Naging normal na ang mga araw ni Anna sa opisina matapos ang pagbisita nila ng boss sa project site nila Jake. Hindi na niya nakita muli si Jake at nakahinga siya ng maluwag. Siguro ay umuwi na ito sa Manila dahil hindi naman ito pwedeng maglagi sa Cebu. Sinimulan narin niyang asikasuhin ang mga dokumento para sa project ng mga ito. Papalabas na siya ng mapansin si May na nasa table pa nito. “Ohh May? Di ka pa ba uuwi?” tanong niya sa kaibigan. “Naku, kailangan ko itong tapusin, kailangan na ito bukas ng client eh,” sagot nito sa kaniya habang nag-aayos ng mga papel. Nagpi-print ito at inaayos ang pagkakasunod-sunod ng mga papel. “Patingin nga. Ano pa bang mga kulang?” lumapit siya sa table ng kaibigan at aktong tutulongan niya ito. “Naku, huwag na Anna, malapit narin naman ito matapos, attachments nalang,” tanggi nito ngunit nagpilit siyang tulongan parin ito dahil alam niyang may mga anak itong nag-iintay sa pag-uwi, hindi tulad niya na solo naman sa bahay. “Pasensiya ka na Anna ha,” hinging pasensiya nito sa kaniya habang tinutulongan niya ito. Gabi na ng matapos nilang iprint at iayos ang mga dokumento. Sabay sila ni May na naglalakad palabas ng building nila ng mamataan niya si Alex sa labas na tila may iniintay. Nang mag-angat ng tingin ay nakita sila nito at agad itong lumapit sa kanila. Nagtataka namang nakamasid si May sa binata at maya-maya ay siniko siya. Pabulong itong nagtanong. “Anna, sino yan?” Hindi na niya nagawang sumagot kay May dahil nakalapit na ang binata sa kanila. “Oh Alex? Bakit ka nandito?” nagtatakang tanong nalang niya. Napakamot ito sa ulo. “Anna, aayain sana kitang mag-dinner,” sagot nito. “Ha?!” Nabigla siya sa sinabi nito at tumingin siya kay May. Pumunta ba ito sa opisina nila para ayain lang siyang mag-dinner? O baka naman assuming lang siya? “Eh kasi—“ tatanggi sana siya ngunit pinutol ng kaibigan ang sasabihin niya. “Anna mauuna na ako sayo, baka iniintay na ako ng mga anak ko eh,” mabilis na sagot ni May. Naiwan sila ni Alex na magkaharap. Nakatitig lang siya dito. Ngumiti sa kaniya ang binata at ipinakita ang calling card na hawak. Calling card iyon ng boss Monching niya. “Ano yan?” natatawang tanong niya dito. “Medyo mahirap hanapin ang address niyo ha,” nakatawang sagot nito sa kaniya. “Nagbaka-sakali lang ako, akala ko nga nakaalis ka na eh,” dagdag pa nito. Doon pala nito nakita ang address ng pinagta-trabahunan niya. “Bakit hindi ka nalang tumawag?” sagot niya. “Sa totoo lang, ilang beses akong nagtangkang tawagan ka. Pero ewan ko ba, kabang-kaba ako. Kaya naisipan ko nalang puntahan ka dito.” “B-Bakit?” maang na tanong niya pero ngumiti lang si Alex at hindi sinagot ang tanong niya. Nahiya na siyang tumanggi sa dinner na alok nito dahil alam niyang malayo pa ang pinanggalingan ng binata. Pinagmasdan niya si Alex, lalong lumitaw ang kaguwapuhan nito dahil maayos ang suot ng oras na iyon. Naka-polo shirt ito at maong na pantalon. May dala itong sasakyan at nagtungo sila sa isang restaurant. “Inaasikaso na namin iyong mga permit niyo,” wala siyang maisip sabihin sa binata. “Ahh mabuti naman kasi biglang pinagmamadali na kaming makapagsimula ni boss eh,” sagot nito sa kaniya. Tinitigan niyang mabuti si Alex. Guwapo din ito, mukha namang responsable at mabait ngunit bakit walang reaksiyon dito ang aking puso? “What’s wrong?” tanong sa kaniya ng binata. Na-guilty naman siya sa naiisip. “Wala..may naalala lang akong trabaho,” pagdadahilan nalang niya. “Alam mo, ako kinakalimutan ko muna ang trabaho kapag nasa labas ako. Nakaka-stress eh” komento nito. Nagkuwentuhan pa sila ng binata, mula sa pagkain, trabaho, pamilya at mga pangarap pa sa buhay. Magaan ang loob niya dito dahil mukhang mabait talaga ito. Sa katunayan ay hindi niya namalayan ang oras dahil sa dami na nilang napag-usapan. Napag-alaman niyang panganay ito sa magkakapatid at sa kasalukuyan ay tinutulongan nito ang mga magulang sa pagpapa-aral sa bunso ng mga ito. Ikinuwento din niya dito ang kaniyang pamilya pati narin ang dati niyang trabaho, ngunit hindi niya binanggit dito ang tungkol kay Jake. Dahil lumalalim na ang gabi ay inihatid narin siya nito sa tinutuloyan. “Sorry Anna kung napuyat kita,” hinging paumanhin nito ng nasa tapat na sila ng pintuan niya. “Ahh..okay lang. Nag-enjoy din naman akong kakuwentuhan ka,” sagot niya dito habang kinukuha ang susi sa bag niya. “Oh paano? Ingat ka pauwi ha,” paalam niya dito ng mabuksan niya ang pinto. Tumango lang ang binata at sumakay sa sasakyan. Kumaway muna ito sa kaniya bago tuloyang umalis. Panay ang kantiyaw ni May sa kaniya ng sumunod na araw. Hindi siya tinigilan nito hanggat hindi siya nagkukuwento. “Ikaw ha! Nakatisod ka na pala ng manliligaw doon sa pinuntahan niyo ni boss ha!” “Hindi ah, hindi naman nanliligaw ‘yong tao.” “Eh doon din ang punta noon, no? Magpapakahirap ba ‘yon pumunta dito ng walang dahilan?” sagot ni May. Ilang beses pang naulit ang pagpunta ni Alex sa opisina nila. Dahil mabait naman ito kung kaya talagang nakapalagayan na niya ito ng loob. Si Alex pa lang ang lalaki na naka-close niya ng ganoon simula ng maglagi siya doon sa Cebu. Kahit mga katrabaho niyang lalaki ay umiiwas siya noon. Panay narin ang tawag at text nito sa kaniya. Tulad nga ng sinabi ni May sa kaniya, isang gabi ay nagpaalam na itong manliligaw sa kaniya. “Ahh Anna..gusto ko sanang tanungin kung..pwede ba akong manligaw?” direktang tanong nito sa kaniya isang gabing inihatid siya nito. Nag-alangan siya sa tanong nito. “S-sigurado ka Alex? Hindi mo pa naman ako kilala---“ “Sigurado na ako,” mabilis na sagot ng binata. Napakunot ang noo niya dito at tinitigan ito. “Pagkakita ko palang sayo sa site alam ko na iba ka. Simple ka lang, hindi ka din maarte noong inaya kita sa tindahan, at kahit ngayon na unti-unti na kitang nakikilala, sigurado na talaga ako,” paliwanag nito sa kaniya. “Please Anna, bigyan mo lang ako ng chance.” Hindi niya alam ang sasabihin sa binata. Kung tutuusin ay hindi ito mahirap mahalin, nalulungkot lang siya at hindi niya maramdaman dito ang mga naramdaman niya para kay Jake dati. Pero tama bang lahat ng lalaki ay ikumpara niya kay Jake? Siguradong tatanda siyang dalaga kung ganoon. At isa pa, sa piling ni Alex ay hindi mangyayari ang pangmamaliit na dinanas niya noon, noong si Jake pa ang nobyo niya. “Please Anna?” tanong sa kaniya ni Alex na nagpabalik ng diwa niya. Siguro wala namang masama kung buksan niya ang puso para sa iba. Sa huli ay pumayag siyang ligawan ni Alex. Bakas naman ang saya sa mukha nito sa naging sagot niya. Bahala na bulong niya sa sarili.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
i love the story it reflect me for who i am ..
03/08/2022
0thanks writer ang Ganda Ng story
09/09/2025
0i love it
05/09/2025
0Tingnan Lahat