Forgiveness

Nagising si Barbie na namumugto ang mga mata, sapo ang ulo itong bumangon. Humihikbi pa rin siya at hindi alam kung paano siya nakarating sa kwarto niya.
Basta ang alam niya lang ngayon ay naiwan na siyang mag-isa, at ang mga taong gusto niyang bawian ng tulong ay galit na sa kaniya.
Wala na siyang kaibigan, wala pa siyang pamilya.
"Gising ka na pala." Isang boses ang nagpalingon sa kaniya, naroon si Kitty at may dala itong pagkain.
"Kumain ka na muna, hindi ka na nakakain kabagi," sabi pa nito habang lumalakad palapit sa kaniya. Umupo ito sa dulo ng kama at inabot ang tray na may lamang pagkain.
"Hindi ako gustom." Matamlay nitong tugon.
"Arte mo. Kumain ka na at sasamahan kitang magpaliwanag kina Juan. Pero bago 'yon, ano ba kasing nangyari?" Tumaas ang tingin niya sa mukha ni Kitty.
"Hindi ka ba magagalit sa akin?" Tanong pa nito at sinubukan ng kainin ang dala ni Kitty, sarap na sarap ito sa pagnguya.
"Depende sa epekto ng lason sa pagkain mo." Nanlaki ang mga mata nito at dali-daling uminom ng tubig, takot itong nakatingin kay Kitty na bigla namang tumawa.
"Biro lang, bakit naman kita lalasunin? Sige na, makikinig ako sa 'yo."
Parang nasusunog at natutunaw ang puso ni Barbie, kahit papaano at kahit ganito pa pala siya kasama. Hindi siya magawang iwan ng kaibigan, handa pa rin itong makinig sa kaniya.
Dahil dito, nag-umpisa na siyang magkwento, lahat na ay sinabi niya. Ayaw na nitong magsinungaling pa dahil gusto na rin niyang magbago.
"Gaga ka rin pala." Sabay kurot nito sa kaniyang tagiliran.
"Ano nang gagawin ko? Paano ako hihingi ng tawad sa lahat?" Tanong pa nito.
"Bumangon ka na ngayon, una nating puntahan si King Chiu." Sabay hila rito ni Kitty.
"Teka, nahihiya ako," wika pa nito na tamad tumayo.
"Noong gumawa ka ng masama hindi ka nahiya, ngayon pa ba? Ang kapal ng mukha mong manggamit ng tao tapos humingi ng tawad hindi mo magawa?" Nakapilantik pa ang mga daliri nito habang tinituro si Barbie.
"Talagang ipagkalandakan na makapal ang mukha ko?" Turo pa nito sa sarili.
"Ay ano pala gusto mo?"
"Oo na magbibihis na ako." Padabog itong nagtungo sa kaniyang banyo. Ano na kaya ang mangyayari? Paano nga ba siya hihingi ng tawad sa mga taong nagawan niya ng kasalanan.
Matapos ang pagligo ni Barbie na halos tatlong oras, sa wakas ay lumabas na rin ito. Wala namang nagbago sa mukha niya, para pa rin siyang kabayo na galing sa gera.
"Kahit matagal ka maligo hindi mahuhugasan ang masama mong ugali," lait pa nitong si Kitty.
"Kanina ka pa, gusto mo hilahin ko isa-isa 'yang pilik-mata mo?" Amok ni Barbie, agad namang napaiwas si Kitty at napatakip sa bagong kabit niyang pilik-mata.
"Bago tayo umalis, ito ang iniwan ng tatlo." Abot nito sa puzzle at sa papel na iniwan ni Don Demeanor.
"Nabasa ko na pala ang sulat, sabi niya sa art room daw matatagpuan ang magtuturo ng daan sa pinaka-iingatan niyang yaman," saad ng dalaga. Pabukas na sana si Barbie ng sulat, pero dahil sinabi na ni Kitty ang laman bakit pa niya ito babasahin?
"Ano naman kinalaman nitong puzzle?" Kunot noo pang tanong ni Barbie.
"Edi puntahan mo sa art room. Jusko naman Barbie! Gusto mo ba ako pa ang magsasabi kung anong dapat mong gawin?" Sermon pa nito na akala mo ay isa siyang matanda.
"Kaltukan na talaga kita!" Banta nitong muli.
"Ano? Pupunta ba tayo sa art room?" Tanong muli ni Kitty, kumawala pa ng isang malalim na paghinga itong si Barbie at siya na ang naunang lumabas.
"Si Empress pala, umalis na kagabi," balita pa sa kaniya. Walang naging kibo si Barbie, alam nitong kay King Chiu siya tutungo ngayon.
Kahit pa hindi magkakadugo ang dalawa, alam niyang tunay na pamilya na ang turing nila sa isa't isa.
"Saan naman natin ilalagay ito?" Tanong pang muli ni Barbie. Tamad namang itinuro ni Kitty ang picture ng pamilya de Doll. Matalas ang memorya nito kaya naalala niya noong naggagala sila rito ni Pedro. Nakakalungkot lang, miss na miss na nito ang uhugin na Pedro.
Napatingin pa sa kaniya si Barbie bago lumapit dito. Kabado siya habang ikinakabit ang kulang na pizzle, kinakabahan siya sa maaaring matunghayan.
Napaatras silang dalawa matapos itong bumukas, napauwang ng kaunti ang malaking puzzle na ito. Nagkatinginan pa sila at nag-aalangan na sumilip.
Ito na ang matagal ng hinahanap ni Barbie, ang puno't dulo ng galit niya kay King Chiu. Ngayon ay malapit ng bumungad ang kinaiingatan ni Don Demeanor na itinago nito ng mahabang panahon.
Malakas ang kalabog ng kanilang dibdib habang palapit dito. Iniusog pa ni Barbie at pictures at doon tuluyang bumungad sa kanila ang bagay na kinaiingatan ni Don Demeanor at ang tunay na kayamanan sa buong mansion na ito.
Nanginginig ang mga kamay ni Barbie habang kinukuha ang isang picture frame na nasa isang lamesa. Nagbabadya na muli ang mga luha nito habang titig sa mga narito.
Ang buong pamilya de Doll ay masayang magkakasama sa picture na ito. Puro ang mga ngiti at tunay na masayang pamilya ang makikita. Ito ang huling litrato nilang buo at magkakasama, dahil tatlong araw matapos ang masayang pagkuha nito ay ang pagkamatay ni Don Demeanor, maging ang pagrerebelde ni Barbie.
"Ang ibig sabihin, pamilya ang tinutukoy ni Don Demeanor na tagong yaman niya? Pamilya ang kayamanan para sa kaniya at hindi ang pera." Nakatulalang sabi ni Kitty.
Ngayon ay tuluyang nagising si Barbie, ang buong akala niya ay limpak na salapi ang tinutukoy ni Don Demeanor na yaman niyang gustong ipamahagi sa sa kanila. Ibinilin ito sa kanila, bago tuluyang malagutan ng hininga ang matanda.
Simula noong malaman niyang nakatago ang yaman nila, nag-isip na siya ng paraan kung paano mapapaalis si King Chiu para maging solo na siya sa makukuhang kayamanan. Kaya naisipan niyang gumawa ng isang hakbang, gusto niyang ipakita kung gaano kasama ang bakla niyang tita para sa kaniya mapunta ang lahat ng yaman.
Pero nagkamali siya, ito pala ang tinutukoy ng kaniyang ama na palagi niyang iingatan ang yaman nito. Pero hindi manlang niya naisip na ang nais ni Don Demeanor, ay alagaan nito ang kanilang pamilya. Pero hindi niya ito napagbigyan, nasira niya ang pamilyang matagal ng iniingatan ng kaniyang ama.
Pamilya ang tunay na kayamanan.
Mataas na ang sikat ng araw, bitbit ni Empress Shocking ang kaniyang mga gamit at nagtungo sa police station kung saan naroon ang kaniyang ina-inahan. Namumugto pa rin ang mga mata nito at galit kay Barbie, galit siya sa kung paano nito gawin at ipamukha sa lahat na, isang masamang tao si King Chiu.
"Mamah!" Mabilis itong tumakbo at niyakap ang baklitang kalbo.
"Anong ginagawa mo rito?" Tanong nito matapos nilang maghiwalay ng yakap.
"Alam ko na po ang ginawa ni Barbie. Sabihin na natin sa lahat, para mapalaya na kayo," si Empress. Umiling lang si King Chiu at hinawakan siya sa pisngi.
"Hindi na kailangan, intindihin mo na lang muna kung anong nararamdaman niya. Alam kong may pagkakamali ako at ayokong iparamdam sa kaniyang mag-isa lang siya." Nakangiti ngunit may sakit ang mga mata nito.
"Pero mamah–"
"Naramdaman niyang walang nagmamahal sa kaniya kaya niya ito nagawa." Putol nito sa nais sabihin ni Empress.
"Hindi ko siya mapapatawad!" Bulyaw pa nito, dahil sa pagsigaw niya napatingin tuloy ang iba. Pero dahil maganda siya, isinawalang bahala na lang nila ito.
"Magpatawad ka, hindi ba sinabi ko na walang puwang sa puso ang galit? Palagi mong unawain ang sitwasyon? Walang nangyayari sa pusong puno ng galit," pangaral ni King Chiu. Dahil sa sinabi nito ay naibsan ang galit sa puso ni Empress, ang maliit na apoy ng galit ay tuluyang pinatay ng pag-unawa.
Gusto niyang intindihin at gusto niyang pakinggan ang magiging paliwanag ni Barbie.
"Tama ka, walang naidudulot na maganda ang pusong puno ng galit." Halos mapatalon naman sa gulat itong si Empress Shocking. Sabay silang napalingon at bumungad sa kanila si Barbie kasama si Kitty na nasa likuran niya.
"Pwede ko bang makausap si King Chiu?" Malambing na tanong ni Barbie. Humarap pa muna si Empress sa kaniyang ina-inahan, tumango ito kaya agad din siyang kumawala at lumapit kay Kitty.
Ngumiti ng matamis si Kitty na agad kumapit sa braso ni Empress, nakatayo lang sila sa likuran habang ang dalawa ay nakaupo at magkaharap.
"Hindi ko alam kung paano mo ako mapapatawad, pero gusto ko pa ring humingi ng tawad. Hindi man ngayon, handa akong maghintay sa kapatawaran mo." Malamya ang boses ni Barbie.
Alam na nito ang tunay na kahalagahan ng isang pamilya. Dahil sila-sila na lang ang magkakasama at sila na lang ang pamilya, masisira pa ba ito dahil sa hindi pagkakaunawaan?
Marahan na ngumiti si King Chiu at hinawakan sa kamay si Barbie.
"Napatawad na kita. Pinatawad na kita kahit hindi ka pa humihingi ng tawad, dahil alam kong may pagkakamali rin ako. Naging masyado akong malupit sa 'yo noon." Matapos itong sabihin ni King Chiu ay tuluyang sumilay ang isang napakagandang liwanag, ang mga puso nila ay tuluyan ng nagpalaya ng galit at poot.
"Nakita ko na ang tinutukoy ng aking ama. Ang tunay niyang yaman ay ang pamilya, at katulad ng aking pangako. Iingatan ko ang yaman na ito, iingatan ko ang pamilya natin." Inilabas ni Barbie ang dala nitong picture. Maging si King Chiu ay hindi napigil ang pag-iyak. Ito ang huling litrato nilang magkakasama at masaya.
Natutunaw ang puso niya kapag naaalala ang pangyayari noong araw na iyon. Puro ang puso nila sa saya, sa pagtatawanan at buong-buo ang pagmamahal sa pamilya. Tanaw na tanaw ito sa litrato, sa kung paano sila ngumiti at ang makikita sa mga mata nila.
Sad'yang wala ng kahit anong halaga ang kayang tumbasan ang pamilya. Mas higit pa ito sa limpak na ginto.
Tuluyan na nilang pinalayas ang sakit sa kanilang puso at pinapasok ang masayang pangyayari. Magpatawad sa iba at pinatawad ang sarili.
Nagyakapan silang dalawa, sumisinghot dahil sa uhog na palabas na. Matapos nilang maghiwalay ay napatingin sila sa paligid, hindi nila mawari kung matatawa ba sila sa mukha ng mga taong nanonood sa kanila.
Paano ba naman, para silang mga taong nasa sine at nanonood ng isang drama scene, naiiyak na ang mga pulis at maging ang mga kriminal na nasa kulungan ay parang mga batang iniwan sa school ng nanay. Mga nag-iiyakan habang nakatingin sa kanila.
Sa isang banda, sa mansion kung saan naiwan si Kathryn Bermuda.
Nakaupo ito sa mamahalin nilang sofa galing pa sa Jupiter. Hawak muli ang kaniyang pulang bulaklak, kinakausap niya itong muli.
Sobrang weird talaga nito, kamakailan lang ay puno siya ng drama. Ngayon naman ay bumalik sa kaniyang walang pakialam na buhay.
Para siyang may nalalaman na hindi alam ng iba, sad'yang nakakatakot na ang pagiging tahimik niya.
Bakit hindi siya makisama sa drama ng kanilang pamilya? Bakit parang palagi siyang walang pakialam at gustong nasa isang sulok at hawak ang kaniyang bulaklak.
Pero ano na kaya ang ganap ng tatlong ulaga? Kung si King Chiu at Barbie ay nagbati na, paano na sila? Paano nila mapapatawad si Barbie?

Komento sa Aklat (431)

  • avatar
    Naddie

    good job in writing this story, author 😊

    20/04/2022

      1
  • avatar
    UniqueToh826

    Nice story. Keep it up po.❤❤

    20/04/2022

      2
  • avatar
    Sharamae

    Very Nice story💙 Keep writing po😊

    20/04/2022

      2
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata