Party

Sumapit na ang takdang oras, handa na ang lahat sa party. Maging ang mga bisita ay nag-aabang na. Maraming pagkain at masasabi mong masasarap ito, dahil ang mga nagluto rito ay galing pa sa planet Venus.
"Hindi po talaga namin sila makita." Bulong ni Ivana Aliwin. Inis na inis talaga si King Chiu, bakit hindi manlang niya naramdaman na umalis ang tatlo? Hindi ito maaari! Paano na ang ginastos niya?
Mukha atang papauwiin na ang mga bisita. Kanina pa gutom ang mga ito, dahil alam nilang may handaan hindi raw kumain ang mga ito kaninang tanghalian. Mayayaman pero masisiba.
Kung hindi sila makakakain, sayang naman ang 150 kilos na lumpiang shanghai. Ito talaga ang habol nitong mga bisita, pero mukhang mahaharang ito dahil ang tatlong dapat ipapahiya ay wala roon.
"Nasaan si Empress?" Tanong nito. Tamad na tamad itong itinuro ni Alden Dinagcharge.
Malungkot na nakaupo sa dulo si Empress Shocking. Miss na miss na nito si Pepe, ang mga walang kwentang banat nito ay talagang gusto niyang muling marinig. Nakakalungkot naman, mukhang magiging si Empress Sadness na siya.
"Kaunti na lang sasayad na ang labi mo sa sahig." Napatalon naman ito sa gulat, matapos biglang sumulpot si King Chiu.
"Mamah! Bakit ka ba nanggugulat?" Tanong pa nitong nakahawak sa kaniyang dibdib.
"Bakit ka ba tulala?" Kunot noo nitong tanong. Lumakad pa siya paikot kay Empress at tila sinusuri ito, inaamoy pa ito na para siyang isang aso–mukha naman siyang aso na makintab ang ulo.
Kabado naman si Empress Shocking, alam na nito ang dahilan kung bakit ito ginagawa ng kaniyang ina-inahan. Maya-maya pa ay huminto ito sa kaniyang harapan, humalukipkip at itinaas ang isang kilay.
"Nasaan ang mabantot na Pepe?" Seryoso itong nakatingin sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata at tiyak na isang maling sagot ay alam na nito ang katotohanan.
Pero paano na ito? Hindi siya pwedeng magsinungaling, dahil malamang ay alam na nitong si King Chiu ang totoo.
"Mamah–"
"Tumigil ka Empress!" Napapikit naman ang dalaga, mabuti na lang waterproof ang make-up nito. Kung hindi hulas na ito sa talsik ng laway ni King Chiu.
"Bakit mo sila pinaalis? Alam mo bang para sa kanila ang party na ito?" Salubong ang mga kilay nito. Halos maiyak naman si Empress sa pag-sigaw sa kaniya, sad'yang pusong bawang ang isang ito.
"Sige na. Wala na rin tayong magagawa." Dismayadong sabi ni King Chiu.
Parang tinutusok ng tinidor ang puso ni Empress Shocking. Sa ilang libong beses, nadismaya muli ang kaniyang ina-inahan. Pero kahit ganoon pa man ay hindi siya pinagmalupitan nito, kahit makarinig ng masasamang salita ay hindi siya binato. Palagi man itong galit at pasigaw kung magsalita, hindi ito naging masama sa kaniya. Kahit pa man hindi siya tunay na anak.
Mukhang walang magagawa si King Chiu kung hindi tanggapin na walang magaganap na pasabog ngayon. Sayang ang pinahanda nitong 150 kilos na lumpia.
Maganda ang pagkakaayos sa party, ang tema nitong red white at ang mga bulaklak na nasa mesa–si Kathryn Bermuda ang namili ng mga ito. Maganda rin ang mga tugtugin dahil ang mga kantang ito ay kinanta ng mga sikat na banda, mula sa ibang planeta.
Mga universal singer ang imbitado ngayon.
"Maghintay lang kayo, makikita niyo ang kaguluhan dito mamaya." Bulong ni Kathryn Bermuda sa hawak nitong bulaklak. Inamoy pa niya ito habang nakapikit, matapos nito ay inipit na niya sa kaniyang tainga.
Sumasayaw at masaya siya sa paglalakad habang nakatingin sa mga taong kanina pa takam at tulo ang laway na nakatingin sa pagkain. Kanina pa sila rito, pero hindi pa nila natitikman ang mga pagkain.
Ano kayang balak nitong matandang bata na ito? Anong kaguluhan ang sinasabi niya?
"Good evening, ladies and not so gentleman. Thank you to each and every one of you for being here with us today. But we're sorry to tell na hindi na po tuloy ang party." Tamad at walang buhay na bungad ni Alden Dinagcharge.
Dahil wala ang tatlo, hindi mailalabas ang pekeng DNA result. Wala ring trill kung hindi maipapahiya at hindi masasabihan ng masama at masasakit na words ang mga ulaga.
"Bakit?"
"Gutom na kami."
"Pahigi na lang lumpiang shanghai."
Ilang angal ng mga bisitang narito. Ayaw nilang umalis hanggat hindi sila kumakain. Hindi na sila kumain ng tanghalian, para lang maraming makain sa handaan tapos papauwiin lang sila?
Sayang ang ligo at ang damit kung wala silang mapapala. Galit na sila ngayon at parang mga zombie na handang kumagat.
"Ituloy mo," utos ni Kathryn sa kaniyang kapatid. Lumaki naman ang mata at butas ng ilong ni King Chiu, hindi niya alam ang gagawin. Inuutusan siya ng kaniyang ate, kahit pa man mukha itong bata magaling itong sumuntok. Baka bigla na lang siyang bumulagta kapag hindi siya sinunod.
Hindi pwedeng masira ang plano ni Kathryn Bermuda, hindi maaaring masayang ang ginawa niya dahil lang sa hindi natuloy ang kay King Chiu.
"Sabihin mo na. Baka gusto mong ikulong kita sa room 13?" Panakot pa nito.
Parang bunsong inutusan ng nanay itong si King Chiu. Padabog at kumakamot pa sa makintab niyang noo.
"Sige na, kumain na kayo!" Sigaw nito.
Matapos nito ay parang may digmaan sa pilahan. Lahat ay atat na atat kumain. Ano ba naman ang mga mayayaman na ito, naturingan pang galing sa ibang planeta, ganito kung pumila sa kuhanan ng pagkain.
Dahil kumakain na ang mga bisita, tuwang-tuwa na si Kathryn Bermuda. Mukhang ito ang kaguluhan na tinutukoy niya.
Walang gana si Empress Shocking, nakaupo lang ito at nakatanaw sa malayo. Hindi niya gustong kumain.
Dahan-dahang lumaki ang mga mata nito, umuwang ang bibig at lalong nagulat. Mabilis din kung kumalabog ang kaniyang dibdib, dahil ito sa gulat at takot. Namutla ito na parang nakakita ng isang multong pangit.
Maya-maya pa ay namatay ang ilaw. Nagulat ang lahat, pero ang mga may pagkain ay walang pakialam.
Maging si King Chiu ay nagulat, nakatayo pa rin ito sa stage habang nasa gilid niya ang walang charge na si Alden Dinagcharge.
Kasabay nang pagbukas ng ilaw ay ang isang kahindik-hindik na pangyayari sa kanilang kasaysayan. Halos manigas itong si King Chiu sa kaniyang kinatatayuan, hindi mawari kung siya ba ay tatakbo, tatalon, sisigaw ang pangalan niya–basta nanginginig na ito sa takot.
Nakatulala ito habang sayad ang panga sa sahig, umatras siya upang bigyan ito ng daan.
"Hey bitches and bitchos. I'm back!" Nakataas pa ang mga kamay nitong si Barbie. Napatigil ang lahat sa pagkain, ang ilan ay natatapon na ang iniinom.
Nakasuot siya ngayon ng red Sabrina dress, maging ang ayos nito ay sad'yang nakakapanlinlang sa ganda. Mukha siyang isang manikan na nabibili sa bangketa at ipinangreregalo sa mga bata, tuwing pasko.
"Barbelito!" Halos mabali ang leeg nito sa paglingon. Naroon si King Chiu at kararating lang ni Kathryn Bermuda.
Ang dalawang binibining marupok ay magkasama. Daig pa nila ang besty kung mag-usap. Wala ng pakialam sa kaganapan sa paligid, nasabi na ni Empress Shocking ang tunay na dahilan kung bakit wala ang tatlong ulaga.
Balik tayo sa mga bida-bida ngayong gabi. Tunay na pasabog ang tagpong ito para sa kanila, sad'yang nakakagulat ang makitang buhay pa ang baklitang maarte na ito.
Isa pang nakakagulat. Barbelito pala ang tunay na pangalan nito, ang bantot. Mas mabanton pa kay Pepe.
"I'm back mga tita. Did you all miss me?" Sarkastiko nitong tanong.
Umayos ng tindig ang tatlo, umiikot sila habang tinitingnan ang bawat isa. Tila mapaghusga ang mga tingin na ito, walang tiwala sa bawat isa.
Patuloy ang tugtugan sa paligid, ngayon ang mga bisita ay nakaabang at nanonood na para itong isang teleseryeng nakakapanabik panoorin.
"Siguro takot na ang isa sa inyo. Buhay ako at wala kayong mapapala sa yaman ni Don Demeanor." Matalim ang mga mata ni Barbie, na tila sumasaksak sa bawat nitong tingin, salitan sa dalawa.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo!" Nanlilisik pati ang ilong nitong si King Chiu. Patuloy sa pag-ikot at napapasayaw na rin sila sa tugtugan.
"Manahimik!" Saway naman ni Kathryn Bermuda. Sabay silang napayuko at tumingin sa batang matanda na ito. Napakunot pa ang kanilang noo, sabay pa sana silang magsasalita matapos huminto ang tugtog. Dahil dito ay agad din silang napahinto, walang galawan. Dahil ang gumalaw ay talo.
Lumapit lalo ang mga tao at hindi tao sa kanila. Pinagmamasdan ng mabuti ang kanilang galaw. Sino kaya ang matataya at matatalo sa kanila?
Muling bumalik ang tugtog at doon lamang sila nakagalaw muli. Paikot-ikot at sumasayaw.
"Hindi ka na lang magpasalamat at buhay ka pa," sabi pa nitong si Kathryn Bermuda.
"Stop acting like you know my pain tita. Because pain pain de sarapain, matanda ka na height mo pandak pa ren." Pagkanta pa nitong si Barbie. Dahil sa maliit itong si Kathryn Bermuda ay mabilis umakyat ang kumukulo niyang dugo sa ulo.
Aamba na ito ng suntok, mabuti na lang napigil siya ni King Chiu. Si Barbie naman ay nakatakip na sa kaniyang mukha. Sakto naman sa ganitong pose ay huminto muli ang tugtog.
"Oh bente bente, sino unang matatalo?" Alok pa nitong si Alden Dinagcharge. Malungkot ito at walang kabuhay-buhay pero takam pa rin sa pustahan.
Muling bumalik ang tugtog at ang talong nagpapaligsahan sa harapan ay todo ang indak. Kaniya-kaniya silang paraan kung paano sumayaw habang nag-uusap.
Pero bago pa may manalo sa kanila, ang mga tao at hindi tao nilang bisita ay unti-unti ng nakaramdam ng paghilab ng tiyan. Parang pinipilipit ang kanilang mga sikmura, malamang ay kapag umupo na sila talagang babaril ang masamang tawag ng kalikasan sa kanila.
Kasabay ng beat ng tugtog ay ang labas nila ng hangin sa puwit, napapatalon pa sila para pigilan ito. Pero wala, lahat na ay nagkakagulo dahil sa kanilang masakit na tiyan. Sapo ang puwit at hawak ang kanilang mga tiyan. Hindi ito maaari! Kung uuwi pa sila ay magiging mahirap na, alam nilang kaunting lakad na lang ay lalabas na.
Ito marahil ang kaguluhan na sinasabi ni Kathryn Bermuda. Gusto niyang magkagulo ang lahat dahil natatae na sila. Mga masisiba kasi, bahala sila sa buhay nila.
Sa ibang banda. Pagod na pagod ang apat sa katatakbo, malapit na sila sa mansion at tanaw na ang mga nagsasayawang ilaw.
"Sandali lang, pagod na talaga ako." Hinihingal na sabi ni Ken.
Tumigil sila sa pagtakbo at itinukod ang mga kamay nila sa kanilang mga tuhod. Paano ba naman, walang sumundo sa kanila kaya kailangan nilang tumakbo papasok sa hacienda. Gutom na rin sila, pagod sa byahe pero hindi ito inalintana. Gusto nilang mauna roon.
Hingal na hingal sila, pawis na pawis pero itong poging si Ken ay talagang palaging hot. Iba talaga kapag pogi ang pinagpapawisan, kapag ang mga pangit ay dugyot titingnan.
"Sandali." Sabay-sabay silang napatingin doon sa mga lalaking hingal ding huminto sa gilid nila.
Pawis na pawis ang tatlong pangit na nakasuot ng leather jacket kahit mainit. Pinagpapawisan na sila pero hindi nila gustong tanggalin ito. Outfit daw ito para masabing bad guy sila. Feeling badboy papangit naman at ang lalaki ng mga tiyan.
Lahat pa sila ay nagkagulatan. Kilala na nila ang isa't isa, nabugbog na rin sila ni Ken kaya takot na ang mga ito.
"Teka! Nauna kami, mamaya na kayo sumugod," utos ni Juan sa mga ito.
"Ang galing niyo naman. Ganito na lang, sinong mauna siya panalo?" Aya ni Berdugo.
"Sige, mahuli panget?" Sabi pa nitong si Pepe.
Dahil sa hamon na ito, lahat sila ay napatango. Ngayon ay nakabawi na sila ng lakas, kahit papaano. Umakto na silang lahat na parang nasa isang marathon. Pantay-pantay at naghihintay para tumakbo.
Kung sinong mauunang makapunta sa party ay silang panalo. Sino nga kaya sa mga ito ang unang mapupunta roon? Sino sa kanila ang pangit na mahuhuli?
"Ready! Get set–oohhh! Get set pa lang! Get set!" Gigil na palo ni Pepe sa pangit na si Berdugo. Paano ba naman, mandaraya pa sana. Wala lang Go ay tatakbo na.
"Kapag sinabi kong go! GO NA!" Sabay takbo nilang apat sabay-sabay. Mandaraya rin pala ang mga ito, nautakan ang tatlong pangit na naka-leather jacket.
Dahil nagsimula na silang tumakbo ay ginawa na rin ng mga kalaban.
Habang tumatakbo sila ay parang bumabagal ang paligid. May patalon pa sila na parang mga nasa isang video game. Tumatakbo, tumatalon at umiiwas sa mga harang na nasa harapan. Sa ngayon ay si Pepe ang nauunang tumakbo kasunod ni Ken.
Hindi mawari ang mukha ng mga ito. Pati ang mga pangit na nasa likuran ay tumatalon din pero dahil mataba sila. Nagkanda-dapa na sila at hirap na hirap humabol.
Bakit kasi sa dami ng kukuhaning kontrabida mga matataba at pangit pa.
Patuloy sila sa pagtakbo. Ang mga buhok nila ay sumasalubong sa hangin na mas lalong nagbigay pogi points sa prince charming na si Ken. Sa bawat takbo at talon nito ay papangarapin mong maging isa kang prinsesa na itinago ng matagal at sasagipin ka niya. 'Wag na isipin ang tatlong ulaga, kunwari mga kambing silang tumatakbo.
Muling bumalik sa dati ang bilis ng oras, tapos na ang slow motion run nila. Dahil ngayon ay nasa harapan na sila ng party. Lumingon sila at tanaw na tumigil ulit ang mga kalaban. Pagod na sila.
"May moment pa tayong magsalita." Hingal na sabi ni Pedro. Huminga muna sila ng malalim at umayos ng tindig.
"TUMIGIL KAYO!" Buong lakas na sigaw ni Pepe. Dahil dito ay napatigil ang lahat, ang tugtugin ay napalitan ng isang intense sound effect. Pati ang pagkakagulo ng mga bisita ay natigil. Lahat sila ay nakanga-nga sa apat na parating.
Nakauwang ang bibig ng tatlong nasa stage, ang dalawang marupok na hindi raw pokpok ay tuwang-tuwa. Sa wakas ay nakita na nilang muli ang kanilang irog.
Kasabay ng isang masigla at maangas na tugtog ang paglakad ng apat. Nakatapat sa kanila ang ilaw at kumakaway pa ang mga ito, na akala mo ay naglalakad sa red carpet. Feeling mga sikat na pinagkakaguluhan ng lahat.
"Sumuko ka na King Chiu!" Sabay turo nila rito.
Pasabog effect at lalong lumaki ang mga mata nitong si King Chiu, maging ang mga butas ng ilong nito. "At bakit ako susuko?" Nanlilisik nitong tanong, pero agad napawi ang galit nito matapos makita ang gwapong si Ken.
Napauwang ang mga labi nito at parang lumiliwanag sa kaniyang paningin ang nilalang na ito. Parang isang lalaking inihulog ng langit upang mahalin siya. Pero agad naputol ang pagpapantasya nito matapos silang batukan ni Barbie.
"Akin 'yan." Gigil pang sabi nito.
"Tama na King Chiu! Narinig namin ang lahat," sabi pa nitong si Juan.
Muling naputol ang lahat. Saglit pa ay muling humilab ang tiyan ng mga bisita at sa pagkakataon na ito ay hindi na nila napigil pa. Kaniya-kaniya silang takbo sa damuhan, mabuti na lang at madilim. Bahala na sila kung saan nila gustong ilabas ang masamang tawag na ito.
Kita naman sa mukha nitong demonyitang si Kathryn Bermuda ang tuwa. Ito ang gusto niya, makita ang mga bisita nilang natatae. Ang sama rin talaga nito.
"Anong pagbibintang iyan?" Hindi na napigilan ni Empress Shocking ang magsalita. Mahal niya si Pepe, pero hindi niya maatim ang mga pangbibintang nila sa kaniyang mamah.
"Empress." Awat ni Kitty Kitty. Daig pa nitong isang pusa na nagpapaawa.
"Siya ang gustong ipapatay si Barbie, narinig namin ang lahat," paliwanag ni Pepe. Pero wala na, mukhang hindi na siya kaya pang paniwalaan ni Empress.
"Sinungaling!" Galit na bumaba si King Chiu at lumapit sa kanila.
"Ikaw ang sinungaling! Anong nagawa ko at gusto mo akong ipapatay? Ha?" Ma-drama ring bumaba si Barbie. Talagang hindi ito magpapatalo.
Si Kathryn Bermuda naman ay walang ginawa. Nagpakuha ito ng upuan kay Ivana Aliwin at naglabas ng pop-corn. Umupo ito sa gitna mismo ng stage at nag-umpisa nang kumain ng pop-corn. Chill lang ito sa gitna habang may kaguluhan sa kanilang pamilya.
"Hin–"
"Narito na kami!" Putol ni Berdugo sa sasabihin ni King Chiu.
"Epal ka? Magsasalita pa ako. Mamaya na kayo pumasok," utos pa nitong si King Chiu. Gigil na talaga siya sa mga tangang pangit na iyon.
"Ano ulit sinabi ko?" Tanong pa nito. Napakibit-balikat naman ang iba at iniisip kung ano ba ang huli nitong sinabi, bago putulin ng mga pangit na iyon.
"Hindi ka natuloy. Hin–lang ang sinabi mo." Napatango naman ito sa sinabi ni Pedro. Mabuti pa ito malinaw ang pag-alala.
Muling naging intense ang tugtog, habang titig sila sa bawat isa.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo! Wala akong kasalanan." Mariin nitong sabi at muling kumulog.
Dilat na dilat ang mga mata nila, walang gustong magpatinag sa mga ganito nilang laro. Hindi sila p'wedeng matalo, dahil alam nilang si King Chiu ang gustong magpapatay kay Barbie.
"Pwede na kami mag-intro?" Inip na tanong ni Dugong.
"Sige na." Tamad na utos ni King Chiu.
Dahil doon lumakad ang tatlo, syempre may intro walk din sila. Slow motion pa habang pinapagpag nila ang mga leather jacket nilang hindi pa nalalabhan.
"Kami ang mga masasamang tao!" Intro ni Berdugo.
"At handa kaming gumawa ng masama," dagdag pa nitong si Popong.
"At ngayon gagawa na kami ng masama." Tumuro si Dugong papunta kay Barbie.
"At huwag niyo kaming pipigilan!" Sigaw pang muli nitong si Berdugo.
Mas intense ang sound effects na ang para sa kanila. Ngayon ay mas malamig na ang hangin, at talagang kabado na sila. Mukhang mapapasabak sila sa matinding bugbugan.
Magtagumpay kaya sila sa pagdakip kay Barbie?
Si King Chiu nga ba talaga ang may pakana sa lahat?
Kumusta na ang magiging love story nina Pepe at Empress?

Komento sa Aklat (431)

  • avatar
    Naddie

    good job in writing this story, author 😊

    20/04/2022

      1
  • avatar
    UniqueToh826

    Nice story. Keep it up po.❤❤

    20/04/2022

      2
  • avatar
    Sharamae

    Very Nice story💙 Keep writing po😊

    20/04/2022

      2
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata