Homepage/The Exorcism of Alice Chua/
Chapter 19
Mabilis na gumapang ang babae palayo kila Father Ben at Ka Ipeng. Paatras itong gumagapang habang ang mga mata'y nanlilisik na nakatitig sa dalawa. Tumutulo rin ang napakalapot at itim na likido sa kanyang bibig lalo na tuwing humahalakhak ito ng malakas. Hinabol naman nila ito upang pigilan sa pagtakas.
"Lilith, sa ngalan ng Diyos! Lumisan ka sa katawan ni Alicia!" sigaw ni Father Ben. Halos tumakbo na ang pari upang masundan ang diablong mabilis na gumagapang paatras.
"Oh, Diyos na mahabagin! Ikaw ang pinakamakapangyarihan sa lahat! Kami ay tumatawag sa Iyo at humihingi ng saklolo, tulungan mo kaming labanan ang demonyong ito! Sa Iyong kapangyarihan ay maikulong ang diablong ito upang hindi na kailanman makapaminsala! Tulungan mo kami!" sigaw ni Ka Ipeng. Ngayon ay isinuko niya ang lahat sa Diyos. Kung noon niya sana ito ginawa marahil ay nabuhay ang kanyang anak, subalit huli na ang lahat para dito. Hindi na niya maibabalik pa ang nakalipas. Kumulog ng napakalakas kasabay ng matalim na kidlat. Bumuhos ang malakas na ulang sumasabay sa palahaw ni Alice. Tumatakbo naman ang bata palapit sa ina nito. Hindi nito matiis na manood mula sa malayo habang nahihirapan ang babaeng itinuring na niyang ina.
"Mama!" sigaw ng bata.
"Alice, lumayo ka dito!" sigaw ni Ka Ipeng pero hindi na nakinig ang bata. Ang nais lamang nito ay tulungan ang ina na nahihirapan. Patuloy itong tumakbo palapit kay Alicia. Naging maagap naman si Father Ben at nahablot nito si Alice upang hindi makalapit kay Alicia.
"Alice, lumayo ka rito! Mapapahamak ka!" giit ng pari.
"Ang Mama ko, Father! Kailangan niya ako!" umiiyak nitong sambit habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak ng pari.
"Alice, delikado! Huwag mo siyang lalapitan!" giit nito.
"Alice, anak! Hu-Huwag kang lalapit! M-Makinig ka kay Father." Itinago ng mga patak ulan ang luhang kumawala sa mga mata ni Alicia. Subalit ang paghagulgol nito ay hindi maitatanggi ang labis na pighating nadarama niya.
"Mama ko! Lumaban ka, ayaw ko nang muling mag-isa!" umiiyak nitong sambit. Kahit si Father Ben at Ka Ipeng ay naantig sa sinabi ng bata. Kasabay ng pagragasa ng ulan ay ang mga luha nilang pumapatak dala ng labis na pighati at awa sa mag-ina.
"Ka Ipeng, mahalin ninyo si Alice. Isa siyang mabuting bata na kahit sinong magulang ay hahangaring maging anak!" Mahigpit na hinawakan ni Alicia ang kutsilyo habang humahagulgol. Muli itong napangiwi ng pilit na umaagaw sa kanyang kamalayan ang diablo.
"P-Patawa...rin a-ako ng Diyos, Father! Ipagdasal mong p-patawarin Niya ako sa aking k-kasalanan!" muling sambit ni Alicia. Napahiyaw ito sa sakit na pilit sumasalakay sa katawan niya. Nagpupumilit ang diablong mangibabaw sa kaniya subalit ang pusong ina ni Alicia ang siyang naging lakas nito upang lumaban.
"Huwag Alicia!" sigaw ni Ka Ipeng ng makuha ang nais ipahiwatig ng babae. Umiling ang matanda habang hindi na rin mapigil ang maluha.
"Alicia, magtiwala ka sa Diyos. Manalig ka!" sambit din ni Father Ben.
"Ito lang ang paraan para matapos na hindi ba?" tanong nito sa malungkot na tinig bagamat nakangiti. "Maaaring ito na ang paraan para maitama ko ang aking pagkakamali. Ako ang tumawag sa diablo kaya dapat ako rin ang pumuksa sa kanya!"
Kung makakatakas ang diablo gamit ang katawan ni Alicia ay hindi nila ito maikukulong sa manika. Ang paraan lamang ay lumisan ang diablo sa katawan ni Alicia ngunit malabong mangyari iyon dahil pilit itong lumalayo sa kanila. Tiyak na papatayin din nito si Alicia kapag tuluyang nakatakas kaya naman ang isa pang paraan ay mamatay ang babae na malapit sa sisidlan upang mahigop na ng manika ang diablo.
"May paraan pa Alicia!" pigil ni Father Ben lumapit ito pero iwinasiwas ng diablo ang kutsilyong hawak.
"Hindi kayo magtatagumpay!" tumayo ito at umatras palayo. Subalit biglang mapapatigil at hahawak sa dibdib. Mapapayuko at mapapangiwi bago titingin sa kanila. Pilit na lumalaban si Alicia. Itinaas nito ang hawak na patalim at luhaang tumitig sa kanila. Niyakap ni Father Ben si Alice at tinakpan ng palad ang mga mata nito upang hindi makita ang nakaambang mangyari.
"Alicia!" sigaw ni Ka Ipeng at balak na puntahan ang babae ngunit huli na. Itinarak nito sa dibdib ang kutsilyo kaya naman napatigil sa paglapit ang matanda. Napatulala na lamang ito sa bilis ng pangyayari.
Tumulo ang dugo mula sa dibdib ng babae at sumama sa tubig ulan. Bakas man ang sakit sa mukha ni Alicia ay nagawa pa rin nitong gumiti bago tuluyang bumagsak.
''Hindi! Hindi ito maaari! Magbabalik ako! Babalikan ko kayo!" dumadagundong ang tinig ng diablo. Sumasabay ang palahaw nito sa bawat pagkulog at pagkidlat. Humiwalay sa katawan ni Alicia ang itim na usok. Hinigop naman ito ng manikang nasa baul na hawak ni Ka Ipeng. Narinig pa nila ang huling pag-atungal ng diablo habang hinihigop ng sisidlan. Nang tuluyang lamunin ng manika ang itim na usok ay mabilis itong tinakpan ni Ka Ipeng.
Pilit namang kumawala si Alice sa pagkakayakap ng pari. Napahagulgol ito ng makitang nakahandusay ang ina at nababalot ng dugo ang paligid nito na humahalo pa sa tubig na galing sa patak ng ulan. Halos madurog ang puso ng dalawa nang mabilis na tumakbo ang bata palapit sa ina nito.
"Mama! Huwag mo akong iwan!" sigaw nito. Ang ulan ay tumila na at naging payapa ang gabi ngunit hindi ang mga luha ni Alice na patuloy pa rin sa pag-agos, ang palahaw niya ang pumunit sa katahimikan ng gabi.
"A-Alice, mahal na mahal kita," sambit ng babae habang habol ang hininga. Bakas sa mukha nito ang iniindang sakit ngunit pinipilit nitong manatiling gising.
"Fa...ther, totoo ba? Na mapa–patawad ako ng Diyos?" pautal-utal na tanong nito kay Father Ben.
"Mabuti ang Diyos Alicia. Naririnig niya ang binubulong ng iyong puso. Nakikita niya ang labis mong pagsisisi sa iyong kasalanan," sambit ng pari habang nakaluhod ito sa tabi ni Alicia.
"Sa-salamat." Umubo ito at bumulwak mula roon ang sariwang dugo na lalong nagpaiyak sa bata. Bumaling naman ang babae kay Ka Ipeng. Nagsusumamo ang mga mata nito. Kaagad na lumapit si Ka Ipeng at hinawakan ang kamay nito.
"K-Ka Ipeng, h-huwag mong... pabayaan si A-Alice!" Habilin nito bago muling umubo at bumulwak muli sa bunganga nito ang masaganang dugo.
"Mama! Mahal na mahal kita! Huwag mo akong iiwan!" hiyaw ng bata habang nakayakap sa ina. Hinagod ng nanghihinang kamay ni Alicia ang likuran ng anak.
"Mahal kita, anak." Huling sambit nito bago tuluyang nawalan ng lakas ang kamay nito. Lumungayngay ang ulo nitong inaalalayan ni Father Ben.
"Mama?" sambit ni Alice at napatingin sa mukha ng kanyang ina. Pilit niya itong niyugyog ngunit hindi na gumalaw pa ang babae.
"Alice, wala na siya. Makakapiling na niya ang kanyang mag-ama," naaawang sambit ni Ka Ipeng at niyakap ang bata.
Pumunit sa kailaliman ng gabi ang malakas na palahaw ni Alice habang kumawala sa pagkakayakap ni Ka Ipeng. Mahigpit itong yumakap sa jna. Walang nagawa ang dalawa kung hindi pagmasdan ang bata at makidalamhati rito.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (61)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
tysm
5d
0Interesting
16/11
0goodd
26/11/2024
0Tingnan Lahat