Gabi na nang tinangka kong lumabas ng kwarto. Hindi ako tumugon sa kanila kanina habang paulit-ulit nila akong kinakatok. Maging si Lola ay hindi ko rin pinagbuksan pa ng pinto. Ayos na sana ako nitong mga nakaraang araw. Ngayon ay bumalik na naman ang matinding sama ng loob ko sa kanila na matagal ng naipon sa mga nakalipas na taon. Tahimik at maingat kong isinarado ang pinto ng bahay saka sumulyap sa aking cellphone. Alas diyes na ng gabi. Maliwanag ang buong kalsada dahil sa mga street lights. May mangilan-ngilan pa namang sasakyan ang dumadaan subalit halos wala na rin akong makitang mga taong naglalakad. Kung sabagay ay gabi na, malamang ay mahimbing nang natutulog ang mga tao ngayon. Inis kong ni-cancel ang text message para kay Sam. Kung magkaayos sana kami ngayon ay magpapasama ako sa kaniya. Subalit dahil nag-inarte siya, ngayon ay wala akong malapitan at makasama. Aaminin kong nagsisisi rin ako sa mga sinabi ko sa kaniya kanina subalit sa kabilang banda, hindi ko naman iyon masasabi kung hindi niya kinakampihan ang limang lalaking iyon. Ako ang kaibigan niya pero parang mas gusto pa niyang kasama 'yong lima kaysa sa akin. Napabuntong-hininga na lamang ako saka nagdesisyong maglakad ng mag-isa patungo malapit sa Primark. Sa tabi kasi noon ay may bukas pa ring fast food chain kahit ganitong oras. Hindi ako kumain ng hapunan at wala akong gana kung sa bahay pa ako kakain. Napatigil ako saglit sa paglalakad nang makita ko si Adam, isa sa mga naging ex-boyfriend ko noon. Gwapo siya at matangkad, sikat na player din ng basketball sa LP noong Junior High kami. Niligawan niya ako sa chat at makalipas ang ilang araw ay sinagot ko na rin kaagad. Kaya nga lamang, wala pang isang buwan ay nakipaghiwalay na ako sa kaniya dahil masyado siyang clingy. Ayaw ko sa mga ganoon. Napatigil din siya sa paglalakad nang makita ako. May kasama siyang isang maliit na babae na nakilala ko bilang si Clarrise. Pamilyar ang mukha niya sa akin dahil nakita ko siya bilang candidate ng Ms. Paladian. "Bella." Nagpalipat-lipat ang tingin ni Adam sa akin pati na rin sa kasama niya. Plastik akong ngumiti sa kanila. "B-Bella, si Clarrise, kaibigan ko." napakamot siya sa batok nang tingnan siya ng masama ng kaniyang katabi. "Anong kaibigan? Akala ko ba nililigawan mo ako?!" Mabilis na lumingon sa akin si Adam at isang beses na humakbang palapit. "Bella, wala itong nakita mo. Magkaibigan lang talaga kami." In the first place, hindi ko naman tinatanong. Ano bang akala niya? May pakialam pa ako sa kaniya? Ang akala ba niya ay magseselos ako dahil nakita ko siyang may kasamang ibang babae? So bakit masyado siyang defensive? Wala akong pakialam kahit magmahalan pa sila sa harapan ko. "Ano naman ngayon sa akin? Hindi ko tinatanong, Adam." Nahihiya siyang nagbaba ng tingin saka nagkamot ng ulo. Hindi ko alam na hanggang ngayon pala ay malakas pa rin ang tama sa akin ng isang ito. Naturingang basketball player, pero imbes na magpaikot ay siya pa ang napipikot. Nilampasan ko sila at nagsimula nang maglakad patungo sa totoong destinasyon ko. Subalit labis kong ikinabigla nang habulin ako ni Adam at hinawakan sa braso. Mabilis ko naman iyong nabawi dahil sa gulat. "Bella, pasensya na." kunot-noo akong tumingin sa kaniya. "Ano pang kailangan mo?" "Gabi na kasi, baka mapano ka. Sasamahan na lang kita." Bigla ay napalingon ako sa kasama niyang babae na ngayon ay halatang hindi makapaniwala na iniwan siya ng kaniyang kasama. "Iiwan mo ang kasama mo para lang samahan ako?" I'm just testing him, subalit wala pang ilang segundo ay bumigay na siya. "Oo, Bella. Pauwi na rin naman iyon. Ikaw na lang ang sasamahan ko." Doon ay sarkastiko akong tumawa sa kaniya. Isa ito sa mga dahilan kung bakit wala akong sineseryosong lalaki. Kung hindi mo iyon gagawin, ikaw ang hindi nila seseryosohin. Marami riyan sa mga kalalakihan ang dalawa-dalawa ang mga nililigawan. Para kapag hindi sinagot no'ng isa, may back-up. Kung hindi naman ganoon, para may pang-rebound sa mga natapos na relasyon. "Tigilan mo ako, ayoko sa mga kagaya mo." Doon ay walang pasubali ko siyang tinalikuran at naglakad na lamang paalis. Sinasayang lamang nila ang oras ko. Puro lamang naman sila ligawan. Hindi rin naman sila magtatagal. Um-order ako ng pagkain at mabilis na humanap ng bakanteng table. Gabi na kaya kakaunti na rin ang mga kumakain dito. Nang matapos sa pagkain ay mabilis akong lumabas at dumiretso sa katabing tindahan sa Primark. Tumingin-tingin ako roon ng mapaglilibangan subalit nang wala akong makitang interesante ay napagpasyahan ko na ring umuwi. Malamig ang hanging humampas sa balat ko habang tahimik akong naglalakad pauwi sa bahay. Nagpapatugtog din ako ng kanta ng Silent Sanctuary sa cellphone ko para naman may panglaban sa tahimik na kalsada. Hindi kalayuan ay may natanaw akong lalaking may edad na ang naglalakad papunta sa direksyon ko. Palihis-lihis ang lakad niya at doon pa lang, nasisiguro kong nakainom siya. Tumawid ako papunta sa kabilang kalsada upang hindi kami magkasalubong. Nang nasa tapat ko na siya ay bigla akong kinabahan ng tumigil siya sa paglalakad at tumingin sa gawi ko. Bigla kong naisip na baka may gawing masama sa akin ang lalaki. Judgemental ako lalo na sa mga ganitong pagkakataon. Sa itsura pa lamang ng lalaking iyon, halata na kaagad na wala siyang maidudulot na mabuti sa buhay ko. Binilisan ko pa ang paglalakad lalo na nang makita na tumawid din siya papunta sa kabilang kalsada. Nagsimula na akong matakot ng sobra nang makita ang pagsunod niya sa likod ko. Maya't-maya ang pagbaling ko sa likod ko at sa tuwing gagawin ko iyon, naroon pa rin siya at nananatiling nakatingin sa akin. Bigla kong pinagsisihan ang ginawa kong paglabas ngayong gabing-gabi na. Nang dahil sa pride ko ay ito ang napapala ko. Wala pa akong experience ng mga ganitong bagay noon kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin. Hindi rin ako makapag-isip ng tama gayong kinakain na ako ng matinding takot at kaba na baka nga tama ang hinala ko sa taong iyon. Lumiko ako papunta sa kabilang kanto subalit natumba sa kalsada nang bigla niya akong banggain. Doon ako tuluyang kinain ng kaba nang lumingon siya paibaba sa akin at akma akong lalapitan. "Tulungan na kita, Miss." Sa tono ng boses niya ay halata ngang lasing siya. Mamula-mula rin ang kaniyang mata habang nakapukol ito sa akin. "Hindi na po, kaya ko! " Tumaas ang tono ko nang hindi niya pinansin ang aking sinabi at tuluyan pa ring lumapit sa akin. Hinawakan din niya ang aking kanang braso. "Taga sa'n ka ba? Hatid na kita sa inyo." Naamoy ko ang magkahalong alak at sigarilyo sa kaniya. Hindi iyon maganda sa pang-amoy ko. Iniwas ko ang aking paningin at inilibot ang mata sa buong paligid subalit wala akong ni isang tao na nakita man lang sa paligid. "Hindi na, manong, kaya kong umuwi mag-isa." Nanginginig ang boses ko nang tinangka kong bawiin ang braso sa kaniya subalit hindi niya ito binitawan. Makapal ang balbas niya at bigote sa mukha. Nang dahil doon ay mas lalo lamang siyang nagmukhang nakakatakot. "Bitawan mo ako, manong." Nagsimula nang umagos paibaba ang luha ko dahil sa matinding takot. Kinakabahan ako ng matindi at hindi na nagawa pang makalaban lalo na ng walang pasubali niya akong kinaladkad patungo sa mas madilim na lugar.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
wow
10/11/2024
0pass
06/11/2024
0wow
20/07/2024
0Tingnan Lahat