logo text

The place is depressing

“ATE LOVE! Ate Love, gising!”
BUmalikwas siya ng bangon sa pagyugyog sa kanya ng pinsang si Kulas. “Bakit? Anong meron? Nandiyan ba sila Epong? Sinusunog ba bahay natin?” tanong niya at bahagya pang nahilo nang maramdaman ang malambot na kama sa ilalim niya. Nasilaw din siya sa liwanag ng araw sa lahat at nakaharap sa kanya ang magandang tanawin ng nagtataasang gusali.
Kinusot niya ang mata. Parang isang panaginip kasi ang lahat. Subalit kahit ilang beses niyang kusutin ang mata ay hindi pa rin siya bumabalik sa barong-barong. Saka lang niya naalalang kagabi ay nandoon na sila sa condo ni “Mitos”. Sinagip siya nito mula sa sindikatong pinagkakautangan ng tatay niya. At doon na sila muna sa bahay nito nagpalipas ng gabi.
Ibinagsak ulit niya ang sarili sa kama. Kung ganoon ay hindi panaginip ang lahat. Parang gusto niyang doon na lang siya at huwag nang bumalik sa pangit na realidad ng buhay niya. “Gusto ko pang matulog.”
Pwede na siyang mag-relax sa bahay na iyon kahit sila lang ni Kulas at si “Mitos” ang kasama niya. Maaga kasing umalis si Bham dahil aasikasuhin pa nito ang anak na papasok ng eskwelahan.
“Ate, bumangon ka na. Mag-aagahan na daw tayo sabi ni Kuya Mitos.”
“Agahan?” tanong niya.
“Oo. Hihintayin daw niya tayo sa labas. Sinilip ka pa nga niya habang natutulog ka. Nakanganga ka at naghihilik. Sayang! Guwapong-guwapo pa mandin siya ngayong umagang ito.”
Sinakal niya ito. “Hinayaan mo akong makita ni Mitos ng naghihilik at nakanganga habang natutulog.” Kung ang totoong Mitos iyon, wala siyang pakialam. Wala siyang hiya-hiya sa dating nobyo. Pero hindi ang impostor na Mitos na ito. Nasisira ang kanyang magandang imahe.
Umubo ito at nag-peace sign. “Joke lang, Ate. Pero guwapong-guwapo talaga siya kanina nang katukin ang kuwarto natin.”
Saka lang niya ito binitiwan at dali-daling hinablot ang tuwalya. “Mauuna na akong maligo.” Naunahan pa siya ng pinsan niya na masilayan si “Mitos”. Kailangang makabawi siya. Dapat ay maganda-ganda siya kapag hinarap ito ngayon.
Lukot na ang mukha ni Kulas nang makaligo siya at makapagbihis. “Inuna mo pa ang pagpapaganda mo kaysa sa akin. Mamamatay na ako sa gutom, Ate.”
“Alangan namang guwapo siya at mukha akong busabos.”
Matagal na ring panahon na di siya nagpaganda para sa isang lalaki. Kaya pagbigyan na lang siya ng pinsan niya.
Nakaalalay sa kanya ang pinsan niya hanggang makarating ng outdoor garden. Nakaupo si “Mitos” sa rock garden table habang nagbabasa ng diyaryo. Itinupi nito ang binabasang diyaryo at sinalubong siya nang makita siya. “Good morning, Love,” bati nito sa swabeng boses at hinawakan ang kamay niya. “Masarap ba ang tulog mo?”
Marahan siyang tumango. Guwapo nga ito sa simpleng Giordano shirt na suot nito at maong na pantalon. At nakakapanginig-tuhod ang bango nito. At tiyak niyang di iyon dahil gutom siya. Okay lang manghina basta kaguwapuhan nito ang bubungad sa kanya araw-araw. Di tulad ni Epong na mukhang di pahuhuli ng buhay.
“Wow! Ang sarap naman ng pagkain. Sosyalen ang mga ito,” nanlalaki ang matang sabi ni Kulas at umupo na agad.
Inalalayan siya ni “Mitos” na umupo. At nilagyan agad nito ng pagkain ang plato niya. “Kumain ka ng marami. Sabi ni Kulas halos. Di daw kayo nakakain kahapon sa dami ng ipinagawa sa inyo ng boss ng sindikato.” Inumang nito sa labi niya ang ham na may sinangag. “Sumubo ka na.”
Napilitan siyang ngumanga. Hindi siya makanguya nang maayos dahil titig ito ng titig sa kanya. Nang susubuan na naman siya nito ay tumanggi na siya. “Kaya ko nang subuan ang sarili ko. Hindi mo na kailangang gawin ‘to.”
“Ngayon ka pa ba mahihiya sa akin? Gusto ko lang namang asikasuhin ka,” malambing nitong sabi.
“Ang sweet naman ni Kuya Mitos,” tukso ni Kulas.
“Ang totoo hindi mo naman ako sinusubuan noong boyfriend pa kita,” kaswal niyang sabi at sumubo.
Nawala ang ngiti sa labi nito. “Ha? Hindi ko ba ginagawa iyon dati?”
Marahan siyang tumango. “Kaya ko naman kasing asikasuhin ang sarili ko, hindi ba? Pero okay lang. Mabait ka namang boyfriend noon. Kapag kailangan ko ng tulong mo, tinutulungan mo ako.”
Pero madalang ang pagkakataong iyon. Mas madalas na siya ang mag-asikaso kay Mitos. Wala talagang kaalam-alam ang “Mitos” na ito kung ano ang naging relasyon nila ng dati niyang kasintahan.
“Kuya Mitos, sana naman makaligo ako sa swimming pool dito. Sana nga dito na lang kami tumira!” sabi ni Kulas.
“Kulas!” saway niya sa pinsan. Wala sa plano niyang magpaampon kay “Mitos”. Ni hindi nga niya alam kung paano makakabawi dito.
“Pwede naman kayong mag-stay dito kahit gaano katagal ninyong gusto. Mas maganda ang resthouse ko sa Batangas.”
“May resthouse ka sa Batangas?” tanong agad niya.
“I mean, resthouse ng kaibigan ko sa Batangas. May sarili ring swimming pool iyon at nakaharap sa dagat. Pwede kayong maglakad-lakad ng ate ninyo. Magandang magbakasyon doon.”
“Yan bang kaibigan mo lalaki o babae?” tanong niya.
“Lalaki,” sagot naman ni “Mitos” at uminom ng kape.
Tumaas ang kilay niya at gayundin si Kulas na kumagat pa ng hotdog.
“O! Hindi iyon katulad ng iniisip ninyo. Kaibigan ko ‘yon na tumulong sa akin nang maaksidente ako.
Nakasama ko siya nang maaksidente ako. Kaya nang nagpapagaling ako, idinala muna niya ako sa reshouse sa Batangas. Nang magaling-galing na ako saka na kita hinanap.”
Sumikdo ang dibdib niya nang maalala ang mumunting peklat sa katawan nito nang i-massage niya. Hinawakan niya ang braso nito. “Magaling ka na ba talaga? Hindi ka ba masyadong naapektuhan ng aksidente?”
“Okay na ako. Pinagbakasyon muna ako ng amo ko. Ilang taon din akong nagtrabaho ng walang bakasyon. Kaya nga naisip ko na isama kayo sa resthouse ng kaibigan ko sa Batangas. Kailangan din ninyong magbakasyon.”
“Isasama mo ako sa Batangas? P-Pero may trabaho pa ako.” Hindi pwedeng basta-basta na lang niyang iwan ang trabaho niya.
Tumiim ang anyo nito. “Hindi mo na kailangang magtrabaho. Ako na ang bahalang mag-alaga sa iyo.”
“Anong gagawin ko? kailangan kong magbayad ng bahay.”
“Hindi ka na babalik doon,” mariin nitong sabi. “Ipapahakot ko na ang lahat ng gamit mo. The place is depressing.”
“Sa ganoong klaseng lugar ka lumaki, Mitos.”
Natigilan ito at hindi alam kung anong isasagot. Hindi nito alam kung ano talaga ang naging buhay ni Mitos.
“That’s why I don’t want to go back to that kind of place anymore. Ikaw din, Love. Hindi mo na kailangang bumalik doon,” anito nang makabawi.
“May utang pa akong kailangang bayaran sa iyo,” giit niya.
“I got it covered. Hindi mo kailangang magkandakuba sa pagtatrabaho para bayaran ako.”
Umiling siya. “Pero mo ‘yon. Kaya babayaran kita. Ayokong abusuhin ka sa tulong na ibinigay mo sa akin.”
“Ang pagkakatanda ako, tinulungan mo akong tuparin ang pangarap ko. Malaki nga ang kasalanan ko dahil kinalimutan ko ang mga pangako ko sa iyo. But I am back now. Aalagaan na kita. Gusto ko lang bigyan mo ako ng chance na alagaan kita.” Ginagap nito ang kamay niya. “Please?”
Dapat bang pabayaan niya ang lalaking ito na pasanin ang dalahin ni Mitos? O dapat na niyang sabihin dito ang totoo? Na alam niyang hindi ito si Mitos?
Nahahati siya. Gusto na niyang malaman din ang totoo kung nasaan si Mitos pero sa palagay niya ay hindi naman ito aamin kapag nahuli na niya. May boses din na nagsasabi sa kanyang hayaan lang ito sa ginagawa.
After all, he made her feel good about herself. Gusto naman niyang siya ang asikasuhin. Isa pa, problema na nito iyon dahil ito naman ang talagang nagpapanggap.
Ayaw yata niyang mawala ito ng tuluyan sa buhay niya.
“Pumapayag akong dito muna sa iyo pero gusto ko pa ring magtrabaho.” Magbabayad pa rin siya ng utang dito at bubuhayin niya ang sarili niya ang pinsan niya. Ayaw naman niyang maging totally dependent dito.
“Sige. Pero after one month ka na bumalik sa trabaho. Sabi ni Bham siya na daw ang bahala sa schedule mo pati sa massage clinic.”
“Isang buwan? Pero…”
“May aasikasuhin lang ako. Ipapahakot na ang gamit ninyo dito,” putol nito sa sasabihin niya. “Nandiyan naman si Marvin para bantayan kayo. Pagbalik ko pupunta na tayo sa Batangas.”
Pumalakpak si Kulas. “Yehey! Magagamit ko na ang bathing suit ko.”
Isang buwan niyang makakasama ang guwapong lalaking ito. Kinakabahan siya na nae-excite. Oras na para makilalang mabuti ang lalaking ito.

Komento sa Aklat (60)

  • avatar
    Liling

    super ganda ❤️🥰❤️

    12/02/2025

      0
  • avatar
    Jovelyn Cabase Aquino

    love it 😍

    16/01/2025

      0
  • avatar
    Felizardo Francisco

    good readings

    06/12/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata