Maalinsangan ang gabing iyon. Pasado alas diyes na ng gabi pero hindi pa rin mapakali si Love. Nakapag-shower na siya pero makalipas lang ng ilang minuto ay tumatagaktak na ang pawis niya. Sumilip siya sa labas at nakita ang pool. Parang nanghahalina iyon at niyayaya siyang lumangoy. Ilang beses na niyang gustong makalangoy nang malaya sa swimming pool. Pero dahil laging nasa paligid si Eron ay hindi niya magawa. Lagi itong nakasunod sa bawat galaw niya. Hindi daw siya pwedeng lumangoy sa pool o kahit sa dagat dahil baka maaksidente at malunod siya. Hanggang tampisaw lang daw ang pwede niyang gawin sa mababaw. Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Chance ko na ‘tong maligo.” Tiyak niyang tulog na ang mga tao sa bahay. Kahit si Kulas ay plakdang-plakda dahil maghapon itong naglalangoy sa dagat. Nagawang ma-enjoy ng pinsan niya ang lugar habang siya ay masiyahan na lang magmukmok sa isang tabi. Minsan lang niya gustong ma-experience lumangoy sa pool. Maingat siyang nagpalit ng damit. Pumili siya ng isa sa swimsuit doon para ipampaligo at pinatungan ng malaking T-shirt. Five minutes lang naman ang kailangan niya at aahon din siya. Dahan-dahan niyang nilagpasan ang kuwarto ni Eron. Maaga itong natulog dahil luluwas ito ng Maynila bukas. Nang makalagpas ay halos takbuhin niya ang swimming pool. Hindi na siya nag-aksaya ng oras at bumaba sa swimming pool. Noong una ay malamig ang tubig pero maya maya lang ay nasanay na rin siya. Ito ang tunay na kalayaan. Magagawa niyang gawin ang anumang gustuhin niya nang walang matang nakamasid sa kanya. Nag-floating siya at pinanood ang mga bituin sa langit. Naririnig pa niya mula doon ang alon ng dagat sa dalampasigan. Kahit magdamag siyang ganoon ay masaya na siya. Ipinikit niya ang mga mata. Tinatangay ng tubig ang lahat ng alalahanin niya at masamang nangyari sa kanya nang nakakaraang araw. May calming effect ang tubig sa kanya. Pwede pa siguro siyang mag-extend doon ng isang oras. Wala namang makakakita sa kanya. “Love! Love!” Ngumiti siya. Naririnig niya ang pagtawag ni Eron sa pangalan niya. Gustong-gusto niyang pakinggan ang pagtawag nito sa kanya ng Love. Na parang mahal siya nito. Wala naman sigurong masamang mangarap. Minsan lang naman iyon. Si Eron ang nagdala ng katahimikan sa kanya. Masaya siya kapag kasama ito. Kung pwede nga lang sa tabi na lang siya nito habambuhay. Kakantahan niya ito at imamasahe. Pagsisilbihan niya ito. “Oh, God! Love!” tawag ulit nito sa kanya. Subalit sa pagkakataong ito ay hindi na niya ma-imagine ang pag-ibig sa boses nito. Naroon na ang takot. Nagulat pa siya nang marinig ang paglabusaw ng tubig. Parang nagising din siya mula sa pananaginip niya. Idinilat niya ang mga mata at inilibot ang mata sa paligid. Subalit bago pa niya makita kung ano ang lumabusaw sa tubig ay may mga matatag na bisig nang sumambilat sa baywang niya. “Eron!” usal niya nang makilala ito. “Don’t move! Malapit na tayo sa mababaw.” May determinasyon sa boses nito. Na parang nasa panganib siya at ililigtas siya nito. Pero wala naman siya sa panganib. Saka bakit gising pa ito? nadaanan niya ang kuwarto nito kanina at tiyak niyang tulog ito. Hinigpitan nito ang pagkakayakap ng bisig sa kanya. Malamig ang tubig sa pool pero bigla na lang nag-init ang tubig. Parang lalagnatin siya. Paano ay wala itong suot na damit. Nang umahon sila ay saka niya napansin ang manipis na pajama nito na kulay puti na halos wala nang itira sa imahinasyon niya. Parang kinuha lang siya nito mula sa pool para akitin siya. Inupo siya nito sa rattan lounging chair. “Are you okay?” Ilang beses niyang ikinurap ang mga mata. Pagkalapit-lapit ng mukha nito sa kanya. Isang munting galaw lang mula sa isa sa kanila ay magdidikit na ang mukha nila. Basa ang buhok nito at ang katawan nito. And it gave him a sensual look. Hinaplos nito ang pisngi niya. “Love, may masakit ba sa iyo?” “O-Okay lang ako,” aniya sa nanginginig na boses. Hindi niya alam kung dahil iyon sa malamig na dapyo ng hangin sa balat niya o dahil sa makisig ng katawan nito na basang-basa sa tubig. Hinablot nito ang tuwalya at ibinalot sa kanya. “Okay ka lang? Nakita na nga lang kitang nagfo-floating sa pool. Akala ko patay ka na. Bakit mag-isa ka lang na naliligo dito? Alam mo bang delikado ang ginawa mo?” Nawala ang kahinahunan at pagkamalumanay nito. Napalitan iyon ng iritasyon. Sinesermunan siya nito. Ito ang unang pagkakataong sinermunan siya nito. Iba ito sa Eron na madalas niyang nakakausap. “H-Hindi naman delikado ang ginawa ko. Gusto ko lang mag-swimming. Aahon din naman ako pagkatapos ng five minutes.” “Five minutes? Paano kung pagkatapos ng five minutes patay ka na? Paano kung hindi kita nakita. Responsibilidad kita, Love.” bulalas nito at nagpalakad-lakad sa harapan niya. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Hot na hot talaga ito. Nakahakab ang basang pajama nito sa mga hita nito. Whew! Parang gusto nang tumulo ng laway niya. Natigagal siya nang namaywang ito at saka idinikit ang mukha sa kanya. “Anong pumasok sa isip mo at naligo ka sa pool nang wala kang kasama? Ano ba ang gusto mong patunayan? Suicidal ka ba?” Nataranta siya. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong nito. “Gusto ko lang namang maligo sa swimming pool.” “Nang mag-isa? Paano kung nadulas ka? Nabagok ang ulo? Ano ka ba naman? Alalang-alala kami sa iyo dito. Gusto ka naming alagaan pero parang hindi mo naman iniisip ang pag-aalala namin sa iyo.” Naningkit ang mga mata niya. Habang pinakikinggan niya ang sermon nito ay parang may lubid na pumapaikot sa leeg niya. Hindi siya makahinga. Nakuyom niya ang palad. “Anong gusto mong palabasin, Eron? Dahil wala akong makita wala na akong silbi? Na simpleng paglangoy di ko kaya?” Nabaghan ito sa sinabi niya. Pagkuwan ay mariing nagdikit ang labi. Parang handa siyang laban. “Wala akong sinasabing inutil ka.” “Gusto ko lang namang maligo sa pool. Maingat naman ako. Alam ko naman na itong bahay mo. Hindi naman kasi ako makaligo sa pool kapag nasa paligid ka kasi ganyan ka nga. Parang bawat gawin ko mali.” “Kasi nga ayokong mapahamak ka,” wika nito at hinawakan ang balikat niya.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
super ganda ❤️🥰❤️
12/02/2025
0love it 😍
16/01/2025
0good readings
06/12/2024
0Tingnan Lahat