Ako si Mitos

Kinalma ni Love ang sarili. Ang totoo ay gusto na niyang maghurumentado. Pambihira naman! Panira talaga ng kaligayahan si Mitos. Di na ito nasiyahan na iwan siya noon at kalimutan. Ni wala na nga siyang narinig na kahit ano dito. Kung kailan nakatagpo na siya ng pagnanasaan niya ay saka naman ito muling susulpot at sisirain ang magandang future niya.
Wrong timing talaga ito kahit na kailan. Panira ng kaligayahan!
“Nasaan siya?”
Kahit paano naman ay curious siya. Ano naman ang nakain ng ex-boyfriend niya para basta na lang sumulpot matapos ang isang milenyo. O sinasadya lang talaga nitong sirain ang araw niya.
“Wala po siya dito ngayon.”
“Pero nasa Manila na siya?”
Marahan itong umiling. “Wala rin po. Di pa po siya pwedeng magpakita o makipag-usap sa inyo pero may pinapasabi siyang importante.”
Humigpit ang hawak niya sa magandang bouquet. Nakaka-bwisit talagang lalaki iyon. May ipapasabi ngang importante sa kanya pero hindi naman magpapakita sa kanya. Pinaglololoko ba siya ng ungas na iyon?
“Pakisabi sa kanya, wala akong oras sa kalokohan niya. Excuse me. May importante pa akong taong kakausapin.”
“It’s okay. Take your time,” sabi ni Avondale at umalis muna.
Mariing nagdikit ang labi niya. Naiinis na siya. Gusto niyang maghurumentado at ipagwasiwasan ang bouquet na hawak niya. Naroon na ang kanyang dream hunk at naghihintay sa pag-ibig niya. Kailangang idispatsa niya ang sugo nito sa lalong madaling panahon kung gusto niyang mag-bloom ang lovelife niya.
“Miss Love, importante po ang pinapasabi ni Mitos,” sabi ng lalaki.
“Hindi ako interesado sa gusto niyang ipasabi. Kundi niya kayang sabihin sa akin ng personal ngayon mismo ‘yang importanteng ipapasabi niya, mabuti pang huwag ko na lang marinig ang sasabihin niya.”
Five years nang huli silang magkita. Ilang taon din niya itong hinintay. Nagmukha siyang tanga habang kinalimutan na pala siya nito. Tapos bigla na lang nitong bubulabugin ang buhay niya? Ni wala nga ito nang mga panahong naghihirap siya. Hindi niya isinusumbat dito ang mga naitulong niya dito. She did it out of love. Pero tapos na ang lahat. Sa kanila. Ubos na ang luhang iniyak niya para dito.
At kung pwede sana ay umalis na ang sugo ni Mitos para naman maituloy na niya ang kaligayahan niya. Nandiyan na niya ang Macho Guwapito niyang admirer. Huwag nang sirain ni Mitos ang kaligayahan niya.
Kung gusto ng alagad nito, kausapin siya nito kapag tapos na ang maliligayang sandali niya kasama ang guwapo at macho niyang admirer. Pwede naman i-settle ni Mitos ang nangyari sa kanila noon pero huwag muna ngayon. Makakapaghintay si Mitos pero hindi niya kayang paghintayin ang bagong fafa niya. Baka mamaya ay isipin ni Guwapo na may iba siyang admirer o kaya ay may boyfriend na siya at mahiya na itong lumapit sa kanya.
“Miss Love, kung pwede po makinig po kayo kahit sandali,” pakiusap ng lalaki. “Importante lang po talaga…”
Tuluyan na siyang napikon dahil sa kakulitan ng lalaki. Hindi ba ito makaintindi ng salitang ayaw niya? “Anong importanteng sasabihin ni Mitos? Na nagsisisi siya sa ginawa niya sa akin? Na matapos ang ilang taon na kinalimutan niya ako, gusto niyang humingi ng tawad? Guguluhin niya ang buhay ko?” Ngayon ay tuluyan nang sumambulat ang kinikimkim niyang galit para kay Mitos. Lahat ng sakit na akala niya ay nakalimutan na niya ay muli na namang nabuhay. Parang may dam ng emosyon sa loob ng dibdib niya na tuluyan nang bumigay. “Hindi pa ba siya masaya sa mga sama ng loob na ibinigay niya sa akin? Ni hindi nga niya inalam kung buhay o patay na ako. Bakit wala siya ngayon para sabihin kung anumang importante iyan? Bakit di niya ako harapin? Naduduwag siya?”
Walang kwenta na para sa kanya si Mitos. Ayaw na niya ng sama ng loob. Gusto na niya ng bago sa buhay niya.
“May nangyari po kasi kay Mitos…”
Ihinagis niya ang bulaklak at napaurong ang lalaki nang bumagsak iyon sa paanan nito. “Wala akong pakialam kung ano ang nangyari sa kanya. Wala nga siyang pakialam sa nangyari sa akin nitong nakakaraang taon. Kung buhay pa ako o patay na. Okay na ako kahit wala siya. Maawa na siya sa akin. Di pa ba siya masaya sa sama ng loob na ibinigay niya? dadagdagan pa niya ang paghihirap ko? Pagbalik ba niya, maayos pa niya ang lahat ng sinira niya? Maaayos pa ba niya ang lahat ng nangyari sa buhay ko? Mababayaran ba niya ang sakit na ibinigay niya sa akin?”
Bigla siyang napagod. Sa dami ng pinagdaanan niyang hirap nitong nakakaraang taon, si Mitos ang pasimula ng lahat. Ayaw na niya ng problema. Nagsasawa na siya. Hindi naman siya ang may kagagawan ng problema kundi ang mga taong mahal niya – si Mitos at ang tatay niya.
“May dahilan siya kung bakit wala siya ngayon.”
Tinabig niya ang kamay ng lalaki nang tangkang pipigilan siya. “Hindi ako interesado sa mga rason niya. Mabuti pang huwag na siyang magpakita sa akin kahit na kailan kung di niya ako kayang harapin ngayon.”
Wala na. Sira na ang mood niya. Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ng guwapo niyang admirer. Sira na ang poise niya kaya malamang ay ayawan na rin siya nito.
Malilintikan talaga si Mitos sa kanya kapag napurnada ang future love life niya. Bwisit talaga ito sa buhay niya kahit kailan.
“Mama, huwag na ninyong guluhin ang pinsan ko,” saway ni Kulas. “Marami na siyang pinoproblema.”
“Umalis na tayo, Kulas,” aniya at kumapit sa braso ng pinsan.
Wala siyang oras para kay Mitos. May buhay siya na kailangang harapin. Kahit na di na ito bumalik sa buhay niya. Kahit na di na ito magpaliwanag, hindi na niya iindahin. Basta huwag lang siya nitong guluhin pa.
Mas mabuti nga siguro iyon. Masasaktan lang kasi siya kapag naalala si Mitos. Baka mawalan na naman siya ng tiwala sa mga lalaki.
Bigla siyang napagod. Wala siyang aasahan kay Mitos. Baka kapag nalaman nito ang kinakaharap niyang problema ay takasan din siya nito.
“Love, sandali!” tawag sa kanya ni Guwapo.
“Bakit?”
Gumaan ang loob niya nang makitang palapit sa kanya ang bagong dream man niya. Tumigil lang siya sa kinatatayuan at pinigilan si Kulas sa pag-akay sa kanya. Tama. Pigilan siya nitong umalis. Ito naman talaga ang gusto niyang makasama. Gusto niyang makita ang magandang ngiti nito para gumaan ang pakiramdam niya. Sana ay hawakan man lang nito ang kamay niya para mawala ang lahat ng alalahanin niya. Gusto niyang makalimot kahit sandali. Gusto niyang makatakas – sa utang niya, sa sindikatong pinagkakautangan ng tatay niya at kay Mitos. Gusto niyang magkaroon ng simpleng kaligayahan.
Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at tinitigan siyang mabuti. Walang ngiti sa mga mata nito. Sa halip ay naroon ang alinlangan, takot at pag-aalala. “Love, huwag kang umalis. Kailangan nating mag-usap. Ako si Mitos.”

Komento sa Aklat (60)

  • avatar
    Liling

    super ganda ❤️🥰❤️

    12/02/2025

      0
  • avatar
    Jovelyn Cabase Aquino

    love it 😍

    16/01/2025

      0
  • avatar
    Felizardo Francisco

    good readings

    06/12/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata