Homepage/Under the Clouds/
Chapter 24
Mag-iisang araw na simula nang maabutan ko ang sarili kong ama sa ganoong posisyon. Ayaw ko nang maalala kung ano ang itsura niya noong gabing iyon. Ayaw ko nang maalala kung paano ako nawala sa katinuan matapos ko siyang makitang ganoon.
Kahit papaano, kahit nanginginig ang mga kamay ko, nakuha ko pa ring tawagan si Tita Christine at sinabing kailangan naming dalhin si Papa sa ospital.
Hindi ko alam kung paano ko nakayanang kumuha ng kutsilyo upang putulin ang lubid na nakatali sa leeg niya. Ewan ko ba, punong-puno na ng luha ang mata ko noon pero nakaya ko pa ring gawin. Bumagsak sa akin ang walang malay niyang katawan. Sobrang lamig niya.
"P-Papa..." Nanghihina kong tinatapik ang pisngi niya kagabi. Paulit-ulit. Hindi ko na nagawang bilangin kung ilang beses ko siyang sinubukan na gisingin. Ayaw niyang magsalita. Ayaw niyang bumangon. Hindi ko na rin mabilang kung ilang ulit ko siyang tinawag habang niyuyugyog ang braso niya.
Baka kasi natutulog lang talaga siya. Baka naman may paraan pa.
Ang kaso… kahit ilang beses ko iyong ginawa, si Papa…
Hindi na ulit siya nagmulat ng mata.
"M-Madelaine..." Boses ni Tita Christine ang narinig kong papalapit sa akin. I was just sitting in the corner of my room. Nakaupo ako sa sahig at walang ibang ginawa kundi ang humagulgol. Ni hindi ko sinubukang tingnan ang sarili ko sa salamin. Natatakot akong makita ang sarili ko.
Hindi pa rin ako nakakatulog. Natatakot ako na baka kapag pumikit ako, mapanaginipan ko lang siya. Kaya naman nakatulala lang ako sa kawalan. Ayokong pumikit. Kasi sa tuwing gagawin ko iyon, naalala ko lang kung ano ang itsura niya noong gabing iyon. Naalala ko lang lahat. Iyong mga mata niyang wala ng buhay. Siya mismo, wala na rin. Wala na lahat.
"May mga tao na sa labas. K-kung kaya mo lang, hihintayin ka namin doon. Gusto ka ring makita ng mga kaibigan mo." Kita ko rin sa mata ni Tita na kagagaling niya lang sa pag-iyak. Siya na ang nag asikaso ng lahat matapos ng nangyari kay Papa. Ako kasi… nawalan na ng silbi pagkatapos niyon. Nandito na lang ako sa loob ng kwarto ko at walang ibang ginawa kundi ang umiyak.
Hindi ko nagawang lumabas ng kwarto sa unang araw ng burol ni Papa. Hindi ko pa rin kasi matanggap ang lahat. Alam ko rin sa sarili ko na hindi ko siya kayang tingnan habang nakahiga sa kabaong.
I never really imagined my father's death, even before. Hindi iyon pumasok sa isip ko kailan man. I was thinking that he'll live longer, I will make him bring back the smile on his face even if my mother isn't around. Ang problema sa kaniya, masyadong umikot ang buhay niya kay Mama kaya nang mawala ito, para na rin siyang namatay.
I never really thought that he'll commit suicide. Kung hindi na niya kaya… bakit hindi siya humingi ng tulong sa akin? Bakit hindi niya ako kinausap? Bakit… kailangan niya akong iwan?
Nakakuyom ang kamao ko nang magpasya akong lumabas ng kwarto. Pagbungad ko pa lang sa labas ng bahay, nasilayan ko na kaagad ang maraming tao. Nakikilala ko silang lahat dahil mga kapitbahay lang namin sila. Nagtayo ng tolda sa labas ng bahay at doon ibinurol ang labi ni Papa.
"M-Mad..." Napatingin ako sa mga kaibigan ko na nagsitayuan nang makita akong lumabas. Puno ng pag-aalala ang mga mukha nila. Sa likod nila, doon ko naman nakita na mag-isang nakaupo si Jacques. Nakatingin na rin siya sa akin ngayon.
Umihip ang malamig na hangin, naamoy ko rin ang mabangong amoy mula sa mga bulaklak sa tabi ng kabaong.
Everyone's looking at me, wala pa man, naiiyak na kaagad ako. Hindi ako sumilip sa kabaong. Hindi ako nagtangka. Ramdam ko ang panghihina ng mga tuhod ko kaya mabilis akong humanap ng mauupuan sa unahan.
"Kumain ka muna, Madel. Ilang araw ka ng hindi kumakain." Lumapit sa akin si Tita, may dala siyang isang pinggan na puno ng pagkain. Hindi ko ito ginalaw.
Kaya kong ilarawan lahat sa paligid ko. Lahat na lang kasi nadaanan na ng paningin ko. Kung saan-saan na ako tumitingin maiwasan ko lang ang bahaging iyon.
"Totoo ba talagang nagpakamatay? Dinig ko ay palagi raw iyang nag-iinom. Ilang taon na rin simula nang layasan ng asawa, hindi pa pala nakakapagmove-on."
Hindi nagtagal, narinig ko ang bulungan ng mga kapitbahay namin sa kabilang upuan. Ang mga kalalakihan naman ay umiinom din ng alak at nagbabaraha. Hindi ako natutuwa na ganito ang nakikita ko ngayon.
Noong buhay pa si Papa, wala namang dumadalaw dito sa amin miski isa. Ngayong patay na siya, saka lang sila nagsidatingan.
"Nagpakamatay talaga. Higit isang araw na daw palang patay bago nakita ng anak."
Muli kong naikuyom ang nanginginig kong mga kamay upang maitago ang galit na nanunuot sa akin. Naramdaman ko rin ang paghawak ng mga kaibigan ko sa aking braso na parang pinapagaan ang loob ko.
"Paano na ngayon? Edi ulila nang lubos iyang si Madel. Iniwan na nga ng nanay, nagpakamatay pa ang tatay."
Hindi ko na napigilan ang galit. Hinagis ko ang pinggan sa aking tabi. Nagkabasag-basag ito at kumalat sa sahig, isang dahilan din kung bakit natigilan sila sa pagkukuwentuhan.
Mabilis ang pinapakawalan kong paghinga dahil sa galit. Bumaling ako sa mga taong iyon na parang nahihiyang nakatingin sa akin.
"Bakit ba kayo nandito?" Tanong ko sa kanila.
Mukha namang nahihiya sila sa akin subalit kalaunan ay tumayo rin at parang nanghuhusgang nakatingin sa akin.
"Aba, napakabastos naman ng tono mo, Madel. Para mo na rin kaming pinalayas dito. Wala ka talagang respeto-
"Bakit ano ba kayo ng tatay ko? Anong ginagawa niyo rito? Pumunta lang naman kayo para may mapag-uusapan na naman kayo. Kayo mismo ang walang respeto. Ni hindi niyo man lang iginalang burol ng tatay ko!"
Sa galit ay wala sa sariling sinipa ko ang mga upuan na naroon. Nagsitayuan ang ilang mga bisita na parang natatakot sa akin.
Naiiyak ako sa galit. At kapag ganito ang nararamdaman ko, hindi ko napipigilan ang sarili ko.
"Lumayas kayo rito! Hindi ko kayo kailangan!" Umiiyak na sigaw ko sa kanila. Muli kong sinipa ang mga upuan sa unahan. Nagsilayuan naman sa akin ang mga matatanda.
"M-Mad, tama na 'yan." Kaagad na humawak sa akin sina Sison para pigilan ako. Kaso sa sobrang bigat ng dibdib ko ngayon, mas lalo lang akong nagpupuyos sa galit.
"A-aalis na kami, hindi mo kami kailangang ipagtabuyan." Pagalit na anas sa akin ng matatanda. "Kaya ka siguro iniwan ng mga magulang mo kasi dahil diyan sa ugali mo."
Nagsi-alisan ang karamihan. Si Tita Christine naman, hindi rin ako nagawang patigilin. Nakita ko siyang umiiyak doon sa tabi. Pilit ko namang inaalis ang pagkakahawak sa akin nina Sison. Sa sobrang galit ko, pakiramdam ko makakapatay ako ng tao ngayon.
Hanggang sa matigil ako sa pagwawala nang yakapin ako…
Ni Jacques.
Mahigpit niya akong ikinulong sa mga bisig niya at hindi ako hinayaang makawala.
"Stop it, Mad." Parang walang boses nitong anas sa akin. Garalgal ang boses niya at nakita ko rin ang pamumula ng kaniyang mata.
Subalit imbes na kumalma, mas lalo lang nadagdagan ang galit sa dibdib ko. Pilit ko siyang itinutulak palayo. Mas lalo ring bumubuhos ang luha sa mata ko.
"Isa ka pa! H-hindi kita kailangan dito! Lumayas ka na!" Umiiyak na sigaw ko sa kaniya. Nanghihina na rin ang buong katawan ko. Buong pwersa ko na siyang itinutulak pero ayaw niya akong bitawan. Mas lalo pang humigpit ang yakap niya sa akin. "W-wala kang ibang ginawa kundi saktan ako. Pare-parehas lang kayong lahat!"
Hanggang sa tuluyan na rin akong nanghina. Ibinaon ni Jacques ang mukha ko sa dibdib niya.
"Shh… please calm down." Paulit-ulit niyang bulong sa akin habang marahan niyang hinahaplos ang buhok ko. Hindi na ako nagwawala, pero hindi rin natigil sa pagpatak ang mga luha paibaba sa mukha ko.
Halos hindi na ako makahinga sa kakaiyak. Napapaos na rin ang boses ko kakasigaw. Hindi pa ako umiinom ng tubig. Hindi pa rin ako kumakain. Wala akong gana na gawin ang lahat ng iyon.
Kaya hindi na ako magtataka kung bakit nanghina ang mga tuhod ko at muntik na akong mabuwal. Naramdaman ko na lang ang pagbuhat sa akin ni Jacques.
"Dadalhin ko na po siya sa kwarto niya." Paalam nito kay Tita Christine. Hindi ko na nakita ang mga bagay sa paligid ko dahil tuluyan na akong nawalan ng malay pagkatapos niyon.
Nagising na lang ako kinabukasan dahil sa sinag ng araw mula sa bukas na bintana. Hindi ako nagtangkang bumangon. Iniisip ko na panaginip pa rin ang lahat. Naghihintay ako na magising lang ako sa katotohanan.
Pero wala rin akong napala. Kasi paggising ko, naroon pa rin ang sakit. Hindi nawala. Si Jacques, buong magdamag siyang nanatili sa loob ng kwarto ko. Sa tuwing magigising ako kagabi, palagi ko siyang naabutan na marahang hinahaplos ang buhok ko at hinahalikan ako sa ulo. Siguro iyon na rin ang dahilan kung bakit ako nakatulog.
Sinabi ko kay Tita Christine na huwag na naming patagalin ang burol ni Papa. Hindi nga iyon nagtagal ng tatlong araw. Pagkatapos ay pina-cremate na namin siya. Kasi iyon ang gusto kong mangyari… gusto kong kahit hindi ko na maririnig pa ang boses niya kahit kailan, at least palagi ko siyang makikita.
Last night, I fell asleep while holding his urn. Ngayong araw, wala rin akong ibang ginawa kundi ang pagmasdan ang pinaglalagyan ng abo niya. Hindi ko pa rin mapigilang umiyak. Masyado pang sariwa ang lahat sa akin. Bawat minuto, naaalala ko pa rin kung paano ko siya nadatnan noong gabing iyon.
Bakit kailangang ako pa mismo ang makakita? Bakit kailangan ko siyang makita sa ganoong sitwasyon?
Galit ako kay Papa.
Iyon ang totoo.
Kasi bakit hindi man lamang niya ako inisip bago niya ginawa iyon. Isa lang ibig sabihin niyon, hindi talaga niya ako mahal. Hindi niya ako gustong makasama. Kasi kung oo, sana nabubuhay pa rin siya hanggang ngayon. Sana pinili niyang mabuhay. Sana hindi siya sumuko. Sana hindi niya ako iniwan.
Ngayon paano na ako mabubuhay nito? Kaya ako nag-aaral at nagtatrabaho kasi gusto kong maging proud siya sa akin. Iyong alkansya ko pambili ng wheelchair niya, mapupuno ko na sana. Konti na lang naman eh, ilang taon na lang graduate na ako. Makakaalis na kami sa lugar na ito.
Pero wala… napili niyang tahakin ang daan na hindi ako kasama. At iyon mismo ang ikinagagalit ko.
Hindi ko nagawang pumasok sa school pagkatapos. Lampas isang linggo na rin akong absent. Pati mga kaibigan ko, hindi ko kinakausap. Ayoko rin kasing… humarap sa kanila ng ganito ako. Alam ko sa sarili kong hindi ako magiging okay.
Kasi iyong kaisa-isang tao na naging dahilan kung bakit ako nagsusumikap, iniwan na ako. Ang pagkamatay ni Papa… ang isang bagay na hinding-hindi ko makakayang matanggap sa buong buhay ko.
Malamig ang simoy ng hangin mula sa labas ng nakabukas na bintana. Yakap-yakap ko ang abo niya nang maglakad ako papunta sa kusina para kumuha ng maiinom. Wala si Tita Christine ngayon dito, kumukuha siya ng mga damit sa kanila dahil pansamantalang sasamahan niya muna ako rito.
Maingat kong inilapag ang abo ni Papa saka kumuha ng tubig. Nang makainom ako, napatigil ako saglit nang makita ang isang kutsilyo sa tabi. Parang kumislap pa ang talim nito sa liwanag. Hindi ko alam, pero parang may nag-uudyok sa akin na kuhain iyon.
At ginawa ko nga. Kita ko ang panginginig ng aking mga kamay. Hindi ko alam kung bakit. Tahimik kong pinagmasdan ang kutsilyo. Parang naaakit ako sa tuwing kumikislap ang talim nito sa liwanag.
Nakatulala ko itong itinapat sa pulsuhan ko. Pagkatapos, namalayan ko na lang na dumudugo na ito. Wala akong naramdamang sakit. Bigla akong napatawa at hindi kalaunan, inulit ko pa. Hindi na maawat sa pagpatak ang dugo mula sa pala-pulsuhan ko. Parang nawalan ako ng pakialam sa sakit.
Basta ang alam ko lang noong mga sandaling iyon, nakakatuwa siyang gawin.
"Madelaine!"
Hanggang sa maabutan ako ni Jacques sa ganoong posisyon. Gulat na gulat itong nakatingin sa akin. Nabitawan niya ang supot na dala at nagkukumahog na lumapit sa gawi ko.
"I-ibaba mo 'yan." Parang natatakot na utos niya sa akin. Nanubig kaagad ang mga mata ko.
"Bakit naman?" Nanghihinang tanong ko sa kaniya. "P-pati ba naman ito, papakialaman mo?"
Napalunok ito ng malalim. Kita ko ang biglaang pamumula ng mata niya habang dahan-dahang naglalakad papalapit sa akin.
"Please, Mad… h-huwag ganito." Pakiusap niya. Bumaba muli ang tingin ko sa pala-pulsuhan na hindi na tumitigil sa pagdugo. Doon siya nakakuha ng pagkakataon upang tapikin iyon mula sa kamay ko. Tuluyan ko itong nabitawan sa sahig.
Kaagad naman siyang lumapit sa akin at sinapo ang mukha ko. Doon ko labis na nakita ang pamumula ng mata niya.
"I'm sorry, Mad."
Iyon lang ang sinabi niya bago niya ako niyakap. Hindi niya ako nilubayan ng tingin buong araw. Nakasuot ito ng uniform at halatang balak sana niyang pumasok.
Siguro naisipan niyang dumaan muna dito. Kaya lang, tuluyan na siyang lumiban ng klase pagkatapos akong makita kanina. Gusto rin niya akong dalhin sa ospital para ipatingin ang sugat ko. Hindi ako pumayag.
Ngayon bawat kilos ko, binabantayan niya. Hindi rin niya ako hinahayaang pumasok ng mag-isa sa kusina. Wala na rin naman akong balak ulitin iyong kanina. Hindi ko rin alam kung bakit ko naisipang gawin iyon. Siguro gusto ko lang malaman… kung nakakaramdam pa ba ako.
"Sinabi ko na sa mga professors mo na hindi ka muna makakapasok." Basag niya sa matinding katahimikan. Nanatili naman akong nakatingin sa labas ng bintana. "But I can teach you here. Hihingi ako ng mga modules para hindi ka mahuli sa mga lessons niyo. If you can't do it, I'm going to answer it for you."
Hindi naman ako sumagot sa kaniya. Ni hindi rin ako tumitingin.
"At… kung okay lang sa'yo, dito na muna ako hangga't hindi pa dumadating ang Tita mo."
Sa pagkakataong ito, mabilis akong humarap sa kaniya.
"I won't do it again, pwede ka na umalis." Siya naman ang hindi sumagot. Nanatili ang paninitig niya sa akin sa loob ng ilang minuto bago siya nag-iwas ng tingin.
"Dito na muna ako-
"Have you forgotten?" Putol ko sa kaniya. Kita kong natigilan ito. "Ang sabi mo huwag na ulit tayong magkikita. Ang sabi mo huwag na ulit akong lalapit sa'yo. Kaya ano pang ginagawa mo ngayon dito? Umalis ka na."
"Mad-
"Don't ever call my name again. Umalis ka na." Malamig kong utos dito. Muli kong nakita ang pamumula ng mata niya. Sunod-sunod itong lumunok at hindi na ulit nakapagsalita.
Hanggang sa naabutan kami ni Tita Christine sa ganoong sitwasyon. Nagtaka pa ito dahil ganoon kami katahimik ni Jacques. Sumulyap muna sa akin ang lalaki bago niya kinausap si Tita. Mahaba ang pinag-usapan nilang dalawa. Hindi ko naman narinig dahil naroon sila malapit sa labas ng bahay.
Natapos ang pag-uusap ng dalawa. Lumapit pa sa gawi ko si Jacques at hinalikan ako sa noo. Nagulat pa ako sa ginawa nito.
"Babalik ako bukas ng hapon." Paalam nito bago siya umalis. Hindi na ako tumugon pa. He stormed out of the house without looking back at me. I remained silent. Ganoon din si Tita.
Tahimik siyang naghanda ng makakain naming dalawa. Nakaupo lang ako roon at natulala na naman sa kawalan.
"Kumusta sugat mo?"
I knew it. Jacques told her what I did. Pakialamero talaga siya.
"Hindi naman po malalim." Balewalang tugon ko. Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga niya saka ito naupo sa harap ko.
"Madelaine… " malumanay na tawag niya sa akin. Mabagal akong bumaling sa kaniya. "Wala ka namang balak na-
"Hindi ko po gagawin ang ginawa ni Papa." Inunahan ko na dahil alam kong iyon din ang tinutukoy niya. Wala akong balak magpakamatay. Kahit gusto ko ulit na makita si Papa, hindi ko kikitilin ang sarili kong buhay.
Tumango siya at parang nakahinga ng maluwag sa sinabi ko. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ko iyon nagawa sa sarili ko kanina. Pero matapos kong maramdaman ang hapdi, muli akong bumalik sa katinunan.
Hindi ko gagawin iyon. Hindi ko uulitin ang ginawa niya. Gusto ko pang mabuhay… kahit wala na siya. Subalit alam kong hindi ko iyon magagawa ngayon. Hindi ko makakalimutan ang lahat habang nandito ako.
Kaya naman...
"Tita..." Tawag ko sa kaniya. Mabilis namang umangat ang paningin nito sa akin. "Ayoko po rito."
Saglit pa itong nagtaka sa sinabi ko.
"Saan mo gusto? Pwede tayo roon sa bahay ko, hindi nga lang doon kasing tahimik dito kasi maraming sasakyan ang dumadaan." Ngumiti siya sa akin. "Mas malawak ang magiging kwarto mo roon. Maayos na rin at mas malapit ka sa school. Para hindi mo na kailangan maglakad ng malayo pauwi."
Subalit unti-unting nawala ang ngiti niya nang makitang hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ko.
"Ayoko na po rito. Sa lugar na ito." Huminga ako ng malalim at naiiyak na iginala ang tingin sa kabuuan ng bahay. "Dito ako nakatita simula nang ipanganak ako. Nandito rin lahat ng alaala ko kay Papa… pero ayoko na po rito. Ayoko na sa lugar na ito."
Gulat pa siya noong una sa sinabi ko, pero kalaunan ay tumango rin siya sa akin at napahinga ng malalim.
"Meron akong paupahang bahay sa Maynila. Kung gusto mo, pwede tayong manirahan na lang doon." Aniya.
Noong una nag-aalangan din ako lalo na at naisip ko ang trahabo niya rito. Dahil sa akin, nagkaroon tuloy siya ng responsibilidad. Subalit pursigido siya na tuparin ang gusto ko. Mabilis na kumilos si Tita. Inayos kaagad niya ang mga papeles niya sa trahabo para makaluwas kami sa lalong madaling panahon.
At kinabukasan lang, naayos na kaagad namin ang mga gamit paluwas sa Maynila. Tanghali nang bumalik si Tita dito sa bahay. Tinulungan niya akong ilagay sa maleta ang mga mahahalagang gamit ko. Kumain kami saglit bago hinakot ang mga gamit sa luma niyang kotse. Alas tres na ng hapon… pero nanatili pa rin akong nakaupo sa salas ng bahay na parang may hinihintay.
Maya-maya lang, aalis na kami ni Tita ng walang kahit sinong nakakaalam. Para bang bigla na lang kaming mawawala sa lugar na ito ng hindi nagpapaalam. Ilang beses ko na ring iginala ang tingin ko sa buong bahay.
Naroon ang matinding lungkot na namumutawi sa dibdib ko.
Nandito lahat ng alaala ko. Lahat-lahat. Ito ang lugar na siyang nakasaksi sa lahat ng pinagdaanan ko. Nandito ang buhay ko. Pero kagaya nga ng pangarap ko dati pa man, balang-araw aalis ako sa lugar na ito kasama si Papa para magsimula ng panibagong buhay sa ibang lugar.
Iyon talaga ang gusto kong mangyari dahil alam kong sa bawat sulok ng bahay na ito, wala siyang ibang naaalala kundi si Mama. Kaya gusto kong umalis kami rito. Para sa pag-alis namin, maiwan na rin niya lahat.
Kahit papaano, matutupad ko pa rin naman ang pangarap kong iyon dahil aalis na kami ngayon dito ni Papa. Kaso malaki ang pagkakaiba niyon sa nasa isip ko noon.
"Madelaine… aalis na tayo." Tumango ako kay Tita at tumayo mula sa aking kinauupuan. Mabagal ang ginawa kong paglakad hanggang sa makarating ako sa tapat ng kotse.
Parang may pumipigil sa paa ko na humakbang papasok. Dismissal na nila ngayon. Kahit papaano… mayroong maliit na tinig sa puso na nagsasabing intayin ko pa siya ng kaunti.
"Tayo na po..."
Hindi na rin ako nagtangkang magpaalam sa mga kaibigan ko. Ayoko ng drama. Paniguradong iiyak lamang sila at hindi ako papayagang umalis. Lalo na si Nico, baka mauuna pa iyong umiyak sa akin.
Kaya hindi bale na lang, hindi ko rin kasi kayang magpaalam sa kanila.
Mabagal ang ginawa kong pagpasok sa sasakyan. Narinig kong pinaandar na ni Tita ang makina ng kotse niya. Nagsimula nang umandar ang sasakyan… sobrang bigat ng pakiramdam ko.
Nang lumingon ako pabalik sa bahay namin, doon ko nakita si Jacques na kumakatok sa pinto. Nanikip ng sobra ang dibdib ko hanggang sa hindi ko na namalayan na umiiyak na pala ako. Ilang beses kong nakita ang pagkatok niya sa pinto ng bahay namin.
Ang hindi niya alam… wala nang magbubukas pa ng pinto sa kaniya roon.
Napaiwas ako ng tingin at pinunasan ang luha na naglandas sa mata. Bumaling ako sa unahan at huminga ng malalim. Mahigpit ko ring niyakap ang abo ni Papa at nagdadasal na sana, kasabay ng pag-alis namin…
Makalimutan ko na rin lahat.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (19)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
😭 😭
03/07/2024
0Good
04/05/2024
0☺️☺️☺️
29/01/2024
0Tingnan Lahat