TPC 45

“Di nga? Talaga?”
Inilabas nito ang papel. “Malakas ka sa akin.”
“Salamat talaga!” At yumakap sa baywang nito. Kahit paano ay nabawasan ang kaba niya. “Iyon nga ang pinoproblema ko mula nang makita ko ‘yung invitation. Baka mamaya di ko alam pangalan ng pagkain.”
Tinapik nito ang ibabaw ng ulo niya. “Let’s go. Time to explore the museum.”
“Sasama ka?” tanong niya.
“Oo. Masakit ang ulo ni Mama. Kaya sabi niya ako na lang ang mag-guide sa iyo sa museum.”
“Ah! Sayang naman di pwede si Tita. Gusto ko pa mandin makita niya kung ayos lang ang lakad ko sa mataas na takong,” aniya at niyuko ang sapatos.
Hinawakan nito ang baba niya at inangat. “Wala ka bang tiwala sa akin? Favorite place ko ang museum. Kung boring iyon sa iba, sa akin hindi. Kaya nga sa akin ka ipinagkatiwala ni Mama.”
“Wala kaya akong sinasabi. Sana gumaling na si Tita.”
Ayaw niyang ipahalata dito na excited siyang ito ang makakasama niya sa museum. Date na naman at siguradong solo na niya ito. Di sa nagdiriwang siya na masosolo niya ang binata habang may sakit ang nanay nito. Di naman siya ganoon kasama. Di niya kailangang maging masyadong seryoso di gaya kapag nasa paligid si Graziella. Istrikta kasi ito at minsan ay di siya makahinga.
“Let’s go. Ire-review pa natin itong menu habang biyahe,” wika ng lalaki.
“Mag-enjoy kayong dalawa,” anang si Manang at may nanunuksong ngiti sa labi nang kawayan sila. “Ingatan mo ang prinsesa namin.”
“Pagbalik po namin kakausapin na niya kayo ng French.”
Napakamot si Manang Soling. “Nakupo! Di na kami magkakaintindihan.”
“Malabo yata na matuto ako ng French. Nakakadugo ng ilong ang mga ito,” usal ni Abegail matapos nilang pag-usapan ang ang menu sa party. Nagkapili-pilipit lang ang dila niya. “Parang sinasadya talaga na pahirapan ako nang gawin ang menu na ito. Katulad nitong petit four.”
“Peti fur ang pagkaka-pronounce diyan.”
“Pwede naman small cake lang o kaya cute cake o cookies. Tapos itong foie gras pwede namang atay na lang bibe. Ang pagbasa ay “fra gra?” Di talaga ako pupunta ng Paris kung ganyan. Maaksaya sila sa letra.”
Magaan nitong pinitik ang noo niya. “Stop complaining.”
“Mabuti pa ‘yung adobo, menudo at dinuguan madali lang I-pronounce. Di pa pinapahirapan ang buhay ko.”
“Look. Oras na maipasa mo ito, iti-treat kita. Lahat ng street food na gusto mo, kakainin natin.”
“Pati isaw at adidas?” tanong niya.
Kumunot ang noo nito. “Sapatos? Kumakain kayo ng sapatos?”
“He! Paa ng manok ‘yon. Iyon lang di mo pa alam.”
“E sa di ko alam. Kinakain pala ang paa ng manok,” anang lalaki.
“Oo naman. Sabi nga ng teacher ko kahit sa Korea kinakain iyon. Mahal pa nga. Patitikimin kita no’n. Saka atay ng manok, bituka at balunbalunan ng manok, dugo ng manok o kaya baboy.” Pinagkiskis niya ang palad. “Nakaka-miss na ‘yung pagkain sa ihawan sa kanto.”
“Nami-miss mo talaga ang buhay mo sa Looban?”
“Siyempre naman. Doon ako ipinanganak at doon ako tumanda. Mahirap ang buhay doon pero mas simple. Pati pagkain simple lang. Di mapipilipit ang dila mo. Di naman sa inggrata ako kasi alam ko na maraming nangangarap na mapunta sa kinalalagyan ko ngayon. Di pala ganoon kadaling maging mayaman.”
Tipid na ngumiti ang binata. “Masasanay ka rin. Lahat ng bagay napag-aaralan. Basta huwag mo akong tutulugan sa National Museum. Malapit na tayo.”
Emosyonal si Abegail habang nakatayo sa harap ng gusali ng National Museum. “Ang ganda! Sa wakas makakapasok na ako ng National Museum.”
“Di ka pa nakakapasok diyan?” gulat na tanong ni Roumel.
Malungkot siyang umiling. “Hindi. May bayad kasi ‘yan dati. Tapos nang mag-tour ang school namin diyan noong isang taon, di naman ako nakasama dahil walang pera. Sabi pa nga ni Tiyang pangmayaman lang ang museum.”
“Silly. The museum is for everyone. Libre na ang mga national ngayon. I am glad you like this place.”
“Siyempre marami akong matututunan. Di ‘yung sa libro ko lang babasahin ang tungkol sa history. Iba pa rin na makikita mo ang ebidensiya.” Sinapo niya ang pisngi. “Spoliarium ni Juan Luna! Ang ganda!” tili niya dahilan para magtinginan sa kanya ang mga tao. Natutop niya ang bibig. “Sorry. Excited lang ako. Iba pala kapag nakikita mo sa libro at sa internet. Iba rin sa personal. Minus sosyal points ba ‘yung pagtili ko kanina?”
“No. Masaya ako kasi mukhang mag-e-enjoy ka sa pagbisita dito. Hindi hilig ni Aiona ang museum. She finds it boring. For her, history is also boring so is Science. Interesado lang siya sa Science kapag may kinalaman sa beauty and diet.”
Ngumuso siya. “Akala ko ba dapat maraming alam sa iba’t ibang bagay katulad ng History, Science, Economics at pati showbiz? Bakit siya okay lang na hindi?”
Huminga ng malalim si Roumel. “Ikaw ang tine-test dito. Aiona was born a Malvarosa. Hindi niya problema iyon.”
“Oo nga naman. Ako lang naman pala ang may kailangang patunayan. Tara! Simulan na natin ang tour.” At kumapit siya sa braso ng binata.

Komento sa Aklat (41)

  • avatar
    Angeline Vlog

    nice good ❤️❤️❤️

    20/09/2024

      0
  • avatar
    Del AlfredoRey

    viva

    08/09/2024

      0
  • avatar
    Rejie Kho Baquiran

    qiqikqshjsjsjhshshsvsvjsksoosksnjsisnsvjsksbsjjsvsjskosoksjsjjsjsjkskskkskisosooso

    16/08/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata