logo text

Kabanata XIV: Pamamaalam

Malamig ang hangin at kay bilis ng tibok ng aking puso. Nanginginig ang aking mga kamay ngunit kailangan ito para sa aming pinapangarap na kalayaan.
Napalunok ako at mariing napapikit habang palapit kay Paubari. Sinalubong niya ako ng isang mahigpit na yakap at tila ayaw na akong pakawalan.
"Ipangako mo sa akin na mabubuhay ka. Hindi ba? Walang sino man ang kayang pumaslang sa iyo?"
"Ipangako mo ring mabubuhay ka para sa akin." Napatango ako sa kaniyang sinabi habang ang pisngi ko ay kaniyang hawak.
"Tayo na, Paubari."
Sabay kaming napatingin kay Mabu na tinapik si Paubari sa balikat. Muling ibinaling sa akin ni Paubari ang kaniyang tingin at hinawakan ako sa kamay.
"Mahal na mahal kita, Alunsina." Deretsyo ang tingin niya sa akin na tumatagos sa aking kaluluwa.
"Mahal na mahal din kita, Paubari."
Tila sinasaksak ang puso ko sa bawat hakbang nila palayo sa akin. Ngunit kailangan naming magpakatatag para sa aming kalayaan. Isang karangalan ang magbuwis ng buhay para sa aming nais na kalayaan.
Napakapit ako ng mahigpit sa aking pana matapos marinig ang hudyat mula sa mga dayuhan.
Sina ama, Paubari, Mabu at ilang bagani lamang ang humarap sa kanila. Lulan ng ilang balangay ay may suot ang mga ito ng kalasag na gawa sa bakal.
Mula sa gilid ay lumabas kami upang magtungo sa likuran nina ama, umayos kami upang ano mang oras ay pakawalan ang aming palaso. Mula naman sa aming likuran ang ibang bagani hawak ang mga sibat.
Tanaw namin ang mga dayuhang bumaba sa balangay, hindi pa sila nakakaabot sa pampang ay nagsimula na silang tumira gamit ang isang bagay na tila may tunog na parang kulog.
"Kalayaan!" sigaw ni ama matapos itaas ang kaniyang kampilan. Sumigaw rin ang mga puso naming may iisang layunin. Mula sa pagsugod nila ama ay ang pagbitaw namin ng mga palaso at paghagis ng mga sibat.
Nagsimula ang madugong labanan sa pagitan ng mga magigiting na bagani at mga dayuhang pananakop.
Sumugod kami habang sunod-sunod ang pagpana ko sa kung kanino mang dayuhan ito tatama. Marami na ang nalagas sa kanila at ganoon din sa amin, ngunit hindi ito rito matatapos.
Galit na galit ang puso ko sa aking masasaksihan. Kung paano bumaon ang mga sandata ng mga dayuhan at kung paano mahirapan ang aming mga bagani sa matigas na kalasag. Ngunit kung nasa puso mo ang layunin mong maging malaya, kahit gaano pa ito kahirap ay sadyang makakaya mo itong lampasan.
Kinuha ko ang isang kampilan upang sumama sa kanila, bawat baon nito sa leeg ng mga dayuhan ay ang tuwa sa aking puso. Ang kanilang pagdaing ay siyang sigaw ng aming tagumpay.
Dumadanak ang dugo sa lupang aming pinaglalaban. Dugo ng mga tunay na baganing nagwakas ang buhay upang mapanatili ang kalayaan.
Tinatanggay ng alon ang mga dugong dumadanak mula sa mga dayuhan at bagani.
Muli akong nagpakawala ng palaso na may lason. Mabilis silang tinatamaan sa leeg at binti kung saan walang mga harang.
Bawat bitaw ko ay siyang tama sa kanila.
Umaalingaw-ngaw sa paligid ang tunog ng mga sandatang nagtatama, mga talim na pinapatibay ng apoy. Maging ang bawat daing ng sakit at kamatayan.
Ang lahat ay pinuno na ng dugo at karahasan.
Gamit ang aking kampilan ay itimatarak ko sa kung sinong aabutan nito. Mapakanan, kaliwa sa likod o sa harap. Sa kung saan may dayuhang mananakop ay siyang tarak nito. Umaagos ang kanilang dugo na tila nagbibigay lalong lakas dito.
Lumusong pa ako sa alon ng kalaban at pumakawala ng mga palaso. Maging sibat na aking nahahawakan ay mabilis kong ibinabato sa kanila.
Nauubos na sila kung kaya't inilibot ko ang paningin sa paligid. Nakuha ng aking paningin ang isang dayuhan na pinalilibutan ng kaniyang mga kasama. Agad akong pumakawala ng pana upang ang kaniyang mga bantay ay maubos.
Habang hinahawi ko sa leeg ang mga kalaban ay siyang palapit ko sa kanila nginit napatigil ako ng si Paubari na ang lumapit sa kanila at nakipaglaban. Pinilit kong magtungo roon ngunit may mga nakakasagupa ako.
Nawala ako sa dapat kong gawin kung kaya't nahirapan akong kalabanin ang iba.
Napahinto ako matapos akong muntik masaksak ng isang dayuhan, mabuti na malang ay naunahan ito ni Mabu, hindi pa ako nakakapag pasalamat ay mabilis itong umalis.
Umuulan ng bato, putik, sibat at pana. Nababalot ng dugo ang karagatan.
Pumakawala akong muli ng palaso at bumitaw ng sibat, punong-puno na ng dugo ang aking katawan.
Hingal man ay pilit akong lumalaban, sapagkat kung titigil ako ay ako naman ang hindi makakatupad sa aming pangako ni Paubari.
Sa bawat kalaban na malulupig at mapapaslang ko ay si Paubari lamang ang nasa isip ko, ang aming pangako sa isa't isa na matapos nito ay mamumuhay na kami ng malaya at mapayapa.
Kumuha ako ng palaso ngunit napansin kong isa na lamang ito. Inilibot ko ang paningin sa paligid at nakita si ama habang kalaban niya ang sa tingin ko ay pinuno ng mga dayuhan.
Nagmadali akong lumapit doon ngunit nakita ko si Paubari na hirap sa kaniyang kalaban, itinutok ko roon ang palaso ngunit natigilan ako sa dayuhan na humarang sa akin. Ibinaba ko ang palaso at nakipaglaban dito gamit ang aking kampilan.
Nahirapan ako sa kaniya ngunit napaslang ko rin siya. Lumingon ako kay Paubari ngunit wala na siya roon. Bumalik ang tingin ko kay ama na kalaban pa rin ang pinuno na iyon.
Palapit ako sa kanila ng may isang kalabang muntikan ng masaksak si ama, mabuti na lamang ay naunahan niya ito. Ang pinuno ng mga dayuhan ay hinarang ni Paubari ngunit hindi niya ito kinaya, tumalsik ang kaniyang kampilan. Mabilis kong itinutok sa pinuno ng mga dayuhan ang huli kong palaso. Sa punto na ito'y akin nang binitawan, agad na tumagos ang kaniyang kampilan kay Paubari.
Tumigil ang mundo ko kasabay ng tila pagbagsak sa akin ng langit at parang pasan ng dibdib ko ang bigat ng mundo, na puno ng hinagpis at sakit.
Nanginginig ang mga kamay kong binitawan ang palaso. Kasabay ng pagbagsak ng mga tuhod ko sa lupa ang pagbagal ng oras habang si Paubari ay dahan-dahan kong nakitang bumabagsak sa lupa.
Tumama sa kanang bahagi ng binti nang dayuhan ang huling palaso na binitawan ko. Dumaing ito at sa puntong iyon ay agad itinarak ni ama ang kaniyang kampilan sa leeg nito. Kasabay ng paghugot ni ama ay ang pagtahimik ng paligid.
Ang huling dugo na dumanak sa kaniyang sandata ay ang dugong tuluyang nagwakas sa nais nilang pananakop.
Bumagsak ito kasabay ng aming tagumpay. Ngunit hindi ko kayang magdiwang sapagkat ang lalaking kasabay kong nangako ay nakahandusay na sa lupa at kasabay na inaagos ng alon ang kaniyang dugo.
Nanginginig ang buo kong katawan. Nagtungo ako sa kaniya kahit ang mga tuhod ko ay bumibigay. Natutumba, gumagapang at tumatangis akong lumapit sa kaniya.
Sa bawat hakbang ko papalapit sa kaniya ay nadudurog ang aking puso, pakiramdam ko ay may mga apoy at tinik ang aking dinaraanan.
Halos mawalan ako ng ulirat noong makita ko ang kanyang katawan na halos naliligo na sa sarili niyang dugo. Muli ay napaluhod ako sa kaniyang harapan. Ipinatong ko ang kaniyang katawan sa aking mga hita.
Hinawakan ko ang kaniyang kamay na halos wala ng lakas at tumitig sa kanyang mata na halata ang labis na panghihina.
"Hindi ba may pangako tayo? Hindi ba matapos nito mamumuhay tayo ng malaya at payapa? N-nagwagi tayo." Naghihikahos man sa pagtangis ay pinilit ko pa rin itong ipinaalala sa kaniya.
Alam kong malala ang kanyang sugat ngunit ayaw kong isipin na susuko siya, hindi ngayon at hindi kailan man.
Nanikip ang aking dibdib na makita ko siyang sumuka ng dugo kaya't mas lalong humigpit ang yakap ko sa kaniya.
"Pakiusap Paubari, lumaban ka para sa akin, para sa atin at para sa mga sinumpaan nating pangako." Naramdaman ko ang yakap niyang napakahigpit na pakiramdam ko ay ito na rin ang huli niyang gagawin para sa akin.
Kumawala siya ng yakap at muling tumitig sa akin ang kaniyang mga mata. Ngumiti siya ngunit bakas sa kaniyang mga mata ang paghihirap.
"Patawad mahal kong Alunsina, kung ikaw ay nabigo ko sa aking pangako. Gusto ko man manatili sa tabi mo habang buhay ngunit hanggang dito na lamang ako." Hinawakan niya ang aking pisngi na may bahid pa ng dugo dahilan ng lalo kong pagtangis.
"Gagabayan kita kung saan ka man magtungo. Patawad sa aking paglisan, hindi ko nais makita kang nasasaktan. Palagi mong tatandaan ang kwento natin, mananatili kang langit at ako ang dagat. Kahit anong mangyari ay hindi tayo mapaghihiwalay."
"Hinding-hindi ko iyon makakalimutan. Lagi kong tanda na kung saan may dagat may langit, na kung saan may ikaw ay mayroon ding ako." Hinding-hindi iyon mawawala sa puso ko.
"Mahal na mahal kita, Alunsina." Nakangiting wika niya at unti-unting ng bumagsak ang kaniyang kamay sa aking pisngi.
Huminto ang aking mundo nang maramdaman kong lupaypay na ang kaniyang katawan sa aking bisig.
Wala akong naramdaman kung hindi ang pagka lunod sa kalungkutan at paghihinagpis sa dahilan na wala na ang aking pinakamamahal.
Muli ko siyang niyakap ng mahigpit at napasubsob ang aking mukha sa kaniyang leeg. Doon ko nilabas ang lahat ng pangungulila at paghihinagpis ng puso kong hindi matigil ang pagtangis at paghihikahos.
Walang ano mang bagay ang kaya kong ihalintulad sa sakit na nadarama ng aking puso ngayon. Buhay ako at malaya ngunit hindi naman kasama ang taong labis kong minamahal.
Ang bawat pangako namin ay mananatili hanggang sa huli. Ang lahat sa akin ay para lang sa kaniya, ngunit paano ako mabubuhay ng wala siya?
Itinuro niya sa akin na maging masaya sa buhay ngunit hindi ang mabuhay ng masaya ng wala siya.
Yakap-yakap ko siya ng mahigpit at ayaw kong bumitaw, kung isa lamang itong masamang panaginip maari na ba akong magising?
Hindi na ito buhay kung maituturing, sapagkat ang tunay kong buhay ay tuluyan na akong iniwan at ang siya kong lakas ay tuluyan na akong binitawan.
Ang tagumpay na aming nakamtan ay may kapalit na sakit. Ang mga dugo na kanilang inalay ang nagbibigay sa amin ng isang tunay na kalayaan.
Nawa'y ang mga dugo na ito ay magsilbing gabay sa aming buhay. Na minsan may mga taong nag-alay ng kanilang buhay upang makamtan ng bawat isa ang kumilos ng malaya at hindi sumamba sa mga dayuhan.
Tulala ako habang akay ni Mabu, hindi ko kayang maihakbang ang aking mga paa dahil tila wala itong kabuhay-buhay.
Namamanhid ang buo kong katawan, wala na akong ibang nadarama kung hindi ang sakit. Punong-puno na ng paghihinagpis ang puso ko. Wala ng lumalabas na luha sa aking mga mata ngunit hindi sa aking puso. Mas masakit ang pagtangis ng puso ko, dahil nabibingi na ako sa bawat nitong iyak.
"Alunsina."
Agad akong hinagkan ni Suklang Malayon at ni ina matapos akong ibaba ni Mabu. Sa sobrang higpit ay hindi ko mapigil ang muling pag-iyak. Sa pakiwari ko ay dugo na ang lumalabas rito.
"Isang tunay na magiting si Paubari. Ibinuwis niya ang kaniyang buhay para sa ating kalayaan," wika ni ina habang hinahagod ang aking likod.
Nais kong tumigil ngunit hindi ko magawa, nais kong magsalita ngunit hindi ko kaya. Dahil sa pagbuka pa lamang ng aking bibig ay lalong lumalabas ang ingay ng sakit na aking nadarama.
Humiga ako sa kanlungan ng aking ina habang ang mga mata ko'y patuloy ang pamamaga. Para akong lupaypay na gulay, hindi ko magawang gumalaw manlang. Tulala sa kawalan habang ang mga luha ko'y tila natutuyo na sa lapag.
"Alunsina, nais mo bang bumalik sa pampang upang magpaalam kay Paubari sa huling pagkakataon?" Pag-aalinlangan na tanong ni Mabu.
Dahan-dahan akong tumayo at tumango sa kaniyang tanong. Kumapit sa akin si Suklang Malayon at ina upang alalayan ako sa aking paglalakad na minsan ay natutumba. Hindi kinakaya ng mga tuhod kong lumakad pa pabalik doon.
Nanginginig ang buo kong katawan, naninikip ang dibdib at tila bumabagal ang oras habang papalapit ako sa mga bagani na nakabalot ng tela.
"Alunsina..." Pagtangis ni Suklang Malayon matapos akong matumba. Inilayo ko na lamang siya matapos niyang pilitin akong itayo.
Mula sa aking kinauupuan ay gumapang ako patungo kay Paubari. Kasabay kong tumatangis ang kaniyang mga magulang.
Puro pagtangis ang maririnig sa paligid, pagtangis ng mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Pagtangis para sa mga bagani na nag-alay ng kanilang dugo para sa aming kalayaan.
Wala kahit na ano mang papantay sa kanilang kagitingan, hindi masasayang ang kanilang buhay na inalay para sa aming kalayaan.
Sa huling pagkakataon ay nakita ko ang kampilan ni Paubari kung saan nakaukit ang aming pangalan. Hanggang sa huli ay ako pa rin ang nais niyang makasama, hanggang sa huli ay ako pa rin ang tangi niyang mahal.
"Paalam na mahal ko. Darating ang bukas na sabay na nating haharapin ang buhay ng magkasama. Magtungo ka na sa piling ng mga Anito. Lagi mong tatandaan na patuloy kitang mamahalin hanggang sa wala ng maging bukas. Ang kwento ng dagat na minahal ng labis ang langit ay hinding-hindi ko makakalimutan." Ngumiti ako kahit na sobrang sakit. Kailangan ko na siyang pakawalan kahit masakit, kahit ayaw ko. Kailangan na niyang maging malaya sa piling ng mga Anito.
Tumayo ako at inalalayan ako ni ina at Suklang Malayon. Napalibot ang tingin ko sa paligid kung saan naroon ang mga bagani na nag-alay ng kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya na hindi rin matigil sa pagtangis.
Babae, lalaki, bata, matanda, anak, kapatid, asawa at mga minamahal na nagluluksa sa pagkawala ng kanilang magiting na bagani.
Ang bawat dugo, ang bawat buhay nila ay hindi masasayang dahil sa kanila ay magiging malaya na kami at magiging payapa ang pamumuhay.
Nawa'y maging masaya na kayo sa piling ng mga Anito at ang mga ginawa ninyo ay aming laging sasariwain. Isa kayo sa mga tunay na anak ng Mactan, lagi kaming magpapasalamat na minsan ay may mga kagaya ninyong hindi nag-alinlangan na mag-alay ng inyong buhay para sa inaasam na pagkilos ng malaya.
Patuloy ang pag-iyak ng puso ko lalo na noong ipaanod na sila sa dagat at silaban ng apoy ang kanilang mga bangkay.
Tuluyan ka ng naging dagat na palaging nakatanaw sa langit kung kaya't alam ko na lahat ng gagawin ko ay nariyan ka upang bigyan ako ng gabay.
Hanggang sa muli nating pagkikita ay ipinapangako ko na sa oras na iyon ay hindi ko na sasayangin pa ang mga oras na tayo ay magkasama.
Paalam na mahal ko.

Komento sa Aklat (48)

  • avatar

    diamond 1000 uquwqu

    17/05/2025

      0
  • avatar
    Marlon Vergara Lozano

    maganda Ang is turya Ng kuwen to

    12/12/2024

      0
  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    29/05/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata