May kakaibang nararamdaman

“NAKAKALOKA! Sa Valle dela Luna Rojo ka magre-research. Balita ko sobrang exclusive ng village resort na iyon at di ka basta-basta makakapasok. Tapos ‘di mo man lang kami isinama,” nakabusangot na reklamo ni Chea habang nagkakape sila. Nasa cafe sila na di kalayuan sa office building nila Enricus.
“Kasa-kasama ka lang namin sa bar tapos biglang-bigla ka na lang di mahagilap. Basta ka na lang umuwi.”
“Anong nangyari doon sa mga lalaking kasama ninyo?” tanong niya.
Nagtatakang nagkatinginan ang dalawa at saka tumingin sa kanya. “Sinong lalaking kasama namin?” ani Rachel.
Nagpapalit-palit ang tingin ni Jermaine sa dalawa. “D-Di ba isinama ninyo ako sa bar kasi inimbitahan ka ni Kenneth?”
“Sinong Kenneth?” tanong ni Rachel na natigilan sa paghigop ng kape.
Tinampal ni Chea ang braso niya. "Wala naman tayong kasama. Ano ka ba? Lasing ka ba no'n o imahinasyon mo lang? Wala namang guwapo kasi sa bar."
"Kung meron man, guwapo rin ang bet. Kaya nga umuwi ka na agad, 'di ba? Kasi wala namang kafafahan sa club,” ani Rachel at kumain ng cake niya. “Hay naku! Ewan ko kung paano pa ako magkaka-love life. Mas mabuti pa sigurong mag-alaga na lang ako ng pusa.”
Tahimik lang siyang nakikinig sa litanya ng mga kaibigan niya. Nabura ba ang memorya ng mga ito? Paano kung umbra pala ang dalawang lalaking kasama ng mga ito? Nakagat din kaya ng mga umbra ang kaibigan?
Tiningnan niya ang leeg ng mga ito, naghahanap ng senyales kung nakagat ang mga ito. Pero isang linggo na ang lumipas kaya di niya malalaman. "Nang magising ba kayo kinabukasan after mag-bar, nanghihina ba kayo?"
"Siyempre nakainom kami. Nakakapanghina talaga,” ani Chea at sumubo ng fettucini alfredo.
"Di n'yo ba napansin na parang may kumagat sa leeg ninyo?"
"Hay naku! Ano ka ba? Feeling mo ba kinagat kami ng bampira? Akala ko naman naka-move on ka na sa vampire novel mo at kay Enricus Monsalvo. Naku ha? Baka mamaya kami na naman ang pinag-iinitan mong gawan ng kwento. Maniningil talaga ako ng appearance fee.” Tinapik ni Rachel ang ilalim ng baba. “May bayad ang ganda ko.”
"Hindi naman ito tungkol kay Enricus.” Ipinilig niya ang ulo. Baka mas lalong magtaka ang mga kaibigan niya kapag ipinagpatuloy anng usapan. “Never mind. Basta masaya lang ako na okay lang kayo."
"Ang weird mo talaga.” Nangalumbaba si Chea. “Baka naman pwedeng magreto ka na lang sa amin ng guwapo na makikilala mo sa Valle. Siguro naman jackpot na kami doon.”
"Oo na. Kapag may pumatol na sa akin."
Nakikipagtawanan siya pero alisto din siya. Paano kung nakagat na rin ng mga umbra ang mga kaibigan niya? Paano kung umbra na rin ang mga ito? Posible kaya? O kaya ay may mga umbra na rin sa paligid nila at wala silang kamalay-malay. Baka nag-abang lang ang mga ito ng pagkakataong sumalakay.
Kampante naman siya dahil may mga bantay sa paligid niya. Nasa cafe lang din si Rafflesia na nakaupo lang sa kabilang mesa at nagla-laptop habang umiinom ng fruit tea. Nasa paligid lang din si Nitro na nasa isa pang mesa di kalayuan sa kanya at nagpapanggap na may kausap sa cellphone.
Sana lang talaga hanggang pagbura lang ng memorya ang ginawa sa mga ito. Di sana kinontrol ang utak ng mga kaibigan niya. Parang mababaliw na siya sa kaiisip.
"Siyanga pala, balita ng isang reader sa amin nabaliw na daw nang tuluyan si Novah,” pag-iiba ni Chea sa usapan.
Kumunot ang noo ni Jermaine. "Ano ang nangyari?"
"Dinalaw ng isang admin niya na loyal sa kanya. Kasi nga wala nang contact sa kanya. May bali-balita pa daw na hindi na lumalabas ng bahay at minsan 'di na naliligo. Tapos nang puntahan niya, ayun mukha nang nasisiraan ng bait. Gulo-gulo daw ang buhok, nakalimutan nang mag-ayos at bukambibig lagi ang bestfriend niya na matagal nang patay. Nakikita daw niya at nakakausap,” kwento ng kaibigan.
Nagimbal siya. "Talaga ba?"
"Ayun! Nang sabihin na baka kailangan magpatingin sa espesyalista dahil patay na nga ang bestfriend niya, sinugod 'yung admin at ipapapatay daw siya sa bestfriend niya para mapatunayang buhay pa. Isusunod daw sa iyo."
Nasapo ni Jermaine ang dibdib, malaka ang kaba niya. "Ano? Ipapapatay ako?"
"Oo. Iyon daw ang pangako ng bestfriend niyang si Gene. Ipaghihiganti daw siya sa pang-aapi mo sa kanya."
Natigagal siya sa kwento ng kaibigan. Kung alam lang ng mga ito na totoo ang sinabi ni Novah.
Hinaplos ni Rachel ang sariling braso. "Juskoh! Nakakapangilabot. Minulto ka ba recently, Je?"
Umiling siya. "Hindi. Wala. Nagdadasal ako lagi.” Iyon na lang ang sandata niya laban sa mga umbra. At nagpapasalamat siya na nariyan si Enricus at ang mga kasamahan nito para iligtas siya. Ang mga ito ang anghel niya. Pero kung minalas-malas siya, baka ‘di na sila magkita-kitang magkakaibigan. Siya talaga ang puntirya ng umbrang si Gene. “Kayo ba may nararamdamang kakaiba nitong nagdaang araw? ‘Yung parang may nakasunod sa inyo."
Umiling si Chea. “Wag mo kaming idamay diyan. Ikaw lang ang binanggit na nang-agrabiyado si Novah. Pero mabuti na rin na nasa Valle ka at malayo sa babaeng iyon. Baka mamaya kasi basta ka na lang abangan at saksakin. Mahirap na. Mas nakakatakot siya kaysa sa multo."
Hati ang nararamdaman ni Jermaine habang kausap ang mga kaibigan. Kung alam lang ng mga ito ang pinagdaanan niya nang nakaraang mga araw, baka mas mabaliw din ang mga ito. Nakakapanlumo rin na malaman na may taong gustong magpapatay sa kanya. Ganoon na ba kasama ang ginawa niya kay Novah para gustuhin nito na mawala siya sa mundo?
"Natahimik ka yata. Kumusta ang pakikipagkita mo sa mga kaibigan mo?" tanong ni Enricus habang bumibiyahe sila palayo sa cafe. Sinundo siya nito pag-alis ng mga kaibigan. Nasa sasakyan na ni Nitro si Rafflesia dahil moment daw ng mga ito. Nakasunod lang ang sasakyan ng mga ito sa likuran niya.
“Sabi ng mga kaibigan ko, parang masisiraan na daw ng bait si Novah.”
“Yung writer na may koneksyon sa umbra?” tanong ng lalaki.
Tumango siya. “Dinalaw daw siya ng isang admin dahil nag-aalala sa kalagayan niya. Nakarating na yata sa kanila na ‘di siya na lumalabas ng kuwarto si Novah at di na rin niya naasikaso ang sarili niya. Nakikita nga daw niya 'yung kaibigan na si Gene. Nang pagmalasakitan siya ng admin at sinabing magpatingin sa doktor dahil matagal nang patay 'yung kaibigan, nagalit si Novah at sinabi na susunod daw sa akin na ipapatay 'yung admin para patunayan na buhay pa nga si Gene. Ipinagmalaki pa niya na igaganti ako ni Gene para sa kanya. Alam ni Novah na papatayin ako ni Gene. Alam niya.”

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    VirtuzCarlo

    romantic 😍

    6d

      0
  • avatar
    ErislmaAndria

    nice

    17/01/2025

      0
  • avatar
    Silva dos santosJade

    🫠🫠🫠

    14/10/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata