Janice

“Dati mahiyain pa ‘yang mga batang ‘yan. Ngayon confident na sila. Mas magagaling pa yata silang kumanta sa akin. Hindi rin nila nakakalimutan ang mga kwento ko sa kanila. Nakakatuwa.”
Hindi maubos-ubos ang kwento ni Love pagkagaling nila ni Eron sa School for the Blind. Nasa isang restaurant sila sa Makati at maya maya pa ay susunduin na nila si Kulas para tumuloy muna sa penthouse ni Eron at doon magpapalipas ng gabi.
“Hindi ka pa ba nagugutom o napapagod man lang? Baka lumamig na ‘yang pagkain mo. Kwento ka pa rin ng kwento. Kanina daw hindi ka nananghalian,” sabi ni Eron at nilagyan ng ulam ang plato niya. “Baka magkasakit ka niyan.”
“Ako? Magkakasakit? Okay na okay nga ako. Hindi ako mapapagod na turuan ang mga bata o magkwento tungkol sa kanila. Okay na okay lang ako.”
Malayang-malaya ang pakiramdam niya. Ilang oras din kasing nawala si Eron. Nakatanggap ito ng tawag sa opisina kanina kaya iniwan siya sa eskwelahan. Naging normal ang kilos niya dahil walang matang nakamasid sa kanya. Nami-miss niya ang ginagawa niya. Kapag talaga nagtuturo siya, pakiramdam niya ay may silbi siya.
Marami kasing pwedeng matutunan ang mga bata doon. Pwedeng mag-aral ng music, braille, computer at livelihood naman gaya ng pagmamasahe para sa mga matatanda na. Buhay na buhay siya sa lugar na iyon.
“Mukhang sanay na sanay ka nang magturo sa mga bata doon,” komento ni Eron. “Gusto ko ngang isipin na teacher ka talaga.”
“Hindi ba teacher ng mga special children si Nanay? Nagturo din siya sa School for the Blind. Nag-volunteer din ako doon bago ‘yung aksidente. Kung hindi siguro namatay si Nanay at nagkautang si Tatay, tapos na ako ng Education ngayon. Siguro nga totoong teacher na ako.”
Sana talaga ay hindi pa huli para sa kanya. Mahigit dalawang taon na lang naman ang bubunuin niya sa college. Hindi madali ang magtrabaho at mag-aral, alam niya. Pero gagawin niya ang lahat para matupad ang pangarap niya. Lalo siyang na-inspire nang makita ulit ang mga bata.
“I am sure magaling kang teacher kung nakatapos ka. Ngayon pa lang magaling ka nang teacher. The children adore you,” puri nito. “Mahal na mahal ka nila kasi ipinapakita mo rin ang pagmamahal mo sa kanila. Kahit ang mga teacher doon kapamilya na ang turing mo.”
“Sila ang kumupkop sa akin nang magkaproblema si Tatay. Sila ang nagbigay sa akin ng trabaho. Kaya kung may pagkakataon, gusto kong ibalik sa kanila ang lahat ng naitulong nila sa akin. Mabubuting mga tao sila. At alam ko, marami pa silang ibang taong matutulungan. Hindi lang mga may kapansanan kundi pati mga normal na tao.”
“Gusto mo bang mag-aral ulit?” tanong nito.
“Siyempre naman! Matagal ko nang pangarap iyon.”
“You must be inspired. Sabi ni Sister Mel kanina, may isa sa mga estudyante na graduate ng School for the Blind ang naka-graduate pa ng cum laude sa UP. I am sure you can also do that. And I am willing to help.”
Tumanggi agad siya. “Huwag na. Marami kang naitulong sa akin. Sobra-sobra na iyon. Hindi ko nga alam kung paano pa babayaran ang utang namin ni Tatay sa iyo.”
“Malaki ang naitulong mo para maabot ko ang pangarap ko, di ba? Bakit hindi ko gagawin iyon para sa iyo? Pabayaan mo na ako na tulungan ka sa pag-aaral mo. There’s nothing we can do about your eyes. Pero may magagawa naman ako para mmakatapos ka at maging teacher. Will you please let me help you out?”
“Pag-iisipan ko,” wika niya at saka lang kumain.
Hindi niya matatanggap ang tulong nito. Wala naman itong utang na loob sa kanya. Si Mitos ang tinulungan nila at hindi ito.
Nasaan na ba kasi si Mitos? Hanggang kailan magpapanggap si Eron? Paano niya malalaman ang nangyari sa tunay na Mitos? O may balak pa bang magpakita ang dating kasintahan niya sa kanya?
Kapag nagpakita na ulit si Mitos, ibig sabihin ay tuluyan nang mawawala si Eron sa buhay niya. Bakit parang ayaw niyang mangyari iyon?
“PWEDE na ba ang one hundred na walking stick para ipamigay? O dapat two hundred?” kaswal na tanong ni Cameron kay Love habang namimili sila ng mga kagamitan para sa mga estudyante ng Resources for the Blind.
Gulat na gulat ito. “One hundred? Two hundred? Sobrang dami naman.”
“Kaunti pa ‘yan. Sabi ni Bham at Sister Mel, marami pang tao ang walang magamit. Malaking tulong sa kanila ang walking stick. I also want to buy some Braille books. Mukhang mahilig sa kwento ang mga alaga mo.”
Kumapit ito sa braso niya. “Thank you talaga. Malaking bagay itong ginagawa mo para sa kanila. Hindi naman masasayang ang itinutulong mo sa kanila.”
“Ayaw mo kasing ibili kita ng kahit anong pwedeng magamit mo,” nakakunot ang noo niyang sabi. Nafu-frustrate siya dahil gusto niyang maging maginhawa ang buhay nito pero parang hindi naman nito kailangan.
Sa lahat ng babaeng nakilala niya, ito ang hindi mahilig humingi ng kahit ano. Parang masaya na ito kung ano ang mayroon ito. At masyadong independent. Kulang na lang ay i-compute nito ang lahat ng bagay na ginastos niya o naibigay niya dito. While he wanted to give her everything.
“Aanhin ko naman ang mga gusto mong ibili sa akin? Hindi naman necessity ang mga iyon. Puro luho lang. Ipunin mo na lang. Ang kuri-kuripot mo dati tapos ngayon masyado ka nang magastos. Parang galit na galit ka sa pera.”
Natigilan siya. Parang may sumisipa sa dibdib niya tuwing binabanggit nito ang kahit anong bagay tungkol kay Mitos. Madalas pakiramdam niya ay isang malaki siyang reject. Na di niya kayang pangatawanan ang pagpapanggap na ito.
Hindi niya alam kung ano ang tunay na pagkatao ni Mitos nang magkasama pa ang mga ito. And he couldn’t help being Cameron.
Kaya siguro napa-paranoid siya minsan. Pakiramdam niya ay hindi bulag si Love. As if she could see right through him. Ganoon lang talaga siguro kapag nagsisinungaling. Hindi naman kasi niya expertise ang pagpapanggap.
Gusto na rin niyang malaman ni Love ang totoo pero hindi niya kayang saktan ito. Walang ibinubuti ang kalagayan ni Mitos ayon kay Shei. Umaasa pa rin siyang gagaling ito. Magpapanggap siya bilang Mitos hangga’t kailangan.
“Eron! Oh, gosh! Eron!”
Nilingon niya ang babaeng tumawag sa kanya. “Janice?”
Naestatwa siya nang yakapin siya nito at halikan sa labi. He pulled her away from him before the kiss lingered.
“Eron, are you okay? I heard about the accident,” naiiyak nang sabi nito at hinalikan siya sa pisngi. “I felt awful.”
“I am safe, Janice. Wala kang dapat ipag-alala.”
She was his ex-girlfriend. On and off ang relasyon nila sa loob ng ilang taon. Sa lahat ng naging girlfriend niya ay ito ang pinakamalapit sa Mama niya. At tuwing nagkikita sila, she still acted as if she owned him. Katulad ngayon. Basta na lang siya nitong hinalikan sa harap ng maraming mga tao.
Ipinagpasalamat na lang talaga niya na walang nakikita si Love. Mahirap magpaliwanag dito kapag nagkataon lalo na’t naging problema nito at ni Mitos ang ibang babae noon.
Hinawakan nito ang pisngi niya at pinakatitigan. “You are not blind, are you? Is the accident that horrible? Nabulag ka?”

Komento sa Aklat (60)

  • avatar
    Liling

    super ganda ❤️🥰❤️

    12/02/2025

      0
  • avatar
    Jovelyn Cabase Aquino

    love it 😍

    16/01/2025

      0
  • avatar
    Felizardo Francisco

    good readings

    06/12/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata