Chapter 16

Nagtataka naman si Delia dahil ilang araw nang balisa ang kanyang asawa. Parang hindi ito mapakali at malalim ang iniisip kaya hindi niya napigilang usisain. Napansin niya iyon simula nang maganap ang eksorsismo.
"Ipeng, balisa ka pa rin. Nasa mabuting kalagayan na si Alice. Nakikita kong mahal siya ni Alicia," sambit nito na may pagtataka. Marahan niyang inilapag sa mesa na katapat ng asawa ang umuusok pang kape.
"May kakaibang nangyari sa akin, Delia. Simula nang maisagawa ang eksorsismo kay Alice," tugon ng matanda habang nakakunot ang noo at nag-iisip.
"Anong kakaiba?" nagtatakang tanong naman ni Delia. Kahit siya ay kinabahan sa nakitang pagkalito sa mukha ng asawa. Kilala nito si Ipeng at alam niya na tuwing binabagabag ito ay mayroong hindi magandang nangyayari. "Ipeng, may nakikita ka ba sa iyong pangitain?" hindi maitago ang takot sa boses na tanong niya rito.
"Iyon na nga, Delia, wala akong kahit na anong pangitain. Tila ba binulag ako at nawala ang aking kakayahan," pabuntong-hiningang sumandal ito at muling inalala ang mga pangyayari. Nagsimula ang lahat pagkatapos mapalayas ni Father Ben ang diablo sa katawan ni Alice. Simula noon ay tumigil na ang bawat pangitain niya. Kahit ang kakayahan niyang manghula at makakita ng mga namayapang tao ay nawala na rin. Napakaimposibleng mangyari iyon!
"Delia! Hindi kaya nagkamali kami ng akala ni Father Ben? Hindi tuluyang umalis ang diablo! Nasa paligid lang siya at naghihintay ng tamang pagkakataon upang muling umatake!" Nanlalaki ang mga matang napatayo siya dahil sa naisip. Maaaring binulag siya ng diablo upang linlangin silang tuluyan na itong bumalik sa impyerno!
Subalit isa si Lilith sa pinakatusong diablo. Hindi ito basta nagpapatalo na lamang. Makapangyarihan, tuso at mapanlinlang ang diablong ito!
"Baka naman tuluyan nang nawala dahil tapos na ang misyon mo sa bata? Wala na ang diablo, Ipeng." Lumapit ang babae sa asawa at iginiya itong muling maupo. Hinaplos niya ang braso nito upang mapakalma dahil sa iniisip.
"Hindi, Delia. Ang third eye ko pati na lahat ng kakayahan ko ay naglaho. Imposibleng mangyari iyon. Iba ang kutob ko at masama ito," giit niya kaya naman kahit ang babae ay nakadama na rin ng pagkabahala.
"S-Sigurado ka ba, Ipeng?" nag-aalalang tanong ni Delia. Ramdam niya ang takot ng asawa! Marahil nga ay nagtagumpay ang diablong bulagin ang ikatlong mata nito ngunit hindi ang talas ng kanyang pakiramdam!
"Nasa panganib ang mag-ina Delia! Magmadali ka! Puntahan mo si Father Ben!" giit ni Ka Ipeng bago hinanda ang kanyang mga gamit. Kailangan niyang makausap sa lalong madaling panahon si Alicia at Father Ben.
"Subalit hindi pa nakapagmimisa si Father Ben," alanganing tugon ng babae.
"Humingi ka ng tulong sa kanya. Iba ang kutob ko, Delia! Hindi pa ako ipinagkanulo ng pakiramdam ko. Alam kong nasa panganib si Alicia at ang anak niya!" giit niya. Hindi maitago ang kanyang labis na takot at pag-aalala. Hindi na siya makapaghintay pa dahil baka mahuli na ang lahat. Kailangan na niyang mabalaan si Alicia. Nasa paligid lang ang diablo at maaaring umaaligid lang sa bata.
Nagmadaling pumunta sa simbahan si Delia habang abot-abot ang dasal na sana'y makumbinse niya ang paring tulungan sila. Si Ka Ipeng naman ay inayos ang kanyang mga gamit. Inilabas niya ang isang baul na gawa sa metal, katamtaman ang laki nito at nang buksan niya'y tumambad ang isang manika. Ang manikang ito ay gagamitin niya sana noon upang ikulong ang diablong nanahan sa anak niyang si Cindy subalit hindi siya nagtagumpay. Ang kailangan lamang nilang gawin ay maisapi ang diablo sa manika upang doon na ito makulong sa habang panahon. May orasyon na ang manikang gamit niya, ang kailangan na lamang niya'y ang kakayahan ng isang lingkod ng Diyos upang naisagawa ang kanyang plano.
"Huwag lamang tatanggalin ni Alice ang kwintas na ibinigay ni Father Ben upang walang demonyong makalapit sa kanya," piping dasal ni Ka Ipeng. May basbas pa iyon ng Santo Papa mula sa Vatican na magsisilbing proteksyon nito sa diablo. Oras na maalis iyon sa katawan ng bata ay magkakaroon na naman ng pagkakataon ang diablo upang linlangin ito.
***
Masayang pumasok sa silid si Alice. Katatapos lamang nilang maghapunan ng Mama Alicia niya. Labis-labis ang pasasalamat niya dahil sa wakas ay wala nang gumagambala sa kanya at may itinuturing na rin siyang ina na nagmamahal sa kanya. Naging mabuting ina si Alicia sa bata at nagbalik loob sa Diyos. Madalas ay dumadalaw sila sa orphanage kung saan siya nanggaling at nagbibigay roon ng mga donasyon.
Naupo siya sa harap ng salamin at marahang sinuklay ang buhok. Nabitawan niya ang suklay at nalaglag ito sa sahig. Pumailalim ito sa dresser kaya bahagya siyang yumuko upang damputin ito. Nang muli siyang maupo ay sumabit ang kwintas niya at nasira ang lock nito ng hindi niya namamalayan. Nahulog ito mula sa pagkakasabit sa leeg niya at bahagya niya pa itong nasipa pailalim sa mesa nang tumayo siya upang mahiga na sa kama.
"Bunga ka ng kasalanan, Alice! Kasalanan ng ama mong ginahasa ang iyong ina! Itinapon na parang pusa dahil bunga ka ng kasalanan ng kriminal mong ama!" Isang boses ang umaalingawngaw sa apat na sulok ng silid na iyon. Pabiling-biling ang bata sa pagkakahiga, kunot ang noo nito habang mariing nakapikit ang mga mata. Tagaktak rin ang pawis at luhaan ang mukha.
"H-Hindi totoo 'yan!" wika niya sa nanghihina at paos na boses. Pilit itinatanggi ang sinasabi ng boses na naririnig.
"Hindi ka mahal ng iyong ina. Walang nagmamahal sa 'yo, Alice dahil bunga ka ng kasalanan!"
"Hindi!" Napaupo ang bata habang humahagulgol ng iyak. Habol nito ang paghinga habang kinakapa sa leeg ang kwintas na bigay ni Father Ben. Nanlaki ang mga mata ng bata dahil hindi nito iyon matagpuan.
Napasinghap naman si Ka Ipeng sa mabilis na pagdaan ng pangitain. Sa mariin niyang pagpikit upang piliting ibalik ang mga pangitain niyang nawala ay nakita niya ang balisang mukha ni Alice habang nakaupo sa gitna ng kama. Kinakapa ng bata ang leeg ngunit hindi nakasabit roon ang kwintas nito.
"Oh, hindi! Diyos ko, patnubayan Mo ang mag-ina!" Natatarantang napatakbo sa telepono ang matanda at agad tinawagan si Alicia.
"Sagutin mo, Alicia!" piping hiling ni Ka Ipeng. Alas diyes na ng gabi at tiyak na tulog na ang mga ito ngunit ang diyablo ay naroon lang at tiyak na ito na ang hinihintay na sandali upang muling maghasik ng lagim.
"Ka Ipeng?" sagot ni Alicia sa kabilang linya. Halata sa boses nito na bagong gising ngunit hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang matanda.
"Umalis ka na diyan, Alicia!" sigaw niya sa labis na pagkataranta.
Nangunot naman ang noo ng babae at marahang naupo sa kama. Wala na ang antok sa boses nito ng muling magsalita.
"May problema ba, Ka Ipeng?" nagtatakang tanong nito.
"Umalis ka na diyan ngayon din! Nilinlang muli tayo ng diablo, Alicia! Nahanap na niya ang pagkakataong hinihintay niya!" Nanginginig ang boses ng matanda habang sinasambit iyon.
"Hindi ko maintindihan, Ka Ipeng!"
"Si Alice, natanggal ang kwintas niya at ngayon ay sakop na siyang muli ng diablo! Mag-ingat ka, Alicia! Papunta na ako diyan!"
"Akala ko ba'y natalo na natin ang diablo?" nalilitong tanong niya.
"Walang kamatayan ang diablo, Alicia. Nariyan lang sila sa paligid at naghahanap ng malilinlang na may mga mabigat na pinagdaraanan sa buhay. Mga taong may puwang sa puso ang galit, poot at mga kakulangan sa buhay. Ginamit ka ng diablo dahil sa labis mong pangungulila sa iyong anak at ginamit niya naman si Alice dahil sa kawalan niya ng mga magulang. Tingin ko'y iyon muli ang ginagamit ng diablo upang malinlang ang bata!"
"Mama!" Nanlaki ang mga mata ni Ka Ipeng sa kabilang linya nang marinig niya ang boses ng bata na labis niyang ipinag-alala.
"Alicia, makinig ka sa akin. Manalig ka sa Diyos! Walang ibang makatatalo sa diablo kung hindi ang iyong pananampalataya sa tunay na Diyos!"
"A-Alice, anak, ibaba mo 'yang kutsilyo anak!"
"Mama–"
"Alice, maawa ka!"
Iyon lang ang huling narinig ni Ka Ipeng bago naibaba ni Alicia ang tawag.
"Alicia!" tawag niya dito ngunit puro dial tone na lamang ang kanyang naririnig.
Mabilis niyang dinampot ang mga gamit at inilagay sa bag bago nagmadaling pumanaog.
Si Father Ben ay lulan naman ng kanyang sasakyan habang nakatingin sa magkasalungat na daan. Ang isa'y patungo sa Arsobispo habang ang isa'y sa bahay nila Alice.
"Nasa panganib po ang buhay ng mag-ina, Father! Kailangan namin ang inyong tulong!" ito ang sambit ni Delia na pansamantalang pinatigil niya sa loob ng simbahan. Hindi na niya ito pinasama pa upang matiyak din ang kaligtasan nito.
"Diyos ko purihin ang Iyong kadakilaan, patnubayan po Ninyo ako sa aking gagawing hakbang. Ang kalooban po Ninyo ang siyang manaig at magpapasakop ako sa Inyong kapangyarihan! Sa Inyong mga kamay, panginoon ay lubos kong ipinauubaya ang lahat!"
Tinunton niya ang daan patungo sa ibinubulong ng kanyang puso. Wala ng oras pa kung mapapalayo pa siya kaya naman dumiretso na siya sa bahay ng mag-inang Chua.
***
Humahangos na bumaba sa bisikleta si Ka Ipeng. Patakbong pumasok siya sa loob ng bahay at naabutan niya si Alicia na bumababa sa hagdan. Duguan ang braso nito habang may hawak na kutsilyo.
"Alicia! Anong nangyari sayo!" agad itong dinaluhan ni Ka Ipeng nang makitang nagdurugo ang kanang braso ng babae.
"Si Alice, Ka Ipeng! Naagaw ko ang kusilyo sa kanya at siya ang may gawa nito!" sambit ng babae habang patuloy na bumababa sa hagdan.
Inalalayan naman ito ng matanda at sabay silang lumabas. "Saan siya nagtungo?"
"Lumabas siya, natanaw ko sa bintana ang direksyong tinungo niya," sambit ng babae. Kapwa natigilan ang dalawa ng pumarada ang sasakyan ng pari. Nagmadali silang lumapit doon sa labis na tuwa.
"Anong nangyari?" bungad na tanong ni Father Ben habang nakatingin sa nagdurugong sugat ni Alicia. Medyo malalim ang sugat nito ngunit hindi naman ganoon kahaba. Dinukot ni Father Ben ang panyo sa kanyang bulsa at mabilis na tinalian ang sugat upang maampat sa pagdurugo.
"Si Alice, nakatakas siya matapos akong atakihin. Tulungan mo kami father," luhaang sambit ng babae. Tumango-tango naman ang pari bago muling sumakay sa sasakyan. Lumulan sa likod si Alicia at pumuwesto naman sa tabi ng pari si Ka Ipeng.
"Patungo sa mahabang tulay ang direksyong tinahak niya, Father!" sambit ni Alicia.
Malayo pa man ay tanaw na nila si Alice na tumatakbo sa may tulay. Tumigil ito sa gitna ng tamaan ng ilaw na nanggagaling sa sasakyan. Nasilaw pa ito kaya naiharang ang mga braso sa mukha.

Komento sa Aklat (62)

  • avatar
    BadangDanmark Vincent

    yes

    7h

      0
  • avatar
    Chris Dominique Domingo

    tysm

    2d

      0
  • avatar
    Jovy-lyn Aohco Zedlav

    Interesting

    16/11

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata