Chapter 21

Discussion 21: Zero
“Hindi ba't sinabi kong gawin mo ang project ko?! Nasaan na?!”
Kinuwelyuhan si Rovin ng lalaking kaharap at idiniin pa ang pagkakakuyom nito roon kaya't nahihirapan siyang huminga. Makailang ulit siyang nagdasal. Sana kung bugbugin man siya nito, hindi tulad noong nakaraan na halos hindi siya makatayo. Hindi niya alam ang sasabihin sa mga kaibigan kapag may nakitang mali sa kanya.
Nasa may tagong parte sila ng eskwelahan. Walang napapadaan na mga estudyante. Humingi man si Rovin ng tulong, walang aaksyon.
“Nasaan na 'yong pinagagawa ko?!” bulyaw nito.
Natatakot na napapikit si Rovin at sunod-sunod na napalunok. Anong gagawin niya? Bakit ba kasi siya nakinig kay Gerard na huwag gumawa ng mga projects ng mga kaklase niya? Ngayon, siya ang dehado.
Alam naman niyang naiinis ito sa ginagawa sa kanya pero anong magagawa niya? Hindi malakas si Rovin tulad ni Gerard. Kaya kahit gustuhin man niyang ipagtanggol ang sarili, hindi niya kaya. Wala siyang lakas para sumalungat sa mga kaklase.
“Ayaw mong magsalita, a?!” Umamba itong sasapakin si Rovin kaya't napapikit siya nang mariin.
Ngunit bago pa lumapat ang kamao nito sa mukha niya, may sumipa na sa lalaki na kinasadsad nito sa gilid. Napadilat naman si Rovin.
Dumapo ang mga mata niya kay Gerard na nasa harapan niya at masamang nakatingin sa lalaki. Nang balingan siya nito, napalunok si Rovin.
“Bakit nagpapaapi ka sa mga tarantadong 'to?! Sinabi ko sa'yo na lumaban ka, 'di ba?!”
Napayuko si Rovin. Madaling sabihin iyon para sa kababata niya. Pero para sa kanya, hindi. Wala siyang lakas. At isa pa, ayaw niyang nananakit dahil uusigin siya ng kunsensiya. Kaya hangga't kaya pang magtiis, hindi siya lalaban.
Naputol ang iniisip ni Rovin tungkol sa nakaraan nang umupo sa kaharap niyang upuan si Mark Dave. Nilapag nito ang bag na mukhang wala namang laman sa ibabaw ng mesa niya at umikot para magkaharap sila.
“Si Salcedo… napaka-interesante niyang tao… hindi ba, Rov? Hanggang kailan kaya siya makakatagal sa atin?”
Naglaro ang isang ngisi sa labi nito. Nakatitig si Rovin sa kaibigan. Mukhang may pinaplano si Mark Dave.
“You're planning something, aren't you? Pero saan ka bibilang, Mark Dave? Kina Aldrin o Dylan?”
Nagkibit-balikat ito at lalo pang lumawak ang ngisi. Pagkatapos, unti-unti itong tumingin sa kanya. “It's for me to know and for you to find out.”
Napahinga nang malalim si Rovin. Mahirap mamagitan sa dalawang panig. Ngayon pang tingin niya na kakaiba si Sir Ervin sa lahat ng mga naging guro nila.
Pero kaya ba talaga nito na tumagal sa 4-E? Sana. Mabait ito sa kanila. At hindi lingid sa kanya na ilang ulit nitong pinagtanggol ang klase nila.
“Ervin Salcedo… that mysterious guy…” bulong ni Mark Dave na hindi nakaalpas sa pandinig ni Rovin.
***
Gigil na gigil si Dylan. Naunahan siya ng Ford Mustang GT 2016 Model at Shelby GT350R. Nasa pangatlo na lang siya ngayon kung kailan dalawang lap na lang, matatapos na ang kakera.
Humigpit ang kapit niya sa steering wheel at mariing inapakan ang accelerator. Ngunit bago pa makaalpas, ginitgit siya ng Hyundai Genesis na katabi pati na rin ang Chevrolet Camaro sa kabila. Bantay sarado ang galaw niya at hindi maka-overtake dahil nasa unahan din ang Mustang at Shelby. Konting kibot ang gawin, nakasunod sa kilos niya ang mga katabing kotse.
“Tangina! Malalagot ako kay Kuya kapag nakuha 'tong sasakyan niya! Asaaaar!” aniya at muling hinampas ang steering wheel.
Ang gamit niyang kotse ay McLaren 570S na bagong labas pa lang. Nagkakahalaga ito ng $184,000. Kulang sampung milyon ang presyo kung peso ang usapan.
Hindi kanya ang sasakyan. Itinakas niya lang ang sasakyan sa garahe nito dahil wala ang kapatid niya. Busy ito sa pagma-manage ng business ng pamilya nila kaya nakakita si Dylan nang pagkakataon na kuhanin ang kotse.
Ang mapapanalunan kasing premyo ay Ferrari 488 GTB na nagkakahalaga ng $243,000 o mahigit labindalawang milyon. Bagong labas din ito katulad ng sasakyan na gamit niya ngayon kaya naengganyo si Dylan na sumali sa karera.
Ngunit parang mali yata ang desisyon niyang iyon.
Dahil sa iniisip, hindi napansin ni Dylan na nakaalpas na sila sa linya ng finish line. Ngayon, isang lap na lang ang tatapusin nila bago malaman kung sino ang mananalo.
Pero lalo siyang dinikitan ng Hyundai at Chevrolet na katabi. Sinubukan niyang mag-drift pero ganoon din ang ginawa ng dalawa. Lalo tuloy siyang nanggigil at mariing inapakan ang accelerator. Ngunit ganoon din ang ginawa ng dalawa, sabay ang paggitgit sa kotse niya.
Ang ginawa ni Dylan, binagalan niya ang pagtakbo nang mapansin na sabay na naman siyang gigitgitin ng dalawa kaya ang nangyari, ang dalawa ang nagkabungguan.
Hindi siya nag-aksaya nang panahon. Mabilis na pinatakbo ni Dylan ang sasakyan at pumantay na siya sa Mustang at Shelby. Sinulyapan niya ang kalaban at itinaas niya ang middle finger para ipakita rito. Pagkatapos, inapakan niya pa ng mas mariin ang accelarator. Ang arrow ng speedometer ay gumalaw papunta sa kanan, tanda ng mas mabilis na pagpapatakbo ni Dylan.
“Eat dust, you fucker!” nakangising aniya.
Pero maaga pa yata para magdiwang dahil binunggo na naman siya ng Shelby. Naalog si Dylan sa loob ng sasakyan at tumama ang suot niyang helmet sa salamin ng bintana. Makailang ulit siyang binunggo ng Shelby na sinabayan din ng Mustang.
“Tangina n'yo! Napakadumi n'yong maglaro!” sigaw niya sa loob ng kotse. Binunggo niya rin ang dalawa habang mabilis na nagmamaneho. 100 meters na lang ang layo nila sa finish line kaya lalo siyang ginigitgit ng dalawa upang hindi siya manalo.
Ang ginawa ni Dylan, inurong niya ang sasakyan katulad nang ginawa niya kanina kaya ang dalawang sasakyan ang nagkabungguan. Pagkatapos nito, nag-drift siya patagilid para maunahan ito. Mabilis ang takbo niya at ilang metro na lang ang layo sa linya nang mabilis ding nakatabi sa kanya ang Mustang.
Halos sabay ang sasakyan na umalpas sa puting linya kaya hindi alam ni Dylan kung sino ang nanalo. Pero ang alam niya, mas nauna siya nang kaunti.
Hinampas niya nang isa pang beses sa steering wheel bago galit na lumabas ng McLaren. Hinubad niya ang helmet at nilapitan ang kabababa lang din na lalaki mula sa Mustang.
“Paano ba 'yan, bata, ako ang nanalo?” anito.
Umigting ang panga niya. “I'm the winner.”
Tinaasan siya nito ng kilay at lumapit sa gawi niya. Naramdaman din ni Dylan ang paglapit nila Lean at pagpwesto nito sa likuran niya.
“Ako ang nanalo, bata. Ngayon, akina susi ng McLaren na 'yan,” anitong nakangisi. Naghiyawan ang mga kasama ng lalaki na kinainis niya.
Naikuyom ni Dylan ang kamao at mabilis na kinuwelyuhan ang lalaki.
“Dinadaya n'yo kami!”
Nabigla siya nang maglabas ng baril ang mga kasama nito at itutok sa kanya.
“May sinasabi ka, bata?”
Tinanggal ng lalaki ang kamay niya sa kwelyo nito at pinagpagpag ang kamay.
“Hangga't 'di mo binibigay 'yang McLaren mo, hindi kayo makakalabas ng ZERO.”
“P-pero si Dylan ang nanalo! N-nakita namin! 'Di ba, Colton?” ani Caizer. Tumango si Colton at Lean.
“Nakita sa VCR ang laban. Nauna nang kaunti si Dylan at sumunod 'yong Mustang. Pero si Dylan ang nanalo,” dagdag pa ni Caizer.
Natigilan ito sandali. Akala nila Dylan ay maayos na ngunit nagkibit-balikat lang ito.
“Akin pa rin ang McLaren…” anito. Kinuha nito ang baril sa isang kasama at itinutok sa ulo niya, “…dahil kung hindi, wala nang makakalabas pa sa inyo ng kasama mo.”
Sunod-sunod na napalunok si Dylan dahil sa kabang dumagsa sa dibdib niya. Katapusan niya na ba? Nang idiin pa lalo sa ulo niya ang baril, napaurong siya at bumangga sa katawan ng mga kaibigan niya.
Napapalibutan na sila ng mga kalaban nila sa karera. Maraming sinasabi ang mga kasama ng lalaki at ang nangingibabaw doon ay tapusin na raw dapat ng lalaki na tinatawag nitong leader ang laban. Sa tingin niya, sila ang sinasabi nitong kailangang tapusin. Nagtutulakan na silang apat at alam ni Dylan na natatakot na rin ang tatlo niyang kaibigan.
Kung ibibigay niya ang sasakyan, makauwi man, papatayin din siya ng kapatid. Pero kung hindi naman, madadamay ang tatlo sa gulo niya.
“A-anong gagawin natin, Dylan?” bulong ni Colton sa kanya.
“H-hindi ko rin alam!” pabulong niyang asik.
“K-kung ibigay na lang kaya natin 'yong sasakyan?” ani Lean.
“Papatayin si Dylan ng kuya niya. Tinakas niya lang 'yan, e!” sansala naman ni Caizer.
Lalong naguluhan ang utak ni Dylan. Anong gagawin niya ngayon? Mukhang seryoso nga ang kaharap nila na patayin sila kapag hindi nila ibigay ang gusto nito.
“B-bawal ang ginagawa n'yo! A-ako ang nanalo sa karera kaya hayaan n'yo na kaming umalis!”
Mukhang napikon ang kausap sa kanya. “Nanalo ka man o hindi, wala kang magagawa kung kukunin ko ang sasakyan mo. O gusto mo bang itanim ko ang bala ng hawak kong baril sa katawan mo? Madali akong kausap,” nakangising asong anito.
“Kami ang batas dito, bata. Hindi n'yo ba alam 'yon?” ani ng isa sa kasama nito.
Lumakas ang tibok ng puso ni Dylan sa kaba. Hindi na niya alam ang gagawin para makatakas.
“P-pero—”
“Sasakyan o buhay n'yo?” sigaw ng lalaki sa harapan nila. Walang nagsalita sa kanilang apat. Nililingon pa ni Dylan ang malaking tarangkahan at kinakalkula kung makakatakbo sila roon na hindi nababaril pero mukhang malabong mangyari iyon. Nasa ganoong sitwasyon sila nang may magsalita. Isang pamilyar na boses na hinanap pa niya iyon at mas lalo siyang nabigla sa nakita.
“Kayo ang batas, sabi n'yo?”
Ang homeroom teacher nila! Iyong Ervin Salcedo na sinasabi ng mga kaklase nila!
Naglabas ito ng kung ano sa bulsa at nang pagmasdan ni Dylan, sigarilyo iyon at mabilis na sinindihan ni Ervin. Noong humithit ito at binuga na ang usok sa hangin, saka nito hinagilap ang mga mata nilang apat at sandaling sinulyapan. Pagkatapos, binalik ni Ervin ang tingin sa lalaking kalaban nila sa karera.
“Kayo ba kako ang batas dito?” ulit nito sa sinasabi kanina.
Lumingon ang lalaki kay Ervin at maangas itong tiningnan. “Kami nga. Bakit mo naitanong? Baka gusto mong sumunod sa apat na 'to?!”
Siniko si Dylan ni Caizer. “'Yan 'yong teacher natin, 'di ba? B-bakit nandito 'yan?”
Umiling si Dylan. “H-hindi ko rin alam! Tumahimik muna tayo! Baka patayin nga tayo ng mga tao dito!”
Nagsalita si Ervin. “Sigurado kayo?”
Nanggalaiti siguro ang lalaki sa sinabi nito kaya't sumugod kay Ervin pero bago pa mangyari iyon, maraming lalaki ang nagprotekta dito at masamang tumingin sa susugod sana sa teacher nila.
“A-anong—?! S-sino ka ba?! Ha?!” nagkadautal-utal ito sa pagtatanong.
“Eh, ikaw? Sino ka ba at sinasabi mong ikaw ang batas dito sa lugar na 'to?” parang wala lang na tanong ni Ervin sa lalaki. Kumbaga, sumagot man ang lalaki o hindi, wala itong pakialam.
Pilit kinakalkal ni Dylan ang utak. Isa ba sa boss ng Zero si Ervin? Pero bakit hindi niya ito nakikita sa tagal na nilang pinupuntahan ang lugar? Ngayon, naniniwala na siya kay Roy na isa ngang misteryo ang teacher nila.
“Ako si Leo! Isa sa boss dito sa Zero! Ano, natatakot ka na ngayon? Gusto mo akong kalabanin?!”
Napailing si Ervin. Sinulyapan nito ang katabing lalaki na nagkibit-balikat naman.
“Kaya pala nag-aangas, e. Kapangalan ni Leon. Kilala mo ba 'to, Jeff?”
“Boss, siya 'yong huling boss sa ranking dito sa Zero. Gusto mo bang paalisin dito?”
“A-anong paalisin?! Bakit, sino ba 'yang lalaking 'yan? Isa ako sa boss dito! Baka gusto n'yong patayin ko kayo?!”
Nagtangka pa ulit itong lumapit ngunit naglabas ng baril ang nagpakilalang Jeff at itinutok sa lalaki. Maging ang mga kasama ni Jeff, ganoon ang ginawa at pinalibutan ang kasama ni Leo.
Mas maraming bilang ang nagpoprotekta kay Ervin kesa sa mga kasama ng isa kaya napalunok ito.
Hindi ito nakaligtas sa paningin ni Dylan. Maging siya, hindi makapaniwala sa nakikita. Parang mafia boss ang teacher nila kung paano ito protektahan ng mga kasama.
Kung kanina, hindi sila gaanong nakakakuha ng atensyon sa mga tao sa loob ng Zero, ngayon nakatutok na ang lahat ng mga mata sa kanila. O pwedeng sabihin na na kay Ervin ang lahat ng mga mata ng mga 'to. Parang kilalang-kilala ito at nagkaroon ng malakas na bulung-bulungan.
“S-sino ka ba?! Ha?! A-ang tapang mo, a?!” ani Leo.
“Ako pa ngayon? Astig talaga 'to, e.” natatawang sagot ni Ervin.
“Sino ka nga, e!”
“Tagapagmana ni Boss Leon, Leo. May tanong ka pa?” sagot ni Jeff.
Biglang tumahimik ang buong lugar sa sinabi nito. Pagkatapos ay mas lalong lumakas ang ingay ng iba.
“Bumalik na si Black King?!”
“Black King?! Si Black King nga!”
“Si Boss!”
Ilan iyon sa narinig ni Dylan. Napakurap siya. Hindi niya kilala ang Black King na sinasabi ng mga tao pero kung tama ang hinala niya, si Ervin ang sinasabi ng mga ito na si Black King. At tagapagmana ni Leon? Sino iyon?
“B-black King?! I-ikaw si Black King?!” nahintatakutang tanong ni Leo. Para na itong kuting kung umakto ngayon. Takot na ang nababanaag sa mukha. Hindi tulad kanina na parang lalamunin nang buhay si Ervin.
Napakamot sa ulo si Ervin. Nang balingan ng tingin sila Dylan, napailing ito.
“Sila Dylan ang nanalo sa laban, hindi ba?” patanong man ang sabi nito, parang sigurado ang tono ni Ervin sa sinabi.
“A-ako ang nanalo!” giit ni Leo.
Tiningnan nito si Jeff. “Ulitin mo nga 'yong video ng laban nila. Tingnan mo kung sinong nanalo. 'Pag nalaman kong nagsisinungaling si Leo…” hindi tinapos ni Ervin ang sasabihin.
Bumakas ang takot sa mukha ni Leo at agad pinigilan si Jeff sa pag-utos sa kasama nito.
“H-hindi na kailangan! S-sige na! Sige na! Sila na ang nanalo.”
“Papayag din pala, ang dami pang sinabi,” bulong ni Ervin.
“T-tara na! Umalis na tayo dito!” anito sa mga kasama.
Hindi na hinintay na paalisin, sumibat na sila Leo. Napatanga na lang si Dylan sa mga nangyari. Ganoon lang? Napaalis ni Ervin ang lalaki?!
Hinarap ni Jeff si Ervin. “Sigurado kang ayos lang umalis 'yong mga 'yon? Hindi mo paparusahan? Sinigawan ka, a?”
Natawa lang ang kausap. “Masyado namang big deal sa'yo. Hayaan mo na, malaki na siya. Teka nga pala, ikaw lang ang tinawagan ko, a? Bakit dinala mo ang buong grupo mo? 'Di ko naman kailangan ng maraming back-up. Parang isang batalyon kayo.”
“Ngayon ka lang ulit tumawag, e. Akala ko nalimutan mo na kami.”
Habang nalilibang si Ervin, sumenyas si Dylan na umalis na rin sila para makatakas. Ayaw niyang harapin si Ervin. Parang nakakatakot ito.
Unti-unti na silang nakakalayo nang mapansin sila ng isa sa mga kasama ni Jeff at kinalabit si Ervin.
“Boss, aalis na sila, o. Sila 'yong niligtas mo, 'di ba?”
Agad hinanap ni Ervin sila Dylan.
“Hoy, saan kayo pupunta? Bumalik nga kayo rito!”
Tumakbo nang mabilis sila Dylan dahil sa pagtawag ni Ervin. Mabilis ding kumilos ang mga kasama ni Jeff at humarang sa daraanan nilang apat.
Wala silang nagawa nang damputin silang apat ng mga ito at iharap kay Ervin.
“A-anong kailangan mo sa amin?!”
Tumaas lang ang parehong kilay ni Ervin sa tanong ni Dylan.
***
“Pipi ba 'yang mga estudyante mo, boss? Puro tingin lang ang gawa, ayaw magsalita!” reklamo ni Jeff.
Natawa na lang si Ervin. Anong gagawin niya, e ayaw kumibo ng apat kapag tinatanong niya kung ano ang ginagawa sa Zero?
“Nasaan nga pala si Dennis? Sila Boss Ray at Boss Franco, kumusta?” tanong muli ni Jeff.
Isa si Jeff sa kabarkada ni Dennis na naging kaibigan na rin ni Ervin. Ang hindi niya lang gusto, ang pagtawag din nito ng 'boss' sa kanya.
Nang magpasya si Ervin na umiwas sa dating gawain niya, sumama si Dennis. Si Jeff naman, nanatili sa pamamahala ng grupong iniwan nila. Makalipas ang  ilang taon, ngayon niya lang ulit natawagan ang kaibigan.
“Busy sa call center si Dennis. Iyong dalawa naman, 'wag kang nag-alala, humihinga pa sila.”
“Loko-loko ka talaga kahit kelan,” naiiling pero nakangiting anito.
Ito ang gusto niya kay Jeff, hindi nangingiming sumagot sa kanya. Alisin lang talaga 'yong boss na tawag sa kanya, baka i-bespren ni Ervin 'tong si Jeff.
“Maiba ako, boss, buti may susi ka pa nitong opis ni Boss Leon? Madalang na dumalaw rito sa Zero ang isang 'yon. Akala ko pinalitan na nga 'yong lock, 'di pa pala. Balak mo na bang bumalik?” tanong nito. Mukhang interesado si Jeff na malaman ang sagot base na rin sa pagtitig nito sa mukha niya.
Nilibot niya muna nang tingin ang buong opisina. Tanggapan ito ni Leon ng bisita kapag nandito ito sa Zero. Tanging siya lang bukod dito ang may susi ng opisina nito.
Wala pa ring nagbago sa itsura ng buong lugar. Kung saan nakalagay ang maliit na silid-aklatan, mahabang mesa at mga upuan, naroon pa rin ang mga 'yon sa dating pwesto.
“Wala akong balak na bumalik. Alam naman ni Leon 'yon,” aniya.
Parang nalungkot si Jeff sa sagot ni Ervin. “Seryoso talaga kayo ni Dennis, 'no? Buti at tinanggap ni Boss ang gusto mo? Tsaka sa alam ko, hinahanap ka pa rin niya ngayon pero 'di naman nag-uutos ng maghahanap sa'yo.”
“Alam ni Leon ang gusto ko. 'Di naman niya ipipilit sa akin ang gusto niya. Tsaka 'wag kayong maniwalang 'di niya alam kung nasaan ako. Maraming mata si Leon sa paligid. Simula dati hanggang ngayon, alam kong binabantayan ako n'on. Nirerespeto lang niya ang gusto ko.”
Natawa si Jeff. “Sus, makapag-drama pa si Boss Leon kapag nagkikita kami, sinasabing kinalimutan na siya ng alaga niya, 'yon pala alam niya kung nasaan ka. Kayong dalawa lang talaga ang nagkakaintindihan. Parang tatay mo si Boss Leon, 'di ba?”
Hindi kumibo si Ervin. Totoo naman ang sinabi ni Jeff tungkol kay Leon. Itinuring siya nitong parang anak. Ilinya mang isa sa masasamang tao si Leon dahil sa trabaho nito sa lipunan, alam ni Ervin ang ugali ni Leon. Kaya nga kahit may alam si Franco sa mga transaksyon ni Leon, nananatili itong tahimik. Basta ba hindi involve si Leon sa droga at mga ilegal na armas, ayos lang siya roon.
Minsan pa nga ay nakikipagtulungan ito sa kapulisan. Isa iyon sa dahilan kung bakit walang gumagalaw dito. Walang kaaway si Leon. Kung meron man, nasisindak dito kaya walang ginagawang aksyon.
May sasabihin pa sana si Ervin kay Jeff nang matapunan niya nang tingin sila Dylan na tahimik na nakaupo sa mahabang sofa. Nililibot man ng paningin nito ang buong opisina, alam niya na nakikinig ito. Doon siya nagpasya na tapusin muna ang usapan nila.
“Mamaya na tayo mag-usap, Jeff. Tingnan mo muna ang mga tao mo sa labas. Rondahan n'yo ang buong Zero. Baka may nangdadaya na naman sa tabi-tabi. Alam na ninyo ang gagawin.”
Sinulyapan muna ni Jeff ang apat na binata at nakangising sumaludo kay Ervin bago lumabas.
Nang wala na ito, hinarap na niya ang apat. Nakatingin din ang apat sa kanya at mukhang hinihintay ang sasabihin niya.
“Matagal na ba kayong gumagawi dito sa Zero?”
Walang kumibo. Huminga nang malalim si Ervin. Parang iyong apat na kulugo 'tong kaharap niya ngayon.
“Ano? Sasagot kayo o hihilahin ko mga dila n'yo? Tutal wala namang silbi. Ayaw n'yong magsalita.”
Natakot yata si Colton kaya nagsalita ito.
“Mag-iisang taon na,” mahina nitong saad.
Pumalatak siya. Mga pasaway na bata. Hindi ba nito alam na delikado ang Zero?
“Mga gago kayo, ano? Alam n'yo bang 'di kayo makakalabas nang buhay kapag pumasok kayo dito? Hindi 'to playground. Mga halang ang kaluluwa ng mga taong nandito. Tingin n'yo tatagal kayo rito?!”
Napatayo si Dylan. “Pakialam mo ba?! Buhay namin 'to! 'Wag kang epal!”
“Dy, tama na,” ani Lean.
“Nakakainis, e!”
Hindi nagpatinag si Ervin. Sanay na siya na sinisigawan ng estudyante. Kay Aldrin palang, quota na ang tainga niya. Itong si Dylan? Wala 'to sa sama ng bibig n'ong isa. Sa dami ng lait na inabot niya roon, sanay na sanay na si Ervin.
“Ngayon makareklamo ka r'yan. Kanina 'di ka makakibo noong mapapatay na kayo?”
Natahimik ito bigla. Nagpatuloy siya. “Kung gusto n'yo pang mabuhay nang matagal at matiwasay, 'wag na kayong bumalik dito. Hindi ito ang lugar para sa mga batang katulad n'yo. Si Leo kanina? Wala pa iyon sa mga taong pwede n'yong makabangga sa susunod. Baka wala na ring magligtas sa inyo.”
“E, bakit ikaw?” tanong ni Caizer.
Pumalatak siyang muli. “Dami n'yong tanong, ano? Basta! 'Wag na kayong babalik dito, maliwanag? Malalaman ko kung anong ginagawa n'yo.”
Napipilitang tumango ang apat.
“P-pwede na ba kaming umalis?” si Lean ang nagtanong.
Tatango na sana si Ervin nang maalala ang dahilan kung bakit niya sinundan ang apat.
“Kayo ang naghulog kay Hernandez, 'di ba?”
Nawalan ng kulay ang mukha ng apat.
*****

Komento sa Aklat (214)

  • avatar
    GalupoAica

    The writing is very nice and the story is well-written and easy to understand.

    25/06

      0
  • avatar
    Cherry_Moguri

    Mag 2026 na wala pa ding update sa volume 2. Nasaan na ba yung author nito pinabayaan na nya

    11/11

      0
  • avatar
    Alvin Rial Palmero Colagnos

    👍👍👍

    14/11/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata