Hindi ako pumayag sa suggestion nilang dalawa. Iniisip ko kasi ang mararamdaman ni Emily kapag sasabihin naming papalitan siya sa role niya kasi palagay namin hindi niya kayang gampanan ang tungkuling binigay sa kaniya. Kung sa akin iyon mangyayari, masasaktan din ako. Kaya hindi ako nagdalawang-isip na tumanggi kina Natasha, pinoprotektahan ko lang ang damdamin ng kaibigan ko. Ayos na rin ito... Alam kong gusto niya si Kahel at hindi ko hahadlangan ang magpapasaya sa kaniya. Alam kong ganito ang ginagawa ng isang kaibigan, pero hindi ko alam kung bakit hindi ako makangiti ng todo sa tuwing pinagmamasdan sila. "Edi instruct mo na lang si Emily sa mga gagawin niya." Pumayag ako kaya nang magkaroon ng five minutes break, pinuntahan namin sina Emily at Kahel sa may tubig upang ipaliwanag ng maayos ang gagawin. Wala akong dalang pamalit na damit kaya naman iniiwasan kong mabasa. "Emily, suntukin mo lang ng mahina si Kahel sa dibdib. Ipapakita kasi roon na galit ka kasi iniwan ka niya." tumango sa akin sina mlmily. Kita ko na nahihiya siya sa amin. "K-Kahel, kapag magsasalita si Emily, tumingin ka ng diretso sa mata niya saka hawakan mo siya baiwang." pagmamando ko naman kay Kahel. Hindi ako makatingin ng maayos sa kaniya dahil ang seryoso niya kung tumingin sa akin. Ang awkward na masyado kaya pagkatapos kong magbigay ng ilang instruction sa kanila, umalis na kaagad ako roon. Ang kaso napamali ako ng tapak sa isang bato. Napasigaw ako sa gulat at sa pag-aakalang babagsak ako sa tubig pero mabilis na nakaalalay sa akin si Diego na nasa malapit lang kanina. Abot ang kaba sa dibdib ko lalo na nang makita na hawak din ni Kahel ang kaliwang braso ko at nakasuporta rin sa aking baiwang. Sa hiya ay mabilis akong umayos ng tayo at nahihiyang bumaling sa kanila. "S-salamat." kay Diego lang ako nakatingin. Nagdadalawang-isip pa ako kung titingin din ako kay Kahel. Bigla naman akong natakot nang makita na tahimik lang na nakatingin sa amin si Emily. Hindi ko mabasa kung ano ang nasa mga mata niya ngayon. Hindi ko alam kung bakit natatakot ako. Wala naman akong ginagawang masama pero kakaiba lang talaga ang pakiramdam. Nagpatuloy ang shooting pagkatapos ng ilang minuto. Medyo malayo ako sa kanila dahil na-awkward ako sa nangyari kanina. Lahat kasi sila ay malisyosong nakatingin sa amin. Tinulungan lang naman ako, walang masama roon. Nagulat pa ako nang halos hindi na kami nagpa-ulit ulit sa mga scenes. Napansin ko na hindi na rin nagkakamali ng mga lines si Emily, pulido na rin ang pagkaka-acting niya... magaling. Hindi ko maiwasang mag-iwas ng tingin doon sa part na kailangan nilang maghawak ng kamay. Alam ko naman na may mangyayaring ganito kasi ako ang nagsulat ng script. May kakaiba lang talaga akong nararamdaman sa sarili ko at ayaw ko nito. Alas dos na ng hapon pero hindi pa rin kami naglulunch kaya nagrereklamo na ang iba. Pumayag na rin sina Natasha na tapusin na ang shooting ngayong araw at sa ibang araw na lang namin ipagpatuloy. Hindi na rin kasi masyadong atentibo ang iba dahil nagsasawa na sa ginagawa. Dumiretso kami sa bahay nina Kahel at laking tuwa ng lahat ng malaman na may naghihintay pala sa aming tanghalian doon. Pinagluto kami ng makakain ni Ate Violet. Hindi na rin kami nahiya pa at kaagad na kumain doon dahil na rin sa gutom. "Magbabasketball kami mamaya, sinong manonood?" tanong ni Jacques nang makita kami sa labas ng bahay at nagpapahinga. Nagtalunan sa tuwa sina Natasha nang marinig iyon. Halata sa kanilang gustong-gusto nilang panoorin sina Jacques na maglaro. "Sinong mga kalaro niyo?" tanong ni Ate Violet sa tabi ko. "Sina Philip." Nakinig lamang ako sa usapan dahil hindi ko naman kilala ang mga pinag-uusapan nila. Makalipas ang ilang minuto ay nakita ko na ang mga nakatatandang kapatid nila na lumabas ng bahay suot ang mga jersey shorts at shirts nila. Sa likod nito ay may nakatatak din na Guevarra. Nakatingalang-nakatingala ako sa kanila dahil ang tatangkad nilang magkakapatid. Kahit yata tumikdi ako ay hindi ko maabot ang ulo nila. Lahi pala talaga sila ng matatangkad. Hindi na ako magtataka dahil ganoon din si Kahel. Halos hanggang leeg nga lang niya ako. Mas lalo pa siyang tatanggkad panigurado dahil bata pa naman siya. Napapikit-pikit ako nang makita ko siyang lumabas ng pintuan suot ang puti at pulang jersey. Bahagyang magulo ang buhok niya at medyo basa. Ang angas din niya kung maglakad habang bahagyang nakakunot ang noo. Napaiwas ako ng tingin nang dumako ang mata niya sa akin. "Malapit lang ba rito ang court?" tanong ni Diego sa aking tabi. "H-hindi ko rin alam. Hindi pa ako nakakapunta." tugon ko naman. Nakita kong pinanliitan ako ng mata ni Diego at bahagyang sinipat ang mukha ko. "Bakit namumula ka?" "Hindi ako n-namumula!" bakit naman ako mamumula? Umiling-iling siya sa akin pagkatapos ay itinuon na lamang ag atensyon sa kaniyang camera. Napahinga ako ng maluwag dahil hindi na niya pinahaba pa ang usapan. Mabuti naman. Pakiramdam ko ay hihimatayin ako sa hiya dahil sa mga ganitong usapan. Hindi nagtagal ay nakarating na rin kami sa court sa tabi ng kalsada. Mabuti na lamang at hindi na masyadong mainit sa lugar na ito. Mahangin din dahil maraming puno sa lugar. May mangilan-ngilan ding mga tindero ng mga pagkain ang nasa tabi ng kalsada. Doon ko nalaman na ito pala ang plaza sa lugar. Buhay na buhay ang parteng ito ng barangay lalo na kapag hapon dahil palaging may naglalaro. Naupo kami sa may bandang unahan kung saan maayos naming makikita ang laban. Nakaranas na rin akong makapanood ng basketball sa school dati tuwing intrams pero mas excited ako ngayon. Ito kasi ang unang beses na mapaanood kong maglaro si Kahel. Palagi akong inaakit nina Sayon na manood pero hindi naman pwede dahil gagabihin ako. Nabaling ang atensyon ko sa kabilang court sa tapat namin nang marinig ang kantyawan ng mga kalalakihan. Malalakas ang tawanan nila at mistulang walang pakialam kahit maraming tao. Mga nakasuot din sila ng jersey. Paniguradong sila ang makakalaban nina Kahel. "Ang ganda raw no'ng nakaputi!" Awtomatiko akong napatingin sa suot kong damit at kinabahan nang makitang nakasuot nga pala ako ng puting blouse. Meron din namang nakasuot ng puti sa amin pero si David naman. Iniwasan kong tumingin sa unahan dahil patuloy pa rin sa kantyawan ang mga lalaki. Mabuti na lamang at tumabi sa akin si Diego at sa kabila naman ay si Emily. "Gusto mo na bang umuwi?" umiling ako kay Diego. "Hindi pa nga nagsisimula eh." panigurado namang titigil din ang mga lalaking iyon. Baka naman hindi ako ang tinutukoy nilang nakaputi. Lumingon ako sa likod ko at meron nga roong iba pang nakaputing mga babae. Baka sila ang pinagsisigawan. Bahagya akong napanatag dahil doon. "Sabihin mo lang kung naiinip ka na. Sabay na tayong dalawa." "Hindi ka ba nagba-basketball?" umiling siya. "Hindi ako masyadong athletic. Pero lumalaban ako sa chess tuwing may intrams sa amin dati." Napangiti naman ako sa sinabi niya. Iilan lang kasi ang kakilala kong marunong maglaro ng chess. Halos lahat ay sa basketball interesado. "Ikaw? Sa basketball ka rin mahilig?" umiling ako. "Hindi rin ako masyadong nananood nito. Sa horseback riding ako interesado." "Marunong ka?" manghang tanong niya. "Nitong nakaraang taon lang ako natutong sumakay ng kabayo. Nahilig lang ako manood dahil si Papa sumasali sa mga competition noon." nakikita ko kasi mga picture ni Papa na nakasakay siya sa kabayo. Sa katitingin ko sa mga pictures niya, nahilig na rin ako. Nagpatuloy ang usapan namin tungkol sa ilang bagay na nakakahiligan naming gawin. Nalibang akong kausap siya lalo na at hindi pa nag-uumpisa ang laban. Natigil lamang iyon nang kuhitin niya ako sa braso. Napatingin ako sa unahan at kinabahan kaagad nang makita na nakatingin na naman sa akin ang mga kalalakihan sa kabilang grupo. Mabuti na lamang at saktong papunta na sa court sina Kahel kaya naharangan nila ang daan. Hindi ko alam kung sa pwesto ba namin papunta ang mga lalaking iyon o sa gitna ng court. Pakiramdam ko kasi ay sa akin sila nakatingin. O baka naman kay Emily pala. Nakita kong bahagyang bumaling sa amin si Kahel. Pagkatapos ay mag sinabi siya sa mga lalaki. Nakakunot na nakakunot ang noo niya na animo'y may kinagagalitang bagay. Napatingin din sa akin sina Kuya Yessan. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng tinging iyon pero nahihiya na kaagad ako. Pakiramdam ko ay kasali ako sa usapan nila kahit malabo namang mangyari iyon. Nakita ko ang kabilang grupo na mga nakangisi habang nakikipag-usap. Nayayabangan ako sa grupo nila. Ang lakas din kasi ng usapan nila kanina na baka hindi man lang daw sila pagpawisan. Hindi nagtagal ay ramdam ko na magsisimula na ang laban. Nakapuwesto na kasi ang lahat sa gitna. Nagtaka ako nang lumapit sa pwesto namin si Kahel at bumaling sa akin. Hindi ko naman alam kung paano titingin sa kaniya. Nagulat ako nang bigla niyang hubarin ang suot na t-shirt sa harap namin. Naiwan ang puting jersey shirt niya. Inabot niya sa akin ang hinubad na damit at itinuro ang hita ko. Doon pa lang ay naiintindihan ko na kaagad ang gusto niyang mangyari. Tinanggap ko ang kaniyang t-shirt at itinaklob iyon sa aking hita. Hindi ko alam kung bakit biglang may kakaibang tuwa na umusbong sa dibdib ko sa simpleng galaw na iyon. Pinigilan ko ang ngiti at pilit ginawang seryoso ang mukha. Nakita ko rin kasi ang tingin sa akin ni Emily. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at sa t-shirt ni Kahel na nasa hita ko. Nagsimula ang laro kaya natuon doon ang atensyon ko. Napapapalakpak ako sa tuwing makaka-shoot ang magkakapatid. Hindi maipagkakailang magaling din sila sa larong ito. Mabilis gumalaw si Jacques at maliksi kaya madalas siyang makaagaw ng bola. Si Kuya Yessan naman ang madalas sa rebound dahil siya ang pinakamalaki at pinakamatangkad. Napapangiti ako sa tuwing nakaka-shoot si Kahel. Ang angas ng kilos niya para sa akin. Ultimo pagtakbo ay may dating. Napahawak ako sa pisngi upang pigilang mapangiti ng todo. Hindi kasi talaga ako madalas mag-enjoy sa tuwing nanonood ako ng basketball. Kaya lang naman ako nanonood noon ay dahil required ito sa amin. Sina Abby at Tiffany ay gustong-gusto ring manood dahil maraming gwapong varsity players. Pero ngayon ay alam ko sa sarili kong natutuwa akong manood ngayon. Hindi ko alam kung anong nagbago. Siguro magagaling lang talaga ang mga naglalaro. "Tubig?" pag-aalok sa akin ni Diego. "Pwede?" kanina pa rin kasi kami nakaupo rito at nauuhaw na rin ako. Hindi naman ako makatayo para bumili ng tubig ko dahil ayokong may makaligtaan ako sa laro. "Oo naman." tumawa siya na para bang may mali sa sinabi ko. "Baka kasi maubos ko tubig mo." inabot ko ang hawak niyang tubig. "Ayos lang nakainom naman na ako." tumango ako sa kaniya at ininom ang tubig hanggang sa maubos ko ito. Napatawa pa ako kay Diego nang makitang pinagmamasdan niya ako habang umiinom. "Huwag ka nga!" nahiya tuloy ako bigla dahil natatawa na rin siya sa akin. Umiling-iling na lamang ako at sinabihan siyang huwag ng magulo dahil halatang naiingayan na sa amin si Emily. Hindi rin siya nagsasalita kanina pa. Mabuti pa sina Natasha at panay ang cheer nila kina Jacques. Tuwang-tuwa sila habang pinapanood na maglaro ang magkakapatid. Rinig ko rin ang mga kinikilig nilang hiyawan sa likod namin. "Tss, parang bata." nagulat ako nang punasan ni Diego ang gilid ng labi ko sa may banda kung saan may natapong tubig. Hindi ko kaagad nagawang makalaw sa ginawa niya lalo na at tutok na tutok siya sa ginagawa. "H-huwag na." naiilang na anas ko. Baka kung anong isipin ng mga tao kapag nakita kaming ganito. "Sandali lang ang kalat mo kasi uminom- Parehas kaming nabigla nang bumulusok ang bola malapit sa kaniyang inuupuan. Muntik pang matamaan ang camera niya na nasa gilid. Napatingin ako sa court at nakitang nakalingon na sa may gawi namin ang lahat habang kinukuha ni Kahel ang bola. Masama ang tingin niya sa aming dalawa ni Diego. Si Emily ang kumuha ng bola at inabot iyon kay Kahel. Parang balewala naman iyon sa kaniya dahil nanatiling masama ang tingin na ibinibigay niya sa amin lalo na kay Diego. Kita ko rin ang pag-igting ng panga niya dahil sa iritasyon. Napaisip tuloy ako kung ano na naman ba ang ginawa kong mali at ganiyan na naman siya kung makatingin. Kinuha niya ang bola at ihinagis ito kay Jacques. Bumaling siya muli sa akin at hinigit ang kamay ko kaya bigla akong napatayo. Nahulog ang t-shirt niya sa lupa. "B-bakit?" kabadong tanong ko. "Iuuwi na kita sa inyo." "Ha? Pero hindi pa tapos ang laro niyo." Mas lalong sumama ang tingin niya sa akin. "Hapon na. Gagabihin ka kapag hinintay mo pang matapos ang laro." tutol ako sa sinabi niya. Gusto ko sanang tapusin muna bago kami umalis. Isa pa, kung ihahatid niya ako ay hindi siya makakapaglaro. Nakita ko ang pagtayo ni Diego sa tabi ko. "Ako na lang maghahatid. Parehas naman ng daan kaya sabay na lang kami ni Anastacia." Natahimik ang kanina'y malakas na hiyawan nina Natasha. Ramdam ko ang mga mata nilang nakatingin sa amin ngayon. Miski si Emily ay ganoon din. Labis akong nabahala dahil nakatingin siya sa kamay ni Kahel na hawak ang sa akin. "Hindi kita kinakausap." nanlaki ang mata ko kung paano niya sinagot si Diego. Para namang wala siyang modo sa inasta niyang ito. Alam ko namang mainitin ang ulo niya pero sana huwag niyang idamay si Diego. Wala namang ginagawang masama iyong tao. "May problema ka ba sa akin?" "Diego." pagtawag ko sa kaniya. Kinabahan ako ng matindi sa namumuong tensyon sa pagitan nila. Mabuti na lamang at lumapit sa amin sina Kuya Yessan. "Kahel? Anong problema?" dinapuan ako ng matinding hiya nang bumaling sa akin si Kuya Yessan. Hindi ko alam kung kilala niya ba ako. Ayaw ko namang maging masama ang pagkakakilala niya sa akin dahil dito. "K-kuya wala po. Nag-uusap lang." ako na ang tumugon dahil halatang walang balak magsalita si Kahel. Tumango naman sa akin si Kuya Yessan. "Kahel tara na, matatapos na ang game." saad niya nang bumaling sa kapatid. Biglaan ko namang hinigit ang kamay ko mula kay Kahel kahit alam kong mapapansin nila. "Sasabay ako kay Diego. Bumalik ka na roon." "Si Emily na lang ang ihatid mo Kahel, malayo-layo rito ang bahay niya." suhesyon ni David . Si Kahel ang kausap niya pero sa akin siya nakatingin. Hindi ko alam kung bakit biglang hindi ako naging sang-ayon doon. "O-oo nga, si Emily na lang. Wala siyang kasabay." pilit kong kinukumbinse ang sarili ko na walang problema. Nanatili naman ang paninitig sa akin ni Kahel. Lumunok muna ako bago kinuha ang maliit na bag na dala ko. Bumaling ako kay Diego at tumango sa kaniya. "T-tara na." matagal bago siya tumango sa akin. Parang binabasa niya muna ang nasa isip ko. Umiwas na lamang ako ng tingin at nanguna sa paglalakad. Tama nga si Kahel na magdidilim na. Kapag hindi pa ako umalis ngayon ay gagabihin ako sa daan. Pilit kong hindi inintindi ang mga kalalakihan na nakatingin sa akin habang naglalakad ako. Narinig ko pa ang mahihinag kantyawan nila nang makadaan ako sa harap nila. Mabuti na lamang at sumunod na kaagad sa akin si Diego. Naging tahimik kaming dalawa habang nag-aabang ng masasakyan. Parang wala rin akong ganang magsalita. Nanlulumo ako sa hindi malamang dahilan. "Salamat sa paghatid." ngumiti ako kay Diego nang makarating kami sa bahay. Sinadya kong hindi na siya patuluyin sa bahay dahil baka kung ano pa ang isipin ni Kuya. "Okay lang." matagal ang naging pagtitig niya sa akin. Naasiwa ako kaya mabilis akong umiwas ng tingin. "Sige ingat ka pag-uwi." bahagya siyang ngumiti sa akin saka tumalikod. Halatang matamlay siya ngayon. Gusto ko sanang magtanong kung bakit subalit maging ako ay wala na ring lakas na natitira. Hinintay ko hanggang sa tuluyan siyang makaalis. Subalit bago siya tuluyang makalayo ay lumingon muna siya sa akin at seryoso akong pinakatitigan. "Ana..." pinutol niya ang sasabihin. Parang nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba niya o hindi. "Bakit?" tanong ko naman. Ramdam ko na may gusto pa siyang sabihin sa akin pero umiling na lamang siya. "Wala." doon siya tuluyang tumalikod at nagmartsa paalis. Hindi na siya lumingon pa pabalik sa akin. Ako naman ay nanatiling nakatayo roon at pinagmamasdan ang papaliit niyang pigura. Napabuntong-hininga ako at tumalikod na lamang.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (175)
QuindaraImelda
I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel
23/11/2021
2
Anna Faith
good
27/01
0
JabonJihoQ
magiging Masaya ako dahil nag karoon ako ng kaibigan
I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel
23/11/2021
2good
27/01
0magiging Masaya ako dahil nag karoon ako ng kaibigan
26/01
0Tingnan Lahat