Palace of the Elders CENTRAL NOVIA Madilim ang ekspresyon sa mukha ni Prinsesa Andromeda nang matapos ang pagpupulong na naganap sa bulwagan ng katarungan. "Hindi ako makapaniwala na wala silang nakikitang mali sa pananakop na ginagawa ni Marcus gamit ang kanyang Guild sa buong Arlan." nakakuyom ang kamao nito dahil sa panggigigil. "Wala tayong magagawa kung iyon ang desisyon ng mga Elders, tanging ang pagmamatyag lamang sa kilos ni Marcus ang magagawa natin sa ngayon." saad naman ni Azula habang naglalakad na sila palabas. Puting puti ang paligid na nilalakaran nila mula sa mga bilugang poste ng palasyo hanggang sa pasilyo nito. Nahinto ang dalawang babae sa paglalakad ng salubungin sila ng isang binata na nakadamit baluti at may kulay gintong buhok na abot hanggang balikat, may malaking espada siya na nakasabit sa kanyang likuran. "Sayang naman, inakala ko pa naman na magagawa ninyo na pigilan ang kalokohan ni Marcus at palabasin siyang katawa tawa ngunit mukhang kayo ang lumabas na mga payaso sa problemang idinulog ninyo." bakas ang kahambugan sa ngiti ng taong kaharap nina Azula at Prinsesa Andromeda. "Kung sinuportahan lamang kami ng amo mong si Prinsipe Florence hindi mangyayari ang ganito." nagtitimpi sa galit na sagot ni Prinsesa Andromeda. "Hm, wala na akong masasabi sa bagay na iyan kung napagdesisyunan na ng mga Elder ang problemang idinulog mo, hindi ba't sila ang may kapangyarihan pagdating sa mga problema sa apat na bansa ng Comzon?" dagdag pa nito sa mga kausap. Hindi na sumagot ang dalawa niyang kausap at nagpatuloy na lamang na lumakad at nilagpasan ang lalakeng nakasuot ng baluti. "Muli na lang ninyong idulog ang problema kapag nahanap na ninyo ang Ancient Weapon na sinasabi ninyo!" sarkastikong pahabol pa nito sa kanila habang humahalakhak. "Sino ang taong iyon?" tanong ni Azula kay Prinsesa Andromeda habang naglalakad sila palayo sa kanilang kausap. "Si Yael Crux isa sa pitong Espada ni Prinsipe Florence." sagot ni Prinsesa Andromeda. "Kakaiba ang pakiramdam ko sa isang iyon, puno ng pagka uhaw sa dugo ang pwersang inilalabas ng kanyang Kal'as." saad ni Azula. "Tama ka, isa s'yang mandirigma na naligo sa dugo ng mga sundalo ng dating hari na si Volg Licthbled." ****************************************************** Hilagang Novia "Pakiusap, hayaan ninyo akong sumama sa inyong paglalakbay, pangako hindi ako magiging pabigat." muling pakiusap ni Luna kay Loki. Hindi niya alam kung bakit niya ito nasabi ngunit mas ligtas ang pakiramdam niya kung makakasama siya nina Gale at Loki liban pa dito ay magaan ang loob niya sa dalawang manlalakbay na tumulong sa kanya. Muling umupo si Loki sa kanyang silya at marahang hinawakan ang kamay ni Luna na kumapit sa laylayan ng kanyang kasuotan. "Pasensya na Luna, ngunit hindi ka pwedeng sumama sa aming paglalakbay, mapanganib ang misyon namin at hindi namin masisiguro ang kaligtasan mo." sagot ni Loki kay Luna. Nakaramdam ng kalungkutan sa kanyang puso ang dalaga sa pagtanggi ni Loki sa kanyang kahilingan. Alam niyang hindi basta magtitiwala sa kanya ang binata lalo na't bago pa lang silang magkakilala. Tumayo si Loki at naglakad na patungo sa pintuan ng silid. Bago n'ya buksan ang pinto ay muli niyang nilingon ang dalaga. "Bayad na ang buong gabi mong pagtulog sa panuluyan na ito, kaya wala ka nang dapat ipag alala." aniya sa dalaga at lumabas na ng silid. Naiwan si Luna na mag isa sa kanyang silid at namayani ang kalungkutan at panghihinayang sa pagtanggi ni Loki. Kailangan niyang lakasan ang loob niya sapagkat sa pagkakataong ito ay wala na siyang magagawa kundi ang maglakbay mag isa sa mundong ito. Kinusot niya ang kanyang mata upang pigilan ang luha na nagbabadyang tumulo sa kanyang mga mata. ********************************************************************************* "Kung ganun ay hindi siya isang espiya?" tanong ni Gale kay Loki habang naglalakbay na sila patungong Xenxia City na siyang kapitolyo ng Arlan, ang hilagang bansa ng Comzon. "Isa siyang Outsider, at mukhang kararating lang niya sa mundong ito." sagot ni Loki habang nililingon sa di kalayuan ang bahay panuluyan na pinanggalingan nila kung saan kasalukuyang nagpapahinga si Luna. "Outsider? kaya naman pala kakaiba ang kasuotan niya." sambit ni Gale. Pinagmasdan niya ang madilim na kalangitan kung saan makikita ang kanilang sariling buwan. Sa umaga lamang matatanaw ang mundong Earth at ang buwan nito sa kalangitan. "Uniporme ang suot niya, isang kasuotan ng mga high school students sa mundo namin." sagot naman ni Loki. "Estudyante, ibig sabihin katulad siya nung mga sinabi mo noon na klase ng mga kabataan na pumapasok sa isang eskwelahan na wala namang ibang ginagawa kundi ang magbasa at magsulat sa loob ng mahigit sampung taon para lamang makakuha ng trabaho na hindi naman sapat ang sweldo sa kanilang mga pangangailangan?" tanong muli ni Gale na bakas ang pagkabagot sa alam niyang buhay ng mga estudyante. Ngumiti lamang si Loki at tumango sa kasamang dalaga. Nakarating na sila sa tarangkahan ng Novia at hindi na sila malayo sa kagubatan nito. "Kailangan na nating magmadali upang maihanda ang mga kailangan natin." pag iiba ng usapan ni Loki, tumango lamang si Gale bilang pagsang ayon. "Tutungo ako sa punong aklatan baka sakaling makakuha ako ng impormasyon tungkol sa Ancient Weapon." ani Gale habang inaayos ang kanyang buhok na nilalaro ng banayad na hangin. "Ancient Weapon?" tanong ni Loki sa kasamang dalaga. "Iyon ang utos ni Master Azula sa akin, mabuti na nga lang kahit hindi pa ako lehitimong miyembro ng Guild ninyo ay binigyan niya ako ng misyon." sagot naman ni Gale. Isang lihim na misyon ang ibinigay ng kanilang bagong Guildmaster na si Azula ayon na rin sa kahilingan ni Prinsesa Andromeda. Ang Kapitan ng Team 02 na kinabibilangan din ni Loki na si Arc Rune dapat ang hahawak ng misyon ngunit tinanggihan ito at siya bilang bagong Vice Captain ang inatasan na gumanap sa misyon bilang kapalit ni Arc Rune. Si Gale Gentlewind naman ay hindi pa opisyal na miyembro ng Guild na kinabibilangan ni Loki ngunit nasa ilalim siya ng pagsasanay ng bagong upong Guildmaster na si Azula Godfrey mula pa nang siya ay pitong taong gulang pa. Lihim siyang inatasan ni Azula upang tulungan si Loki sa kanyang misyon na alamin ang plano ng Guildmaster ng Maskara na si Marcus Alfonzo. Muling nilingon ni Loki ang bayan ng Hilagang Novia sa kanilang likuran bago muling magpatuloy sa kanilang paglalakbay patungo sa Xenxia City. ********************************************************************************* Kinabukasan maagang nagising si Luna at habang inaayos niya ang kanyang sarili ay isang katok mula sa pintuan ang narinig niya. Pinagbuksan niya ito at isang trabahador ng bahay panuluyan ang bumungad sa kanyang harapan, may dala itong isang tray ng pagkain para sa kanyang agahan. "Isang mainit na sopas at tinapay ang inihanda namin para inyo, sana po ay magustuhan ninyo." saad ng babaeng trabahador habang inilalapag ang tray sa mesa. Nagpasalamat si Luna at nginitian lamang siya nito saka nagpaalam. Pinagmasdan ni Luna ang pagsikat ng araw sa kalangitan habang tumatama ang liwanag nito sa malaking kristal na nasa kalagitnaan ng bayan. Hindi niya kailangang magmukmok kung hindi man maganda ang nangyayari sa kanya sapagkat walang mabuting idudulot ito sa sitwasyon niya. Magdamag niyang pinag isipan ang dapat niyang gawin sa araw na ito at nakapagdesisyon siya na magsasanay siya upang lumakas at hahanapin niya sa mundong ito ang kanyang ama at si Archie. Kapag nakita na niya ang mga ito ay sunod siyang hahanap ng paraan upang makabalik sa mundong pinanggalingan niya. Kaagad siyang nagtungo patungo sa pamilihan matapos niyang mag agahan. Naglibot siya sa mga pamilihan upang maghanap ng mga gamit na maari niyang gamitin. Chineck n'ya rin ang laman ng kanyang bag upang masigurong hindi siya magkukulang sa kanyang kakailanganing kagamitan. Limamputlimang Kudos, ito lamang ang halaga na mayroon siya at hindi ito sapat sa ibang pangangailangan niya maliban sa pagkain. Bumili siya ng tatlong tinapay na nagkakahalaga ng tatlumpung kudos at nagdesisyon na tumungo muli sa kagubatan at mangaso ng mga Ha Chang. Lingid sa kaalaman ni Luna ay may dalawang tao ang nagmamasid sa kanya, kapwa nakasuot ang mga ito ng maskara at ang isa sa dalawa ay ang lalakeng pumaslang ng nakaraang araw kay Senator Villareal. Palihim na sinundan ng dalawang nakamaskara si Luna patungo sa bungad ng kagubatan. "Mukhang may mabibiktima tayo Arkan." bakas ang malisya sa tinig ng isa na pumatay kay Senador Villareal. "Sa itsura niya ay mukhang isang Outsider, Allak." sagot naman ni Arkan. Hindi napigilan ng dalawa na humalakhak habang pinagmamasdan ang inosenteng si Luna. ****************************************************** Xenxia City Arlan Nakarating ng matiwasay sina Loki at Gale sa Xenxia upang paghandaan ang nalalapit na pagpupulong ng League of Ten sa Reign's Palace. Reign ang may pinakamataas na posisyon sa bansang Arlan at ito ang pinanghahawakan ni Marcus na siyang Guildmaster din ng Masquerade. "Kailangan muna nating maghiwalay sa bayan na ito at gawin mo ang ipinag uutos ni Master Azula." saad ni Loki na sinang ayunan naman ni Gale. Sa pagpasok nila sa tarangkahan ng siyudad ay tahimik ang dalawa na naghiwalay at nagtungo sa magkaibang direksyon. Unang sinuri ni Loki ang buong syudad at kumuha ng ilang impormasyon tungkol sa palasyo sapagkat ngayon pa lamang siya nakarating sa bahaging ito ng bansang Arlan. ********************************************************************************* Novia Forest Hilagang Novia Nagpahinga si Luna habang pinupunasan niya ang pawis sa kanyang noo. Nakaka dalawandaang Ha Chang na siya na napapaslang at nasira na naman ang tungkod na gamit niya, ngunit umangat na sa Level 3 ang kanyang Repair Skill, habang nasa 5% naman ang repair speed ng kanyang wooden staff. Umupo siya sa isang tipak ng bato at muling ginamit ang Repair skill sa kanyang kahoy na tungkod. Habang nangyayari ito ay may narinig siyang mahinang tinig mula sa di kalayuan at tila dumadaing ito. Sa una ay hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa pagrepair ng kanyang sandata. "Apat na daang piraso ng pangil at dalwandaang violet tongue... sana naman ay sapat na ang mga ito kung ibebenta ko sa pamilihan at makakabili ako ng magagandang kagamitan." saad ni Luna sa kanyang sarili. May kaluskos na naman siyang narinig at dumadaing na tinig ang naka abot sa kanyang pandinig kaya naman sa pagkakataong iyon ay minabuti ni Luna na hanapin ang pinanggagalingan ng tunog. Tumayo siya at nilakad ang patungo sa kalooban ng kagubatan upang alamin kung saan nagmumula ang naririnig niyang kaluskos at pagdain. "Hello... may tao ba dito?" bahagyang nilakasan ni Luna ang kanyang tinig upang marinig ng kung sino man sa paligid. Ilang sandali pa ang lumipas ngunit wala naman siyamg narinig a sumagot. Tatalikod na sana si Luna upang bumalik sa kanyang lugar ngunit nakarinig muli siya ng kaluskos at pamilyar na tinig. Haaaa... Ang maliit at matinis na tinig ng Ha chang at sa kanyang pagkakarinig ay hindi lamang ito nag iisa. Sinubukan niya na hanapin ang pinagmumulan nito at mahigpit na hinawakan ang kanyang tungkod upang ihanda ang sarili sa maaring mangyari. T-Tulllooonnggg.... Nakarating siya sa isang bahagi ng gubat na kung saan may mga nakatayong puno ngunit walang mga dahon. Patuloy lang ang paghahanap ni Luna sa tunog na narinig niya. Sa wakas ay natagpuan ni Luna ang pinagmumulan ng tinig at ang mga ingay na nililikha ng mga Ha chang.  Bumungad sa kanyang harapan ang isang binata na hindi maipinta ang mukha at nakadapa na tila hindi makagalaw. Pinalilibutan na ang binata ng mga Ha chang na para sa kanya ay nasa mapanganib nang sitwasyon. Gamit ang tungkod na hawak niya ay sinugod niya ang mga Ha chang at pinaslang ang mga ito habang patuloy din ang mga ito sa paglaban kay Luna at siya naman ang pinag interesan ng mga halimaw na ito.  Kahit wala siyang pormal na pagsasanay at tanging mga simpleng pagpalo lang ng kahoy niyang tungkod ang ginagamit ni Luna laban sa mga Ha chang ay mas matibay at mas matigas na ito kumpara sa kahapon dahil sa epekto ng Repair Skill, lingid sa kaalaman ni Luna ay mas malakas na ang damage na nagagawa nito kumpara sa normal na tungkod. Malulutong na tunog ng pagtama ng sandata sa katawan at ulo ng mga Ha Chang na halos ikasuka ng dugo ng ibang nilalang, may ilang tumalon at sinubukang dambahin ang dalaga ngunit nahagip ito ng sandata ni Luna na nagpatalsik sa ibang Ha chang na kumaripas ng takbo at nagtago na sa dalaga. "Ayos ka lang ba?" kaagad na dinaluhan ni Luna ang lalakeng nakadapa pa sa lupa at hindi maikilos ang buong katawan. "G-Gamot... kailangan ko ng gamot..." saad ng lalake na tinulungan ni Luna na hirap magsalita. "A-Anong gamot? gamot sa lagnat? Paracetamol... Ibufropen?" nag aalalang tanong ni Luna. "P-Paralisis..." hindi maipintang mukha ng lalake. Inisip ni Luna kung anong gamot ba ang sinabi sa kanya, inilabas niya ang kanyang bag at binasa ang laman ng nasa loob nito, nagbabasakaling may mahanap na lunas. "Green Herb Potion x1" basa ni Luna sa isa sa kahon, isa lang ang mayroon siya nito at nagmula pa kay Apple. Saka lang niya naalala na kayang gamutin ng Green Herb Potion ang ilang lason, paralisis at paso. Kinuha ni Luna ang Green Herb Potion at kaagad itong pinainom sa nakadapang lalake na paralisado ang katawan. Makalipas ang ilang minuto ay nakalagaw na ang lalake ngunit halata pa rin dito na nanghihina siya. Gruuu... Napatingin si Luna sa sikmura nito sapagkat kumulo ito. "G-Gutom ka rin?" tanong ni Luna dito. "P-Pasensya na... Hehe." bahagyang namumula ang mukha ng binata habang humihingi ng paumanhin kay Luna. "Ilang araw na akong hindi kumakain..." dagdag pa nito. "Ganun ba." ani Luna, muli niyang binuksan ang kanyang Bag at kumuha ng tinapay dito, dalawang loaf of bread ang kinuha niya upang ibigay sa binata. "Heto, kainin mo, huwag kang mahiya at tanggapin mo na lang." Nakangiting sambit ni Luna habang inaabot ang tinapay sa binata. "S-Salamat... uhm..." saad ng binata habang inaabot ang tinapay. "Luna, Luna Miranda." matamis niyang nginitian ang binata habang nakasandal ang likod nito sa puno. "Kurt, Kurt Fenris." pagpapakilala ng binata kay Luna habang nginunguya ang tinapay. "Paano ka napunta dito? Alam mo bang delikado sa parteng ito ng kagubatan?" tanong ni Luna kay Kurt, pakiramdam tuloy niya ay para na siyang beterano sa paglalakbay dahil sa pag papa alala nito sa binata. "Hehe. Naligaw kasi ako, sinusundan ko yung pasaway na matandang si Sig dahil nakarinig ako ng balita na narito daw s'ya kaya pumunta ako dito, ang problema nawala ako. Naubos ang pagkain na dala ko at walang prutas na makakain sa paligid, hindi ko din mahanap ang daanan palabas ng kagubatang ito kaya naman inabot ako ng tatlong araw na palaboy dito sa kagubatan. Haha!" nagkakamot ang ulong kwento ni Kurt. "Tatlong araw? ganun ka na katagal na walang pagkain at nagpapaikot ikot sa gubat na ito?" hindi makapaniwalang tanong dito ni Luna. Tumango lang si Kurt habang kumakain ng tinapay. "Oo, tapos habang naglalakad pa ako kanina nakasalubong ko yung isang Ha chang, medyo madilim na ang paningin ko dahil sa gutom kaya di ko na alam kung paano akong inatake ng mga yun." dagdag pa niyang kwento kay Luna. "Ganun pala..." tumango lang si Luna matapos niyang pakinggan ang kwento ni Kurt. "Salamat, utang ko sa'yo ang buhay ko, kung hindi dahil sa'yo baka kung ano na ang ginawa sa akin ng mga Ha Chang. Nakakahiya kung malalaman ng ibang tao na sa isamg Class E5 lang ako mamamatay." saad nito saka muling ngumiti. "Wag mong alalahanin ang bagay na iyan, naging katulad mo rin naman ako na nangailangan rin ng tulong, at salamat sa Diyos may mabuting loob na palaging tumutulong sa akin. Kaya naman ginagawa ko rin ang kabutihan na ginawa nila sa akin sa ibang nangangailangan." sagot naman dito ni Luna. "Mm, Salamat ulit." saad lang ni Kurt habang kumakain ng tinapay. Habang naghihintay ay inabala ni Luna ang sarili na ayusin ang kanyang tungkod kahit hindi pa ito tuluyang nasisira. "Anong ginagawa mo?" tanong dito ni Kurt habang pinagmamasdan ang pagbalot ng Kal'as ni Luna sa tungkod. Itinigil niya ang pagkain ng natitirang tinapay at inobserbahan ang ginagawa ng dalaga. "Ni re-repair ko ang sandata ko." sagot nito kay Kurt. Hindi katulad ng nakaraang araw ay mas mabilis na ang pag aayos ni Luna ng kanyang wooden staff. "Ni re-repair mo? isa ka bang blacksmith?" umiling lang ang dalaga sa tanong sa kanya ni Kurt. "Isa itong skill sa aking aklat. Ang kumpunihin ang lahat ng mga sirang bagay." pagpapa alam sa kanya ni Luna. "Ah, isa kang Book Master..." hinimas ni Kurt ang kanyang baba at pinagmamasdan ang sandata nang itinaas na ito ni Luna upang sipatin kung ayos na ang pagkukumpuni niya "Anong Skill?" "Restoration." "Restoration?" nakakunot na noong tanong niya sa dalaga. "Anong description? maari ko bang tignan ang tungkod na iyan?" Iniabot ni Luna ang kanyang tungkod na sandata kay Kurt at sinuri ito ng binata. "Restore everything, anything. You are a person whom everyone will ask to be in their group... iyon lang ang nakalagay na description sa book of skill." saad ni Luna kay Kurt. Tumango lang si Kurt at ibinalik ang tungkod kay Luna. "Mmm... kung pagbabasehan sa deskripsyon ay maaring hindi lang mga gamit at sandata ang pwede mong i-restore. Baka sa susunod na pahina ay iba na ang pwede mong i repair." Katulad ng pakiramdam ni Luna kay Loki at Gale ay magaan din ang pakiramdam niya kay Kurt kahit hindi pa niya ito lubusang kilala. Kung pagmamasdan niyang mabuti ang binata ay masasabi niyang hindi nagkakalayo ang kanilang edad sa isa't isa. "Hindi lang sandata at gamit? Ano naman ang iba pang pwede kong i-restore?" Nagkibit balikat lang si Kurt sa tanong ni Luna. Makalipas ang ilang minutong pagpapahinga ay tumayo na si Luna. "Ngayong maayos ka na, maari na siguro kitang iwanan dahil kailangan ko pang magsanay at mangaso dito." saad ni Luna habang pinapagpag niya ang dumi sa kanyang palda. "Mangangaso ka? Nais mong magpalakas?" tanong ni Kurt ngunit nanatili parin itong nakaupo at nakasandal sa isang puno. Tumango lamang si Luna kay Kurt, sa pagkakataong ito ay nais niyang maging malakas at matupad ang kanyang mga plano. Alam niya na ngayon na sa itsura ni Kurt ay mas malakas at mas may karanasan ito sa kanya. Kahit nais niyang sabihin na isama siya sa paglalakbay nito ay hindi niya isinatinig sapagkat natatakot siya na mangyari ulit sa kanya ang naranasan niyang pagtanggi ni Loki na isama siya. Nagpaalam na si Luna kay Kurt at bumalik sa landas patungo sa loob ng bayan upang ipagbili ang nakuha niyang pangil at dila ng mga Ha chang. "Tsk, Tsk, sayang naman. Gusto ko sana siyang yayain na samahan akong maglakbay habang hinahanap ko si Tandang Sig upang ma ensayo rin siya at lumakas. Para naman hindi puro Ha chang ang kinakalaban niya." bulong ni Kurt sa sarili habang pinagmamasdan na ang palayong si Luna sa kagubatan. Sa hindi kalayuan ay nakita niya na may dalawang lalake rin na patungo sa direksyon kung saan papunta si Luna ngunit inisip lamang niya na baka mga manlalakbay rin na pabalik sa loob ng Novia. Ilang minuto rin nanatiling nakatayo si Kurt hanggang sa mawala na sa kanyang paningin ang dalaga. "Ayos... ngayong may lakas na ulit ako siguradong hindi na makakatakas sa akin ang pasaway na matandang iyon." ani Kurt habang nag iinat ng katawan. Salamat sa tinapay na binigay ni Luna kahit papaano ay nabawi niya kahit kaunti ang nawalang lakas, naging malaking tulong na rin ang pagkain na ibinigay sa kanya ni Luna. Hahakbang na sana si Kurt upang simulan ang natigil niyang paghahanap ng biglang natigilan siya sapagkat may isang importanteng bagay siyang na sana ay ginawa niya. "Aahhh!!! bakit hindi ko naisip na sumama kay Luna pabalik ng bayan?! Wala nga palang pagkain ang makukuha sa mga puno ng gubat na to!!" napasigaw si Kurt sa kanyang kapalpakan. Isa sa maraming bagay na mahina si Kurt ay ang kanyang sense of direction kaya mas madalas siyang nawawala lalo na kapag naglalakbay siyang mag isa. "Wha... Bwisit." napasipa na lang sa lupa si Kurt sa nangyari sapagkat wala na siyang magagawa kundi hanapin ang daan pabalik nang siya lang mag isa. ********************************************************************************* Samantala, lingid pa rin sa kaalaman ni Luna ay patuloy lang ang pagma manman sa kanya ng dalawang lalakeng nakamaskara na sina Arkan at Allak. "Sa pagbalik niya sa loob ng bayan ay gagawin na natin ang plano... Malaking tulong talaga ang pagiging miyembro natin ng Masquerade sa mga ganitong bagay." hindi mapigilan ni Arkan ang pananabik sa kanyang tinig habang nakasunod sila kay Luna sa paglalakad nito pabalik ng Novia. ★★★★★ITUTULOY★★★★★
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
kjugjij hihh
16/10/2024
0Fave ko to sa watty dati eh🥰🥰🥰
16/08/2023
0So nice
06/08/2023
0Tingnan Lahat