"May sakit po talaga siya. Malaki po ang binabayaran sa dialysis niya. Simpleng construction worker lang ang kapatid ko pero di sapat ang kita niya. Wala namang ibang makakatulong sa amin kundi Kuya Andong lang. Mahirap din naman kayo. Sana po maintindihan ninyo ako." "Di namin kinailangang magnakaw. Nagsikap kami. Akala mo ba ganoon kadali iyon? E kung namatay ang pamangkin ko?" anang tiyahin niya. “Miss, makakaalis ka na. Wala kang aasahan sa amin,” anang si Marcel. Mabigat ang dibdib ni Abegail nang bumalik sa kama. Humiga siya, nanlalambot. Apektado siya sa narinig. Paano kung totoo na may sakit ang nanay ni Andong kaya napilitan nga itong magnakaw? Kung tuluyang lumala ang kondisyon ng nanay nito, pakiramdam niya ay di siya patatahimikin ng konsensiya niya. “Abby, ayos lang ba ang pakiramdam mo?” tanong ng tiyahin niya. “Mukhang matamlay ka na.” “May masakit ba sa iyo?” tanong ni Sir Marcel. “May sakit po pala ang nanay ni Andong kaya napilitan siyang magnakaw,” sabi niya. Tagalooban din si Andong pero sa ibang eskinita at malayo sa kanila. “Naku! Huwag mong sabihing naaawa ka sa pamilya nila? Baka drama-dramahan lang iyon para palayain ang kawatan na iyon,” anang si Tiya Carol. ”Di ko talaga iuurong ang kaso.” “Ayoko rin na iurong ang kaso. Kailangang pagbayaran ni Andong ang pagnanakaw niya at ang pananakit po niya sa akin. Pero baka naman po pwedeng tulungan ang nanay niya kung totong may sakit.” Bumaling siya kay Marcel. “Sir, kung pwede ‘yung nanay na lang po ni Andong ang tulungan ninyo. Alam ko po na may kasalanan siya pero wala naman pong kasalanan ang nanay niya. Baka po kailangan lang talaga niya ng pampagamot.” “Gusto mong tulungan ang pamilya ng taong muntik nang pumatay sa iyo?” di makapaniwalang usal nito. “Tama naman po ang kapatid ni Andong. Pareho lang kaming mahirap. Paano kung nagkapalit kami ng sitwasyon? Hindi ko po alam kung ano ang handa kong gawin para sa mahal ko sa buhay. Kung may pera lang po ako, di ako mag-aatubiling tumulong kahit pa di maganda ang ang ginawa sa akin. Kung nabubuhay po si Nanay, alam ko po na iyon pa rin ang gagawin niya.” Nagluha ang mga mata ni Sir Marcel at ngumiti. “You are really your mother’s daughter. Mabait ka rin gaya niya. Don’t worry. I will see what I can do to help them out. Sa ngayon, kailangan mo nang umuwi.” Nang lingunin niya si Roumel ay nakangiti itong nag-thumbs up ito sa kanya. Pakiramdam niya ay may bago siyang kakampi dito. “TOTOO ba na anak ka ng milyonaryo? Totoo ba na sa malaking bahay ka na titira at aalis ka na dito sa atin? Lilipat ka na rin daw ng eskwelahan?” sunud-sunod na tanong ni Dado. Pupungas-pungas pa na pumunta ng tindahan si Abegail para bumili ng itlog at noodles para sa agahan nila. Tulog pa ang pinsang si Maria Judie kaya naman siya muna ang pumunta ng tindahan. Pagkakataon na rin niya iyon para makalabas ng bahay. Mula nang dumating siya mula sa ospital, di na siya makalabas ng bahay. Kailangan daw niyang mag-focus sa pagpapagaling niya. Kaya nagulat na lang siya sa mga tanong ni Dado na nagwawalis sa labas ng tindahan. “Sino naman ang nagsabi sa iyo na anak ako ng milyonaryo?” tanong niya. “Usap-usapan ng kapitbahay na ‘yung lalaki daw na dalaw nang dalaw sa inyo tatay mo daw iyon. Tapos ‘yung lalaki na kasama niya kapatid mo daw.” “Oy, hindi ha? Inaanak lang ni Sir Marcel ‘yung si Roumel. Ibig sabihin hindi kami magkamag-anak,” aniya at di maiwasang ngumiti. Bumagsak ang balikat ni Dado. “Makakaribal ko pa yata siya. May crush ka siguro sa tisoy na iyon. Dahil ba mayaman siya?” “Crush?” tanong niya. Crush ba niya si Roumel? Di niya alam pero gusto niya ito dahil inalagaan siya nito. Sinuway pa nito ang magulang nito para mabantayan lang siya. Di naman siya sang-ayon na tumakas ito sa bahay para lang magpakita sa kanya pero ibig sabihin ay pinahahalagahan siya nito. Samantalang si Aiona na ipinadala daw sa nanay nito sa Dumaguete, ni text ng pangungumusta ay wala. Samantalang hiningi nito ang numero niya sa ospital at tatawagan daw siya. Mas gusto lang niya ang ugali ni Roumel kaysa sa babae. Ni hindi ito natakot sumama nang ihatid siya sa Looban at wala ring panghuhusga sa mga mata nito nang makita ang barong-barong nila. Wala itong arte. Kaya malaking bagay iyon para sa kanya. Lalong nanamlay si Dado. “Akala ko masakit nang malaman na anak ka ng mayaman. Mas masakit pala na may iba kang gusto at hindi ako.” “Ang drama mo! Di naman ako magugustuhan no’n.” Hindi naman ako hopia na magugustuhan ako ng tulad ni Rooumel.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
nice good ❤️❤️❤️
20/09/2024
0viva
08/09/2024
0qiqikqshjsjsjhshshsvsvjsksoosksnjsisnsvjsksbsjjsvsjskosoksjsjjsjsjkskskkskisosooso
16/08/2024
0Tingnan Lahat