Nakangiting ipinikit ni Love ang mga mata habang dinadama ang mainit na dampi ng araw sa balat niya. Excited na siyang makita ang dagat. Matagal-tagal na rin pala siyang hindi nakakapunta ng dagat. Excited na siyang magtatakbo sa buhangin at makipaghabulan sa alon. “Makakahabol pa tayo sa paglubog ng araw?” tanong niya kay Mitos na nasa tabi ni Marvin na siyang nagmamaneho ng kotse. “Favorite ko kasi ang manood ng sunset. Noong may sakit si Nanay, lagi kami sa Manila Bay kasi gusto naming manood ng paglubog ng araw. Manood tayo, ha?” “Ate, anong panonoorin mong sunset? Wala ka ngang nakikita, di ba?” mariing paalala sa kanya ni Kulas. Nawala ang ngiti sa labi niya at nakadama ng lungkot. Sa paningin pala ni “Mitos” ay bulag siya. Nananaginip siya ng gising na makakanood siya ng isang romantikong sunset. Tahimik na lang pala niyang pagmamasdan ang magandang paglubog ng araw. “Maaabutan pa natin ang sunset,” sabi ni “Mitos”. “Gusto mo sasamahan kitang manood. Ide-describe ko sa iyo kung ano ang itsura.” Idinikit niya ang pisngi sa likuran ng sandalan ng upuan nito. “Talaga? Okay lang sa iyo na i-describe sa akin?” “Oo naman.” Tinapik nito sa balikat si Marvin. “Pakibilisan para mahabol natin ang sunset.” “Kayang-kaya ‘yan, Boss! Mamaya pa naman lulubog ang araw. Malapit na tayo sa resthouse,” sabi ni Marvin. Di nagtagal ay pumasok na sila sa isang malaking gate. Sa kabila niyon ay isang magarbong villa. Kundi lang niya naalalang nagbubulag-bulagan siya ay baka lumuwa na ang mga mata niya. “We are here,” sabi ni “Mitos”. “Resthouse lang niya ‘to?” usal ni Kulas na di makapaniwala. “Parang mansion na ito. Ang yaman ng kaibigan niya.” Lumunok siya. Parang ganoon ang mga villa sa Europe na nakikita niya sa mga magazine sa bahay ni Bham. Natanaw niya na may maganda iyong garden at malaking swimming pool. Di kalayuan ay naroon ang dagat at ang puting buhanginan. Hindi basta-basta ang lugar na iyon. At gaya ng mamahaling penthouse, pakiramdam niya ay pag-aari din iyon ng impostor na Mitos. Isang babaeng nasa animnapung taong gulang ang lumabas ng bahay at sinalubong sila. “Naku! Eron ko! Ang alaga ko!” At nagulat siya nang yakapin nito si “Mitos”. “Miss na miss na kita. Akala ko talaga nagbibiro ka lang na dadating ka.” Kumunot ang noo niya. “Sino si Eron?” mahina niyang tanong. Nakita niya ang alanganing ngiti sa labi ni “Mitos”. Alam kasi nito na nagtatanong na siya kung bakit tinatawag itong Eron samantalang Mitos ang pakilala nito sa kanila. “Yaya Rosa, hindi naman ako nagbibiro na dadating ako. Talagang plano kong magbakasyon dito. Sabi ko rin magsasama ako ng bisita.” Tiningnan sila ng matanda. “Ito ba ang mga bisita mo?” Hinawakan ni “Mitos” ang siko niya. “Love, Kulas, ito si Yaya Rosa. Yaya, ito po sina Love at si Kulas na pinsan po niya. Dito po muna sila magbabakasyon.” Inilahad niya ang palad. “Ikinagagalak ko po kayong makilala.” Nakatigagal ang matanda at pinagmasdan siyang mabuti. Di kasi siya direktang nakatingin dito. Kinamayan siya nito. “Ito na ba ang girlfriend mo? Maganda at hindi mukhang maarte.” Iwinagayway nito ang kamay sa harapan niya. “Nakikita mo ba ako, ineng?” “P-Pasensiya po. Wala po akong nakikita.” Pasensiya rin po at kailangan kong magpanggap na bulag ako. Nagi-guilty talaga siya dahil padami ng padami ang mga taong pinagsisinungalingan niya. “Hindi rin po ako girlfriend ni… Eron.” Di na niya matawag na Mitos ang binata. Mas komportable na siyang tawagin ito na Eron. “Magkaibigan lang po kaming dalawa.” “Ako naman po ang magandang pinsan niya, Yaya,” sabi ni Kulas at nakipag-beso-beso pa. “Kayang-kaya kitang pabatain, Yaya.” Humalakhak ang matanda. “Mukhang magkakasundo tayo.” Hinawakan ni “Mitos” ang balikat niya. “At sana po alagaan ninyong mabuti si Love.” “Siyempre naman. Walang kaso iyon. Dalhin mo na muna sila sa kuwarto nila at ipaghahanda ko pa kayo ng hapunan. Sana naman hindi kayo maselan sa pagkain. Ayoko ng tamilmil kumain dito. Ayokong masayang ang luto ko.” “Wala pong problema. Hindi po ako umuurong sa pagkain. Salamat po.” Simple pero maganda ang kuwarto na pinagdalhan sa kanya ni “Mitos”. Tanaw doon ang swimming pool. May aircon doon pero mas gusto niya ang preskong hangin galing sa dagat. “Katabi lang nito ang kuwarto ko. Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako. Okay?” “Salamat! Palubog na ba ang araw?” “Malapit na,” sabi nito at hinawakan ang kamay niya. “Kulas, sasama ka ba?” tanong nito kay Kulas na nakahilata na sa couch. “Huwag na. Baka makaabala lang ako sa inyo,” nakangisi nitong sabi. Humanda si Kulas sa kanya mamaya. Di siya nito dapat iniiwan. Paano kung ma-carried away siya sa kaguwapuhan ni “Mitos”? Makalimutan na naman niyang dapat ay bulag siya dito. “Huwag kang mag-alala. Aalagaan ko ang pinsan mo,” sabi ni “Mitos”. Sa likuran ng bahay sila dumaan kung saan ang hagdan ay direktang magdadala sa kanila sa beach. “Sampung steps ang hagdan na ito. Tapos mga fifty steps lang nasa dagat ka na,” sabi nito. Ipinikit niya ang mga mata at hinayaan itong akayin siya. Inupo siya nito sa bench na kawayan. “Lumulubog na ba ang araw?” “Oo,” sabi nito at di pinakawalan ang kamay niya. “Red orange ang araw kaya parang ginto ang tubig. Pati ‘yung mga ulap parang gold din. Sana nga nakikita mo rin ang nakikita ko.” Pinili niyang ipikit ang mga mata. Ayaw niyang masayang ang pagde-describe nito sa kanya ng sunset. Kahit di niya nakikita ang paglubog ng araw nang mga oras na iyon ay parang napapanood na rin niya dahil dito. Hindi niya inaakalang titiyagain siya nito pati sa pagde-describe ng sunset. “Ayan! Sobrang bilis lumubog ng araw,” sabi nito. “Padilim na rin ng padilim ang langit. Huwag kang malungkot. Makikita mo rin ulit iyan bukas.” “Naalala mo ba dati nagrereklamo ka sa akin kapag pinade-describe ko sa iyo ang sunset sa ibang bansa? Sabi mo pare-pareho lang ang sunset. Tapos kapag pinade-describe ko sa iyo ang mga lugar na napuntahan mo, sabi mo padadalhan mo na lang ako ng postcard. Bigla ka yatang nagbago.” Natilihan ito. Di siguro inaasahan na iyon ang sasabihin niya. Wala talagang tiyaga sa pagde-describe si Mitos. Katwiran nito ay maraming mas mahalagang dapat kwento kaysa i-describe lang ang mga napuntahan na nito samantalang pwede naman daw niyang makita iyon sa mga pictures. “Pwede ko nang ikwento ang lahat sa iyo ngayon. Hindi nga lang siguro kasing ganda ng mga pictures ang kwento ko pero iku-kwento ko sa iyo ang experience ko sa mga paborito kong lugar.” “Salamat, ha?” Hanga talaga siya sa tiyaga nito. Excited na siyang makinig sa mga kwento nito. Bigla siyang may naalala. “Bakit nga pala Eron ang tawag sa iyo ni Yaya Rosa kanina?”
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
super ganda ❤️🥰❤️
12/02/2025
0love it 😍
16/01/2025
0good readings
06/12/2024
0Tingnan Lahat