Sumapi ka ba sa kulto?

“Ako po si Enricus Monsalvo,” pagpapakilala ng binata at nagmano rin ito sa ama niya. Bakas ang pagkamangha sa mukha ng matandang lalaki. Huling beses kasi na may nagmano ditong estranghero ay nang pumunta sa bahay nila ang sumakabilang-bahay na ex-boyfriend ng kapatid niya at sinabing buntis ang kapatid niya. Inabutan ito ng kahon ng cake ni Enricus. "Para po sa inyo."
“S-Salamat,” anang ama niya na maraming tanong sa mukha nang kunin ang cake. “Mabuti naman at napadalaw kayo sa amin. Di man lang nagsabi si Jermaine nang aine na may dadating siyang bisita.”
“Maghahanda muna ako ng miryenda ninyo. Pasensiya na kayo kung medyo magulo pa dito sa bahay. Maupo muna kayo,” sabi ng nanay niya at pumasok sa kusina.
"Ano ba ito? Boyfriend ka ba ng anak namin? Mamamanhikan ka na ba?" walang kakurap-kurap na tanong ng ina kay Enricus habang nagmimiryenda sila.
Eto na nga ba ang sinasabi ko, magkakapikutan na. "Nanay, nakakahiya po. Bakit naman kayo ganyan?" bulong ni Jermaine sa ina.
"Anong gusto mong isipin namin? Umuwi ka dito nang umaatungal samantalang isang linggo kang basta na lang nawala. Di mo masabi kung bakit ka umiiyak. Tapos may kasama kang guwapo na basta na lang nagmano sa amin tatay mo.” Namaywang ang nanay niya. “Aba! Akala ko boyfriend mo. May kasamang pinsan at may dala pang pagkain. Ipagpapaalam ka daw. E di naisip ko baka hihingin na ang kamay mo sa amin. Aba'y sumige ka na. Bilis-bilisan mo nang mag-asawa."
"Nanay, advance kayo mag-isip. Di po ganoon. Umiiyak po ako dahil na-miss ko kayo,” aniya at yumakap sa baywang ng ina.
"Bakit nga nagmano sa amin?"
"Tinuruan po kaming gumalang sa nakatatanda. Kahit po saang bahay at bisita kami, nagbibigay-galang po kami sa nakatatanda. Iyon lang po,” malumanay na paliwanag ni Enricus habang nakangiti.
"Wala talaga kayong relasyon ng anak n'yo?" tanong ng ama niya na may halong pag-asam.
Umiling ang binata. "Wala po."
"Aba'y bakit wala? Mabait naman itong anak namin, masipag at talentado pa. Masarap magluto ng instant pancit canton iyan. Expertise niya iyon kapag mag-isa lang siya sa bahay at walang magluluto para sa kanya," pagmamalaki pa ng ama
Lupa, eat me, please. Grabeng kahihiyan ito.
“Hindi na po kailangang magluto ni Jermaine. Ayoko po siyang nahihirapan siya,” ani Enricus at nilingon siya. He looked like a love struck teenager.
“How sweet,” komento ni Rafflesia. “Mas sweet pa dito sa cake.”
“Pssst!" At minulagatan niya ng mata si Enricus. Parang nananadya pa ang binata na mag-comment na parang may espesyal itong nararamdaman sa kanya. Hirap na hirap na nga siya na huwag isipin ng mga magulang niya na huwag magkaroon ng malisya.
"Anak, di naman namin mamasamain kung may boyfriend ka o gusto mo nang magpakasal. Nasa edad ka naman na. May maayos ka nang trabaho. May patanim naman kaming palay ng nanay mo sa probinsiya. Hindi mo na kami kailangang alagaan,” sabi naman ng ama niya. “Kaya kung iyon ang ipagpapaalam ninyo, ‘di kami tututol ng nanay mo. Mukha namang aalagaan ka ni Enricus. Binata pa ba siya?”
“Binatang-binata pa po!” bibong-bibong sagot ni Rafflesia. “At may-ari po siya ng isang kompanya. Naku! ‘Di po niyan ginugutom si Miss Jermaine. Maganda pa po ang lahi kaya po wala kayong hahanapan pa.”
“At magalang pa,” dugtong ng ina niyang si Aling Dolores. “Pwedeng-pwede na iyan.”
Tumikhim si Enricus. “Ako ang nag-a-assist kay Jermaine sa interview at research. Matatagalan po siya sa amin sa pagkakataong ito kaya po sumama kami ni Rafflesia para po tiyakin na ligtas siya at poprotektahan namin siya kahit anong mangyari.” Inilabas nito ang tarheta mula sa wallet at inabot sa ama niya. “Heto po ang contact number ko. Pwede po ninyo akong puntahan sa opisina ko at kung gusto ninyong madalaw si Jermaine, pwede po nila akong tawagan.”
“Maraming salamat. Kampante kami na nasa mabuting kamay ang anak namin,” anang nanay niya. “Kumain ka pa. Dito ba kayo manananghalian?”
Nagkatinginan ang dalawa. Naalala niya na may allergy ang mga ito sa pagkain ng tao. “Nanay, gulay lang po siguro at hindi pwede ng kape…”
“Paborito ko ang kape,” protesta ni Enricus.
“Bawal nga sa iyo. Ang kulit,” saway niya Jermaine dito. “Magtubig ka na lang.”
Bumagsak ang balikat ng binata. “Sige na nga.”
“Bakit ka naman ganyan sa bisita natin? Bakit mo sinusungitan?” sermon ni Aling Dolores habang tinutulungan niya itong magluto. Naiwan naman sa sala sina Enricus at Rafflesia kasama ang ama niya. “Paano ka magugustuhan ng lalaki kung masungit ka?”
“Naku, Nanay! Kapag po uminom ng kape si Enricus, inaatake siya ng ulcer at akala mo mamamatay na siya. Dati nga po noong nagkita kami sa cafe at inatake siya ng ulcer…”
“Tama nga ako. Dati mo pa siyang kakilala. Siya ‘yung bampira sa cover ng nobela mo,” nakataas ang kilay na sabi ng ina. “Siya ‘yung Enricus sa kwento.”
“Wala pong personalan, Nay. Trabaho lang talaga. Okay lang po ba kayo dito habang wala ako?” tanong ni Jermaine. “Wala po ba kayong napapansin na kakaiba o baka may bagong mukha?”
“Wala naman. Nangumusta lang ang mga kaibigan mo kasi ‘di ka daw sumasagot sa tawag nila. Akala nga nagtanan ka na. Hindi mo naman kasi nabanggit sa akin na may research ka. Tapos may kasama ka daw lalaki…”
“Biglaan lang po. Late na po ako nakapagpaalam. Pero ligtas naman po ako at mababait sila sa akin.” Ginagap niya ang kamay ng ina. “Basta Nanay, kapag po may napansin kayong kakaiba kahit na feeling ninyo may aswang sa bubong natin o may aali-aligid dito na sobrang guwapong o gandang tao, mag-iingat po kayo.”
Nagsalubong ang kilay nito. “Ano ba? Kinakabahan naman ako sa iyo, anak. May dapat ba akong malaman? Sumapi ka na ba sa kulto?”
Ipinilig niya ang ulo. Kung pwede lang sabihin niya sa ina na totoong may mga bampira o sanguis at kasama niya ang dalawa sa mga ito. Niyakap niya ito nang mahigpit. “Basta po sisikapin kong makauwi agad. Uuwi ako agad sa inyo, Nanay.”
“’Di naman kami nagmamadali na umuwi ka. Ayos nga iyan na nakakasagap ka ng sariwang hangin at nakakalayo ka dito sa bahay. Baka naman sa wakas magka-boyfriend ka na. Ayaw din namin na tumanda kang mag-isa.”
“Huwag po ninyo akong alalahanin, Nanay. Dadating din tayo diyan. Huwag na lang po ninyo akong itukso kay Enricus.” Basta huwag lang kokontra sa pakikipag-date niya si Enricus at magkaka-love life din siya sa wakas.

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    VirtuzCarlo

    romantic 😍

    11d

      0
  • avatar
    ErislmaAndria

    nice

    17/01/2025

      0
  • avatar
    Silva dos santosJade

    🫠🫠🫠

    14/10/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata