Chapter 21

Yttrium's Point of View
Nakahinga ako ng maluwag nang banggitin niya ang pangalan ng kaniyang anak. Hindi iyon tumugon sa tawag ng kaniyang ama. Subalit alam kong ano mang oras ay may darating na ang mga tauhan rito ang organisasyon.
Alam kong hindi nila pababayaan ang mga matataas na miyembro nila.
Nanginginig ang kamay na naibaba ko ang hawak na telepono nang makarinig ng mga yabag ng paa sa aking likuran. Nanlalaki ang mga matang humarap ako sa pintuan. Kung dadahan-dahanin ko ang pagharap ay baka hindi ko na mamalayang ang nakaambang panganib sa likuran ko.
Nagulat ako nang mabungaran ang misteryosong babae na komportableng nakaupo sa isa mga sopa na nakalagay malapit sa pintuan. Nakatingin siya sa akin ng diretso at kahit may distansya ay malinaw ko pa ring nakikita ang nakakakilabot na blangkong ekspresyon niya. Na para bang sa loob ng blangkong ekspresyong iyon ay nagtatago ang milyong -milyong iba't-ibang klase ng panganib.
Naibaba ko ang aking paningin nang mapansin ang hawak niyang patalim. Napalunok ako ng ilang beses nang kumislap ang talim niyon nang bahagya niyang ikutin.
Masakit pa rin ang ulo ko. Hanggang ngayon ay mayroon paring dugo ang umaagos mula roon. Masakit pa rin ang aking sikmura. Maging ang aking kabilang braso ay hindi ko pa rin lubusang maigalaw dahil sa matinding kirot nang pilipitin niya.
Kahit nababahala sa kaniyang presensiya ay pinilit kong magmukhang matapang.
"Lapastangan! Anong karapatan ang mayroon ka upang lapastanganin ako at ang aking teritoryo?!" galit na galit na sigaw ko.
Sinong anak ng puta ba naman ang matutuwa sa oras na sapitin nila ang sitwasyong sinapit ko ngayong gabi?! Lamat ito sa pangalang pinaghirapan kong buuin sa loob ng maraming taon!
Ang misteryosong babae ay hindi man lamang natakot sa malakas at galit na sigaw ko. Sa halip ay nanatili lamang siyang nakatingin sa akin at kalmadong nakaupo.
Ang ekspresyon niyang iyan ay nagpapaalala sa akin sa iisang babaeng palihim kong minahal noon. Kalmado at misteryoso sa lahat ng pagkakataon ang babaeng iyon. Matinik at magaling na hindi mo basta-basta maaaring maliitin. Maganda at magaling makisama. Kulay-san antonio rin ang buhok at mga mata.
Flourine...
Subalit sa kasamaang palad, hindi niya nalaman ang nararamdaman ko para sa kaniya. Pinili niya si Chromium.
Si Chromium na naman! Palagi na lamang siya!
"Ano sa tingin mo ang ipinunta ko rito?" kaswal na tanong niya. Ang lamig ng pagkakabigkas ay maaaring tumupok sa ano mang uri ng alab.
"W... Wala akong pakialam sa pakay mo! Teritoryo ko ang nilapastangan mo! Magsisisi ka dahil hindi ka na makakalabas pa ng buhay rito! Malakas lamang ang loob mo sapagkat hindi mo ako nakikilala!"
Nang-gagalaiting dinuro-duro ko siya.
"Kilala kita." saad niya. Ang tono ay kasing lamig ng yelo. Ang mga mata ay nananatiling blangko. "9, 2s2 2p5. 24, 3d5 4s1... Alam mo ba ang katumbas ng mga iyon sa peryodiko?"
Natigilan ako.
Alam ko.
Alam na alam ko. Memoryado ko ang lahat ng iyon. Mula sa kauna-unahan hanggang sa pinakahuli. Lahat ng bahagi ng peryodiko ay alam ko--alam ng bawat kasapi ng organisasyon.
Kung ganoon ay totoo nga ang sinasabi nina Vanadium, Bismuth at Helium.
Ang pakay ng babaeng ito sa akin ay kaparehas ng pakay niya sa mga nauna.
"S...Sino ka ba talaga? "
Sino ang babaeng ito? Kung titingnang mabuti, ang itsura niya ay nasa mga dalawampung taong gulang pa lamang o mas bata pa. Limang taon pa lamang ang anak na babae nina Flourine at Chromium nang sumabog ang kotse na sinasakyan nila. Ang buong pamilya ay nasa loob ng sasakyang iyon. Kaya imposible.
Imposible ang iniisip ko. Sa dami ng balang tumama sa kanila ay imposibleng may mabuhay pa.
"Bakit hindi mo ako kilalanin?" kalmadong tugon niya.
Dumagundong ang matinding kaba sa aking dibdib nang tumamang muli ang aking paningin sa matalas na patalim na hawak niya. Ano mang oras ay maaaring tumarak sa akin iyon kung gugustuhin niya.
Anak ng puta! Bakit napakatagal dumating ng mga tauhang iyon!
"Hindi ako interesado sa iyo kaya bakit kita kikilalanin!"
Napalunok ako ng ilang beses dahil sa ekspresyong nakikita ko sa kaniya. Umatras ako nang umatras kahit wala naman na akong maaatrasan. Ang mga paa ko ay hindi mapakali. Ang aking kamay ay kanina pa naghahanap ng armas sa sulong ng malaking lamesa subalit hindi ko iyon makapa. Tumigil ako nang maramdaman ang malamig na pader sa aking likuran.
"Binabagabag ka na ba ng iyong konsensiya? Kumusta naman ang pagtulog mo sa gabi? Mahimbing ba?"
"Anong sinasabi mo?! Wala akong pakialam sa'yo! Lumayas ka na rito kung gusto mo pang mabuhay ng matagal! Hindi ako natatakot sa'yo! Humanda ka dahil sinasabi ko sa iyo--
Naitigil ko ang aking hininga nang maramdaman ang mabilis na pagdaplis ng patalim na hawak niya sa aking kaliwang pisngi. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na rin ang kirot sa aking tenga.
Sa gilid ng aking mata ay kitang-kita ko ang pigura ng patalim na tumusok mismo sa pader na kinasasandalan ko.
Napako ako sa aking kinatatayuan at hindi makagalaw. Hindi ko tinangkang gumalaw. Maski ang tingnan siya ay hindi ko tinangkang gawin. Lumunok ako ng ilang beses. Ang aking paghinga ay walang kasing bilis. Bago pa man ako lumihis sa kabilang bahagi ay muli akong napako nang may panibagong patalim ang tumama sa kanang pisngi ko. Hindi ko maigalaw ang aking ulo. Ang mga kamay ko naman ay wala nang pakinabang dahil sa matinding panginginig nito.
Sinubukan kong tingnan ang aking kabuuan subalit hindi ko iyon magawa. Pahirapan pa para lamang masulyapan na sunod -sunod ang pagpatak ng mga pulang likido mula sa aking magkabilang pisngi.
Nang marinig ko ang mga yabag niya papalapit sa akin ay hindi na magkamayaw ang kaba na aking nararamdaman. Anak ng putangina naman! Halos mamatay na ako noon para lamang mabuhay pagkatapos ay sa isang hamak na babae lamang ako tutumba?!
"Hindi kita papatayin ngayon." narinig ko ang seryosong boses niya na walang kasing linaw. Hindi ko na tinangka pang sulyapan siya sa mata sapagkat sasalubungin lamang ako ng nakakakilabot niyang blangkong ekspresyon.
"Subalit sa susunod na pagbisita ko ay asahan mong hindi na lamang dugo ang tutulo mula sa inyo."
Nadagdagan ang kirot sa aking mukha nang sinadya niyang dahan-dahanin ang pagkuha ng mga patalim. Ang kirot niyon ay nanunuot hanggang sa aking kaloob-looban.
Ang bawat ng himaymay ng sakit ay nararamdaman ko hanggang sa kasulok-sulukan ng aking katawan.
Bigla ay namanhid ang aking buong katawan. Natuod ako sa aking kinatatayuan at hindi makagalaw. Maging ang pag-alis niya ay hindi ko namalayan. Ang tanging gumugulo lamang sa isipan ko sa pagkakataong ito ay ang mga huling salitang kaniyang binitawan. Kinilabutan ako ng matindi sa pag-alala pa lamang niyon.
Hindi kita papatayin ngayon.
Subalit sa susunod na pagbisita ko ay asahan mong hindi na lamang dugo ang tutulo mula sa inyo.
__
Malakas na hangin ang humampas sa aking mukha nang mas binilisan ko pa ang pagpapatakbo ng aking motorsiklo. Sa salamin ay makikita ko ang apat na sasakyan na kanina pa nakasunod sa akin. Sa tarangkahan ng teritoryo ni Yttrium ay may higit sa sampu pang mga tauhan ang sumalubong sa akin. Nakaya ko iyong lampasan. Subalit hindi ko inaasahang mas marami pa pala ang hahabol sa akin hanggang dito.
Hindi ko sila makakayang labanan sa distansyang ito. Kung sa malapitan sana ay wala na akong magiging problema.
Nakagat ko ang aking bagang nang magsimula na silang magpaputok. Mabuti na lamang at sapat ang aming distansya upang hindi nila ako maasinta ng tama. Idagdag pa ang madilim na paligid na tanging liwanag lamang mula sa mga poste ng ilaw at ilang mga bahay sa tabi ng daan ang tanging nagbibigay ng direksyon sa madilim na kalsada.
Hindi rin maasahan ang buwan sapagkat sadyang madidilim at mabibigat ang mga ulap sa langit. Ano mang oras ay maaari nang bumuhos ang malakas na ulan.
Binilisan ko pa ang aking pagmamaneho at lumiko patungo sa isang bayan na hindi ako pamilyar. Malawak at malinis naman ang kalsada kung kaya't malaya akong umarangkada gamit ang motorsiklo na binigay sa akin ni Tantalium.
Sa aking likuran ay malinaw ko pa ring naririnig ang malakas na ugong ng mga sasakyan na gamit nila pati na rin ang putok ng mga baril na ang direksyon ay patungo sa akin. Narinig ko ang malakas na pagkupos ng gulong ng aking sasakyan. Kaagad iyong tumigil at wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang bumaba.
Mabilis kong kinuha ang dalawang baril sa ilalim ng upuan pati na rin ang ilang magazine ng bala.
Tumakbo ako ng mabilis upang magtago sa mga malalaking sasakyan na naroon. Ang malansang amoy sa paligid ay mabilis na nanuot sa aking pang-amoy. Inilibot ko ang aking paningin at kaagad na nabasa ang nakasulat sa mga sasakyan sa kalagitnaan ng dilim.
Lucena City Fish Port.
Umakyat ako sa bubong ng sasakyan at doon inasinta ang mga taong nakikita ko na naglalakad patungo sa kinaroonan ko. Ang ilan ay bumababa pa mula sa mga sasakyan nila habang dala-dala na ang kanilang mahahabang baril.
Kalmado akong nakamasid sa kanila habang tahimik na inaayos ang posisyon ng aking baril. Sa haba ng armas na ito, imposibleng hindi ito nakita ni Caryl kanina.
This is an AK-12 assault rifle. I can shoot the target automatically within the range given the sufficient amount of distance.
Nang maging komportable ako sa aking posisyon ay sunod-sunod kong inasinta sa dibdib ang mga tauhan ng organisasyon na nasa malapit. Higit sa lima kaagad ang natumba sa lupa. Ang ilan ay kaagad na nagtago sa likod ng malalaking sasakyan na naroon.
Natanaw ko ang isa na balak ring umakyat sa itaas ng sasakyan. Kaagad ko iyong inasinta at pinatamaan. Nang maubos ang bala ay kaagad ko itong pinalitan ng panibagong magazine.
"Nasa taas! Paputukan niyo na bilis!"
Dumami ang mga tauhan na nasa daungan. Akala ko ay apat na sasakyan lamang iyon kanina. Ngayon ay may mga panibagong dumating pa.
Sunod-sunod ko muling pinatamaan ang mga taong nakikita ko na gumagalaw. Ang siwang ng kanilang katawan mula sa pagtatago ay kaagad kong inaasinta. Walang nakalapit sa aking posisyon subalit nauubusan na ako ng bala.
Pasimple akong gumapang papunta sa likod ng sasakyan upang doon bumaba. Nagulat pa ang isang tauhan na naroon at paakyat pa lamang. Kaagad kong kinuha ang aking patalim na nakatago sa aking kasootan.
Tumalon ako paibaba at isinaksak ang patalim sa kaniyang leeg bago pa man siya makagawa ng kahit na anong ingay.
Kinuha ko ang baril niya ay isinilid iyon sa likod ng aking damit.
Mabilis akong tumakbo upang makalipat sa mas magandang posisyon. Pinaulanan kaagad nila ako ng bala nang maaninag ang aking katawan na papunta sa ibang direksyon.
Hingal na hingal ako matapos sumandal sa pader na nahanap upang mataguan. Kanina pa rin ako tumatakbo at nakikipaglaban. Simula pa lamang sa teritoryo ni Yttrium ay lampas dalawampu na ang aking nakasangga. Ngayon ay higit sa trenta pa ang dumagdag at nangangalahati pa lamang sila.
Napapikit ako nang tumama sa aking mata ang isang patak ng tubig. Mula sa isa ay naging sunod -sunod na ito. Tumingala ako at nasalubong ang malamig na patak ng ulan. Mabilis itong lumakas ilang segundo pa lamang ang nakakalipas. Ang maingay na pagbagsak nito sa lupa at sementadong sahig ang tanging pinagtuunan ko ng pansin.
Nang makarinig ako ng yabag ng mga paa ay saka ako dumilat. Tatlong armadong lalaki ang sumalubong sa akin. Hinihingal akong nanatili sa aking pagkakatago nang walang pasubali nilang pinaulanan ng bala ang aking pinagtataguan. Huminga ng malalim at gumanti ng putok nang makahanap ako ng pwesto.
Sa kalagitnaan ng aking paglalakad ng mabilis ay nakasalubong ako ng dalawang tauhan. Kaagad nila akong sinunggaban at hinawakan sa braso.
Nalaman ko rin na kahit kanina pa nila ako pinapaulanan ng bala ay wala sa plano nila ang patayin ako. Siguro ay inutusan lamang silang hulihin at dalhin ako ng buhay sa harap ng organisasyon.
Sinimulan nila akong hilahin subalit mabilis kong inikot ang mga kamay ko. Ang kanang kamao ko ay kaagad na tumama sa lalaking nasa kaliwa. Hinampas ko siya sa batok at ilang beses na sinipa sa sikmura. Tumalon ako sa isang kulay asul na container na naroon bago malakas na pinatama sa mukha ng isa pang lalaki ang aking paa. Paatras naman siyang natumba sa lupa.
Muli kong kinuha ang aking patalim at diretsong itinarak iyon sa kaniyang dibdib. Hingal na hingal akong umupo upang pansamantalang magpahinga. Hindi pa man nakakalimang segundo ay nakarinig na ako ng sunod-sunod na putok ng baril patungo sa aking direksyon.
Nagtago ako sa asul na container subalit hindi magtatagal ay matutunton nila ako roon.
Ang malakas na putok ng baril ay sumasabay sa malakas na patak ng ulan sa paligid.
Wala na akong hawak ni isang baril. Tanging dalawang patalim na lamang ang tangi kong hawak ngayon.
Wala akong pagpipilian.
Walang pag-aalinlangan akong tumalon patungo sa dagat. Sa ilalim pa lamang ay ramdam ko na ang hindi magandang pakiramdam ng tubig nito. Parang hanggang dito ay malansa. Hindi rin ganoon kalinaw. May naaninag pa ako sa ilalim na mga piraso ng ilang hindi nabubulok na basura.
Mabilis akong sumisid palayo nang sunod-sunod naman nilang paputukan ang dagat. Alam nilang dito lamang ako maaaring pumunta at magtago.
Sumisid ako nang sumisid upang makalayo sa kanila. Nang maubusan ng hininga ay umahon rin ako upang kumuha ng hangin.
Nang matanaw sa malayo na nasa tabing-dagat pa rin sila ay muli akong bumalik sa ilalim ng tubig.
Rinig na rinig ko pa rin ang sunod-sunod na pagpapaputok nila ng bala sa dagat. Walang humpay iyon. Tuloy-tuloy. Mistulang walang balak na buhayin ang sino mang pinapatamaan roon.
Siguro ay nagkamali ako ngayon ng hinuha.
Nagpatuloy ako sa paglangoy hanggang sa makarating sa isang bahagi na walang bakas ng kahit sinong tauhan ng organisasyon. Umahon ako sa tubig. Subalit kaagad ring napabalik nang makita na naroon na ang higit sa limang mga tauhan na malamang ay hinahanap ako.
Muli akong nagpigil ng hininga sa ilalim ng tubig. Lumangoy hanggang sa may isang bangka akong nakita upang makapitan habang nasa pang-pang. Nagulat na lamang ako nang umangat ako sa tubig. Napaupo ako sa semento. Buti na lamang at may nakaharang na mga asul na container, kung hindi ay baka napansin na ako rito.
Natigil ako sa ambang pag-atake nang mamukhaan ang taong nag-angat sa akin sa tubig.
Kunot-noo ko siyang tiningnan.
"Malthe?" nagdududang tanong ko.
Kunot-noo ko siyang tinitigan habang siya ay seryoso lamang ang ekspresyon habang nakatingin sa akin. "Anong ginagawa mo rito--
Napako ako sa aking kinauupuan.
Nanlamig.
Hindi ko maigalaw ang aking katawan. Mistulang natuod. Nawalan ako ng pagkakataong kumilos lalo na nang maramdaman ko ang labi niyang pumutol sa aking pagsasalita.
Malamig iyon.
Na mainit.
Malambot ang pakiramdaman habang ilang segundong nagpapahinga sa aking labi.
Dumapo ang matinding kaba sa aking dibdib nang ilang saglit pa ay gumalaw iyon. Tumagilid. Tumaas. Bumaba. Hinawakan pa niya ang aking pisngi. Marahan niyang sinisiil ng halik ang aking labi.
Napasandal ang aking likod sa asul na container. Hindi ako kaagad nakakilos. Hindi ko alam kung paano tutugon.
Sa pagkakataong ito, hindi ko na maramdaman ang lamig na dulot ng pagsisid ko sa dagat at ang lamig na dulot ng tuloy-tuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.

Komento sa Aklat (275)

  • avatar
    Sarah Santiago Tabilog

    Just another master piece. Sobrang ganda NG story. So much trill, so much action, so much pain. A very unexpected twist. But a very beautiful happy ending. The author is really amazing. You just made another master piece just like the other story you made in titled UNDER THE RAIN. I really really Love the both amazing stories you've made. I'm still looking forward for more stories you will make. Sana maka pag published ka NG libro mo. I will be your avid fan and supporter. God bless you 😊❤️😇

    23/11/2021

      2
  • avatar
    Natasha Miranda Palacio

    hahaha

    24/06/2024

      0
  • avatar
    Kristel Degano

    ihsjajshshsnshshxudsksbdhshshhsshshshdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhfhfhfhfhfhfhdhdhdhfhfhfhfhfhfhfhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdjksksjdhdhdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjsjsjsjshhshshshshshshshdhshshshshshshshshshshshsjsuhshshshshsjsjdhdhdhdhhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhhdhdhddhdhdjdhhddjjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjd

    10/06/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata