15: Ranking Exam: 06

Natapos ang dalawang araw na torture at pressure sa utak ng mga estudyante na mas kilala sa Sacred Morning High bilang ranking exam.
Nagawa kong lumabas sa katawan ko ng nakaraang gabi ngunit sa halip na mamasyal ay ginamit ko ang oras ng magdamag na magreview habang nasa spirit form. Mabuti na lang at nakapaglagay ako ng mga sticky notes sa pader ko para ihanda sa ganitong pagkakataon, hindi ko naman kasi magagalaw ang mga pisikal na bagay kapag nasa spirit form ako. Si Daldalita nga lang ang hindi masaya dahil mag-isa na naman siyang namasyal sa kung saan.
Dumaan ang sabado at linggo at balik eskwela na naman ngayong Lunes, ngayong araw ipo-post ang resulta ng ranking exam sa lahat ng estudyante.
Nakalagay sa school bulletin ang resulta ng exam at pagdating ko ay marami nang mga estudyante ang naghihintay sa resulta na nagkukumpulan sa harap ng bulletin.
"Matagal pa ba?" tanong ng isang grade 8, halata sa mukha na naiinip na siya, siguro kanina pa siya naghihintay.
"Yuhuuu.... Cloud Alegre, calling calling! wearing a white polo with red collar and black pants" isang pamilyar na boses ang tumawag sa akin at hinanap ko kung saan galing ang boses na iyon. Kung makapantawag sa akin sa suot kong uniporme akala mo naman ay hindi rin gano'n ang suot n'ya.
"Nandoon sa puno, 'yong madaldal na babae." turo ni Daldalita.
Si Sonia, kasama ang ilang taga section mars, kumakaway siya sa akin para makita ko kaagad siya. Naglakad ako palapit sa kanya at naroon din si Mark na nagbabasa, katulad ng palagi niyang ginagawa kasama rin nila si Gello at ang ilan pang classmate nila na hindi ko na matandaan kung sino-sino sila.
"Nakita mo na ang rank mo? Hindi pa ano? Ganyan talaga kasi hindi pa dumarating ang registrar para i-post ang result. Kanina pa nga rin kami naghihintay." Si Sonia na rin ang sumagot sa tanong niya.
Lumingon ako sa mga nagkukumpulang estudyante sa harap ng school bulletin at nakita ko na may dalawang babaeng parating na may dala-dalang papel. Sila na siguro ang magpopost ng result.
"I so nervious..." napakapit si Sonia sa balikat ni Mark.
"I'm so nervous, Sonja." pagtatama ni Gello.
"Ah, gano'n din 'yon basta ninenerbyos." nakangusong sagot ni Sonia.
Paalis na ang dalawang babae nang muli ko silang tingnan, nai-post na siguro nila ang result, dahil nagkakagulo na ang mga estudyante at nag-gigitgitan sila para maunang makita ang resulta, may mga napasigaw at napa-palakpak habang ang iba naman ay napa-iyak sa nakita nila.
"Tara." yaya ni Gello sa amin.
"Sandali..." pigil ko sa kanila. Itinuro ng mga mata ko ang direksyon kung saan parating ang isang grupo ng estudyante. Pinangungunahan ang grupo na papunta sa bulletin ng isang babae, at kilala ng lahat kung sino ito. Si Allysa Arellano, ang top 01 ng Grade 10.
"Tabi-tabi d'yan oh ang ayaw mapasama!" sigaw ng isang lalakeng kasama niya. May kayabangan din ang porma ng lalakeng kasama ni Allysa, mukhang napaparami na ang mga mayayabang sa school na ito.
Kaagad na nahawi ang mga nagkukumpulang estudyante sa harap ng bulletin at walang kahirap-hirap na lumapit ang grupo ni Allysa at binasa ang resulta ng ranking exam. Kasama ang ilang ka-grupo niya ay mukhang satisfied sila sa result na nakita at saka isa-isang tumalikod. Nang masiguro ng iba na wala na si Allysa ay muling naggitgitan at nagtulakan ang iba para makita ang naka post na result.
"Sobra talaga 'yong babaeng 'yon." inis na sinusundan ni Daldalita ng tingin ang grupo ni Allysa habang naglalakad na ito pabalik sa Grade 10 building.
Naglakad na rin ang ibang estudyante palapit sa bulletin kahit ang mga lower section ay nagpunta na rin sa harap, inaabangan lang pala nila ang pag-alis ni Allysa dahil umiiwas sila sa kanya. Lumakad na kami palapit at kasabay ko ang mga taga mars kaya naman nagtinginan din ang mga taga ibang section sa amin, maging ang ibang classmate ko ay hindi maiwasang sumimangot nang makita nila akong kasabay ang mga tinuturing nilang trash section.
"Huwag na kayong mag-abala pang tignan ang resulta ng exam ninyo dahil hindi naman 'yan magbabago." ani Angelo, kasama sina Ronn at Alfred. Kahit pa naka-saklay ay walang kahirap-hirap na nakalapit ang tatlo sa bulletin dahil katulad ni Allysa ay nagbigay ng espasyo ang mga estudyante upang makalapit ang tatlo.
"Ako na lang titingin ng resulta, ang daming drama ng mga tao rito." lumipad na si Daldalita palapit sa bulletin habang nakatayo at nagsasalita si Angelo.
"Huwag ka na rin umasa Alegre na makakapasok ka sa top five ng Section Earth." nanatili lang akong nakatayo kasama ang mga taga section mars, nakarating na sina Angelo sa harap at binasa ang result. Si Daldalita naman ay lumapit sa akin at saka bumulong.
Para namang may makakarinig sa kanya kapag nagsalita siya, bakit kailangan pa niyang bumulong sa akin?
Pagkabasa ng result ay masama ang tingin na ipinukol sa akin ng tatlo. Hindi na ako nagulat o nagtaka dahil sinabi na ni Daldalita ang resulta sa akin. Kasama ako sa Top 5.
"This is not right. Siguradong nandaya ka, hindi pwedeng makapasa ang katulad mong taga public school lang. Hindi ka pwedeng basta makahabol sa advanced na lessons ng school na ito." nanggigigil si Alfred at kung wala pang salamin ang bulletin bilang proteksyon siguradong nalukot na ito dahil sa inis niya.
"Oo nga! Nandaya ka! Sigurado may kodigo ka!" dagdag pa ni Ronn.
Lumapit ako sa tatlo at kaagad na naging alerto sila sa paglapit ko sa kanila. Ang daming mga mata ang nakabantay sa amin at wala akong planong makipag-away sa mga walang kabuluhang akusasyon nila.
"Hindi ko na problema kung hindi n'yo matatanggap ang resulta ng exam, 'di ba, kayo pa ang nagbantay sa akin para masigurong walang mangyayaring pandaraya? kaya alam ninyo na malinis ang lahat." lumapit ako sa bulletin para personal kong mabasa ang result. Narinig kong nagyaya si Angelo na umalis, hindi ko na sila pinansin sa pagrereklamo nila.
Grade 09 First Ranking Result
NAME - RANK - SECTION
Morgan, Angelo Gabriel - 01 - Earth
Mendoza Alfred - 02 - Earth
Atienza Ronnel - 03 - Earth
McGrath Hyacinth - 04 - Earth
Alegre Cloud Patrick - 05 - Earth
Top five talaga, sumabit kahit papaano.
"Hihi. Paano ba 'yan panalo kahit sumabit sa ika limang pwesto." pumalakpak pa sa galak si Daldalita, buti pa siya masayang masaya pero nakahinga naman ako ng maluwag nang makita kong maganda ang resulta ng pagpupuyat ko ng ilang araw.
"Sinuwerte ka lang Alegre." habol pa ni Angelo bago tuluyang naglakad na ang tatlo palayo, wala silang magagawa dahil hindi naman talaga ako nandaya at alam nila iyon sa mga sarili nila.
Nagsimula na namang magsiksikan ang mga estudyante nang makalayo na sina Angelo. Muli kong binasa ang ibang pangalan sa Grade 09. Habang sinisiksik naman ako ng ibang estudyante.
Ramos Angelo - 06 - Mars
Fuentebella Fatima - 07 - Earth
Number six si Angelo pero nasa Mars? bumalik sa ala-ala ko ang sinabi niya tungkol sa waiver na pinirmahan niya sa registrar.
"...may waiver akong pinirmahan sa registrar na regardless sa kung anong makuha kong result sa ranking, sa Mars pa rin ako hangga't walang makakatalo sa score ko."
Bakit kaya nagpalipat si Gello sa Mars kung qualified naman siya sa Earth? muli kong itinuloy ang pagbabasa ng result.
...
Domdom Sonja - 97 - Mars
...
Ybardolaza Mark Samuel - 111 - Mars/Odd
...
Cascante Joseph Ryan - 115 - Mars/Odd
Odd? pasobra sina Mark at Jay-Ar? Napatingin ako sa direksyon kung saan nakatayo lang ang mga taga Section Mars. Kasama ang ilang lowest o trash ay hinihintay lang nila matapos ang ibang section na makita ang result.
"Yes! wala na ko sa Venus!" napatalon ang isa sa mga estudyante nang nakita niya ang pangalan niya.
"Congrats. Nakapasok ka sa top five." kinamayan ako ni Gello nang makalapit na ako sa kanya.
"Aba syempre, nagreview yata 'yan kahit nga nakalabas ang espiritu n'ya pagre-review pa rin ang inatupag n'ya." proud na proud pa si Daldalita, para namang may naitulong siya.
"Hindi ka na ma-e-expel." dagdag pa na sabi ni Gello.
Paano nalaman ni Gello ang tungkol sa kondisyon na iyon ni Mr. Morgan?
"Excuse muna." pagpapa alam ko kina Gello at naglakad ako palayo sa kanila.
"Saan ka pupunta? Hindi naman d'yan ang papunta sa building n'yo?" tanong sa akin ni Daldalita. Hindi ako sumagot, sa halip ay nagtuloy lang ako sa paglalakad, may isang ideya ang pumasok sa isip ko.
Habang naglalakad ay nakasalubong ko si Mr. Morgan na kagagaling lang siguro sa guidance office.
"Oh, Mr. Alegre kakukuha ko pa lang ng result para sa ranking n'yo. Congratulations, nakapasok ka sa top five." pagbati sa akin ni Mr. Morgan.
"Salamat Sir." sagot ko sa kanya. "Ibig sabihin ba nito sir, hindi na ako under probation at hindi na ako ma-e-expel?"
Tumango lang si Mr. Morgan. Ayos, pwede ko na ngang gawin ang plano ko.
"Excuse me Sir, mauuna na po ako." pagpapa alam ko at naglakad na ulit ako, hindi ko na hinintay ang sagot ni Mr. Morgan.
"Oi Trick, saan ka ba pupunta?" sigaw sa akin ni Daldalita.
"Teka saan ba pupunta 'yang si Mr. Alegre?" narinig kong tanong ni Mr. Morgan kay Daldalita.
"Mr. Alegre, saan ka pupunta?" tanong ni Mr. Morgan, naglakad na rin siya at sumusunod sa akin.
"Dito lang Sir." sagot ko sa kanya, nilakihan ko ang mga hakbang ko para hindi na siya sumunod.
"Saan d'yan?" sabay na tanong ni Daldalita at Mr. Morgan.
"Registrar's Office."
"Oi, teka teka! anong gagawin mo do'n?" tanong ni Mr. Morgan, humahabol na rin talaga siya sa akin. Hindi ako sumagot dahil ayaw ko siyang sagutin.
"Teka, alam ko 'yang pinaplano mo Mr. Alegre, pag-isipan mo munang mabuti bago mo gawin ang pinaplano mo." nakasunod lang si Mr. Morgan sa akin at alam kong alam na nga n'ya ang plano ko.
"Teka, Mr. Pogi. Ano bang pina-plano ni Trick?" tanong ni Daldlita.
Nakarating na ako sa office at pumasok na ako agad sa kwarto, pumasok din si Mr. Morgan kasunod ko.
"Yes Sir?" tanong ng isang babae ng makita nila si Mr. Morgan.
"Sigurado ka ba sa gusto mo Mr. Alegre?" tanong ni Mr. Morgan sa akin. Tumango ako.
"Alright, then allow me." bumuntong hininga si Mr. Morgan bago muling magsalita.
"Ako na lang po." pinigilan ko si Mr. Morgan bago pa siya makabwelo.
"Ma'am gusto ko po sana i-give up ang privilege ng rank ko
as one of the top five sa Grade 09. Magpapa transfer po ako sa ibang section." kung lilipat ako ng section siguro naman titigilan na ako nina Angelo.
"Saang section mo naman gusto magpa-transfer Sir?" tanong ulit ng registrar sa akin.
Nakapagdesisyon na ako, at paninidigan ko ito, paalam na nga lang talaga sa bakasyon na tinarget ko para sa privilege sana ng rank ko.
"Mars po. Section Mars."
★★★★★End★★★★★

Komento sa Aklat (245)

  • avatar
    Li Liah

    I really enjoy reading your story, I found myself laughing all the way through it. The story was very enjoyable to read. I don't remember the last time I read something as good as your story, No words can describe this story another then great. My words won't be enough

    17/02/2022

      10
  • avatar
    Jol Cyndrelle Quiñones Bajenting

    hi po, gusto ko lang po sabihin na ang ganda po ng story sobrang nagustohhan ko po , sana po marelease na po sunud na chapter po, 💙💙

    08/02/2022

      0
  • avatar
    JU DY

    Hello po, I really love your story kaya po sinundan na kita dito kasi dalawang pasko na ako naghihintay sa update ng story na to.

    08/01/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata