Part 40 - Bago

Pagkaraan ng isang buwan.
"Sir, puwede po ba makausap kayo sandali?" Hiling ni Minggay sa guro. Sampung minuto na ang nakakalipas nang matapos ang klase nila.
Hinubad ni Minggay ang kuwintas na may susi na pendant at ipinakita iyon kay Mr. Aragon. "Naaalala niyo pa ba 'to? 'Di ba po ang ganda? Nakita niyo na po 'to, 'di ba? Tingnan niyo pong maigi. Ayan po. Titigan niyo po."
Marahang idinuyan-duyan niya ang kuwintas. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan. Ang nakasabit na pendant na susi, kumikislap sa tuwing nasisinagan ng papalubog na araw mula sa bintana. "Bakit... Na... Sa'yo... 'Yan?"
Nabitawan ni Mr. Aragon ang hawak na libro at unti-unting nawala ang tensyon sa kanyang mga balikat. Ang mga tupi niya sa noo ay pumatag at ang mga mata ay tumigil sa pagkurap.
"Ganyan nga po, Sir. I-relax niyo lang po ang katawan niyo. Masarap pong magpahinga paminsan-minsan. Nakakapagod po ang puro trabaho," udyok ni Minggay. Hini-hypnotize niya ang teacher matapos malaman mula kay Nana Conrada ang tunay na lagay nito. Tinuruan siya ng matanda kung paano ito gawin base sa nakita nito kay Father Tonyo noon. Mga isang linggo niya itong inensayo sa mga kapatid bago niya na-perpekto ang technique. Mukhang tumalab naman dahil nasa estado na ngayon si Mr. Aragon na kung tawagin ay Hypnagogia. Nasa pagitan na siya ng pagiging tulog at gising. Mula rito, madali na lang kay Minggay ang ma-manipula ang kanyang subconscious.
"Pagpitik ko ng daliri, hindi mo na maaalala ang lugar na ito at ang lahat ng nangyari sa'yo dito. Pero magbabalik sayo ang lahat ng alaala ng pamilya at mga kaibigan. Pagpitik ko ng daliri, hindi mo na maaalala ang lugar na ito at ang lahat ng nangyari sa'yo dito. Pero magbabalik sayo ang lahat ng alaala ng pamilya at mga kaibigan. Pagpitik..." paulit-ulit na sinasabi iyon ni Minggay. Mga sampung beses. Para lumubog nang husto ang mga utos niya sa kamalayan ng guro.
"Isa... Dalawa... Tatlo!..." At pinitik ni Minggay ang mga daliri. Sandaling isinara at pagkatapos ay idinilat ni Mr. Aragon ang mga mata.
Umiling-iling muna ito."Okay. Then I guess that's it. Class is over. Thank you and see you again tomorrow," ang sabi lang sa kanya ng guro. Wala itong matandaan na kahit katiting sa ritwal na ginawa ni Minggay sa kanya.
"Yes po. Thank you rin po ang ingat po kayo pag-uwi," nakangiting sagot ni Minggay. Sabay nilang isinuksok ang mga gamit sa loob ng kani-kanyang bag.
Naunang lumabas ng study room si Mr. Aragon at mariin nitong ipininid ang pinto. Iyon na ang huling beses na makikita niya ang guro. May lungkot siyang naramdaman dahil naging magaling at mabuti ito sa kanila ni Mary Beth at Lila. Siguradong magiging ganoon din sana ito sa kanyang mga kapatid. Pero kailangan na nitong makalaya sa sumpang ipinataw sa kanya ni Father Tonyo. Ayaw na rin ni Minggay na humaba pa ang pagdurusa na nararanasan marahil ng mga mahal niya sa buhay. At ang pinaka-importante sa lahat, gustong protektahan ni Minggay ang lihim ng simbahan at Casa Del Los Benditos. Mas kaunting tao ang nakaaalam, mas makabubuti para sa kanilang lahat.
+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+
"Sa susunod na linggo na raw ang dating ang bagong pari. Galing pa raw sa Vatican." Kaninang alas-sais pa ng umaga nililinis ni Nana Conrada ang mga kuwarto sa second floor ng bahay ng mga Vera-Real. Dito na titira si Minggay kasama ng mga kapatid niya. Binili niya ang bahay gamit ang ilan sa mga naiwang alahas ni Father Tonyo sa kanyang safe deposit box. Nakapangalan ito sa Mama Linda nila na kasalukuyang nagpapahinga sa may veranda sa likod. Menor de edad pa kasi si Minggay kaya sa ina-inahan muna nila ito pansamantalang inilista. Hindi na nagsasalita si Mama Linda at halos gulay na ang lampas kalahati ng kanyang katawan.
"Ah, gano'n po ba? Nakahanda na po ba 'yung magiging kuwarto niya sa baba? "Di ba po yung magiging kuwarto niya yung dati naming kuwarto nila Lila at Mary Beth. Naayos na po ba 'yun?"
Tinambakan na kasi nila ng kung ano-anong abubot ang mga kuwarto ng dalawang pari isang araw matapos bumisita ang mga kamag-anak ni Father Tonyo sa Casa para itanong kung nasaan na siya at kung bakit dalawang linggo na itong hindi nagpaparamdam sa kanila. Ang idanahilan ni Nana Conrada at Manong Jerry ay nagtanan ito kasama si Father Eman papunta sa ibang bansa. Matagal na raw may lihim na relasyon ang dalawa. Hindi sigurado si Minggay kung bumenta ang dahilang iyon sa mga kaanak. Basta ang alam niya, kinuha na lang ng mga ito ang natitira pang gamit at sasakyan ni Father Tonyo. Simula nu'n, wala na silang narinig sa kanila.
"Ay oo. Napa-renovate na,ineng. 'Yung chandelier at yung mga wall lights nilipat na lang din namin sa magiging kuwarto niya. Bale, kasing laki na ng tatlong kuwarto 'yung tutulugan niya roon at mas pinaganda pa namin para alam mo na... para hindi na siya mainip at maisipang maglibot-libot sa loob ng bahay. Lalo na sa second floor. Kakarating lang din ng bagong pridyider niya at yung jacuzzi para sa banyo, sisimulan nang ilagay 'yun bukas. 'Yung TV, kinabitan na rin ng cable kanina." Napaupo si Nana Conrada sa bangko. Madali na siyang mapagod, hindi tulad dati na kaya niyang rumatsada sa buong araw nang walang pahinga. Napansin niya ang malaking puno ng Banaba na kasalukuyang sinasandalan ni Minggay. "Eh, itong puno, 'di mo ba papaputol? Nakaharang sa view ng bintana sa taas. Sayang naman at hindi makikita ng mga kapatid mo ang ganda ng langit."
Nabigla si Minggay sa suhestyon ni Nana at naibuga niya ang iniinom na pineapple juice. "Ay Nana, hindi po! Hayaan mo na po silang walang view doon. Basta itong puno, dito lang po siya."
Hindi na muling gumalaw si Tangkad simula noong insidente nila kasama ang tiyuhin. Araw-araw siyang kinakamusta at kinakausap ni Minggay pero, wala talaga. Kinumbinsi na lang ni Minggay ang sarili na baka dahil lang iyon sa mahika ng kuwintas na suot niya. O baka naman gagalaw lang si Tangkad kapag siya ay nasa panganib. Pero, kung ano't ano man, para kay Minggay, isang prebelehiyo at karangalan ang masaksihan iyon.
+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+
Bandang alas dos ng hapon, habang nilalampaso ang hagdan ng Casa Del Los Benditos, gaya ng lagi niyang ginagawa sa simula't-simula, naabutan ni Father Merlindo "Mer" Fabian si Minggay na subsob sa pagpapakintab ng sahig. Kung tutuusin, hindi na niya kailangang magpaka-alipin. Pero kailangan niyang magpanggap. Kailangan dahil siya ang "bantay" at ang bantay dapat laging malapit sa "binabantayan".
Naka-puting polo shirt si Father Mer na naka-tuck in sa itim nitong slacks na pantalon. Ang suot niyang sapatos ay mumurahing rubber shoes at mayroon siyang ngiting pang-bente anyos kahit na ang totoong edad niya ay naglalaro na sa pagitan ng kuwarenta 'y singko hanggang singkwenta.
Maraming mga gabi na niyang pinag-iisipan, kasama si Nana Conrada at Manong Jerry, kung ano ang gagawin sa bagong dating na pari. Sasabihin ba nila ang totoo tungkol sa lagusan? Gagawin ba nila itong alay kay Serberus? Hindi! Hindi puwede. Nangako si Minggay na tanging dugo ng masasamang tao lang ang puwede niyang gawing alay.
Eh, kung idaan na lang kaya siya sa hipnotismo tulad ng ginawa kay Mr. Aragon?
Saka, paano kung madiskubre ng bagong salta ang katawan ng dalawang pulis na nakalibing sa paanan ng punong mangga sa may tore? Baka isuplong at makulong sila. Paano na ang mga kapatid niya na ngayon pa lang nararanasan ang kumain nang tatlong beses isang araw?
"Kumusta?" Bati ni Father Mer.
Hindi agad napansin ni Minggay ang nakalahad na kamay ng pari dahil sa dami ng iniisip. Kailangan pa siyang kalabitin ni Nana Conrada. "Huy! Kumusta raw sabi ni Father."
"Ay, Father sorry po. Ako po pala si Melanie. Minggay na lang po nickname ko. Apo po ako ni Nana... Ah, este, Lola Conrada."
"Ah ito pala ang apo mo. Napakabait naman at hapon na'y naglilinis pa rin," natatawang sabi ng pari habang nililibot ng tingin ang buong bahay. "You know, for a very old house, I'm surprised that this is very much well maintained."
Sinamahan nila Nana Conrada at Minggay na mag-ikot si Father Mer sa Casa Del Los Benditos. Inuna nila ang mga bakuran sa labas, ang tulugan nilang mga kasambahay at ang napakagandang hardin.
Pagkakuwan, pumasok ulit sila sa loob at nagulat ang dalawa nang pumihit pa-kaliwa ang pari para umakyat sa ikalawang palapag. Akala nila ay didiretso ito sa bagong gawang silid.
"Father... Ummm... Baka gusto niyo po munang magpahinga sa kuwarto niyo. Ang init-init pa naman kanina sa labas. Dalhan ko na lang po kayo ng buko juice doon," biglang sabat ni Minggay.
"No, I'm fine."
"Eh Father, ano po kaya kung kumain muna kayo? Hainan ko na po kayo at baka lumamig na 'yung pagkain," salo naman ni Nana Conrada.
"Maybe initin na lang later. Busog pa ako eh." Nagpatuloy sa pag-akyat ang pari.
Tarantang nagkatinginan sina Minggay at Nana Conrada. Hindi alam ang gagawin. Plano talaga kasi nilang selyuhan na sana ang ikalawang palapag. Gagawa na lang sila ng sikretong daanan para mabisita ang santo doon, pero kinapos sila ng oras para ito ay maisakatuparan. Isa pa, kailangan ng mga karagdagang tao para gawin iyon, hindi siya kakayanin ni Manong Jerry nang mag-isa. Pero hindi na rin 'yon natuloy dahil naisip nila na sa bawat tao, sa bawat karpinterong papanhik sa itaas, mas lumalaki ang tsansa na madiskubre nila ang nakatagong lagim doon.
Narating na nila ang tuktok ng hagdan at unang-una napansin ni Father Mer ang pintuan sa dulo ng pasilyo. "Kaninong kuwarto 'yon?"
Wala sa kanilang dalawa ang agad na nakasagot. Sabay pa nga yata silang napalunok ng laway. Kay Serberus po, ang gusto sana nilang sabihin. Bigla, may mabilis na kidlat ng ideya ang gumuhit sa kokote ni Minggay. Ililihis niya ang atensyon ng pari.
Humakbang siya paatras hanggang sa marating niya ang gilid ng unang baitang ng hagdan at pagkatapos sinadya niyang inihulog ang sarili mula rito. Nagpagulong-gulong si Minggay pababa. Nagsisisigaw na hinabol siya ni Father Mer at Nana Conrada.
"Ay! Diyos ko po!"
"Please call the ambulance. Now!" Utos ng pari sa matanda. "Hey! Okay ka lang?"
Hindi naman talaga nasaktan si Minggay. Eksperto na siya sa ganito. Gawain na niya kasi ito noon pa sa tuwing nasusukol ng taumbayan na humahabol sa kanya pagkatapos niyang mang-snatch ng bag. Alam na niya paano proteksyunan ang sarili at kung ano ang tama at maling posisyon ng pagbagsak.
"Father, okay lang po. Medyo masakit lang po ang paa ko. May nabali po yata akong buto," daig talaga ni Minggay ang karamihan sa artista pagdating sa pag-arte. Pangarap niya talaga kasing sundan ang mga yapak ni Judy Ann. "Father, bodega na lang po yung mga kuwarto na nasa taas. Matagal na pong walang nakatira d'yan. Plano na nga po sana nila Father Tonyo dati na takpan ng plywood 'yung second floor kasi po takaw-disgrasya raw po, lalo na 'yung hagdanan. Lahat po kami nahulog na d'yan."
Pangiwi-ngiwi pa kunwari si Minggay.
"S'ya nga? Oo, sige hayaan mo't bukas na bukas eh tatakpan na natin 'yan at nang wala ng magkamaling umakyat. Darating pa naman ang ate ko sa makalawa. Balak ko pa naman sana na doon muna siya patuluyin. Pero sige. May malapit naman sigurong hotel dito. Doon na lang muna siya. Kaya mo bang tumayo? Teka, kuha lang ako silya."
Nakahinga nang maluwag si Minggay. Kinagat ng pari ang naisip niyang palusot. Pero hanggang kailan? Hanggang saan ang kaya nilang gawin para itago ang demonyong nakatira sa itaas?
Bahala na.
Sa ngayon, iniisip ni Minggay kung paano ba umarte ang isang pilay.
WAKAS...

Komento sa Aklat (92)

  • avatar
    Porfyra

    the amount of times i mouthed "oh hell nah" throughout this book 😄 this is so good! so lucky i found this one sa pagbabalik ko rito sa app. very well-written too! kaya naman pala ang init sa pilipinas. eme!

    03/09

      0
  • avatar
    RedondoAlexis

    ang Ganda ng kuwento

    25/10/2025

      0
  • avatar
    Melvin Dump

    sobrang ganda at ang gandang basahin

    30/04/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Tapusin

Mga rekomendasyon para sa iyo