sagot ko. Namataan ko siyang napailing habang nagmamaneho. “B-Bakit?”
“Bukod sa okay ka naman, wala ka na bang ibang masasabi? For three years, I've been wondering how you're doing. And now that you're here, I'm still curious,” sambit niya. Seryoso ang mga mata niyang nakatuon sa daan.
Napalunok muna ako saka nagsalita. “W-Wala namang kakaiba sa buhay ko, Theo. Natupad lang iyong gusto ko na lumawak ang expertise ko,” amin ko. Deep inside, I wanted him to get a hint of what I wanted to tell him; na walang kakaiba sa buhay ko, walang ibang lalaki ang nagpatibok ng puso ko. “Pero masaya naman ako,” dagdag ko dahil nag-alangan ako sa sagot ko. Ayaw kong isipin niya bigla na miserable ang buhay ko. “Maganda magtrabaho doon. Kakausapin ko nga si Dad, after siguro nitong project ay babalik ulit—"
“Didn't you say you were only there to gain experience? Bakit gusto mo ulit bumalik doon?” parang inis na tanong niya.
“Nagbabago naman ang tao. Lahat tayo, nagbabago naman ang plano sa buhay,” aniko.
Tulad ko na lang. Para makalimot, mas gugustuhin ko na lang ulit lumayo. Baka hindi ko pa mapigil ang damdamin at sirain ko kayo ni Jasmine.
“I am not. Iyon pa rin ang pangarap ko, iyon pa rin ang mga plano ko,” seryoso niyang sagot.
May mumunting kirot akong naramdaman pagkarinig sa sinabi niya. Alam ko ang lahat ng pangarap niya. At unti-unti na niya iyong natutupad. O mas tamang sabihin na natupad na niya iyon…ng wala ako.
“Natupad mo na naman ang pangarap mo eh! At isa pa, kahit hindi ka mag-abroad magiging kumportable ang buhay mo dito,” sagot ko. Ilang minutong tahimik lang siya at parang nag-iisip sa kawalan.
“You’re right. Masaya na naman ako dito. Unlike you, I have no plan of working abroad. Unti-unti ko nang natutupad ang mga pangarap ko,” sa huli ay sagot niya.
Sayang lang at hindi na ako parte ng pangarap mo, bulong ng isip ko at may kung anong kumurot sa puso ko. Napatungo ako para itago ang lungkot. Ang hirap pala, iyong andiyan lang ang taong mahal mo pero wala kang magawa. Ni hindi mo sa kaniya magawang sabihin ang nararamdaman. Wala kang magawa kundi pagsisihan na pinakawalan mo siya dati.
“K-Kung may choice lang ako, hindi na ako magtatrabaho sa ibang bansa,” mahinang sagot ko.
“Bakit ba kasi mas gusto mo pa doon? You’ll get a lot of clients here. Mabubuhay ka kahit hindi ka mag-abroad. You have a choice,” idiin pa niya ang huling sinabi.
Kinagat ko ang labi para hindi lumabas ang mga salitang gusto kong sabihin sa kaniya. Oo, mabubuhay nga ako dito ng kumportable kahit hindi ako umalis. Pero iba naman ang tinutukoy ko. Iba ang dahilan kung bakit gusto kong lumayo. It was him. Nasasaktan akong panuorin siyang magmahal ng iba…at wala akong choice! Kusang kumikirot ang puso ko sa tuwing nakikita ko sila ni Jasmine, at hindi ko iyon kayang pigilan. Hindi na ako nagsalita at maging siya ay natahimik na rin.
Hanggang sa dumating kami sa tapat ng bahay ay hindi na siya nagsalitang muli. Animoy kay lalim ng kaniyang iniisip. Hinubad ko ang seatbelt at saka nagpaalam.
“S-Salamat sa paghatid sa akin, Theo.”
Nang sulyapan ko siya ay seryoso siyang nakatitig sa akin. Nagbaba agad ako ng tingin at itinulak na ang pinto ng sasakyan. Pero bago pa man ako makalabas ay naramdaman ko ang pagpigil ng kamay niya sa kaliwang braso ko. Nilingon ko siyang muli at nagulat pa ako nang bigla niya akong hilahin palapit sa kaniya. Bago pa man ako makahuma ay naramdaman ko ang paghawak ng kamay niya sa batok ko at ang paglapat ng labi niya sa labi ko. Nanlaki ang mga mata ko at parang sasabog na ang dibdib ko sa lakas ng kaba. Gustuhin ko mang lumayo ay hindi ko magawa dahil sa kamay niyang pumipigil sa akin. I tried so hard not to return his kiss. But then he started kissing me in a different way. Naging masuyo ang mga halik niya. Nagsusumamo at tila nakikiusap. Mariin akong napapikit. Kaytagal kong pinangarap na maramdaman itong muli! Gumapang din ang kamay niyang noon ay nasa braso ko patungo sa leeg ko. He cupped my face. Wala sa loob na napaungol ako. I missed this. I missed him! Namalayan ko na lang ang sarili na tumutugon sa halik niya habang namumuo ang mga luha sa aking mata.
Suddenly I heard his phone ringing. Noon ako nagbalik sa katinuan. Mabilis ko siyang itinulak at napansin ko din ang pagkagulat niya. Hindi niya pinansin ang cellphone na noon ay walang tigil sa pagtunog.
“Trish—”
“This is wrong Theo!” nalilitong putol ko sa sasabihin niya. Hindi ko alam kung anong dapat sabihin para bawiin ang nagawa kong pagkakamali. Sh*it! Bakit ko hinayaang halikan niya ako? “Hindi dapat…Theo, mali ito! Kalimutan mo nang—”
“Pero Trish! It’s clear for both of us! I still—”
“Stop!” sigaw ko sa kaniya at napansin ko ang pagguhit ng sakit sa mga mata niya. “I don’t want this! Why did you kiss me? Hindi dapat nangyari ito!” Hindi ko na pinag-isipan ang mga lumalabas na salita sa bibig ko. Nahihiya ako. And I feel terrible for Jasmine. Bago pa man siya makapagsalita ay mabilis akong tumalikod. “I want to regret that I accepted this project, Theo. Don’t go near me again. Hindi tama itong ginagawa natin. At ayaw ko nang maulit pa ito.” Iyon lang at nagmamadali na akong bumaba ng sasakyan.
“Trish! Makinig ka muna!” tawag sa akin ni Theo pero hindi ko na siya pinansin. Mabilis akong pumasok sa gate at diretsong pumasok sa bahay. Nanginginig ang buo kong katawan. Gulong gulo din ang aking isip. Mahal ko siya. At kaytagal kong pinangarap na maramdaman muli ang mga halik niya. Pero hindi pwede.
Hindi ako magiging ganoong klase ng babae. Hindi ako magiging katulad ni Jen. Ayaw kong masaktan si Jasmine dahil lang sa mahal ko pa si Theo.

Komento sa Aklat (116)

  • avatar
    Jannice Piano Junsay

    i enjoying reading the story, hope you will write more beautiful and exciting stories. you are amazing being a writer.

    18/12/2021

      0
  • avatar
    Virna Sarmiento

    done

    05/08

      0
  • avatar
    Chris Sawac

    Thumbs up❤️😘

    31/07/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata