Homepage/Barbie and the idiots/
Epilogue
Maingay na tunog ng mga dahong nagtatama, gising na ang tatlo kahit hindi pa sumisilay ang araw.
"Bababa na ba tayo sa palengke mamaya?" Tanong ni Juan, habang tinatali ang isang sako na puno ng kamote.
"Kumain na ba kayo?" Sabay-sabay silang napalingon sa nanay ni Pedro.
Narito sila ngayon sa bahay nina Pedro. Matapos ang eksena sa mansion dito na sila tumuloy, gusto pa sana nila ulit mamalimos pero naisipan nilang magbenta na lang ng kamote. Marami silang nakuha ngayon, dahil tinanim na ito ng kapatid ni Pedro noon. Para kung sakaling aakyat si Pedro ay may dadalhin ito kapag bumaba.
"Magpahinga na muna kayo mga anak," sabi pa ng tatay ni Pedro.
Sa kanilang tatlo, si Pedro lang talaga ang may buong pamilya. Pero kailangan bumaba nito para mamalimos at kumita ng pera, matatanda na ang mga magulang nito at nag-aaral pa ang kapatid niyang babae. Kaya siya ang dapat magbigay ng pera sa mga ito, siya ang bumubuhay sa kanila.
Katulong naman niya ang dalawang ulaga, ang ilan sa pera nila ay hinahati para ipadala sa pamilya ni Pedro. Dahil dito, tinuring na rin silang pamilya, magkakapatid sila kahit pa hindi magkakadugo.
Hindi pa ganoon kasikat ang araw, pero kailangan na nilang bumaba. Kailangan nilang mapaubos ang kamote na ibababa nila, matapos nito ipapadala ang pera sa mga kakilala nilang aakyat sa bundok, para maibigay sa magulang ni Pedro.
Babalik kasi sila sa kalye, para umisip ng paraan kung paano kikita ng pera. Ito siguro talaga ang kapalaran nila. Ang maging isang kahig isang tuka, ito naman talaga ang buhay nila. Hindi na ito mababago pa, nagawa nga silang lokohin ng taong akala nila ay pag-asa nila.
"Kumusta na kaya si Empress?" Nakatulalang tanong ni Pepe. Ilang araw na rin simula noong huli silang nagkita, wala silang maayos na pagpapaalam.
"Si Kitty rin." Nakasimangot na sabi ni Pedro. Gano'n din siya, gusto na rin nitong makita ang kaniyang mahal na pusa.
Mabuti pa si Juan, walang love team kaya payapa ang puso nito. Pero hindi maalis sa kaniyang isipan ang pechay ni Kathryn Bermuda, kamusta na kaya ito? Sana ay nadidiligan pa at hindi malanta.
Sumapit ang tamang oras para umalis na sila, dalawang bundok at tatlong ilog pa ang kanilang tatawirin para makapunta sa bayan. Kailangan nilang maibaba ang dalawang sako ng kamote, para maibenta ito sa palengke. May dala rin silang kalahating sako ng kamoteng luto na. Balak nilang ipamigay ito sa ibang mga pulubi na kagaya nila.
"Si Barbie kaya? Ano nang nangyari sa kaniya?" Hindi napigil ni Juan na magtanong. Kahit pa hirap siya sa pagbubuhat ng isang sakong kamote, si Barbie pa rin ang iniisip niya.
"Baka nakita na niya ang tagong yaman ni Don Demeanor, tapos sobrang saya na niya dahil lumalangoy na siya sa pera," sagot pa ni Pedro. Siya naman ang may hawak ng kalahating kilo na kamoteng luto na, si Pepe naman ang may hawak ng isa pang sako.
"Hayaan na natin siya," sabi pa nitong si Pepe.
"Kaysa isipin natin ang nagawa niya, intindihin na lang natin siya. Baka kulang siya sa pagmamahal kaya gano'n. Isa pa, ano ba naman tayo?" dagdag ni Pepe.
"Paano kung makita natin siya?" Tanong ulit ni Pedro.
"Batuhin natin siya ng kamote." Natatawa pa si Pepe, na sinabayan nina Juan at Pedro.
"Luto o hindi?" tanong ni Juan.
"Depende sa mapupulot natin." Mabilis nitong sagot.
Kawawa naman kung sakali si Barbie, biglang mababato ng kamote.
Matapos nilang makatawid sa ikatlong ilog, gamit ang balsa ng ibang tagabundok na kasabay nilang bababa sa bayan. May mga bitbit din silang gustong ibenta.
Hirap na hirap sa buhay, pero kailangan nilang kumayod. Ito ang isa sa buhay na hindi kayang ikaila, ganito kahirap ang tinatahak nila para sa pamilya. Bubuhat ng mabibigat, lalakad ng malayo at tatawid sa ilog.
Pero ang lugar na ito ay sad'yang tahimik. Malayo sa magulong mundo sa syudad, isang klase ng paraiso ngunit tila tinalukuran.
Malapit ng sumilay ang araw nang makarating sila sa palengke. Agad nila itong ibinaba sa isang pwesto, hinilot pa nila ang mga balikat nila dahil sa bigat nito.
"300 lang isang sako ha," sabi pa ng isang malaking lalaki habang sinusuri ang laman ng mga sako.
Mas'yado itong mababa para sa totoong presyo, pero wala naman silang alam sa ganito kaya tinanggap na lang nila ang 600 pesos. Matapos nito ay pinadala nila sa kapitbahay nila, iaabot ito sa nanay ni Pedro. Itatabi para sa pag-aaral ng kaniyang kapatid, hindi na sila bumibili pa ng bigas o kahit anong pagkain. May mga tanim naman silang kamote na pwede na nilang kainin, para ibsan ang kalam ng sikmura.
"Ibigay na natin ito sa mga bata," aya ni Pepe.
Nagpahinga muna sila saglit at muling nagpatuloy sa paglalakad, mamaya ay may trabahong ibibigay sa kanila. Magbubungkal sila ng kanal para sa 50 pesos na sweldo, magagamit nila ito para sa araw-araw nilang makakain habang nag-iisip ng p'wedeng pagkakitaan.
"Tingnan mo Pepe, mukhang masarap ang langka. Kaso mabigat sa bulsa." Nakakunot pa ang noo ni Juan, napatingin naman ang dalawa sa itinurong ito ni Juan.
"Boplaks!" Isang malutong na batok ang inabot nito, nagulat pa siya at napahawak sa ulo.
"Bakit na naman?" Walang kamuwang-muwang nitong tanong.
"Malamang langka 'yan. Mabigat talaga sa bulsa, nakakita ka na ba ng langka na nasa bulsa? You not thinking!" Singhal pa nito. Napaisip naman si Juan sa sinabi ng matalino ngunit mabantot na Pepe.
"Tama, kung lansones sana pwede ibulsa," dagdag ni Pedro.
Sabagay, mabigat nga naman sa bulsa ang langka, bakit ba naisip ni Juan na ibulsa ito? May plastic bag naman siguro.
Sa paglalakad nila, nakita nila si Ken na pawis na pawis habang nagtatawag ng mga pasahero. Nagtinginan pa ang tatlong ulaga at agad na lumapit dito, tinapik pa nila ito sa braso.
"Kumusta na? Buti bumaba na kayo." Malawak ang ngiti nito, sa wakas ay muli niyang nakita ang mga kaibigan.
"Oo, may trabaho kami mamaya. Pero ibibigay muna namin itong mga kamote, gusto mo ba?" Alok ni Juan dito.
"Sige ba." Umayos ito ng tayo at lumapit kay Pedro. Inabutan siya ng isang piraso, bakit kapag gwapo ang kumakain ng kamote ay parang gusto mo na ring maging kamote? Unfair talaga ang mundo.
Maya-maya ay tinawag na rin nila ang mga bata para kumuha ng kamote. Mabuti na lang marami silang dala, nabigyan nila maging ang mga magulang nito. Mero'n pa silang makakain para sa tanghalian.
Nakangiti silang pinagmamasdan ang mga batang kumakain sa isang gilid. Kamote lang ito, pero kahit papaano ay kayang ibsan ang sigaw ng gutom na kalamnan. Kaysa humalukay ng pagkain sa basurahan, mas malinis naman ito.
Sa ngayon kasi, ito lang ang kaya nilang maibigay.
"Hindi natin natupad ang pangarap natin, wala tayong bahay para sa kanila. Tapos walang magtuturo sa kanila." Biglang lumungkot ang paligid sa sinabi ni Ken.
Wala ni isa sa mga pangarap nila ang natupad, hanggang pangarap na nga lang ba talaga ito?
"Si Barbie? Galit ka ba sa kaniya?" Bumuntong hininga pa si Ken at humarap kay Pepe.
"Hindi ko pinapatagal ang galit, bago ako lumabas sa mansion nila napatawad ko na siya." May malawak na ngiting sabi nito.
"Sana masaya na siya sa kung nasaan man ang kaniyang kaluluwa," sabi pa ni Juan na akala mo naman ay nasa ilalim na ng lupa si Barbie.
Alam nilang napatawad na nila ito, katulad ng sinabi nila noon. Wala silang panahon para sa galit, dahil mas magpapabigat lang ito sa kanilang buhay. Hindi sila isinilang sa mundo para lang mabuhay sa galit, hindi nila gustong gumising sa araw-araw na puno ng hinagpis ang puso.
"Per–" napatigil sila sa isang kakaibang busina.
Dahil dito, napatigil din ang lahat. Bumagal ang oras at parang may mga aliparo na nahuhulog sa langit, kumulimlim ang paligid dahil sa pagdating ng isang tao na hindi mukhang tao.
Para siyang hinulog sa langit dahil ayaw tumanggap ng pangit. Nakaupo ito sa itaas ng jeep at kumakaway pa. Napauwang ang bibig ng apat, nahulog naman sa bungaga ni Juan ang nginunguya nitong kamote.
Dahil sa kanilang muling pagkikita, mabilis na kinalabog ang puso ni Barbie. Dahan-dahan siyang bumaba sa itaas ng jeep sa tulong ng driver.
Nanonood naman ang mga tao na parang may isang eksena sa pelikula. Marahan itong lumakad palapit kay Ken.
Tumugtog ang isang masayang awitin, habang palapit sila sa isa't isa. Sad'yang miss na miss na nila ang bawat isa, miss na nila ang haplos ng pag-ibig.
"Ken." Mahinang tawag ni Barbie at dahan-dahang tumakbo palapit dito.
"Mahal kong Barbie." Malambing naman ang boses ni Ken at agad na inikot si Barbie, para silang magkasintahan na nagkahiwalay ng mahabang panahon. Inikot siya sa hangin hanggang sa tuluyan silang huminto, umuulan ng aliparo at ang mga puso nila ay tila tinatali na sa bawat isa.
"Ibig bang sabihin nito ay pinatawad mo na ako?" Maarteng tanong ni Barbie.
"Hindi ko kayang patagalin ang galit ko sa 'yo," sabi pa ng binata at inangat ang kamay para mahawakan sa pisngi si Barbie.
Marurupok nga talaga sila.
"Tutuparin ko na ang ipinangako ko sa inyong lahat. Magpapatayo ako ng bahay para sa mga taong nakatira sa kalye, pati ang pag-aaral ng mga batang narito," sabi pa nito habang nakatingin sa paligid. Parang isang mahika ito na ikinatuwa ng mga taong naroon, pati ang mga batang minsan ay nakasama ni Barbie.
"Nagbago na ako, alam ko na ang kahalagahan ng isang pamilya." Muli itong bumalik ng tingin kay Ken.
"Pamilya ang tunay na kayamanan, ito ang nais ng aking ama na pahalagahan ko," dagdag pa nito. Muling umaliwalas ang mukha ni Ken, dahil sa mga sinabi ni Barbie ay tuluyang nagbigay ng sigla sa kaniyang puso. Sa wakas ay natuto na ito, nagsisi sa kaniyang mga nagawa at nagbago.
Masayang umaawit ang kanilang mga puso, hanggang sa dahan-dahang naglalapit ang kanilang mga labi. Bago pa man tuluyang maglapat ang sabik nilang labi, ay isang malakas na pagbato ng kamote ang tumama sa mukha ni Barbie.
Tatlong beses iyon, malamang alam na niya kung kanino ito galing. Napapikit pa siya sa panghihinayang, sana pala kinausap muna niya ang tatlo. Para sana nag-kiss na sila ni Ken.
"Syempre hindi ko kayo nakalimutan." Paypay pa nito at lumapit sa tatlong ulaga. Nakapameywang sila at nakataas ang kilay, feeling mga nakakatakot.
"Sorry." Malambing na sabi ni Barbie. Ngumiti ito at nagbigay ng isang malupit na peace sign. Tiningnan lamang siya ng tatlo at lumakad paikot sa kaniya, ganitong-ganito sila noong una silang makakilala.
Huminto sa harapan niya ang tatlong ulaga at deretsyo siyang tingnan.
"Nagbago ka na ba talaga?" Naningkit ang mga mata ni Juan habang tila sinusuri ang magiging sagot niya.
"Oo naman. Natuto ako sa inyo, pamilya ang turing niyo sa isa't isa. Katulad ng ipinangako ko sa inyo, makakapag-aral na kayo," sagot nitong nakangiti at peace sign pa rin.
"Talaga ba?" Suri ni Pepe.
"Hindi mo kami niloloko?" dagdag na tanong pa ni Pedro, para silang mga pulis na sinusuri ang isang kriminal.
"O-oo nga. Promise, pamilya tayong lahat dito."
Kumunot ang noo at tumulis pa ang nguso ng tatlong ulaga.
"Sige na nga." Sabay-sabay silang ngumiti at niyakap si Barbie. Halos sakalin na nila ito sa kanilang pagkakayakap, parang ngayon sila gaganti sa ginawa nito.
Bati-bati na silang lahat, wala ng tinatagong galit sa mga puso.
"Teka nga! Teka!" Tulak ni Barbie at inayos ang kaniyang sarili.
"Hindi pa tayo tapos, s'yempre hindi lang naman ako ang narito." Natutuwa niyang sabi. Mabilis naman kuminang ang mata ng dalawang may jowa, halos pumalakpak ang kanilang mga tainga.
"Presenting! Mga babaeng marurupok pero hindi raw pokpok." Itinaas niya ang kaniyang mga kamay ay itinuro kung saan lalabas ang dalawang babaeng iniirog nina Pedro at Pepe.
Lahat ay napatingin sa dakong iyon, maging ang mga taong nasa paligid. Hindi na rin nakausad ang mga nakapasadang jeep, sad'yang chismosa maging mga pasahero, nagtitinda ng street foods at mga naglalakad. Lahat ay nag-aabang.
Tuluyang lumiwanag ang paligid at umulan ng glitters, sabay na lumakad doon ang dalawang magagandang babae. Si Empress na gulat na gulat pero sad'yang maganda ang mga mata, si Kitty naman na parang pusa at pilantik ang mga pilik-mata. Nag-pose pa silang parehas, akala mo ay mga model.
"Empress!" Sigaw ni Pepe at agad tumakbo patungo roon.
"Aking Pepe, matagal ko ng gustong hawakan kang muli." Malaki ang mga mata ni Empress habang sinasabi ito, gulat na ito palagi pero mas nagulat pa siya lalo sa pagyakap ni Pepe. Bumawi rin siya rito, sad'yang sabik sila sa isa't isa.
"Kitty Kitty." Panunukso ni Pedro habang sumasayaw pa palapit kay Kitty, humalinghing naman ito na parang pusa sa bubong, pumipilantik pa ang mga kamay na ipinatong sa balikat ni Pedro. Ang mga pilik-mata nito ay parang nang-aakit, kung dalasan ba naman niyang magkukurap. Sad'yang ganito na ata talaga ang mga mata ni Kitty.
Masaya na ang lahat–nang may jowa. Si Pepe may Empress na kalandian, si Pedro na may Kitty at si Ken na may Barbie. Masaya silang naghaharutan sa kalye habang si Juan ay pinapanood sila–habang kumakain ng kamote.
"Teka! Teka! Ako pa." Kaway ni King Chiu sa gilid. Oo nga pala, nakalimutan siyang papasukin ni Barbie. Nag-focus ba naman kasi sila sa dalawang maganda.
Dahil sa sinabing ito ni King Chiu, nagkaroon siya ng special entrance. Kung umaliwalas ang paligid sa pagpasok ng dalawang maganda, sumama naman ang panahon sa kaniya. Pati mga tao na nag-aabang kanina ay biglang nag-alisan, ayaw makita ang makintab nitong ulo.
Lumakad at nag-pose ito sa gitna habang may hawak na pechay. Matapos itong makita ni Juan, agad niyang ibinato sa gilid ang kamote na nginangata niya. Maangas itong lumapit kay King Chiu, maganda at kumikinang ang mga mata nitong nakatingin sa pechay.
"Ang pechay ni Kathryn." Tuwang-tuwa nitong sabi. Inangat niya ito at niyakap. Ngayon ay kasama na siya sa masaya, hawak na niya ang pechay ni Kathryn. Sa lahat ito talaga ang gusto niya, alagang-alaga niya ang pechay na ito.
"So? Bati-bati na all?" Inilahad ni King Chiu ang kaniyang mga kamay, malawak ang ngiti nito.
"Oo naman burnik," sabi pa ni Pepe at una itong yumakap sa kaniya, hanggang sa nag-group hug na sila.
"Mga esponklong talaga kayo." Sabay batok isa-isa kina Juan, Pepe at Pedro.
Lahat sila ay nagtatawanan. Lahat sila nagkapatawaran na, lahat sila ay tumalikod na sa galit.
Bawat isa ay natuto kung gaano kahalaga ang pamilya. Walang kahit anong salapi ang kayang tumbasan ang pagmamahal ng isang pamilya.
Magkadugo man o hindi, kung ang puso mo ay tinuring ng pamilya ang isang tao. Patuloy mo itong papatawarin at tatanggapin.
Isang aral mula sa mga taong sa kalye lumaki at isang taong sagana sa karangyaan ngunit puno ng galit ang puso.
Sa kabilang banda ng kasiyahan. May isang naiwan sa mansion, ang weird na batang matanda.
Hawak nito muli ang kaniyang bulaklak, kinakausap at nakatapat sa room 13.
"Isang k'wartong may malaking sikretong nakatago," sabi pa nito at winagayway ang kaniyang bulaklak.
Room 13, ang taguan ng mga litrato ni Barbie, pero ano ang tinutukoy ni Kathryn? May iba pa bang laman ang lugar na ito maliban sa nakakatakot na mukha ni Barbie?
Humawak siya sa doorknob at pinihit ito. Kinapa ang switch ng ilaw. Agad din nitong isinara ang pinto at lumakad papasok, inilibot ang paningin sa nakakakilabot na mukha ni Barbie. Walang epekto ito sa kaniya, dahil mas nakakahindik daw sa personal si Barbie.
Tumutunog pa ang sapatos na suot nito sa kahoy na sahig, lumakad ito palapit sa isang litrato ni Barbie. Ito ang picture niya noong bata pa siya, pinakamaliit na litrato ito sa lahat at hindi gaanong pansinin.
Maya-maya pa ay itinagilid niya ito, umalog saglit ang paligid at may isang pintong bumukas.
Lumakad siya patungo roon at sinilip ang loob. Sa puntong ito, tuluyang bungad ang isang nakakasilaw na kinang ng mga dyamante, ginto at ang limpak-limpak na salapi.
Ang yaman ng pamilya de Doll ay nasa harapan mismo ni Kathryn Bermuda, ang nakakalulang salapi ay tanaw niya mismo.
Sa room 13, ang k'wartong may malaking sekreto. K'wartong pinagbabawal at kinatatakutan, dito pala mismo nakatago ang yaman ng pamilya de Doll. At sa lahat, si Kathryn Bermuda lang ang nakakaalam.
Siya ang pinakatahimik sa lahat, pero siya pala mismo ang nakakaalam ng isang sekretong malupit.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (431)
Share
Tapusin
Mga rekomendasyon para sa iyo
good job in writing this story, author 😊
20/04/2022
1Nice story. Keep it up po.❤❤
20/04/2022
2Very Nice story💙 Keep writing po😊
20/04/2022
2Tingnan Lahat