Homepage/Ang Santo Sa Likod Ng Pinto/
Part 38 - Puno Ng Mangga Sa May Tore
Tinimbang ni Minggay ang kuwintas na may susi na pendant sa kanyang kamay. Medyo mabigat ang pendant, siguradong yari sa purong ginto. Ang mismong kuwintas, 'di kakikitaan ng kahit anong marka ng gasgas o pagkupas. Habang tumatagal sa pagtitig si Minggay sa alahas, mas lalo rin siyang naaakit dito. May nasasagap siyang daloy ng enerhiya mula rito na parang pinararamdam sa kanya na siya ay malakas, na siya ay makapangyarihan. Pero sa kabila nu'n, parang may hindi tama. Batid ni Minggay na huwad at galing sa masama ang kapangyarihang taglay ng kuwintas. Agad niya itong hinubad.
"Ayoko po. Hindi ko po kayang tanggapin ang maging tagapag-bantay," kinuha ni Minggay ang palad ni Nana Conrada. Inilagay niya roon ang kuwintas at saka ito isinara. "Aanhin ko ang kuwintas kung magiging kapalit naman po ang kaluluwa ko."
Tumingin si Minggay sa rebulto ni Saint Serberus. "Hindi mo 'ko mabibili."
Napabuntong-hininga si Nana Conrada. "Pero ineng, hindi mo naintindihan. Wala kang pagpipilian dito. Hindi ikaw ang magpapasya kundi siya." Itinuro ni Nana Conrada ang istatwa. "Tingnan mo kung ano 'yang nasa dibdib mo."
Yumuko si Minggay at nakitang nakasabit muli ang kuwintas na kahuhubad pa lang. "Paanong... Bakit..."
Tatanggalin niya sana ulit ang kuwintas, pero pinigilan siya ng matanda. "Teka ineng. Huwag. Magpapabalik-balik lang ang kuwintas sa'yo kahit ilang beses mo pa siyang hubarin. Pero paka-iingat ka dahil sa bawat tangka mong pag-alis at sa bawat pagbalik n'yan, pabigat ito nang pabigat. Baka umabot ka sa puntong hindi mo na mabuhat sarili mong ulo. Ang sabi sa akin ni Father Greg noon, maaalis lang ang kuwintas kapag namatay na ang bantay at ipinasa niya ito sa susunod na pagbibigyan bago siya mawala o puwede ring katulad ng sa kaso mo. Kapag pinatay ang may hawak, mapupunta ang susi doon sa pumatay."
"Ayoko po. Ayoko ng kuwintas. Ayoko na dito. Gusto ko ng umalis!" Palahaw ni Minggay.
Lumuhod sa harap niya si Nana Conrada na pilit siyang pinatahan at pinakalma. "Sssshhh. Ano ka ba? Napakaswerte mo nga kung tutuusin. Ang tagal kong inasam na mapunta sa akin ang kuwintas. Naisipan ko na nga noon na lasunin ang mga pari, pero sa huli naunahan ako ng takot. Ganito na lang ang isipin mo: mula ngayon, makukuha mo na lahat ng gusto mo. Maaabot mo na lahat ng pangarap mo hindi lang para sa sarili kung hindi para na rin sa ibang tao."
Para sa ibang tao?
Biglang nagpalutang-lutang sa kanyang kokote ang mga mukha ng patpatin niyang mga kapatid. Ang masikip at butas-butas nilang bubong. Ang patis na madalas nilang gawing ulam noon sa kanin na tutong. Ang inggit na nararamdaman nilang lahat sa tuwing dumadaan sa kalsada nila ang mga naka-ngiting estudyanteng papasok at pauwi na galing eskwelahan. Sa kanilang anim kasi, si Minggay lang ang umabot ng grade six.
"Tutulungan kita. Tutulungan ka namin ni Manong Jerry mo para maisakatuparan lahat ng plano mo kung sakali. Ang hiling lang namin ay 'wag mo kaming kalimutang abutan ng biyaya," nakangising sabi ni Nana Conrada.
Kinabahan si Minggay. Ngayon lang siya nakaramdam nang ganito. Nakakalula. Para bang nasa tuktok siya ng napakataas na bundok at tanaw niya ang kanyang buong kaharian. Pansamantalang kaharian, panandalian, pero kanya sa ngayon. Puwedeng bawiin o mawala sa isang pitik ng mga daliri.
"Pero gaya ng sinabi ko sa'yo kanina, may kapalit ang bawat hiling. Pero huwag mo nang alalahanin 'yon. Kami na ni Jerry ang bahala sa mga ganyan," paalala ni Nana.
"Pero ibig sabihin kailangan ko pa ring mag-alay ng dugo mula sa taong buhay pa sa tuwing may gusto akong i-wish? P-parang... Para pong hindi ko po kaya ang pumatay." Nag-aalangan si Minggay. Kapag tinanggap niya kasi ang alok, magiging labas ay wala rin pala siyang pinagkaiba kina Father Tonyo at Father Eman.
"Hindi lang sa tuwing may gusto kang hilingin. Mag-aalay ka ng dugo kapag ginusto ni Serberus. Nasa sa'yo 'yan, ineng. Ano ba ang mas matimbang? Ang buhay ng mga estranghero at wala namang pakialam sa'yo o ang ninanasa ng puso mo? Pag-isipan mo nang mabuti. Kung ako sa'yo sundin mo na lang ang sinasabi ng puso mo dahil hindi ka rin naman puwedeng tumanggi bilang bantay. Samantalahin mo ang pagkakataon habang na sa'yo pa ang susi." Tumayo si Nana Conrada at nagpaalam na siya kay Minggay para magluto ng kanilang hapunan.
Naiwan si Minggay kasama ni Saint Serberus. Nagkatitigan sila ng istatwa at nakakapanibago na hindi na siya nakakaramdam ng takot mula rito. Na kung sakaling gumalaw man ito ngayon sa harap niya, hindi na siya tatakbo at hindi na rin siya sisigaw. Dahil ba ito sa kuwintas na suot niya? Binura na ba nito ang lahat ng nararamdaman niyang hilakbot sa diablo. Pinag-isa na ba siya at si Serberus ng kuwintas?
Halika rito. Lumuhod ka at sambahin ako. Mangako ka na tutuparin ang katungkulang mong pagsilbihan ako. Lumapit ka. Lapit pa.
Tinig iyon na galing sa istatwa. Hindi naman bumubuka ang bibig nito, pero alam na alam ni Minggay na kinakausap siya ni Serberus sa pamamagitan ng isip. Naghihilahang-lubid ang kanyang kalooban. May isang bahagi ng puso niya ang umaayaw, pero may bahagi rin ito na sinasabing tama lang na makipagkasundo siya sa demonyo.
Humakbang si Minggay palapit kay Saint Serberus. "Hindi muna ako magdedesisyon sa ngayon. Bigyan mo pa ako ng kahit isa pang araw para magpasya," at lumabas na siya ng silid.
+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+
Dumiretso si Minggay sa hardin. Gusto niyang huminga at sumagap ng sariwang hangin. Nakasusulasok na kasi ang amoy at bigat ng paligid kahit sa loob ng sarili niyang kuwarto. Umupo siya sa pahabang silya na malapit sa mga gumamela at napaisip kung bakit at paano nga ba humantong ang buhay niya sa ganito.
Iniligtas siya ng tadhana sa tiyak na kamatayan para lang maging alipin ng demonyo.
Hindi niya tuloy alam kung kikitlin na lang ba ang sarili at ipapasa ang kuwintas sa iba o tatanggapin niya ang alok ni Serberus na maging mamamatay tao kapalit ang buhay na maginhawa.
Natanaw ni Minggay ang napakalaking puno ng mangga malapit sa may tore ng simbahan. Walang pumipitas ng mga hinog na bunga nito kaya kusa na silang nagsipaglaglagan at nagsikalat sa lupa. Naalala niya tuloy ang kaibigan niyang si Tangkad. Nagkalat din kung saan-saan ang mga bulaklak nito noong huling kita nila.
Tama! Kailangan niyang makita ngayon din ang kaibigan. Baka kasi kumalma siya at magkaroon ng kaliwanagan ang madilim niyang mundo oras na maibulalas niya sa puno ang nilalaman ng kanyang puso.
Hindi na nagpalit ng damit si Minggay. Sumugod na siya agad sa lote ng mga Vera-Real para kausapin si Tangkad. Hindi na rin siya nagpaalam kay Nana Conrada. Bakit pa samantalang siya na ang may hawak ng susi. Gagawin na niya ang gusto niyang gawin. Siya na ang masusunod sa buong simbahan.
Wala sa hinagap ni Minggay na sa pagkikitang iyon, maiiba na nang tuluyan ang direksyon ng landas na kanyang tatahakin.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (92)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
the amount of times i mouthed "oh hell nah" throughout this book 😄 this is so good! so lucky i found this one sa pagbabalik ko rito sa app. very well-written too! kaya naman pala ang init sa pilipinas. eme!
03/09
0ang Ganda ng kuwento
25/10
0sobrang ganda at ang gandang basahin
30/04/2025
0Tingnan Lahat