Homepage/Ang Santo Sa Likod Ng Pinto/
Part 39 - Ugat
Nilakad-takbo ni Minggay ang daan papunta kay Tangkad. Hindi na siya nagtakip ng mukha gaya ng ginagawa niya noon sa tuwing mapapadaan sa lugar nila. Wala na siyang pakialam kung may makakilala sa kanya. Una, dahil nasa ospital na rin naman si Mama Linda. At pangalawa, wala na rin siyang pakialam sa kung ano ang kayang sabihin at gawin sa kanya ng ibang tao. Sa tindi nang pinagdaanan niya nitong mga nakalipas na araw, wala na siyang panahon para isipin pa ang mga isyu nila sa kanya.
O baka kaya rin naman malakas ang loob niya ay dahil sa enerhiyang dumadaloy sa kanya na nagmumula sa suot niyang kuwintas. Hindi niya eksaktong maipaliwanag kung anong klaseng enerhiya ito, pero nararamdaman niya ito sa kanyang sistema na para bang kaya niyang lumipad, bumuhat ng gusali o gumawa ng mga ilusyon. Sa madaling salita, parang wala siyang limitasyon sa mga kaya niyang gawin. Ito yata ang ibig sabihin ng salitang "fearless" na binabanggit sa kanya ni Mr. Aragon noon sa English class nila.
Pagdating, binuksan niya ang gate ng lumang bahay ng mga Vera-Real at pagtapak pa lang sa bakuran ay halos lumubog na ang mga paa niya sa dami ng mga nagkalat na lagas na bulaklak ng punong Banaba.
"Kumusta ka na, Tangkad?" Bati ni Minggay sa kaibigang puno. Nilapitan niya ito at niyakap. "Na-miss kita. Sobra." Nanginginig ang boses niya. Parang gusto niyang maiyak.
"Bakit parang matamlay ka yata. Teka, kuha lang ako tubig sa likod." Umikot si Minggay papunta sa may poso, malapit sa sampayan. Naghanap siya ng sisidlan o pang-salok sa mga basurang napadpad doon at nakakita siya ng bao ng niyog.
"Puwede na siguro 'to." Nilinis niya sandali ang bao at bumomba siya ng tubig mula sa poso para idilig kay Tangkad. Naka-sampung beses din nang pabalik-balik si Minggay para lang masigurong sapat ang dami ng tubig na naibuhos niya sa halaman. Mas malaki at mas mataas ang puno, mas maraming tubig ang kailangan lalo na't medyo mahaba ang tag-araw ngayon sa Villapureza. Patapos na kasi ang Hunyo pero isang beses pa lang yatang umulan sa lugar nila.
"Ayan. Medyo masigla ka na ulit. Puwede na siguro akong magkuwento." Umupo si Minggay sa dati niyang puwesto at sinumulan niya ang istorya kung saan sila huling nagtapos - sa aksidente ni Mama Linda.
Kinakausap ni Minggay ang punong Banaba na parang isang normal na tao. Hindi na niya maalala kung kailan at paano siya nagsimula maging ganito. Basta ang alam niya komportable siya kay Tangkad dahil handa itong makinig sa lahat ng himutok niya sa buhay at wala siyang panghuhusgang maririnig mula rito.
"Ate?" Naputol sa pagkukuwento si Minggay. Sino ba 'yun? Nainis pa siya nang kaunti dahil sa istorbo . Pero nawala ang inis niyang iyon nang makita ang bunsong si Caloy.
Tumayo siya agad-agad at niyakap nang mahigpit ang payat na katawan ng kapatid. "Bunsoy!"
Sandaling napalitan ng lungkot ang saya ni Minggay nang maramdaman niyang para siyang yumayakap sa kalansay. Humpak na ang mukha ni Caloy at halos nakaluwa na ang kanyang mga mata. Bakat din sa madumi at gutay-gutay niyang sando ang mga nakalitaw na buto sa kanyang tadyang.
Tulad ng dati, simula noong hindi na umuwi si Minggay sa kanila, araw-araw na pinupuntahan ni Caloy si Tangkad. Umaasa na makikita niya dito ang ate. Siya lang kasi sa magkakapatid ang nakaaalam ng paboritong tambayan ni Minggay dahil paminsan-minsan dinadala siya ni Minggay dito.
"Bakit naman ganyan ang itsura mo, ha? Ang nipis-nipis mo na. Bakit hindi ka kumakain?" Ang kumpyansa sa sarili na naramdaman niya kanina ay napalitan ng habag at pag-aalala. Tuyo at bitak-bitak din ang mga labi ni Caloy. Malamang kapos rin ito sa tubig.
"Sinasabi ko na nga ba. Kaya ang konti ng delihensya mo kasi panay punta mo rito!" Isa pang boses. Tinadyakan nito ang gate para makapasok. Lalaki at naka-black na t-shirt. Sa kamay niya, nakapulupot ang kulay brown na sinturon.
Si Iking.
Agad na tumakbo si Caloy sa likod ni Minggay at nagsumiksik doon na parang surot pagkakita sa tiyuhin. "Ate, sama na ako sa'yo," pagmamakaawa ng kapatid.
"Ming... Minggay, ikaw ba 'yan?" Inaaninag ni Iking ang babaeng kasama ni Caloy. "Naknampucha, ikaw nga! Tagal kitang hinintay ha. Nakuwento sa akin ni Ate Linda sa ospital ang usapan ninyo. Ano, na sa'yo na ba ang korona? Akin na at nang maibenta na natin."
"Wala akong dalang korona. Kukunin ko na ang mga kapatid ko. Isasama ko na sila sa simbahan!" Matigas at halos pasigaw na sabi ni Minggay.
Napakagat-labi si Kuya Iking. Lumapit ito at dinuldol-duldol ng hintuturo ang noo ni Minggay. "Hoy, ikaw kutong lupa. Anong walang korona? Anong isasama mga kapatid? Baliw ka na yata eh. Akin na ang korona kung ayaw mong magkagulo tayo dito!"
"Wala nga sabi eh!"
"Ah ganu'n?" Isang malakas na sampal ang pinawalan ni Iking sa mukha ni Minggay. Napasalampak ang dalaga sa maputik na lupa. "Ang kapal naman ng mukha mo, ano? Hindi mo na nga ginawa ang inutos sa'yo ni Ate Linda tapos balak mo pang bawiin ang mga bubwit na 'yan. Ano ka, hilo? Ang laki na ng nagastos ko sa mga 'yan!"
"Tama na po, Kuya Iking. Tama na!" Umiiyak na dinaganan ni Caloy ang kapatid para proteksyunan ito sa mga paparating pang hambalos at suntok.
Hinatak ni Kuya Iking si Caloy para paghiwalayin sila ni Minggay at saka niya ito kinaladkad pauwi. "Halika nga ritong bata ka. Putragis ka, pinagod mo pa 'ko. Hoy ikaw!" - kay Minggay. "Kung gusto mo pang makita mga kapatid mo, kunin mo ang korona at bumalik ka sa amin. Kung wala ang korona, kalimutan mo nang may mga kapatid ka," dagdag na habilin ni Kuya Iking habang sinasabunutan ang nanlalaban na si Caloy.
Biglang nadapa si Kuya Iking. Pumutok ang nguso nito pagbagsak. Noong una, akala nila ay natisod lang ito ng nakausling bato. Maya-maya pa'y, nagsisisigaw na siya. May pilit itong kinakalas sa mga paa. Hindi makita ni Minggay kung ano iyon dahil may kadiliman ang paligid. Pagkatapos, may kung anong puwersa ang biglang humila sa mga paa ng tiyuhin nila. Wala itong makapitan kaya tuloy-tuloy na dumausdos si Iking papunta sa puno - kay Tangkad.
Nagulat na lang ang magkapatid nang mabiyak ang ilang parte ng sementong sahig na kinatatayuan nila. Nagtalsikan ang mga maliliit na piraso nito. At mula sa biyak, nagsimulang magsipag-angatan isa-isa ang malalaki at matatabang mga ugat. Nagsipagalawan ang mga iyon na animo'y galamay ng isang higanteng pugita. Nalaman nilang kay Tangkad pala ang mga ugat na 'yon nang magsipag-unatan na rin ang mga sanga nito na para bang mga kamay at braso ng taong kagigising lang. Naalog at naglalagan ang mga dahon at bulaklak ng puno at umulan ito kina Minggay at Caloy na parehong namamangha at nahihintakutan. Ang mga ibon na namumugad kay Tangkad noong mga sandaling iyon, galit na nagsiliparan papalayo.
Hinatak pa ng nakapulupot na ugat ni Tangkad si Kuya Iking pataas at iniwan itong nakabitin sa ere nang nakatiwarik. Nagkukumahog ang tiyuhin nila na makatakas subalit hirap na hirap itong abutin ang buhol-buhol na ugat at hibla na gumagapos sa kanyang mga paa.
"Tulong! Mga kapitbahay! Minamaligno ako! Tul---" May umalulong na mga asong kalye sa malayo. Nagambala ang mga ito sa ingay ni Kuya Iking. Kaya naman binusalan ng sangkaterbang dahon at bulaklak ni Tangkad ang bibig ng tiyuhin. Maluha-luha na ito at nabubulunan na sa dami ng mga halamang nakasalpak sa kanya.
Hindi makapagsalita si Minggay at si Caloy sa kagila-gilalas na bagay na kanilang nasasaksihan. Panaginip lang ba 'to o panibagong kababalaghan?
Umiiyak na si Iking. Nagmamakaawa ang mga mata niya sa mga pamangkin. Nagpapa-saklolo. Panay din ang iling ng ulo nito na para bang sinasabi sa kanila na hindi na siya uulit. Na magiging mabait na siya kung bibigyan ng isa pang pagkakataon.
Subalit huli na. May isang ugat ni Tangkad ang lumalapit sa kanya. Patusok ang dulo nito. Huminto muna ito ng tatlong segundo sa pinaka-sentrong bahagi ng dibdib ni Iking at saka ito dahan-dahang bumaon doon. Nagkikikisay si Iking na tila siya ay kinukuryente. Tumagos ang ugat sa likod niya at umagos ang mayaman at sariwang dugo pababa sa bao ng niyog na nakasahod sa ilalim. Paisa-isa muna ang patak nito sa simula hanggang sa rumagasa na ito kagaya ng tubig sa gripo.
Mga ilang minuto pa ang lumipas at nang wala na halos dugong tumatagas, marahang inilapag ni Tangkad ang katawan Iking sa paanan ni Minggay. Dilat na dilat ang mga mata nito, pero hindi na humihinga. Sandaling natulala si Minggay, gayon din si Caloy. Si Tangkad naman, unti-unti nang ibinabaon ang mga ugat pabalik sa ilalim ng lupa. Ang mga sanga niya ay naging normal na ulit ang haba. Naging ordinaryong puno na lamang ito.
Hinila ni Caloy ang shorts ni Minggay. "Ate, uwi na tayo. Natatakot na ako."
"Sige. Pero, 'wag..." napalunok si Minggay ng laway. "...wag mong sasabihin kahit kanino ang nakita mo. Mapapahamak tayo."
Tumango na lang ang bunso bilang pagsang-ayon.
Kinuha ni Minggay ang bao at ang naipong dugo ni Iking doon. "Halika, bilis. Doon ka muna sa Casa. Ibibigay ko pa 'tong dugo kay Serberus. Hihingi rin ako ng tulong kina Nana Conrada kung pa'no ang gagawin sa katawan ni Kuya Iking."
Hinawakan ni Minggay ang kamay ni Caloy at sabay silang lumabas ng gate. Pero huminto rin sila sandali.
"Wait lang. May nakalimutan ako." Inilapag ni Minggay ang hawak at saka siya tumakbo kay Tangkad. Niyakap niya ang malapad nitong katawan at saka hinalikan.
"Maraming, maraming salamat. Niligtas mo kami ni Caloy."I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (92)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
the amount of times i mouthed "oh hell nah" throughout this book 😄 this is so good! so lucky i found this one sa pagbabalik ko rito sa app. very well-written too! kaya naman pala ang init sa pilipinas. eme!
03/09
0ang Ganda ng kuwento
25/10/2025
0sobrang ganda at ang gandang basahin
30/04/2025
0Tingnan Lahat