Chapter 30

Maliit lamang ang Buenaventura kaya maliit lamang din ang venue ng event na ito. Halos lahat ng estudyante ay nasa ground floor at inaabangan ang huling bahagi ng Intramurals ngayong taon. Tapos na kanina pa ang mga sports at in-announced na kanina ang strand na may pinakamaraming panalo, ang HUMSS.
May pathway sa gitna at iyon ang lalakaran ng mga kandidato. Nasa unahan ang tatlong judge at may sarili silang pwesto roon. Sa dulo naman ng pathway ay mga upuan para sa mga manonood. Sa palibot niyon ay naroon din at nakatayo ang ilan pang mga estudyante.
Ilang saglit pa ay tinawag na ang mga contestant. Isa-isang tinawag ang strands nila at isa-isa silang nagpakilala sa mikropono. Magkasama ang mga magkakapareha.
Nakaupo kami ni Sam sa dulo ng pathway at nasa likod naman namin ang mga lalaki. Nakipag-agawan pa kanina si Sam para lamang makaupo kami rito kung saan may pinakamagandang pwesto.
Kaya naman ngayon ay kitang-kita namin ang mga kandidato. Nakatayo sila sa unahan at may kanya-kaniyang posing. Napatitig ako ngayon kay Queen na nakangiting-nakangiti habang nakaangkla ang kamay sa braso ng kapareho niya. Talagang bawat bagahi ng ground floor ay sinusulyapan niya para lamang ngitian ang lahat ng manonood. Makapal ang make up niya. Hindi na ako nagtataka.
"At ngayon, let us call on Mr. Sean Santos, a member of performing arts para pakiligin ang ating mga audience! Mr. Sean..."
Mula sa ginawang back stage ay lumabas ang isang lalaking nakasuot ng isang white long sleeves shirt, black slacks at black shoes.
Maputi siya at matangkad. Matangos ang ilong at may itsura kaya naman mabilis na nagtilian ang mga kababaihan. Maging si Sam sa aking tabi ay paulit-ulit akong hinampas dahil sa kilig.
"'Di ko man maamin
Ikaw ay mahalaga sa akin
'
Di ko man maisip
Sa pagtulog, ikaw ang panaginip..."
Malamig ang boses ng lalaking kumakanta at talaga ngang nakakaakit. Hindi na ako magtataka kung bakit ganito ang reaksyon ng mga kababaihan ngayon.
Pamilyar din sa akin ang Sean Santos na ito. Pamilyar sa akin ang pangalan pati na rin ang mukha niya.
"Malabo man ang aking pag-iisip
Sana'y pakinggan mo.
Ang sigaw nitong damdamin..."
Bigla akong napatingin kay Ibarra. Hindi ko ipinahalatang nagulat ako nang makitang nakatingin din siya sa akin. Nakangiti siya, pero alam kong hindi totoo iyon. Lahat ng kandidato ay nakangiti at alam kong inutusan sila ng mga coordinator na palaging ngumiti sa harap ng audience.
Hindi ko tuloy alam kung anong mararamdaman ko. Sa isang iglap ay biglang nag-iba ang tingin ko sa kaniya. Palagi na lamang akong kinakabahan sa tuwing nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin. Masamang pangitain ito.
"Ako'y alipin mo kahit hindi batid
Aaminin ko, minsan ako'y manhid
Sana at iyong naririnig
Sa'yong yakap, ako'y nasasabik... "
Muling napababa ang tingin ko sa kamay ni Queen na nakaangkla pa rin sa kaniya. Napabuntong -hininga na lamang ako.
Bakit ba kasi sumali ka pa riyan? Pabida ka rin talaga e 'no? Gusto mo talagang palaging may kalandiang iba. Iba rin kung makatingin iyang babae sa tabi mo. Akala mo naman ahas kung makalingkis.
Napailing na lamang ako.
"Ayoko sa iba
Sa'yo ako ay hindi magsasawa
Ano man ang 'yong sabihin
Umasa ka, ito ay diringgin..."
Nagulat na lamang ako nang biglang may mag-abot sa akin ng bulaklak. Isa iyong kulay pulang rosas. Napaangat ako ng tingin at nakitang nakangiti at nakatingin na siya sa akin ngayon habang hawak ang mikropono.
Nagtilian ang mga babae sa ginawa niya at si Sam naman ay hinampas-hampas pa ako. Kinuha ng lalaki ang kamay ko at pinatayo ako. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang tumayo dahil maraming nanonood sa amin. Pati mga teachers ay nanonood.
Ngayon ay naaalala ko na talaga ang pangalan niya. Kaya pala pamilyar sa akin ang pangalang Sean Santos. Madalas siyang magchat sa akin tuwing gabi at nagtatanong kung pwedeng manligaw. Kaya pala pamilyar din ang pangalan at mukha niya sa akin.
"Madalas man na parang
Aso at pusa, giliw
Sa piling mo, ako ay masaya..."
Hinampas-hampas muli ako ni Sam sa kilig at pinanlakihan ako ng mata. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang tanggapin na lamang ang bulaklak. Hindi kalayuan ay natanaw ko ang tatlong babaeng masama ang pagkakatingin sa amin ngayon. Sila iyong humarang sa amin noong nakaraan pang linggo at pinagbintangan akong inaagaw ang kasintahan ng kasama nila.
Hindi kaya ang Sean Santos na ito ang tinutukoy nilang nilandi ko?
"Ako'y alipin mo kahit hindi batid
Aaminin ko, minsan ako'y manhid
Sana at iyong naririnig
Sa'yong yakap, ako'y nasasabik
Pilit mang abutin ang mga tala
Basta sa akin, 'wag kang mawawala."
Tiningnan ko muli si Ibarra at inalam ang reaksyon niya. Ngayon ay hindi na siya nakangiti. Malamig lamang siyang tumingin sa akin at kalaunan at biglang tumalikod at naglakad papunta sa back stage.
Nagulat ako sa ginawa niya. Si Queen naman ay hindi rin malaman ang gagawin ngayong iniwanan siya ng kaniyang kapareha.
"Ako'y alipin mo kahit hindi batid
Aaminin ko, minsan ako'y manhid
Sana at iyong naririnig
Sa'yong yakap, ako'y nasasabik."
Ibarra...
Natapos ang kanta at nagsalita na naman ang host. Hindi ako nakinig sa kaniya dahil inaabangan kong lumabas si Ibarra pero hindi niya ginawa. Nagbalikan ang mga kandidato sa back stage para sa sports attire.
Hindi ko na gusto ang mga susunod na mangyayari kaya tumayo na lamang ako at naglakad paalis doon.
"Bella saan ka pupunta?!" tawag sa akin ni Sam nang makita akong paalis. Tamad akong humarap sa kaniya.
"Masakit ulo ko. Uuwi na muna ako."
Tumayo rin siya at lumapit sa akin.
"Ha? Samahan na kita. Sabi ko sa'yo kanina ihahatid na kita e. Pinatagal mo pa talaga. Ano kaya mo pa ba? Makakalakad ka pa ba?"
Umirap ako sa kaniya.
"Oo kaya ko. Huwag ka na sumama. Manood ka na lang diyan."
"Ano? Tara na sasamahan kita pauwi."
"Huwag na nga! Kaya ko na."
Sumimangot lamang siya saka tumango sa akin.
"Sige na bumalik ka na roon."
Tinakuran ko na siya at mabilis na kinuha ang bag ko sa classroom. Ayoko na talagang magtagal dito. Paniguradong hindi ako masisiyahan habang pinapanood ang dalawang magkaparehang iyon mamaya.
Maguguluhan lamang ako lalo kaya mas mabuti nang umuwi na lamang ako. Nag-aabang na ako ng masasakyan sa labas nang biglang may tumabi sa akin. Napatingin ako sa kaniya.
"Aalis ka na kaagad?" tanong niya.
"Ayoko nang manood do'n."
"Paano kapag umalis ka, wala ka ng babalikan?"
"Wala naman talaga akong kailangang balikan."
Ngumisi siya sa akin at umiling-iling.
"Darating ang pagkakataong ikaw naman ang maghahabol Ysabella. Hindi palaging nasa likod mo ang tadhana. Kapag pinalampas mo ang pagkakataong ito, bukas-makalawa, maraming pwedeng magbago."
Sumulyap siya sa unahan at pinara ang paparating na sasakyan.
Nanatili akong nakatingin sa kaniya.
"Hindi ako naniniwala sa tadhana."
Isang beses akong sumulyap sa kaniya bago pumasok sa loob ng sasakyang pinara niya. Parehas lamang silang magkaibigan. Ang daming sinasabi. Hindi na lamang akong diretsuhin.
"Ysabella? Ang aga mo yata?"
Mabilis akong nagmano kay Lola nang makita siya sa labas ng bahay.
"Wala na pong klase. Sina Pia po?"
"Nasa kwarto mo. Doon gumagawa ng assignment niya si Pia."
Matamlay akong naglakad sa taas at dumiretso sa kwarto ko. Doon ay naabutan ko ang dalawa na nagbabasa. Simula noong araw na kinausap at tinanggap ko sila bilang mga kapatid ko ay dito na sila palaging natutulog sa kama ko.
Kasya naman kami rito pero malilikot sila matulog. Sinabihan na rin sila ni Lola na bumalik na lang sa kwarto nila pero ayaw nilang pumayag. Gusto raw nila akong katabi palagi.
Kahit napapailing si Lola, kita ko ang ngiti niya habang pinagmamasdan kaming magkakasama. Dati kasi ay hindi niya malaman kung paano kami paglalapiting magkakapatid lalo na at iyon 'yong mga buwan na wala akong kinakausap ni isa sa kanila.
Kaya kong tanggapin sina Pia at Cye. Pero sina Mama at Papa...
Hindi ko alam.
"Ate, marunong kang bumasa ng baybayin?" tanong ni Pia sa tabi ko.
Umiling lamang ako.
"Bakit ano ba kailangang gawin?"
"Nakakita kasi ako ng mga sulat sa Casa. Ang sabi ng teacher ko baybayin daw ang mga iyon. Ate gusto kong matutong magbasa ng baybayin."
"Magsearch ka na lang sa google kung paano. Panigurado namang meron do'n."
Tumango lamang siya saka nagpatuloy sa kaniyang ginagawa. Si Cye at nakaupo sa tabi niya at naglalaro na ng maliit niyang kotse na binili ko para sa kaniya noong isang linggo.
Paminsan-minsan ay naaawa pa rin ako sa mga batang ito. Maliit pa lamang sila pero sira na kaagad ang pamilyang kakalakhan nila. Iyon ang isa sa mahirap na parte ng kabataan. Iyong darating ang mga pagkakataon na makikita mo ang mga kaklase mo na buo ang pamilya samantalang ang sa'yo ay watak-watak.
Nakakainggit.
Lalo na sa parte ko dahil walong taon silang walang paramdam sa akin. Ni hindi sila tumawag o nagpapadala ng sulat. Nabuhay ako sa puder ni Lola habang sinusunod ang mga patakaran niya. Masyado siyang mahigpit sa akin. Kaya siguro palihim akong nagrerebelde para makatakas.
Lumipas ang mga araw at ginawa ko ang lahat makaiwas lamang kay Ibarra kahit pa magkaklase kami at nag-aaral sa iisang paaralan. Hindi siya nanalo sa Mr. Intramurals sapagkat ang kwento sa akin ni Sam ay hindi na raw siya nagpakita pagkatapos ng sports attire. Hindi na niya tinapos ang event.
Hindi ko alam kung anong dahilan niya. Ayoko ring magtanong sa mga kaibigan niya. Napapansin ko rin ang pagiging matamlay niya nitong mga nakaraang araw.
"Tara na sa canteen?"
Mariin akong umiling kay Sam at nagpanggap na abala sa ginagawa. Nakatayo na ang limang lalaki at nag-iintay sa akin.
"Kayo na lang hindi ako nagugutom."
At kagaya ng mga nagdaang araw, hindi na nila ako pinipilit na bumaba sa canteen dahil alam nila ang magiging tugon ko. Palagi kong nakikita si Ibarra na nangunguna sa paglalakad at para bang barino.
Nitong mga nakaraang araw ay hindi rin kami nagkakausap. Maging sa mga assignment ay kay Gregorio ako nagtatanong dahil para sa akin ay siya ang pinakamadaling lapitan.
"Paano iyong reporting, kailan tayo gagawa?" tanong ni Sam isang hapon matapos kaming bigyan ng oras ni Sir Jez para magmeeting.
Agosto na ngayon.
Ang bilis lumipas ng araw.
Magkakagrupo ulit kaming pito dahil magkaparehong subject pa rin naman ito sa Politics. Nakabilog kami at naguusap-usap sa mga gagawin sa isang araw.
"Kina Ibarra na lang maraming libro sa kanila. Baka magamit natin." Suhesyon ni Antonio
"Mas mabuti pa nga iyon. Isa pa ay tahimik sa kanila." Segunda pa ni Miguel.
Sunod-sunod silang sumang-ayon hanggang sa ako na lang ang natitirang hindi pa nagsasalita. Inaantay nila ngayon ang sasabihin ko.
Nagkatinginan kami ni Ibarra. Ako ang unang umiwas.
"Kailan ba iyan?"
"Bukas ng hapon."
Mabilis akong umisip ng paraan para makalusot.
"H-hindi ako pwede bukas. May pinapagawa sa akin si Lola. Mag-aambag na lang siguro ako."
Hindi na sila nagulat sa tugon ko subalit naroon ang mga mapanuring tingin sa akin ni Sam. Nanliliit ang mga mata niya sa akin at para bang inaalam kung nagsasabi ako ng totoo.
Nang sumapit ang hapon ay parehas kaming kasali sa cleaners ni Sam. Maiiwan kami kasama ng iba pa para maglinis ng classroom bago umalis.
Hindi ako ngayon tumakas dahil ang akala ko ay hindi kami iintayin ng lima. Pero nagkamali ako dahil nagpaiwan silang lahat para samahan at tulungan kaming maglinis.
Palagi akong lumalayo kapag nakikita kong nasa malapit si Ibarra. Kinakabahan ako at natatakot na kausapin niya. Lumalayo rin ako kay Andres dahil ayokong marinig ang mga sasabihin niya sa akin.
Nagpupunas ako ng bintana sa may dulong bahagi nang may bigla kong maatrasan. Si Ibarra. Natapakan ko ang sapatos niya at nahulog rin ang mga papel na dala niya.
Natutuliro akong bumaba upang pulutin ang mga nahulog na papel.
"P-pasensya na." Isa-isa ko iyong pinulot sa sahig. Ang akala ko ay tutulungan niya akong pulutin ang mga iyon pero hindi niya ginawa.
Nanatili lamang siyang nakatayo sa harap ko at nakatingin sa akin.
Umiwas ako ng tingin dahil naninikip na naman ang dibdib ko.
Bakit biglang nag-iba ang mga mata mo?
Walang imik kong ibinigay sa kaniya ang mga papel at umalis na roon. Inagaw ko kay sam ang garbage bag na ipapatapon sana niya kay Gregorio para magpapansin.
"Ako na magtatapon nito."
Dali-dali akong lumabas ng classroom at bumaba sa groundfloor dahil naroon ang mga basurahan.
Napahinga ako ng malalim saka sumandal sa pader matapos kong maitapon ang mga basura. Wala akong balak na umakyat kaagad doon. Dapat pala ay dinala ko na kaagad ang bag ko para diretso uwi na ako.
Alam kong napapansin na ni Sam ang mga kilos ko lalo na halos isang buwan ko na itong ginagawa. Halos hindi na nga ako sumasama sa kaniya makaiwas lamang kay Ibarra.
Kung noong una ay itinatanggi kong iniiwasan ko siya no'ng oras na tinanong niya ako, ngayon ay totohanan na.
Iniiwasan ko na talaga siya.
Hindi rin natigil si Queen kalalapit sa kaniya sa tuwing makakahanap ng pagkakataon. Kung minsan ay inaagawan pa niya ako ng upuan makapunta lamang sa unahan. Ang landi-landi niya. Madalas din silang magkasama ni Ibarra dahil kapag inuutusan siya ng mga teacher, palaging napepresintang sumama si Queen.
Naiinis akong makita na palagi silang magkasama pero wala naman akong magagawa. Kapag sinabi ko iyon ay magtataka sila sa akin.
Ako din naman ay nagtataka na sa sarili ko. May hinuha na ako sa nangyayari sa akin pero ayokong aminin. Hindi pa ako handang aminin sa sarili ko ang katotohanang iyon.
Paniguradong kagaya lang din naman ito ng dati. Kapag nagtagal ito ay mawawala rin. Mabilis akong magsawa. Mabilis mawala ang pagka-attract ko sa isang tao. Advantage ko iyon sa pagkakataong ito.
"Ysabella."
Napatalon ako sa gulat nang bigla siyang sumulpot sa tabi ko. Nakasandal na rin siya ngayon sa pader at nakatingin sa akin.
Dumagundong ang matinding kaba sa dibdib ko lalo na at narito na naman siya sa malapit at tinititigan ako.
Nasaan na ang mga ngiti niya noon? Bakit hindi na siya ngumingiti sa akin? At bakit Ysabella na lang ang tawag niya sa akin? Nasaan na ang Binibini?
"B-bakit?" Pinigilan kong ipakita ang matinding kaba ko sa harapan niya. Siya naman ay parang baliwala lamang na nakatingin sa akin. Prenteng nakatayo siya roon at nakapamulsa.
Aminin ko man o hindi, alam kong attracted ako sa kaniya. Nasa kaniya na lahat ng mga katangian na magugustuhan ng isang babae. At naiinis ako sa sarili ko dahil alam kong ayaw na ayaw ko talaga sa kaniya noon. Pero bakit naging ganito?
Sana bumalik na ako sa dati.
Iyong Ysabella na palaging inis na inis matanaw pa lamang siya sa malayo. Iyong Ysabella na palagi siyang palihim na nilalait. Sana bumalik na iyong mga panahong kaya ko pang tumayo sa harapan niya ng hindi kinakabahan ng ganito.
"Kaarawan ko na sa susunod pang linggo. Pumunta ka. May kailangan akong sabihin sa'yo." saad niya.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ang mga huling pahayag niya. Gusto na iyong malaman. Gusto kong malinawan. Pero nahihiya at kinakabahan akong magtanong.
Bumuntong-hininga siya saka nagpasyang tumalikod sa akin nang hindi ko nagawang tumugon sa kaniya. Naroon na naman ang paninikip ng dibdib ko habang pinagmamasdan ko siyang humahakbang papalayo sa akin.
Gusto ko siyang pigilan. Pero hindi ko alam kung paano.
"I-Ibarra!"
Tumigil siya sa paglalakad subalit nanatiling nakatalikod sa akin. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa matinding paninikip nito. Kinakain ako ng kaba at nilalamon ako ng matinding takot.
Hindi ako nagseseryoso sa mga relasyon dahil ayokong masaktan. Ayokong maranasan ang sakit na nararamdaman ng iba sa tuwing nagsasawa sa kanila ang mga karelasyon nila. Kaya upang hindi iyon mangyari sa akin, ako ang gumagawa. Ako ang nagpapaasa at ako ang unang umaayaw.
Pero ngayon...
Wala naman ako sa isang relasyon...
Pero bakit nasasaktan ako...
Maganda po siya at mabait. Subalit... May iba po akong binibining nagugustuhan.
"B-bakit sa isang linggo mo pa sasabihin? B-bakit hindi na ngayon?"
Gusto kong malaman kung mawawala na ba itong nararamdaman ko matapos kong marinig ang sasabihin niya. Baka kapag narinig ko na iyon ngayon ay doon pa lamang ako tuluyang malinawan na wala nga akong gusto sa kaniya.
Baka nagkakamali lang talaga ako.
Pinigilan kong magpakita ng anumang pangamba nang dahan-dahan siyang humarap sa akin.
Wala akong makikitang reaksyon sa kaniya.
Bakit ganito?
Nasaan na ang kislap ng mga mata mo na palagi kong nakikita noon?
"May mga bagay na hindi natin dapat minamadali." Saad niya.
Matagal niya akong tinitigan bago muling bumuntong-hininga.
"Kailangan ko ng oras, Ysabella."
Muli siyang tumalikod at doon ay walang lingon-lingon akong iniwan.
Oras...
Baka kailangan ko rin ng oras.

Komento sa Aklat (39)

  • avatar
    Ma Michaela A Maraon

    wow

    10/11/2024

      0
  • avatar
    BarongEljo

    pass

    06/11/2024

      0
  • avatar
    Kiana Micayas

    wow

    20/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata