Chapter 25

Lumipas ang buong magdamag na wala pa ring balita tungkol kay Aurelian. Ang bawat segundo ay parang oras, at bawat oras ay parang taon. Nakaupo ako sa gilid ng kama sa kwarto ni Nanay Melanie, yakap-yakap ang maliit na kumot ni Aurelian. Amoy pa rin niya, at iyon lang ang nagbibigay sa’kin ng kahit kaunting lakas para hindi tuluyang gumuho.
Sa labas ng bintana, naririnig ko ang banayad na hampas ng hangin sa mga dahon at tahol ng aso paminsan-minsan. Pero sa loob ko, puro kaba at takot ang nararamdaman ko. Nakatulog ako sa sobrang pagod, pero hindi tuloy-tuloy — bawat ingay ay nagpapagising sa’kin, umaasang baka may tawag na magdadala ng magandang balita.
Umaga na. Tahimik ang bahay, pero may mabigat na enerhiya. Lumabas ako at nakita si Whrix sa sala, nakayuko, hawak-hawak ang cellphone niya. May mga pulis pa ring abala, nagsusulat, at nakikipag-usap sa isa’t isa.
Biglang tumunog ang cellphone ni Whrix. Napalingon agad ako. Saglit siyang tumingin sa akin bago niya sinagot.
 “Nash?” mabilis na tanong ni Whrix, halos mabasag ang boses niya sa kaba.
“Bro… may nakakita kay Aurelian,” sagot ni Nash sa kabilang linya. Malakas ang pintig ng puso ko habang nakikinig.
 “Saan?!” halos pasigaw na tanong ni Whrix.
 “Sa park. Yung park kung saan siya huling nakita.”
Hindi na kami nag-aksaya ng oras. Lumabas kami ng bahay at sumakay sa sasakyan ni Nash na nasa labas na pala, hinihintay kami. Habang bumabyahe, wala ni isa sa amin ang nagsalita. Naramdaman ko ang kamay ni Whrix na marahang humawak sa kamay ko isang tahimik na mensahe na 'kaya natin ito.' Pero kahit anong pilit kong kumalma, naninigas ang mga daliri ko sa kaba.
Pagdating namin sa park, bumungad agad sa’kin ang eksenang hindi ko malilimutan. Sa isang gilid, sa ilalim ng lilim ng puno, nakita ko si Aurelian umiiyak, at mahigpit na hawak ng isang babae.
“Elisa…” mahinang bulong ni Whrix, pero dama ko ang bigat ng pangalan na iyon.
Siya? Iyong dahilan kung bakit kami nagka gulo ni Whrix noon? Siya? Iyong dahilan kung bakit nasaktan kami noon. Pero ibang iba na ang itsura niya kumpara noon, gusot ang buhok niya, puno ng dumi ang damit, at may kakaibang kislap sa mata na parang wala sa sarili. May galos ang pisngi niya at sugat sa labi. 
“Mama!” sigaw ni Aurelian nang makita ako, pero lalo siyang hinigpitan ni Elisa. 
“Huwag kang lalapit!” sigaw ni Elisa, boses niya magaspang, puno ng takot at galit.
Lumapit si Nash at Whrix, maingat, parang nakikipaglapit sa isang mabangis na hayop.
 “Elisa, makinig ka,” malumanay na sabi ni Whrix, pero ramdam ko ang pagpipigil niya sa sarili.
 “Bitawan mo si Aurelian. Hindi ka namin sasaktan.”
Tumawa si Elisa. Hindi yung tawa ng masaya, kundi yung tawa ng isang taong halos mabaliw.
"Walang gumawa ng masama sa’yo, Elisa,” singit ni Nash, mababa ang tono. “Kung may problema, ayusin natin, pero hindi mo kailangang idamay ang bata.”
Pero parang wala na siyang naririnig. Napatingin siya kay Aurelian at hinaplos ang buhok nito, pero sa halip na banayad, may halong panggigigil.
 “Ang bait-bait ng anak mo, Whrix… pero sayang, hindi siya para sa’yo,” bulong niya na halos ikabali ng puso ko. 
"Paano kung tayo ang nagka tuluyan noon, Whrix. Edi sana hindi mangyayari ito." 
Gusto kong sumugod, agawin si Aurelian, pero ramdam kong baka lalong masaktan ang anak ko. Kaya nanatili ako sa lugar, nanginginig sa takot at galit, habang pinagmamasdan si Whrix na sinusubukan pang magpaka-kalma.
 “Elisa… dati kang kaibigan,” sabi ni Whrix, mas mabagal na ngayon ang bawat salita niya. “Hindi ko alam kung ano’ng nangyari sa’yo, pero huwag mong gawing kasalanan ng anak ko ang sakit na nararamdaman mo.”
Hindi ko na kayang pigilan ang luha ko. Seeing Aurelian crying, his small shoulders shaking as Elisa gripped him tighter, was a pain I couldn’t even describe. Para bang lahat ng dugo sa katawan ko ay umakyat sa ulo ko, galit, takot, at desperasyon na lahat-lahat na.
“Mama!” sigaw niya ulit, umiiyak, pilit umaabot sa akin.
Pero hindi ako makalapit. Bawat galaw ko ay tinitigan ni Elisa, para bang handa siyang gawin ang kahit ano para hindi siya bitawan.
Biglang may tunog ng sirena mula sa di kalayuan. Dumating na ang mga pulis, mabilis na bumaba mula sa patrol car at lumapit sa amin, pero pinigilan sila ni Nash gamit ang kamay niya.
 “Dahan-dahan lang, baka lalong magwala,” bulong niya sa isa sa mga pulis.
Tumingin si Elisa kay Whrix. Ang mga mata niya ay puno ng luha at galit na halo-halo.
“Whrix…” mahina pero malinaw niyang sabi. “Sumama ka sa’kin. Gusto ko tayo lang… wala siya, wala ang iba.”
Parang tumigil ang oras. Tumingin sa akin si Whrix mabilis pero puno ng mensahe. Hindi niya kailangan magsalita para maintindihan ko.
“Oo… Elisa,” mahinang sagot ni Whrix, dahan-dahang lumapit. “Sasamahan kita… basta pakawalan mo muna si Aurelian.”
Kumurap si Elisa, tila nag-aalinlangan. Pero sa huli, marahan niyang itinulak si Aurelian papunta kay Nash. Agad na sinalo ni Nash ang anak ko, itinakbo siya palayo at iniabot sa mga pulis sa gilid.
Nang makita kong ligtas na si Aurelian, muntik na akong mawalan ng lakas sa tuhod. Pero bago pa ako makalapit sa kanya, may narinig akong click at nang lingunin ko, nakita kong may baril si Elisa… at nakatutok ito kay Whrix.
“Hindi mo ako iiwan ulit,” nanginginig niyang sabi, habang tumutulo ang luha niya. “Kapag iniwan mo ako… mas pipiliin kong mawala ka kaysa makita kang kasama siya.”
Nanigas ang buong katawan ko. Parang naputol ang hininga ko habang pinagmamasdan si Whrix na nakatayo lang, walang galaw, nakatingin kay Elisa.
“Elisa… tingnan mo ako,” malumanay pero mabigat ang tono ni Whrix. “Hindi kita iiwan sa ngayon… pero hindi ito ang paraan. Hindi baril ang sagot sa sakit mo.”
Huminga siya nang malalim, dahan-dahang lumapit pa ng isang hakbang.
 “Alam ko… nasaktan kita noon. Alam ko, may mga bagay akong hindi maibabalik. Pero hindi ibig sabihin nito ay sisirain natin ang buhay ng iba. Lalo na ng bata.”
Nakatingin lang si Elisa sa kanya, nanginginig ang kamay habang hawak ang baril. Unti-unti, parang bumabagsak ang depensa niya.
“Mahal kita, Whrix,” bulong niya, halos hindi marinig. “Simula noon… hanggang ngayon. Kahit wala ka na sa tabi ko, kahit may iba ka na… ikaw pa rin.”
Napapikit si Whrix, kita ko ang bigat ng emosyon sa mukha niya. Hindi ko alam kung dahil sa awa, guilt, o takot. Pero marahan siyang umabot sa kamay ni Elisa.
 “Kung mahal mo talaga ako… hayaan mo akong ayusin ang lahat. Hayaan mong tulungan ka,” sabi niya.
At sa dahan-dahan na galaw, bumitaw si Elisa. Ang baril, nahulog sa damuhan. Kasabay ng pagbagsak noon, bumuhos na rin ang luha niya.
Dalawang pulis ang mabilis na lumapit at kinuha si Elisa, dahan-dahan siyang inalalayan papunta sa patrol car. Hindi siya lumaban, nakayuko lang at patuloy na umiiyak. Narinig ko ang isa sa mga pulis na nagsabing dadalhin muna siya sa ospital para masuri hindi lang sa sugat kundi sa kondisyon ng pag-iisip niya.
Nang mawala sila sa paningin ko, saka ako tumakbo kay Aurelian. Agad ko siyang niyakap, halos durugin ko sa higpit.
“Anak… anak ko…” paulit-ulit kong bulong habang hinahalikan ang ulo niya. “Pasensya na… pasensya na kung natakot ka.”
 “Mama… natakot po ako,” umiiyak pa rin siyang sabi. “Gusto ko po umuwi.”
Pinahid ko ang luha niya at hinawakan ang maliit niyang mukha. Sinipat ko bawat bahagi ng katawan niya braso, leeg, tuhod, hinahanap kung may sugat o pasa. May konting gasgas sa tuhod niya, pero wala namang malubha.
“Wala ka bang masakit, anak? May ginawa ba siya sayo?” tanong ko, pilit na kalmado ang boses.
“Wala po… pero iyak lang po ako nang iyak kasi gusto ko kayo makita,” sagot niya, halos pabulong.
Humarap ako kay Whrix. Kita ko rin sa kanya ang pagod at ginhawa na magkahalo. Lumapit siya at niyakap kaming dalawa, mahigpit. Walang salita, pero ramdam ko ang bigat ng pasasalamat niya na ligtas na ang anak namin.
Pag-uwi namin sa bahay ni Nanay Melanie, hindi na kami nag-aksaya ng oras. Tumawag agad ako sa family doctor para matingnan si Aurelian. Pagdating niya, sinuri niya ang anak namin mula ulo hanggang paa.
“Walang major injuries, pero obserbahan niyo siya sa susunod na mga araw,” sabi ng doctor. “Kung may biglaang pagbabago sa kilos o pananalita, dalhin agad sa akin. Maaaring may trauma, at kailangan din ng emotional support.”
Tumango ako at pasimpleng pinahid ang luha ko. Kahit ligtas na si Aurelian, alam kong may sugat sa puso at isip niya na hindi basta mawawala.
Sa gabing iyon, pinatulog namin siya sa gitna naming mag-asawa. Hinawakan ko ang kamay niya hanggang sa makatulog siya, at doon ko lang naramdaman ang totoo na kahit ligtas na siya, hindi ko makakalimutan ang takot na baka hindi na namin siya makita

Komento sa Aklat (10)

  • avatar
    PlusCeline

    1,000,000,000,000,000,000,000,000,000,000,000,000,

    15/10/2024

      0
  • avatar
    Chin18

    very nice story guys, recommended to you!

    07/06/2024

      0
  • avatar
    Erica Ferrer Baral

    good

    16/05/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata