Elusive

Panay ang hikab ni Anna kinabukasan dahil halos hindi siya nakatulog ng nagdaang gabi. Nagpabaling-baling siya sa higaan ngunit bigo siyang makamit ang tulog na inaasam. At ang resulta ay ang kapansin-pansing eyebags niya.
“Napapaano ka naman Anna?” maang na tanong sa kaniya ni May.
“May, napuyat ako kagabi eh. Masakit ang ulo ko ngayon,” kuwento niya sa babae.
“Uminom ka na ng gamot. May problema ka ba? Kahapon pa ang weird ng ikinikilos mo,” sita nito sa kaniya.
Mabilis siyang tumanggi sa tanong nito. Naupo na siya sa table niya at handa ng magtrabaho ng lumabas ang boss Monching nila buhat sa opisina nito.
“Anna, are you ready?” nakangiting tanong nito sa kaniya.
“H-ho?!” napamaang siya sa boss. Ready? Saan?
Napakunot ang noo ng boss niya. “Hindi mo ba narinig kahapon sa meeting na gusto ni Mr. Cristobal ay bisitahin natin ngayon ang site location ng project nila? Ikaw ang isasama ko ngayon.”
Napahiya naman siya sa sinabi ng boss. Hindi niya naintindihan na may lakad pala sila dahil hindi talaga siya nakinig sa meeting. Dali-dali siyang naghanda ng mga documents nila na kakailanganin sa inspection na iyon.
Nakangiting lumapit siya sa boss na nagiintay sa kaniya matapos ihanda ang mga papel. “S-sorry boss, nakalimutan ko na may lakad nga pala tayo. Hindi ko nai-prepare agad ito,” pagdadahilan niya at ipinakita ang mga papel na dala.
“Okay lang paparating palang din naman daw sina Mr. Cristobal,” walang anumang sagot nito sa kaniya habang nakatuon ang atensyon sa cellphone nito.
Bigla ay nanlamig siya sa narinig at nawala ang ngiti niya. “Ha? Bakit po kasama pa sila?”
Nagtaka naman ang boss Monching sa reaksiyon niya. “Iyon ang gusto ng kliyente, wala namang masama. Mabuti narin para maipakilala tayo sa person-in charge doon.”
“H-Hindi naman po kailangan na si Mr. Cristobal pa ang sumama!” napabiglang bulalas niya. Natutop niya ang bibig sa nakitang reaction ng boss niya. “Ibig ko sabihn boss, b-baka m-msyado pa siyang maabala. Kaya naman natin iyon kahit tayo lang.”
“It’s his request Anna. We cant say no to our client,” turan ng boss niya.
Hindi si Anna mapakali habang nagiintay sila ng boss sa pagdating nila Jake. Ipinapanalangin niya na sana ay isa nalang sa mga staff nito ang dumating. Ilang minuto lang at namataan na niya ang binata at ang driver nito na si Mang Jun sa ibaba ng office building nila. Isinama pa pala nito ang personal driver nito, nahihiya din siya dito sapagkat alam nito ang nakaraan nila ng binata. Parang gusto niyang tumakbo papalayo sa lugar na iyon.
“S-Sir, ano kaya kung si Albert nalang ang isama mo?”
“I’m sorry Anna. Gusto ni Mr. Cristobal ay isama ko ang pinakamagaling kong staff, at ikaw ‘yon. Isa pa ay galing ka sa company nila, mas pagtitiwalaan ka niya.”
Hay boss Monching! Kung alam mo lang. bulong niya.
Torture. Pakiramdam ni Anna ay binibiro siya ng pagkakataon. Nagpakalayo-layo siya para siguraduhing hindi na magku-krus ang landas ng lalaking gusto na niyang ibaon sa limot. Ngunit heto siya ngayon at makakasama pa ito sa site inspection na iyon!
“Mr. Cristobal!” masayang bati dito ng boss niya.
Napalingon ito sa kanila at ng magtama ang mata nila ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Bakit ba kasama pa ito sa inspection na iyon? Puwede namang staff nalang niya ang sumama.
May dalang sasakyan si Jake at nag-insist ito na doon nalang silang lahat sumakay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naiirita siya sa mabait niyang boss dahil tila natuwa pa itong makisabay sa binata. Maya-maya pa ay sumakay na si Mang Jun sa driver’s seat at binuhay ang makina ng sasakyan na dala. Nang makita niyang sa back seat si Jake pumuwesto ay dali-dali siyang lumapit sa passenger seat para doon sumakay pero naunahan siya ng boss Monching niya.
“Ako na dito Anna para makita ko ang daan patungo sa site,” paliwanag ng magaling niyang boss.
Labag sa loob na pumuwesto siya sa tabi ni Jake. Pagpasok palang sa sasakyan ay nalanghap agad niya ang pamilyar na pabango nito. Iniwasan niya ang tumingin manlang sa katabi. Marahil ay hindi din nito akalain na magkikita sila sa bagong project nito. Inukopa niya ang sarili sa pagmamasid sa mga sasakyan sa labas. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya dahil sa matinding puyat ng nagdaang gabi.
Isang malakas na pagpreno ng sinasakyan ang nagpagising sa diwa niya. Bigla ang pag-ahon ng kaba niya at napatili siya ng mapagtanto ang pagtilapon ng kaniyang katawan pasubsob sa unahan. Naipikit niya ang mata at inintay na lamang ang pagtama ng mukha niya sa kung saan mang bahagi ng sasakyan pero hindi iyon nangyari dahil sa malakas na brasong agad na pumigil sa katawan niya. Dahil doon ay hindi siya tuloyang tumilapon paunahan ng sasakyan. Abot-abot ang kaba niya ng mga oras na iyon dala narin ng pagkabigla. Akala niya ay nabangga na sila. Nang makahuma ay saka niya lang napansin ang mga kamay ni Jake na nakahawak sa kaniya. Para siyang napaso sa hawak nito at mabilis niyang hinila ang braso. Nabasa naman niya ang pagkabigla ni Jake sa ginawi niya pero wala siyang pakialam. Kailangan niyang protektahan ang sarili niya mula dito. Alam niya na dapat ay magpasalamat siya dito pero mas pinili niyang manahimik. Wala siyang planong kausapin muli ang binata. Nauunawaan naman siguro nito kung bakit. Iniwan siya nito noon. Inayawan. At hindi niya malimutan ang sakit na dulot noon.
“Sorry boss. Sorry maam. Bigla po kasing may tumawid eh,” hinging paumanhin ni Mang Jun sa kanila.
JAKE POV:
Pinagmamasdan niya si Anna na mahimbing na natutulog sa tabi niya. Bukod sa mas mahaba ang buhok nito ay halos wala itong masyadong ipinagbago sa mahigit isang taon na hindi niya ito nakita. Simple parin ang ayos nito at nakalugay ang lampas balikat nitong buhok. Sinamantala niya na natutulog ito kaya malaya niya itong napagmasdan. He cursed himself. Dati ay kasama na niya ito sa bahay niya. Pero itinapon niyang lahat ng iyon dahil sa isang maling desisyon. At ngayon nga ay ni hindi niya alam kung paano ito sisimulang kausapin. Ramdam niya sa mga kilos nito na iniiwasan siya nito. Simula kahapon ng makita niya ito sa opisina ay hindi manlang siya nito tinapunan ng tingin. Bakas sa mukha nito ang takot ng makita siya at hindi niya ito masisisi. Nasaktan niya ito. Nagpatuloy lang siya sa lihim na pagmamasid dito ng biglang magpreno ng malakas ang sinasakyan nila. Napatili ang dalaga sa gulat at mapapasubsob ito sa unahan ng sasakyan kaya agad niya itong hinawakan. Subalit ng ma-realize ni Anna ang mga kamay niyang nakahawak dito ay mabilis nitong binawi ang braso. Nabasa niya ang panic sa mga mata nito. Ganoon ba kalala ang epekto ng nagawa niya? Halos ayaw siya nitong tingnan? Magmula noon ay hindi na siya tinapunan ng tingin ni Anna. Hindi ito umimik at nanatiling nakatingin sa labas buong biyahe habang siya ay nag-iisip kung paano ito kakausapin. Gusto niyang magpaliwanag sa desisyon niyang hiwalayan ito noon ngunit hindi niya alam kung paano.

Komento sa Aklat (359)

  • avatar
    PalomarJessa

    i love the story it reflect me for who i am ..

    03/08/2022

      0
  • avatar
    Sonia Azucena

    thanks writer ang Ganda Ng story

    09/09/2025

      0
  • avatar
    KaeShi

    i love it

    05/09/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata