logo text

XVII - Captured

Ryan
Ang malamig na pakiramdam ng pagbuhos ng tubig sa mukha ko ang nagpabalik sa akin sa realidad. Otomatiko akong napamulat at para bang galing sa pagsisid kung humingal.
Ipinilig ko ang ulo ko para maalis ang mga patak ng tubig na nagpapalabo sa paningin ko. Sa ginawa kong ‘yon ay may napansin akong isang bagay.
Ang mga kamay ko... nakatali sa likuran ko? Pati na ang mga paa ko?
Ano ba’ng nangyari sa akin? sigaw ko sa aking isipan.
Habang nakaupo sa lupa at nakasandal sa isang puno, pilit kong inalala ang mga huling tagpo bago ako magising sa kalagayan na ‘to.
“May... May humampas sa ulo ko!” Napaangat ako ng ulo ko at nabigla sa senaryong nakalatag sa harapan ko.
Nakalugmok sa harapan ko ang nakapikit na si Catherine na halos tulad ang kalagayan sa akin. Nakagapos din siya at nakaupo sa may puno, pero hindi katulad ko na nakakapagsalita nang ayos ay may busal siya sa bibig.
“C-Catherine! Catherine!” Agad ko siyang sinigawan pero hindi siya nagising o gumalaw man lang. Napalunok ako dahil bigla akong sinugod ng kaba.
Nakarinig naman ako ng kaluskos mula sa kanan ko, at nagulat ako nang makita ang isang taong hindi ko inaasahan.
Maraming nagbago mula noong huli ko siyang nakita. Ngayon, marungis na ang mukha niya at mukhang may mga pasa pa, magulo na rin ang buhok niya. Isang itim na hoodie na ang suot niya ngayon sa halip na ang paborito niyang turtleneck, at wala na rin ang salamin niya sa mata.
“Kayne?”
Saglit na humarap sa akin ang mukha niya at binigyan ako ng isang matalim na tingin. Pagkatapos noon ay nagpatuloy siya sa pagpupumiglas sa pagkakatali niya, na katulad ng kay Catherine.
Buhay pa pala siya? At sa sitwasyon namin ngayon, nagawa pa niyang magtaray? Hindi ako makapaniwala.
Napabuntonghininga na lang ako at idinako ang tingin sa paligid. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita kong pigura na nakasabit sa isang puno.
Punyeta.
“A-Alvin?”
Nakakaawa. Sa kabila ng lahat ng nangyari sa pagitan namin, iyan pa rin ang masasabi ko sa itsura ni Alvin ngayon. Kahit pa nagkagulo na ang pag-iisip niya, hindi pa rin makatarungan ang ginawa sa kaniya ngayon.
Sa punong katapat ng kay Kayne at katabi ng kinalalagyan ni Catherine, nakabitin nang patiwarik si Alvin. Nakalaylay ang dalawa niyang braso at nakapikit habang nababalot ng dugo ang mukha niya. Bumilis lalo ang tibok ng puso ko nang makita ang kaliwa niyang braso na halos mangitim na at kitang-kita ang pagkabali.
Nanlambot na ako sa lahat ng nakita ko. Napasulyap naman ako sa kaliwa, kung saan isang magandang tanawin ang nakita ko. Ang papalubog na araw sa kanluran.
Kulay kahel ang kalangitan at napakaganda talagang tingnan, kung hindi lamang ganito ang sitwasyon namin. Hindi na rin misteryo sa isip ko kung nasaan kami. Isang lugar na kaharap ang malawak na kalangitan sa isang panig at ang makapal na gubat sa kabila, alam ko nang nasa dulo kami ng kagubatan at nasa tabi ng isang bangin.
Naningkit ang mga mata ko habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Bago ko pa napansin, patuloy na palang tumutulo ang luha ko.
Muling nagbabalik sa utak ko lahat ng kahindik-hindik na pangyayaring hinarap namin sa loob ng punyetang gubat na ‘to.
Ang pag-atake ng taong may itak.
Ang nakatusok na ulo ni Kelly.
Ang nakabiting katawan ni Mark.
Ang bayolenteng si Alvin.
Ang duguang si Jane.
“Diyos ko po...” Napatungo na lang ako at pumikit. Hindi ko na alam. Hindi ko na talaga alam kung ano’ng gagawin.
Sa gitna ng paghikbi ko, nakarinig ako ng mahinang impit na boses. Napamulat ako at nakitang gising na si Catherine at nagpupumilit na gumalaw mula sa puwesto niya.
“Catherine!” Tumingin siya sa akin at napatigil. Kahit hindi siya makapagsalita, kitang-kita ko sa mga mata niya ang takot.
“Okay ka lang ba? ‘W-Wag ka munang gumalaw nang gumalaw, masasaktan ka lang,” payo ko sa kaniya. Kanina ko pa rin kasi sinusubukang luwagan ang pagkakatali ng mga kamay ko, pero pakiramdam ko’y nagkasugat lang ako dahil sa magaspang na lubid.
Tumango naman sa akin si Catherine kasabay ng pagbagsak ng luha niya. Hindi ko naman alam kung alin sa sinabi ko ang tinanguan niya. Punyeta.
Habang nakatitig kay Catherine ay pinigilan ko na ang mga luha ko. Hindi dapat ako maging mahina. Lalo na sa harapan niya. Kung nahihirapan ako, paano pa siya? Ako na lang ang makakapagligtas sa amin ngayon.
Humugot ako ng isang malalim na buntonghininga at napalunok. Sinuri ko nang mabuti ang paligid namin at maliban sa aming apat, walang bakas ng ibang tao. Hindi ko lang alam sa bandang likuran ko.
Kung may nagbuhos sa akin ng tubig kanina, ibig sabihin may isa pang tao na nandito. Alangan namang isa kina Catherine at Kayne—
Sandali.
Kung nandito kaming apat, isa lang ang ipinaparating nito.
Ang taong sumugod sa amin na may dalang itak, ang taong pumatay sa iba naming kaibigan, at ang taong nasa likod ng lahat ng ito ay walang iba kundi si…
“Steve.” Napangiti ako nang mapait.
Mula pa pala noong una, tama na talaga ang hinala ko. Siya nga. Si Steve ang demonyong naglagay sa amin sa impiyernong kagubatang ito.
“Catherine, Kayne,” pagtatawag ko ng pansin ng dalawa. “Si Steve ang may gawa ng lahat ng ito, ‘di ba?”
Pareho silang hindi tumugon sa sinabi ko.
“Nakita niyo ba kung sinong nagdala sa inyo rito?” panibagong tanong ko. Umiling lang si Catherine, at si Kayne naman ay walang pakialam. Buwisit.
Natahimik na lang ako at nag-isip ng mga paraan para makaalis dito. Sigurado na talaga ako kay Steve, at kahit pa wala rin sina Jessica at Noel dito ay alam kong inosente sila.
Si Noel... hindi ko na alam kung anong nangyari sa kaniya mula noong habulin ako ni Alvin. Pati si Jessica, na bigla na lang nawala. Sana magkasama sila ngayon at nakatakas na para makahingi ng tulong. Sana.
Napatingin ulit ako kay Kayne na naglilikot ang kamay sa likuran niya. Nanlaki ang mata ko nang makilala ang bagay na ginagawa niya.
Unti-unting pinuputol ni Kayne ang tali sa kamay niya sa pamamagitan ng isang blade. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang blade pero nagagawa niyang hiwain nang paunti-unti ang lubid sa kamay niya gamit ang kamay niya mismo. Napansin ko ring naitulak niya pataas ng braso niya ang tali kaya naaabot na ito ng blade sa mga daliri niya.
Akmang magsasalita na ako nang mapatitig ako sa mukha niyang nakatuon din pala sa akin. Mariin siyang umiling na para bang sinasabing ‘wag akong gagawa ng kahit ano. Napabuntonghininga na lang ako.
Humarap na ulit ako kay Catherine at pasimpleng sumisilip kay Kayne. Pigil din ang hininga ko sa kaba sa ginagawa niya.
Si Kayne. Hindi ako makapaniwalang si Kayne pa ang magiging huling pag-asa namin na makaalis dito. Talaga nga naman.
Hindi nagtagal, nagawa na ngang putulin ni Kayne ang isang lubid. Ikinawag niya ang kamay niya para lumuwag ito at matanggal. Hindi na ako nakapagpigil.
“Kayne, tul—” Sinalubong ako ng nakamamatay niyang tingin at pagtapat ng isa niyang daliri sa bibig niya bilang pagpapatahimik. Pinanood ko na lang siya sa sunod niyang ginawa. Mabilis din niyang pinutol ang lubid sa paa niya, tinanggal ang busal sa bibig, at tumayo.
Napangiti ako nang ilapit niya sa akin ang blade. Napansin ko rin ang ilang sugat niya sa braso dahil sa ginawa niya.
Akmang lalapit na siya sa akin nang bigla kaming makarinig ng putok ng isang baril.
“Huli kayo, pero ‘di kulong.”
Nanigas sa pagkakatayo si Kayne na nakalahad na sa harap ko ang kamay. Hindi ko naman makuha ang blade dahil nga nakatali ako.
Nakarinig kami ng mabibigat na yabag mula sa likuran. Pasimple namang inihagis ni Kayne ang blade malapit sa akin at dumiretso nang tayo.
Halos hindi na ako makahinga dahil sa kaba. Hindi nagtagal ay naabot na ng paningin ko si Steve, na nakasuot ng itim na coat at may hawak na baril sa kanang kamay. Lumapit siya kay Kayne na nakatalikod lamang sa kaniya.
“Paano ka nakawala? At... bakit mo naman sinusubukang guluhin ang napakagandang eksenang ginawa ko?” Nanindig ang balahibo ko dahil sa mga sinabing ‘yon ni Steve gamit ang malalim niyang boses.
Hindi. Hindi na siya ang Steve na nakilala namin.
Ipinatong niya ang kamay niyang walang baril sa balikat ni Kayne at umikot papunta sa harap niya.
“Dahil espesyal ka, bibigyan kita ng pagkakataong tumakas...” Ibang klase talaga ang tono ng boses niya ngayon. Nakakikilabot.
“Hahayaan kitang tumakbo palayo, pero pagkatapos ng tatlong segundo ay babarilin kita. Kapag hindi ka tinamaan, malaya ka na. Pero kapag tinamaan kita, e ‘di...” Tanaw ko namang iminosyon ni Steve ang daliri niya sa leeg ni Kayne bilang senyales... ng kamatayan.
“Oh ano, handa ka na? Kinakabahan ka na ba?” turan ni Steve na napatawa pa nang mahina. Hindi ko naman alam kung anong itsura ng mukha ni Kayne dahil sa nakatalikod sila sa akin.
“Isa, dalawa, takbo!”
Nagulat ako nang biglang sikuhin ni Kayne si Steve sa tiyan bago humarurot ng takbo. Ang galing niya!
“Puta ka talaga!” rinig ko namang asik ni Steve. Pero napalunok ako nang itutok niya na ang baril niya sa direksyon ni Kayne.
“Isa, dalawa, tatlo!” Mabilis siyang bumilang at nagpakawala ng sunod-sunod na bala. Punyeta! Ang sakit sa tainga!
Pero higit pa roon, si Kayne! Hindi ko makita kung tinamaan ba siya dahil nahaharangan na ng maraming puno ang paningin ko. Sana nakaligtas siya.
“Hay...” Ibinaba ni Steve ang baril niya at hinimas-himas ang tiyan niyang siniko ni Kayne. Teka, ibig sabihin ba nito...
“Akala siguro niya makakatakas talaga siya. Sayang. Itinira ko pa man din siya para mas exciting ‘tong lalaruin natin.” Humarap sa akin Steve at humihingal na lumapit. Binigyan ko lang siya ng nanlilisik na tingin. Putang ina niya!
Kinabahan naman ako nang lumuhod siya sa tapat ko. Anong—
“AAAHHH! Hayop kang demonyo ka!”
Punyeta! Pinulot niya pala ang blade ni Kayne at mabilis na ipinadaan ‘yon sa kaliwa kong pisngi. Ramdam ko ang pagtulo ng dugo sa mukha ko at ang matinding pagkirot ng sugat. Puta! Ang laki pa ata ng hiwa!
“Masakit ba? Hayaan mo na, isa ka na ngayong batang may laban.” At talagang tinawanan pa ako ng hayop. Hindi na ako nakapagpigil.
“Demonyo ka! Tigilan mo na ‘tong kahibangan mo!”
“Oh? Hindi ‘to kahibangan. Alam ko ang ginagawa ko, Ryan. Alam na alam...” Nagpanting ang tainga ko sa narinig ko..
“Bakit? Ha? Bak—”
“Shhh.” Itinapat niya ulit ang blade sa mukha ko kaya napatikom ang bibig ko.
“Ang kapal ng mukha mong tanungin ako kung bakit. Proweba lang ‘yan na kinalimutan niyo na talaga ang ginawa niyo sa akin! Para lang akong dumi sa sahig na pinunasan niyo at itinapon sa basurahan!” Nangunot ang noo ko sa bigla niyang pagtayo at pagsinghal sa akin.
“Walang-wala lang talaga sa inyo ang lahat ng ginawa niyo, kahit na kayo ang sumira ng buhay na pinipilit kong itama! At kung may demonyo man dito, hindi lang ako ‘yon. Kayo! Kayo ang mga demonyo!”
Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam kung ano ang sinasabi niya. May mga inabuso ba kami noon? Sa pagkakatanda ko ay—
Napalunok ako nang may maalala.
Siya.
Posible bang si Steve ay...
Punyeta! Para akong bata na pinapagalitan sa kasalanang hindi ko naman alam!
“Hanggang ngayon ba, hindi mo pa rin tanda? Whoo! Puta, ang linis naman ng tingin mo sa sarili mo!” Napapikit na lang ako dahil sa malalakas na pagsigaw niya sa akin.
“Teka... masiyado na akong dumaldal. Bakit hindi pa natin simulan ang laro? Para naman unti-unti mong maalala ang lahat.”
Hindi na ako nakasagot pa. Nag-aalala na lang akong sumulyap kay Catherine na walang kagalaw-galaw.
“Pikit! Pumikit ka!” Nagitla na naman ako sa malakas na boses ni Steve. Itinutok niya ang baril niya sa akin kaya wala na akong nagawa.
“Sigurado akong pamilyar ka na rito. Maglalaro tayo ng ‘Mafia Game’.”
•••

Komento sa Aklat (126)

  • avatar
    BagasinAmormia

    Potek ang ganda ng story. Dimo talaga alam kung sinong magiging killer. Diko inaasahan ang mga revelations Hahaha ang ganda. Diko one expect na ganun yung magiging ending hanep haha. Nice nice

    05/01/2022

      0
  • avatar
    EscondeAzzy lei

    woohhh ka thrill ng stories HAHAHA d mo talaga mahuhulaan yung mga susunod na mangyayare

    20/12/2021

      4
  • avatar
    PersiaKlaatu

    it's my first time reading this kind of story kind the like it's nice

    12/12/2021

      5
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata