logo text

Hindi madaling magsabi ng totoo

Inangat nito ang tingin. Noong una ay parang may apoy sa mga mata nito na kayang-kaya siyang sunugin. Subalit sa isang iglap ay naging malamig ang mga mata nito na mistulang yelo. “Miss Andrada, do we have business to discuss? Sana nagpa-set ka muna ng appointment. As you can see, I am busy.”
“Hindi kita masyadong aabalahin. Matagal na siguro ang ten minutes sa sasabihin ko,” wika niya.
Sumandal ito sa swivel chair at pinagsalikop ang mga palad. “Take a seat. I can give you five minutes. Do you want coffee…”
Umiling siya. “Hindi na. Salamat. Gusto kong malaman kung anong arrangement para mabayaran ko ang utang namin ng tatay ko.”
“Iyon lang ba ang inaalala mo? Bakit? Natatakot ka na mademanda?” Ngumisi ito at iwinasiwas ang kamay.
“Forget it. Hindi ko kailangan ng pera mo.”
“Pero utang pa rin namin iyon. wala naman akong planong takasan ka kaya gusto kong malaman kung anong gusto mong terms para bayaran namin. Hindi naman ako tumatalikod sa pinagkakautangan mo.”
“Itapon mo ang pera, ipamigay mo sa mahihirap, i-donate mo sa mga bata na may kapansanan o kaya mag-tour ka sa ibang bansa. Gawin mo kung anong gustong gawin mo sa pera. Basta huwag na huwag mong ibabalik sa
akin.”
“Parang sa madumi naman nanggaling ang perang ibibigay ko at ayaw mong tanggapin. Pinaghirapan ko naman iyon,” sabi niya at yumuko.
“Bakit ba pinipilit mo pang makipagkita sa akin? Inaalisan na kita ng responsibilidad sa akin. And you’d do me a great favor if you’d leave. Alam ko na mas marami ka pang gagawin kasama si Mitos.”
“Si Mitos ay…” Huminga siya nang malalim. Hindi na niya mahal si Mitos. Kaibigan na lang ang tingin niya dito. Si Cameron ang mahal niya. Si Cameron lang ang laman ng puso niya. “Kahit ano pang pagkakamali ko, gusto kong malaman mo na hindi ako masamang tao. Hindi ko naman intensiyon na lokohin ka. Ang alam ko lang kailangan kong protektahan ang sarili ko.”
Tumayo si Cameron at naglakad palapit sa kanya. “Kanino mo poprotektahan? Sa akin? Pinakitaan na kita ng maganda pero masama pa rin ako sa paningin mo?”
“Hindi ko naman sinasabing masama ka talaga. Pero sa dami ng masasamang nangyari sa akin, paano ako basta-basta magtitiwala? Nagpanggap akong bulag para protektahan ang sarili ko doon sa pinagkakautangan ni Tatay. Tapos ikaw naman nagpanggap na Mitos. Tinulungan mo nga ako pero di ko naman alam kung ano talaga ang intensiyon mo sa akin. Paano naman kita basta-basta pagkakatiwalaan? Saka malay ko ba kung pinaglalaruan mo lang ako.”
“Pinakitaan ba kita ng masama kahit minsan? Alam mo nang di ako masamang tao. Bakit hindi mo pa rin sinabi sa akin ang totoo?”
Yumuko siya. “Kasi ayokong ma-in love sa iyo. Habang bulag ako, alam ko na hindi ka magkaka-interes sa akin. Minsan kong minahal si Mitos pero kinalimutan niya ako. Ayokong may isa na namang Mitos na gumulo sa buhay ko.”
“At tawa ka siguro ng tawa nang mukha akong tanga dahil sinabi kong mahal kita.” Tumawa ito ng malakas at hinawakan ang balikat niya. saka magaang inalog. “Ano? Masaya ka ba dahil may isang lalaki kang nauto?”
“Hindi ako nakikipaglokohan sa iyo!” Iniwas niya ang tingin dito nang maramdamang naiiyak na siya. “Sa maniwala ka o sa hindi, mahal kita. Akala mo ba ganoon kadali para sa akin na tanggaping mahal kita? Kaya nga gusto kong lumayo na lang sa iyo. Pigil ka naman ng pigil sa akin. Kaya nang sabihin mo sa aking mahal mo ako, naisip ko na baka ito na ang pagkakataon ko para maging masaya. Wala ba akong karapatan na maging masaya?”
“Pero hindi mo pa rin sinabi sa akin na di ka talaga bulag.”
“Sasabihin ko rin naman kapag sinabi mo na sa akin ang totoo tungkol sa iyo,” maingat niyang wika. “Hindi naman ganoon kadaling magsabi ng totoo minsan, di ba? Sigurado ako na kahit ikaw natatakot ka ring sabihin sa akin ang totoo.”
“Love…” Inangat nito ang kamay. Napapikit siya. Akala niya ay sasaktan siya nito. Sa halip ay hinaplos nito ang pisngi niya. It was too gentle it made her want to cry. “Mahal mo ba talaga ako kahit alam mong hindi ako si Mitos?” tanong nitong may halong pagmamakaawa.
Tumango siya. “Alam ko naman na hindi ikaw si Mitos. Maraming bagay kang ginawa na hindi magagawa ni Mitos para sa akin. At na-appreciate ko ang lahat ng iyon. Pinipilit mong maging Mitos pero mas lumalabas ang totoong ikaw. Basta naramdaman ko na lang na mahal kita.”
Inilapit nito ang mukha sa kanya hanggang halos magdikit na ang labi nila. “At mahal mo pa rin ako kahit nandiyan na si Mitos?”
Lumunok siya at parang may bikig sa lalamunan niya habang halos iisa na lang ang hininga nila. Gusto niyang haplusin ang mukha ni Cameron. She missed him so much. Gusto na lang niyang umiyak at hagkan ito.
Gusto niyang tunawin na lang ang lahat ng kasinungalingan sa pagitan nila. Gusto niyang mahalin ulit nito.
“Hindi nagbabago ang nararamdaman ko kahit na nandiyan na si Mitos. Ikaw pa rin ang mahal ko.”
Nagulat siya nang naging mabalasik ang anyo nito at itinulak siya palayo. “Hindi mo kilala ang totoong ako, Love. Paano mo ako mamahalin? Dahil nalaman mong may kaya ako.”
Nasaktan siya sa tono ng pananalita nito. “Kahit kailan hindi ako tumingin sa yaman ng isang tao. Kung pera lang pala, sana noon pa ako sumama sa pinagkakautangan ni Tatay. Mayaman din naman sila. Pero hindi ako ganoong klaseng babae. Nagustuhan kita dahil alam kong mabuti kang tao. Sinabi sa akin ni Yaya Rosa ang lahat ng tungkol sa iyo.”
Nagulat ito. “Alam ni Yaya Rosa na hindi mo alam na ako talaga si Mitos.”
Tumango siya. “Alam din niya na nakakakita ako. Kundi man niya sinabi sa iyo, may sarili siyang dahilan. Huwag mo sana siyang idamay sa galit mo sa akin. Mahal ka ni Yaya Rosa.”
Mahabang sandali itong di nagsalita. Na parang iniisip pa kung ano ang dapat gawin. Kung paniniwalaan siya o hindi. “Pwede ka nang bumalik kay Mitos. I am sure hinihintay ka na niya.”
“Aalis na ako,” mahina niyang usal.
Baka iyon na ang huling beses na magkikita sila. Tiyak niyang makakalimutan rin siya ni Cameron. Maraming magagandang babae sa paligid nito tulad ni Janice Barredo. Habang wala na siyang ibang mamahalin na tulad ni Cameron. Sana ay ganoon lang din kadali ang kalimutan ito.

Komento sa Aklat (60)

  • avatar
    Liling

    super ganda ❤️🥰❤️

    12/02/2025

      0
  • avatar
    Jovelyn Cabase Aquino

    love it 😍

    16/01/2025

      0
  • avatar
    Felizardo Francisco

    good readings

    06/12/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata