Kamahalan

Gabi na nang makarating sina Juan, Pepe at Pedro sa Olongapo. Pagod sila sa byahe, pero hindi ito inalintana. Agad silang nagtungo sa bahay ni Ken, alam kasi nilang doon pupunta ang baklitang feeling maganda na si Barbie.
"Wala na sila rito, lumipat na sila kasama iyong babae na may mahabang pilik-mata," sabi pa ng kapitbahay nila. Halos pumalakpak ang tainga ni Pedro sa narinig. Pilantik na pilik-mata ay alam na nila kung sino ito.
"Saan daw kaya?" tanong pa ni Juan.
"Aba malay ko, kailangan ba alam namin? Tanong niyo sa mga bata roon sa terminal." Agad nitong isinara ang pinto. Ang sungit naman pala nitong si ate, nagtatanong lang naman ang tatlo. Baka may dalaw si ate? O baka walang dilig.
Dahil sa sinabi nito, agad namang nagtungo roon ang tatlong ulaga. Palapit pa lang sila ay sumalubong na kaagad ang mga batang ito sa kanila. "Mga kuyang pogi bakit ang tagal niyo bumalik?" Yakap ng mga ito sa binti nila.
"Alam niyo ba kung saan nakatira sina Ken?" Mabilis na tanong ni Pedro.
"Doon sa malayo." Turo ng isang bata.
"Saan doon?" Nakakunot na noong tanong ni Juan.
"Basta hindi malapit, kaya roon sa malayo," sabi pa ng isa. Ano ba naman ito! Lalong sumasakit ang ulo nila, galing pa naman sila sa byahe.
"Anong palatandaan na lang?" Tanong pa ni Pepe. Mediyo niinis na ito, kanina pa kasi masakit ang sikmura niya. Gusto niyang sumuka, pero hindi lumalabas.
"May bubong po, tapos may pader." Sabay-sabay silang napahilamos sa mukha at napaupo sa sahig.
Masakit na talaga ang ulo nila. Ngayon lang gumana ng ganito ang kanilang utak, pero masyadong nagasgas. Malamang, may bubong at pader talaga ang bahay nila. Ano nga bang aasahan sa mga batang paslit? Mukhang ngayon ay nawawalan na sila ng pag-asa.
"Mag-aabang na lang ba tayo hanggang bukas? Paano kung napahamak na pala si Barbie?" Pag-aalalang tanong ni Juan.
"Si Barbie po? Iyong mukhang manika ng mangkukulam? Umalis na sila kasama 'yong magandang babae." Halos mabali naman ang leeg nila maharap lang ang batang nagsalita.
"Umalis?" Sabay-sabay nilang tanong.
"Opo, sumakay sila rito." Turo nito sa Victory liner.
"Ibig sabihin bumalik na sila sa mansion? Hindi natin sila naabutan." Panghihina ni Pedro. Paano ba naman, atat na itong muling mahagkan ang kaniyang mahal na pusa.
"Babalik tayo? Nahihilo na ako," angal ng matalinong si Pepe. Pagod na talaga ito at gusto ng matulog, baka tuluyan na itong masuka kapag bumalik sila. Napapagod din pala ang mabantot na Pepe.
"Matulog na lang muna tayo rito?" tanong ni Juan.
"Wala tayong pwesto, sa ilalim na lang ba tayo ng tulay ulit?" Si Pedro.
Agad napatingin ang dalawa rito, at dahil ito na nga lang ang paraan. Muli silang lumakad papunta roon. Pagod at bagsak ang mga balikat, gusto nilang mahiga at matulog. Ngayon na lang ulit ito, matapos ang pagtulog nila sa malambot na kama sa mansion, babalik sila rito at matutulog sa sahig. Walang kahit anong sapin o kumot.
"Ganito tayo dati," sabi pa ni Juan habang nakaunan sa kaniyang braso.
Ngayong nakahiga na sila, bakit hindi nila magawang makatulog? Kung anu-anong bagay ang pumapasok sa kanilang isipan.
"Ganito tayo noon, ganito pa rin tayo ngayon." Malamyang sabi ni Pepe.
"Noong una tayong inalok ni Barbie, akala ko mababago ng tuluyan ang buhay natin." Matabang na wika ni Pedro.
Pagbabago sa buhay nila ang talagang nais nila noong una, pero nagbago ito. Marami silang natutunan. Hindi pala porket sa lansangan ka nakatira ay kawawa ka, minsan sa mga taong nasa lansangan mo makikita ang tunay na mukha ng buhay. Mahirap man pero nalaman nilang hindi pera ang sagot. Kaya nitong gawin kang masaya sa pag-iisip, pero hindi ang pagiging kontento sa puso.
Bago pa tuluyang mabuo ang drama. Plakado na ang tatlo, hindi alintana ang baho ng paligid, ang pagkagat ng lamok at ang lamig. Mahimbing silang natutulog na akala mo ay nasa isang malambot silang kama. Ganito ang totoong buhay nila. Hindi kailangan magpanggap o maghanap ng mga nakatagong yaman.
Kinaumagahan, bigla silang nagising sa ingay na parang may nagbubulungan. Napaangat ang mukha ni Juan, nakasubsub kasi ito sa makapangyarihang kili-kili ni Pedro.
"Ano bang ingay 'yon? Walang mga sleeping respect." Inis pang sabi ni Pepe habang paupo.
Kinusot pa nila ang kanilang mga mata, mas'yado pang maaga bakit may mga tao na sa ilalim ng tulay, maliban sa kanila?
"Sigurado ka bang tama ang kukunin nating babae?" Rinig nilang sabi ng isang lalaki.
"Ang pangit naman nito Dugong, bakit Barbie pangalan niya?" Nanlaki ang mga mata ng tatlong ulaga. Nagkatinginan sila at dali-daling nagtago sa isang poste. Amoy ihi ito pero hindi nila pinansin, hindi naman sila maarte.
"Basta ayan ang mukha niya, ayusin niyo trabho ha? Kapag pumalpak kayo gagawin kong panaba sa gulay mga dugo niyo," utos ng isa pa, parang ito ang pinaka-leader nila.
Dahan-dahang sumilip ang tatlong ulaga. Natanaw nila ang mga pangit na lalaki, ito ang humarang kina Barbie. Ang nabugbog ni Ken, narito sila upang magplanong muli.
Ang mga pangit na ito ay tila hindi nagpapalit ng costume, mukhang leather jacket lang ang mga alam suotin. Lalo pala silang naging pangit dahil sa bugbog ng poging barker na si Ken.
"Sige na, baka mahuli pa tayo rito." Tapik nito sa balikat ng mga kasama. Tumanaw pa ang tatlong ulaga sa mga ito habang umaakyat at paalis na ang mga masasama, pangit at malalaking tiyan na kalaban.
Paktay! Paano na kaya ito? Kailangan nilang maunahan ang mga ito para mailigtas si Barbie.
"Kailangan na nating makabalik." Aligaga na sabi ni Juan.
"Pero wala na tayong pera," kumento naman ni Pedro.
Muli silang napatahimik, nag-iisip ang matalinong si Pepe. Sa ganitong sitwasyon, ang mga plano niya ang palaging solusyon. Ang matalino at walang gasgas nitong utak ay kailangan ngayon.
"Tama!" Sigaw nitong akala mo ay may bumbilya na biglang umilaw sa itaas–bumbilya na pundido. Nakaangat pa ang isa niyang daliri, walang dudang isa itong henyo.
"Alam ko na ang gagawin, ibebenta natin ang cellphone na binigay sa 'yo Juan." Malawak ang ngiti nito. Ilang saglit pang nakakunot ang noo ni Juan, bago nito inilabas. Nakasuksok kasi ito sa kaniyang brief, para raw hindi mawala.
"Amoy pritong itlog." Amoy pa rito ni Pepe.
"Bilisan na pala natin," aya ni Pedro. Atat na atat na nga talaga siya, hindi mo alam kung kay Barbie ba siya nag-aalala o gusto lang talaga niyang nakita ang kaniyang Kitty?
Umakyat na silang muli at nagtungo sa palengke. Maraming tao ngayon doon dahil market day.
"Ate Cellphone, mura lang. Bago lang 'to." Alok ni Pepe sa isang babae. Umirap lang ito sa kanila at umalis.
Mukhang mahihirapan silang mabili ang cellphone na ito, bukod sa walang pumapansin ay iniiwasan sila. Parang hinuhusgahan ang mga ito na snatcher at ang cellphone na binibenta ay nakaw lang. Wala kasi itong charger, mamaya ay biglang tumawag ang may-ari nito at sila pa ang mapahamak.
Kahusga-husga rin naman sila, lalo na si Pepe. Parang hindi katiwa-tiwala ang mukha nito, pogi naman sila pero ngayon ay marusing na. Dahil siguro sa pagtulog nila sa ilalim ng tulay.
"Mukhang walang gustong bumili," angal ni Juan.
"Palpak ata ang plano mo," dagdag pa ni Pedro.
Dahil sa inis, agad na nakatikim ng malutong na batok ang dalawa. Napainda sila at napahawak sa ulo, masakit ang ginawang iyong ni Pepe.
"Mahirap ito malamang, common since naman." Problemadong paliwanag ni Pepe. Dahil walang magawa ang dalawa, nakinig na lang sila sa paliwanag nitong matalino nilang kaibigan.
May mga sinasabi siya pero hindi talaga maintindihan ng dalawa, iba-iba talaga sila ng utak. Hindi abot ang pag-iisip ng iba, pero patuloy nilang iniintindi ang isa't isa.
"Humingi na lang kaya tayo ng tulong kay Ken?" sabi pa ni Juan. Dahil dito, parang lumiwanag ang langit at tila itinuro ito. Umawit ang mga anghel na nagsasabing, si Juan na ang papalit kay Pepe. Mukhang ngayon, siya na ang mas matalino.
"Tama, mabuti naman nakakapag-isip ka na. Nagiging matalino ka na like me." Pagyayabang pa rin nitong si Pepe. Mahangin din pala ang Pepe na mabantot.
"Tara na pala," aya ulit ni Pedro.
Mabilis silang tumakbo, pero agad din namang napahinto si Juan at parang may iniisip. Sa wakas, marunong na silang mag-isip.
"Bakit ka ba huminto?" Tanong ni Pepe.
"Wag na tayong tumakbo, baka mahulog ang pera natin." Pag-aalala ang mababakas sa mukha nito.
"Tama ka nga." Sabay tango ng dalawa.
Dahil ayaw nilang hulog ang pera nila, dahan-dahan silang lumakad. As in dahan-dahan na para silang isang magnanakaw sa gabi, walang ingay na marinig. Nakatingin ulit sa kanila ang mga tao, buong pagkataong hinuhusgahan ang mga ulaga. Daig pa kasi ng mga ito ang naka-drugs.
Ilang saglit pa ay huminto ang mga ito, may biglang pumasok sa isip nila. Sabay-sabay silang umayos ng tayo, mukha atang iisa lang ang pumasok sa mga walang gasgas na kokote ng tatlong ulaga.
"Pero wala tayong pera, anong malalaglag?" Kumunot naman ang mga noo nila.
"Oo nga pala." Sabay kamot ni Pedro sa kaniyang ulo. Depende kung saang ulo, basta kumamot siya.
"Tara na nga lang, pero 'wag na tayong tumakbo." Reklamo pa ni Juan. Puro naman talaga siya reklamo, kaya nga lumayas ito sa bahay ampunan dahil nagrereklamo sa lasa ng sinigang na may bayabas.
"Maglakad na lang tayo while walking," sabi pa nitong Englishers na si Pepe. Dahil siya ang leader siya ang sinusunod, saludo talaga palagi rito ang dalawa. Matalino at maaasahan pa, mabilis gumana ang utak pero hindi naman sinabing tama palagi ang desisyon.
Lumakad sila patungo sa terminal, ngayon ay naroon na si Ken. Poging-pogi talaga ito, mukhang mabango hindi katulad nila na kahit bagong ligo ay amoy bulok.
"Ken! Ken! Ken!" Tawag nilang tatlo. Halata naman sa mukha nitong pogi ang gulat.
"Anong ginagawa niyo rito? Akala ko ba kasama niyo si Barbie?" Nakakunot noo na tanong nito, pero bakit kapag si Ken ang nakakunot na noo ay bagay? Parang isang action star, iba talaga kapag pogi. Itong mga ulaga parang mga gagawa ng masama.
"Makinig ka! Si Barbie nasa panganib!" Alog ni Pepe sa balikat nito.
"Ano? Nasaan siya?" Gulat nitong tanong. Umayos lalo ang tindig nito, kulang na lang ay lumipad siyang parang si Superman para lang mailigtas ang baklitang feeling maganda.
"Tulungan mo kami, sumama ka na rin kung gusto mo. Babalik tayo sa mansion," sabi pa ni Juan.
"Oo sasama ako." Matapos itong sabihin ni Ken ay may isang malakas na dagungdong–sound effects ito para sa intense scene. Nakatanaw ito sa malayo, isa nga itong tunay na maginoo, ang knight in shining armor ni Barbie.
Ano na kaya ang balak nila? Sino kaya ang mauuna sa kanila? Ang mga pangit na malalaking tiyan at naka leather jacket kahit mainit ang panahon, o ang tatlong ulaga kasama ang poging-pogi na si Ken?
Sa kabilang banda, nakarating na ang dalawang magkaibigan sa mansion. Pero patago silang nagpunta roon, may alam na daan si Barbie dahil doon siya dumaraan kapag tumatakas sa kaniyang ama.
Ang lagusan na ito ay papunta sa kulungan ng mga kabayo.
"Dito talaga?" Angal pa ni Kitty.
"Alam mo, kung malilingat lang ako saglit mahihirapan akong makilala kung sino ang totoong Barbie, kamukha mo ang mga kabayo." Pamamangha ni Kitty. Tuwang-tuwa talaga siya, dahil carbon copy ng mga ito si Barbie. Hindi maikakailang pag-aari nila ang mga ito.
"Gusto mo maging kamukha ka rin namin?" Pandidilat nito.
"Ayoko nga." Maarteng sagot nito. Nakapilantik ulit ang mga kamay at kumukurap ang mga mata. Ang arte nito lalo na ngayong bagong kabit ang kaniyang fake eyelashes.
Hindi pa pala siya maaaring magpakita kay Pedro, kailangan pa muna niyang samahan ang kaibigan at ayusan ito para sa party. Mamaya lang din naman ay makikita na niya ang kaniyang mahal na Pedro.
"May pagkakaiba rin pala kayo ng mga kabayo rito," sabi pa ni Kitty habang inaayusan itong si Barbie.
"Ano naman?" Pilit nitong tanong.
"Sila makinis, maganda at mabango. Ikaw, parang lubak na kalye ang mukha. Parang under construction pa." Walang pasintabi nitong sabi.
"Ay ganda mo diyan." Pikon na wika ni Barbie.
Wala naman masama sa sinabi ng kaniyang kaibigan, totoo lamang ito. Pero mukhang na hurt ng very light ang feelings nitong si Barbie.
"Ako na mag-aayos sa sarili ko." Attitude naman pala ang feeling maganda na ito.
"K." Tipid na sabi ni Kitty at umupo na, mag-aayos na rin ito. Hindi naman pwedeng sila lang ang maganda, sayang naman ang 300 pesos niya para ipakabit ang pilik-mata na ito. Isa pa, naroon ang kaniyang prinsepe.
Tanghali pa lang ay nag-aayos na ang mag-ina, habang si Empress Shocking ay inaayusan ng mga make-up artist galing France. Lumabas muna si King Chiu para kausapin si Alden Dinagcharge. Parang lantang gulay ito, parang palaging lowbat kung kausap.
"Madam, maayos na po ang lahat," sabi pa nitong walang kabuhay-buhay.
"Masaya ka sa party?" Nakangiwing tanong ni King Chiu.
"Sobrang saya." Pumapalakpak pa ang mga kamay nito, pero wala talagang kabuhay-buhay, walang sigla at walang energy. Kung sa battery ito, 1% na lang siya.
"Parang gusto ko tuloy umiyak sa sobrang tuwa mo." Sarkastikong sabi ni King Chiu. Nakakahawa kasi ang lungkot ni Alden Dinagcharge. Parang mawawalan ka rin ng energy kapag kausap ito, daig pang palaging may malungkot na music sa paligid.
Parang namatayan ng feelings.
"Ang DNA result, ilapit mo sa akin mamaya. Paniguradong mayayari na ang mga ispongklong na iyon." Humahalakhak na wika nito. Sa tuwing tatawa siya ay talagang kumukulog kahit pa sobrang init ng araw.
"Kamahalan!" Naputol lang ito sa aligagang tawag ni Ivana Aliwin.
"Kamahalan! Nawawala sina Juan, Pepe at Pedro." Hingal na balita nito.
Nanlaki ang mga mata ni King Chiu sa kaniyang narinig, nangingitngit ang mga ngipin nito sa inis. "Hindi maaari! Hindi sila pwedeng mawala sa party!" Inis na sigaw nito. Galit na galit talaga siya, hindi maaaring matuloy ang party kung wala ang mga ito. Sila ang sentro ng party, para saan pa ang party kung hindi maipapakita ang DNA result?
"Ibalik niyo sila!" Utos pa nitong umalingawngaw sa buong paligid.
Kailangan talaga nito ang tatlo, hindi siya magiging masaya sa party. Hindi pwedeng masayang ang lahat ng gastos niya, kaya kailangan talaga nitong makita ang tatlong ulaga.
Wala na ang twist sa party kung hindi mapapahiya ang tatlong kumag sa resulta ng fake DNA test.
"Sa palagay ko mas masaya ang party kung may kaguluhang magaganap." Kausap ng isang mala-dwendeng bata sa kaniyang hawak na bulaklak.
Si Kathryn Bermuda ay nakatanaw lang mula sa malayo, tanaw nito ang galit na si King Chiu, pero wala siyang pakialam.
Tumawa ito sa kausap niyang bulaklak. Mukhang may binabalak din ito sa party. Hindi lang pala si King Chiu ang may ilalabas, mukhang mas malala pa ang nais gawin nitong si Kathryn.
Tahimik ngunit tunay na nakakatakot.
Anong klaseng pagkatao ang bumabalot sa mga nakatira sa mansion na ito? Tila lahat ay may kakaibang lihim na itinatago.
Ano na nga kaya ang kahihinatnan ng magaganap na party?
Anong kaguluhan ang sinasabi ni Kathryn Bermuda?
At sa pagbabalik ng ultimate ugly of the whole universe, ano na ang mangyayari?
Makakahabol nga kaya sa party ang tatlong ulaga kasama si Ken?

Komento sa Aklat (431)

  • avatar
    Naddie

    good job in writing this story, author 😊

    20/04/2022

      1
  • avatar
    UniqueToh826

    Nice story. Keep it up po.❤❤

    20/04/2022

      2
  • avatar
    Sharamae

    Very Nice story💙 Keep writing po😊

    20/04/2022

      2
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata