logo text

Job description: Girlfriend

Subalit di na nakinig pa si Marvin at isinara ang pinto. Narinig niya ang click ng lock. Nanlaki ang mata ni Cameron at dali-daling binuksan ang pinto subalit ayaw nang bumukas. “Marvin, pakawalan mo kami dito.”
May nag-text sa kanya. Text galing kay Marvin. “After one hour pa daw siya babalik kapag tapos na ang massage mo. So magpapamasahe ka ba o kakausapin mo ako?”
“Wala. Dahil matutulog ako. Kung anumang pagsasabwatan ang ginawa ninyo ni Marvin, wala rin kayong mapapala sa akin,” anito at ibinagsak ang sarili sa kama. “Kung wala kang gagawin sa loob ng isang oras, feel free to feast your eyes on my body. Para naman hindi ka masyadong mainip.”
Ang tindi talaga ng angas nito. Kung ganoon ay alam niyang pinagnanasaan nga niya ito. Kampanteng-kampante naman ito na tutulo ang laway niya sa kamachohan nito. Saka na niya ito pag-iinteresan. May mas importante silang kailangang pag-usapan.
“Mamaya na kita pagnanasaan. Ipaliwanag mo muna sa akin ang tungkol dito.” Inilabas niya ang folder at itinapat sa mukha nito. “Bakit binigyan mo ako ng scholarship?”
Dumapa ito. “Oh, that! Marami naman akong di kakilala pero nakakakuha ng scholarship. You are not that special.”
Inilapag niya ang folder sa kama. “Hindi ko ‘to kailangan. Kaya kong pag-aralin ang sarili ko. may trabaho na ako.”
Bumangon ito. “Take it. You will be a great teacher. Mas mabilis kang makakatapos ng pag-aaral kung gagamitin mo ‘yan. Saka bakit ba sinabi ni Mitos na ako ang nagbigay niyan? Ang bilin ko sa kanya huwag sabihin sa iyo. Ano bang pumasok sa isip ng boyfriend mo?”
“Hindi ko boyfriend si Mitos. Hindi mo ba alam na sabay silang pupunta ng Bahamas ng pinsan mo next week?”
“Si Shei? Paano ka? Hindi ba boyfriend mo na siya…”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko siya pwedeng maging boyfriend kung iba naman ang mahal ko. Ikaw.”
“Bakit ako? Hindi ba si Mitos ang mahal mo?”
“Ikaw na nga ang mahal ko kasi mas maganda ang katawan mo at mas mayaman ka sa kanya. Masaya ka na ba sa sagot ko?”
Umiling ito. “Hindi ako naniniwalang habol mo ang kayamanan ko. You have too much pride to be a gold digger.” Ngumiti ito at hinapit ang baywang niya. Bumagsak siya padapa sa katawan nito. “But I’d believe that you have designs for my delectable body. At nandito ka para pagsamantalahan ako, di ba?”
Nanlaki ang mata niya. “Paano mo nalaman? I mean… hindi kita pagsasamantalahan. Saka hindi lang katawan mo habol ko…”
Nagkalabo-labo na ang isip niya lalo na nang hagkan siya nito. Nakalimutan na niya kung anong pinag-uusapan nila. Kung ano ang dapat niyang itanong dito. Ni di nga niya alam kung para saan ang halik na iyon. wala siyang pakialam kung pinaglalaruan lang siya ni Cameron o ginagantihan siya. Basta mahal niya ang lalaking iyon. Kahit na saktan siya nito ay tatanggapin niya. Ang importante ay makasama ulit niya ito at maramdaman ang yakap at halik nito. Mas gusto niya iyon kaysa umiyak gabi-gabi tuwing naiisip ito.
“I love you, Lovellia Andrada,” bulong nito at hinalikan ang dulo ng ilong niya.
“Totoo ‘yan? Hindi joke?” Pinigilan niya ng daliri ang labi nito. “Huwag mo nang sagutin.” Wala siyang pakialam kung totoo iyon o hindi. Ang importante sa kanya ay kasama niya ito at narinig niyang mahal siya nito.
Naging seryoso ito at inalis ang daliri niya sa labi nito. “Mahal kita kahit na mahal mo si Mitos. Kahit na hindi totoong mahal mo ako. Hindi naman kita aagawin kay Mitos kaya ibinigay ko iyan. Gusto ko lang matupad mo ang pangarap mo.”
Bumangon siya at tinitigan ito. Mukhang seryoso naman ito. Hindi kaya nadadala lang ito ng sakit nito?
“Pero hindi ba galit ka sa akin dahil manloloko ako?”
“Maybe you lied a little. Pero hindi mo pwedeng pasinungalingan na gusto mong maging teacher. Magiging magaling kang teacher. Tiyak na maraming bata ang matutututo at maaabot ang pangarap nila para sa iyo. Kahit di mo ako mahal, masaya na ako kapag natupad mo ang pangarap mo.”
Niyakap niya ito. “Mahal mo nga ako. Mahal mo talaga ako, di ba? Kahit hindi mo ako bulag mahal mo ako.”
Tumawa ito at mas hinigpitan ang yakap sa kanya. “Walang kinalaman dito kung bulag ka o hindi. You are a strong and spectacular woman. You deserve to be loved. Kundi kita nakilala, baka hanggang ngayon di pa rin ako masaya. Hindi pa rin ako nakakaramdam ng pagmamahal. I miss you.”
Idinikit niya ang noo sa noo nito. “Miss din kita. Natatakot din akong sabihin dati na nakakakita ako kasi baka mawala ka sa tabi ko. Pagod na ako minsan na magmahal. Kasi iyong mga minamahal ko iniiwan ako. Pero hindi mo ako iniwan. Hindi mo ako kilala pero ipinaramdam mo sa akin na di ako nag-iisa. Kaya nang iwan mo ako, pakiramdam ko wala na sa dibdib ko ang puso ko.”
“Hindi na ako mawawala sa tabi mo ngayon. Gusto ko nandito ako kapag tinupad mo ang mga pangarap mo. At gusto ko nandito ka lang para pangitiin ako.”
Pinisil niya ang pisngi nito. “Nasaan na pala ang smile mo? Nami-miss ko ‘yan. Nang mga panahong wala na akong pag-asa, ngiti mo lang ang bumubuhay ng pag-asa ko. Hindi na kita pakakawalan. You are my eyes and you are my light.”
Akmang hahalikan siya nito nang tumigil ito. “Sandali lang.” Kinapa nito ang cellphone at tinawagan si Marvin. “Bumalik ka after two hours. At kapag inalis mo ang lock, iwan mo na rin sa pinto ang dinner namin. Take a vacation. Ipapadala ko ang bonus mo bukas.”
“Anong gagawin natin sa loob ng dalawang oras?” nagtataka niyang tanong.
“We’ll make up for the lost time,” sabi nito at magaan siyang hinagkan.
“Sir, hindi po iyan kasama sa job description ko bilang masseure.”
“Okay lang iyan. Kasama iyan sa job description mo bilang girlfriend ko.”

Komento sa Aklat (60)

  • avatar
    Liling

    super ganda ❤️🥰❤️

    12/02/2025

      0
  • avatar
    Jovelyn Cabase Aquino

    love it 😍

    16/01/2025

      0
  • avatar
    Felizardo Francisco

    good readings

    06/12/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata