Epilogue

MAGKAHARAP ngunit parehong tahimik. Walang sino man sa kanilang dalawa ang naglakas-loob na magsalita dahil kagagaling lang sa isang pagtatalo.
Si Caleb na hindi maipinta ang mukha ay padabog na tumayo. “Mag-break na tayo.”
Ang kalmadong si Kenan ay biglang uminit ang ulo sa narinig. “So, heto na naman tayo? Makikipag-break ka na naman uli?”
Ganito ang laging nangyayari matapos nilang mag-away. Laging nakikipag-break si Caleb.
“Tapos ano? Mayamaya lang ay maglalambing ka na parang hindi ka naghamon ng break-up?” ang patuloy ni Kenan. Sawang-sawa na siyang naririnig nang paulit-ulit nitong sinasabi ang salitang ‘break’ kapag nag-aaway sila. Pero ni minsan ay hindi naman talaga sila naghiwalay. O, kahit ang ‘cool-off’ man lang na relasiyon.
Sa apat na taong nilang relasiyon ay laging ganito ang nangyayari. Na kahit ang mga tao sa paligid nila ay sanay na.
Tulad ngayon na kasama nila sa living room si Felix. Tumambay saglit sa bahay ni Caleb matapos ihatid ang girlfriend na si Mary Rose sa workplace nito.
“Bakit ba lagi kayong wrong-timing? Lagi kayong nag-aaway kapag tatambay ako. Makaalis na nga,” ang reklamo pa nito at saka na umalis.
“This time ay totoo na talaga. Makikipaghiwalay na ‘ko sa ‘yo.”
Umirap lang si Kenan at hindi sineryoso ang banta ni Caleb. Pero dahil sa inis ay pinatulan na niya ang banta nito. “O sige! Mag-break na tayo. Sawang-sawa na rin naman ako sa ‘yo.” Siyempre, hindi totoo ang sinabi niya at sadyang nadadala lang ng emosiyon.
Tumayo siya para umalis na at bumalik sa bahay nang sumigaw si Caleb, “Go! Ito naman talaga ang gusto mo! Hindi mo na ako mahal!”
Napamura sa isip si Kenan dahil sa sinabi nito pero tuloy-tuloy pa rin pabalik sa bahay. Naabutan niya ang mga magulang na nasa sala.
At mukhang nahalata ang nangyayari dahil sa expression niya. “Nag-away na naman kayo ni Caleb?” ang tanong ni Ester.
Dahil maliban sa ibang dahilan ay tanging ang pag-aaway lang nila ni Caleb ang nakapagpapainis sa kanya, na kabisado na ng pamilya niya.
“Break na kami,” ang nasabi lang niya at sinamahan ang mga magulang.
Napansin niyang nagkatinginan ang kanyang Ina at Ama habang napapailing. “Gumaling na lang ako’t lahat-lahat ay lagi niyo sinasabing hiwalay kayo pero mayamaya lang ay nakikita ko kayong magka-holding hands,” ang komento ni Ester.
Hindi naging madali sa kanilang lahat ang nangyari lalo na sa unang dalawang taon matapos malaman ang sakit nito. Pabalik-balik sila sa hospital upang agarang magamot si Ester. At sa tulong ng pamilya ni Caleb ay nakayanan nila ang pinakamahirap na pagsubok na dumating sa kanilang pamilya. Ang mga ito ang halos umako sa gastusin sa hospital dahil na rin sa may kamahalan ang mga gamot lalo na ang pagpapa-chemo. At ngayong tuluyan ng magaling ay nagbalik na ito sa pagtatrabaho.
“Magbati kayo agad. Hindi ko pinayagan ang relasiyon niyo para lang mag-away palagi,” ang dagdag pa ni Ester.
“Ano na naman bang pinag-awayan niyo?” ang tanong naman ni John.
“Petty argument lang ‘Pa,” ang sagot niya kahit ang totoo ay ang lagi nilang pinagtatalunan na pagpapakasal.
Ang gusto ni Caleb ay magpakasal na sila. Una nitong nabanggit ang kasal ay noong graduating na sila sa college. Agad siyang tumutol dahil masiyado pang maaga at hindi pa sila nagtatapos sa pag-aaral. Bukod roon ay pangarap niya talagang magturo. At kung magpapakasal sila ni Caleb ay baka walang tumanggap sa kanya na eskuwelahan.
Kaya hiniling niya muna rito na pagbigyan siyang makapagturo man lang. Siyempre, pumayag ito ngunit hindi pa siya nakakaisang buwan sa paaralang pinasukan ay nagyaya na naman itong magpakasal na sila.
At iyon na naman uli ang napag-awayan nilang dalawa kanina. Hindi niya maintindihan kung bakit ito laging nagmamadaling magpakasal. Para kasi sa kanya ay may binabagayan na panahon ang pagpapakasal. Hindi dapat minamadali ang lahat.
At kahit anong pilit niyang pagpapaintindi kay Caleb ay nauuwi lang sa away ang usapan hanggang sa nagbabanta na itong makipag-break. At sa totoo lang ay napapagod na siya sa palagian nilang away.
“Pag-usapan niyo ‘yan nang mabuti. ‘Wag niyo hayaang magtagal ang away at baka mas lalo pang lumala,” ang payo ng kanyang Ama.
Tumango siya ngunit hindi niya sigurado kung may mangyayari bang pag-aayos sa kanilang dalawa. Mukha kasi talagang seryoso si Caleb sa pakikipaghiwalay sa kanya.
*****
ITO NA NGA ata ang pinakamalala nilang away na mauuwi na talaga sa hiwalayan. Dumaan ang isang linggo na hindi man lang sila nag-usap o nagkita man lang ni Kenan.
Kahit gusto na niya itong kausapin at makipagbati ay tila may kung anong pumupigil sa kanya… pride.
Nainis siya ng hindi man lang ito naapektuhan nang sabihin niyang makikipaghiwalay na siya.
Aminado siyang lagi niyang hinahamon ng hiwalayan si Kenan. Pero dahil lang iyon sa hindi niya mapigilan ang sarili. Pakiramdam niya kasi ay na-a-out of love na ito sa kanya.
Siya ang unang nagkagusto rito. Una ring naghabol. Kaya hindi niya maiwasang mag-overthink na baka bigla na lang magbago ito at mawala ang pagmamahal sa kanya.
Hindi naman masamang hilingin niya na magpakasal na sila just for assurance na hindi ito mawawala sa buhay niya. Pero mas priority nito ang magtrabaho at magturo muna na pinagbigyan niya.
Pinilit niya ang sariling maghintay pa nang kaunti pero ito na naman ang insecurities niya lalo na kapag may kakilala siyang couple na naghihiwalay. Natatakot siyang baka mangyari sa kanila ni Kenan ang ganoon.
Kaya tuwing inaalok niya ito ng kasal ay nauuwi lang sa away ang lahat. Napakahirap dahil kinakain siya ng takot na baka mawala ito. Kaya pati ang trabaho niya sa company ay naaapektuhan.
Nawawalan siya ng focus kaya laging napapagalitan ng department manager. Ni-request niya sa Ama na magtrabaho bilang contractual employee dahil gusto niyang matuto mula sa umpisa. Kaya ang bilin ni Steve sa Head manager ay tratuhin siyang ordinaryong empleyado kahit pa balang araw ay mamanahin niya ang kompanya.
“Lutang ka ngayong araw. Ang dami mong palpak,” ang puna ng kaibigang si Marlon.
Kaya napabuntong-hininga siya. Hindi sila magka-department pero halos nasa iisang lugar lang din ng building kaya ang malaman na umabot na pala sa kaibigan ang pagkakapalpak niya sa trabaho ay isang kahihiyan. Isama pa na manager din ito sa ibang department.
“The perfect Caleb Roy Tan ay pumalpak sa kompanyang patatakbuhin niya balang-araw? Tsk, tsk, tsk. Baka magkaproblema sa sa mga investor niyan.”
Alam niyang nagbibiro lang ang kaibigan pero talagang tumatak sa kanya ang sinabi nito. Hindi pwede sa kanya ang pumalpak dahil maraming tao ang nakatingin. Baka maging hudyat pa ito upang ibang tao ang maupo sa puwesto na sa halip na siya.
“Ano bang problema? Si Kenan ba?” ang tanong nito.
Alam nito ang tungkol sa kanila ni Kenan. Well, hindi naman nila nilihim sa mga kaibigan at kakilala na may relasiyon sila kaya hindi maiiwasang magtanong ni Marlon kung may kinalaman ba si Kenan sa mga nangyayari. Hindi na rin naman ibang tao si Marlon sa kanila kaya nagkuwento na siya.
Nakinig lang ito na pinagpapasalamat niya dahil iyon ang mas kailangan niya ngayon. Ang makikinig sa kanya.
Hindi nagtagal ay bumalik na sila sa mga kanya-kanyang trabaho matapos ang break time. Pero kahit sa kalagitnaan ng ginagawa ay lumilipad ang isip niya sa kung saan… kay Kenan.
Nagpa-flashback sa kanya ang mga magaganda at masasayang sandali nilang magkasama na tila iyon na ang huli. Kaya mas lalo siyang naiinis sa sarili kung bakit niya pa hinamon ng hiwalayan si Kenan. Hindi niya matagalan ang frustration kaya wala rin siyang natatapos na trabaho sa kakaisip kung ano na ang ginagawa nito? O, kung affected rin ba itong tulad niya.
Uwian at sinadya niyang puntahan si Kenan sa school. Nakapagpasiya na siyang makipagbati at huwag nang palalain ang sitwasiyon. Ibababa na niya ang pride at makikipag-ayos.
Hininto niya ang sasakyan sa tabi ng gate ng school. May mangilan-ngilang estudiyante ang lumalabas dahil kanina pa ang uwian at malapit ng mag-alas-sais. Ganitong oras umuuwi si Kenan na madalas ay ginagabi dahil sa paper-works. Lagi itong nagpapasundo sa kanya kaya nitong mga nakaraang-araw matapos nilang mag-away ay lagi siyang naliligaw papunta sa school. Nanibago siya dahil ito ang daily routine niya, ang ihatid at sunduin ito sa trabaho.
Naghintay siya sa loob ng kotse habang tinatapik-tapik ang manibela. Hindi inaalis ang tingin sa gate at tinitingnang mabuti ang bawat taong lumalabas. Baka kasi makalampas sa paningin niya si Kenan.
Ilang minuto siyang naghintay at iilan na lang ang lumalabas sa gate. Iniisip na baka nakauwi na ito kaya naisipan niyang i-text kung sakali lang, pero hindi ito nagri-reply.
At nang tawagan niya naman ay saktong namataan niya itong palabas… na may kasamang babae.
Ang kasama ni Kenan ay bago sa paningin niya. Hindi niya ito kilala dahil lahat ng teacher na katrabaho nito ay kilala niya kaya nagtaka siya kung sino ito.
Naririnig niya mula sa cellphone ang boses ni Kenan pero hindi niya maalis ang tingin dito lalo na, na kahit magkausap sila ay nasa kasamang babae ang atensiyon nito.
Agad siyang nakaramdam ng selos. Hindi niya magawang sagutin si Kenan na ilang beses nag-‘hello’ sa cellphone. In-end niya na lang at pinagmasdan nang mabuti ang dalawa.
Masayang nag-uusap na tila sila lang dalawa ang naroon. Hindi alintana ang ingay ng mga dumadaang sasakyan.
Na-distract siya saglit nang may humarurot na sasakyan na nagbubuga pa ng maitim na usok. At nang pagbalik ng tingin sa dalawa ay kitang-kita niyang lumapit ang mukha ni Kenan sa babae.
Humigpit ang hawak niya sa manibela. Hindi niya kayang tingnan ang ginagawa ng dalawa. Napakasakit makitang may ibang hinahalikan si Kenan.
Mabilis niyang pinaandar paalis ang sasakyan sa lugar. Umuwi siyang bigo at nagsisisi. Galit na galit siya at walang dapat sisihin kundi ang sarili lamang. Siya ang dahilan kung bakit sila nag-away at tuluyang naghiwalay.
Nang gabing iyon ay naglasing siyang mag-isa sa kwarto. Sinisisi ang sarili.
*****
DUMAAN muli ang isang linggo na hindi sila nag-uusap ni Caleb. Magkita man ngunit lagi itong umiiwas. Gusto niya mang lapitan pero pinagpaliban niya muna… hanggang hindi niya pa nakukuha ang kailangan.
Bukod roon ay abala siya sa trabaho. Kailangan niyang turuan ang mga estudiyante at ang bagong hired na teacher… na siyang papalit sa kanya.
Nakapagdesisiyon na siyang aalis sa trabaho at ipapasa rito ang mga estudiyante niya.
Ilang gabi niyang pinag-isipan ang desisiyon niyang ito. Na-experience na niyang makapagturo kaya oras ng unahin niya muna ang puso. At iyon ay ang makasal kay Caleb at makasama ito hanggang sa pagtanda.
Kaya niyang iwan ang pagtuturo pero hinding-hindi niya kakayain ang mawala ito sa buhay niya. Nakakapagod man ang dalas nilang pag-aaway ay mas gugustuhin niya pa iyon kaysa ang tuluyan silang maghiwalay.
Sa kalagitnaan ng pagtuturo sa isa niyang subject ay may natanggap siyang message. Mensaheng hinihintay niya talaga ng ilang araw na.
At nang magkaroon ng bakanteng oras ay agad siyang nagpunta sa mall para kunin ang ring na pinasadya niya sa isang jewelry shop. Kinausap na niya ang mga magulang at pati na ang parents ni Caleb para sa plano niyang pag-propose. Sinabihan niya rin ang ibang mga kaibigan lalo na si Felix at Mary Rose para matulungan siya sa pagpaplano.
Matapos makuha ang singsing ay babalik na siya sa school nang makita ang katrabahong si Grace na siyang papalit sa kanya. Tulad niya ay naka-uniform pa ito at mukhang namimili ng gamit. Nilapitan niya ito at tinanong kung ano ang ginagawa nito sa lugar. Bumibili lang pala ng gamit sa school at pabalik na rin tulad niya kaya inaya na niya itong sumabay sa kanya sa kotse. Tinulungan niya itong bitbitin ang pinamili kasama na ang pekeng bouquet of red rose para sa decoration nito sa desk nang mapatingin sa kalalabas lang na tao mula sa kotse… si Caleb.
Pareho silang natigilan at gulat na gulat na dalawa ngunit agad ring nagbago ang ekspresiyon nito. Mula sa gulat ay napalitan ng galit habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa kanya at kay Grace. May pakiramdam siyang na-misunderstood ni Caleb ang lahat kaya hinabol niya ito. Alam niya ang ganoong ekspresyon. Nagsiselos ito.
Mabilis siyang humarang sa daan nito at masayang bumati, “K-kumusta? Anong ginagawa mo rito?”
Hindi ito sumagot at umambang lalagpasan siya nang agad niyang hinawakan ito sa braso. Inisip niya agad na mag-explain pero tinabig nito ang kamay niya kaya nabitawan niya ang pekeng bulaklak na hawak.
“Bumalik ka na sa girlfriend mo,” hindi man pagalit ngunit ramdam niya ang lamig ng pakikitungo nito base na rin sa tono ng boses.
“Ka-workmate ko lang siya.” Hindi na pinansin ang nabitawan at nanatiling nakatitig kay Caleb.
“Talaga? Matapos ko kayong makita na naghahalikan?”
Naguluhan siya sa sinabi nito pero nanatili pa ring kalmado. “Anong naghahalikan? Walang gano’ng nangyari. At kahit minsan ay wala akong hahalikan, maliban sa ‘yo.”
“Kitang-kita ko kayo sa labas ng school.”
Hindi niya talaga alam kung ano ang tinutukoy ni Caleb. “Kailan? Anong oras? Sigurado kang nakita mong lumapat ang labi ko sa kanya?”
Pero hindi na ito nagsalita na ibig sabihin ay hindi ito sigurado sa sinasabi. “Kung ano man ang tinutukoy mo, na hinalikan ko siya? Hindi ‘yun nangyari. Never kong gagawin sa ‘yo ‘yun.”
Pero mukhang hindi ito kumbinsido at ayaw na niyang palalain pa ang pagtatalo nila kaya kinuha niya sa bag ang jewelry box at pinakita rito ang singsing.
“Nandito ako para kunin ‘to at nagkataon na nagkita kami ni Grace. Gusto mong malaman kung sino siya? Again, ka-workmate ko. Siya ang papalit sa akin dahil magri-resign na ako sa trabaho para mapakasalanan na kita. Magpo-propose sana ako sa ‘yo pero mukhang hindi na mangyayari kasi akala mo may iba na ako na kahit sa panaginip ay hindi ko naisip.” Pagkatapos ay huminga nang malalim dahil sa haba ng kanyang nasabi.
Natulala si Caleb at hindi niya mahulaan kung ano ang nasa isip nito. Binalingan niya ang pekeng bulaklak at saka pinulot. At kahit natapos na niyang pulutin ang lahat ay nanatili itong nakatitig sa kanya.
Mula sa likod nito ay napansin niya si Grace na naghihintay sa tapat ng kotse kaya nagpasiya na siyang umalis. “Babalikan kita,” ang sabi niya at aalis na sana nang hinawakan nito ang kamay niya.
“B-ba’t ka aalis?”
“Ilalagay ko lang ‘to sa kotse at saka naghihintay na sa akin si Grace.”
“Pa’no ako? Akala ko ba magpo-propose ka?”
“Yes, pero hindi ngayon. Ang plano ko ay surprise proposal pero dahil alam mo na—” tapos ay nagkibit-balikat siya. Hindi pa maisip kung anong sunod na gagawin ngayong hindi na ‘surprise’ ang proposal dahil nasabi na niya.
“Hindi naman importante sa akin kung anong klaseng proposal ang gawin mo. Ang gusto ko lang ay ang makasal tayo. Actually, ‘wag ka na lang mag-propose,” pagkatapos ay nilahad ang kamay sa kanya. “Isuot mo sa ‘kin.” Tinutukoy ang singsing.
Sinunod niya ang utos nito. Dahan-dahan niyang isinuot ang ring sa daliri at nang iangat ang tingin para makita ang reaksiyon nito ay natigilan siya.
May luha sa mga mata nito habang nakangiti. Ramdam na ramdam niya ang saya nito nang maisuot ang singsing. Sa isang iglap ay yumakap ito nang mahigpit sa kanya. "Sorry, dahil napaka-selfish ko. Hindi ko inisip ang side mo at inaway kita.”
Yumakap din siya nang mahigpit. “’Wag mo nang uuliting makipag-break sa ‘kin. Hindi nakakatuwa na parang ang dali lang sa ‘yong makipaghiwalay.”
Muling humingi ng tawad si Caleb at nanatili sila nang ilang sandali sa ganoong posisiyon hanggang sa mapansin si Grace na lumapit. Ayaw man nitong mang-istorbo ay kailangan na nilang bumalik sa school.
“Sasama ako.”
“Pa’no ang work mo?”
“Importante pa ba ‘yun? Gusto kong kasama ang fiancé ko ngayon.”
Hindi niya napigilang ngumiti at hinawakan ang kamay nito. “Tara, magpapaalam ako sa school,” tapos ay bumulong malapit sa tenga nito. “Gusto rin kitang makasama, my soon-to-be-future-husband.”
***<[°o°]>***

Komento sa Aklat (99)

  • avatar
    alecajoyjoson

    Ganda❤

    14/05/2024

      0
  • avatar
    InginAmir

    i love it

    23/04/2024

      0
  • avatar
    SimJaeyun

    nice story para sa mga bl Reader's and watchers, good job po

    22/04/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Tapusin

Mga rekomendasyon para sa iyo