Chapter 48

HINDI na namin namalayan ang oras at halos maghahating gabi na kaming natapos ni Caleb sa pagliligpit ng decoration. Nauna na kasing umuwi sina Shiela at Mary Rose dahil sa may curfew rules sila sa dorm. Habang si Felix naman ang naghatid sa kanila pauwi.
Pagdating sa kanila ay hindi muna ako umuwi. Hinintay ko siyang lumabas sa kotse at niyakap nang mahigpit. “Parang ayoko pang umuwi.”
Habang nakasandal sa kotse ay tumingin siya sa akin ng may halong lagkit. “Talaga?” hanggang ang tingin ay bumaba sa akin labi. “Gusto mo bang mag-stay?” ang boses ay tila kinakapos ng hangin.
Bakit gano’n? nagtatanong lang naman siya pero bakit tila nag-iinit ako. Nakaka-tempt ang alok niya na ako naman ang nag-umpisa.
Unti-unting lumapit ang mukha niya sa akin at agad ko namang hinanda ang sarili. Pumikit ako at hinintay ang labi niyang lumapat sa akin.
Malambot… maingat… at dahan-dahan na galaw. Halos malunod ako sa emosiyong nararamdaman dahil sa mainit niyang halik.
Mas lalo kong nilapit ang sarili at dinama ang bawat haplos niya sa aking katawan. Kinakapos na hininga at mga ung*l naming dalawa ang maririnig sa buong paligid. At nakalimutan ng nasa open space kami…
Hanggang sa marinig ko ang boses ni tita Janette na siyang nagpagising sa aking ulirat. Mabilis akong huminto at nilingon siya—!
“Mama…” ang bulong ng hindi lang pala si Tita ang nasa lugar. Kasama niya si Mama na naistatwa na sa kinatatayuan.
Tila binuhusan ang katawan ko ng malamig na tubig. Humakbang ako palapit kay Mama. Gusto kong magsalita at mag-explain pero nakagat ko na lang ang labi nang makita ang emosiyon sa kanyang mga mata.
Shock and disappoinment. Ang tinging ngayon ko lang nakita sa buong buhay ko. “’Ma…” nang hahawakan ko na sana ang kamay niya ay bigla siyang umatras. Takot na may halong pandidiring tumingin siya sa kamay ko at sa akin.
Hindi ako makapaniwala. Nanghinang bigla ang tuhod ko at kung hindi lang ako inalalayan ni Caleb ay baka natumba na ako.
Mas lalong bumakas ang galit sa mukha ni Mama kaya agad akong lumayo kay Caleb.
“Janette… alam mo ba ang pinaggagagawa nilang dalawa?” ang tanong ni Mama kay Tita.
Sandaling tumingin si Tita sa akin bago sagutin ang tanong, “A-alam ko lang na may gusto ang anak ko kay Kenan, pero hindi ko alam na may relasiyon silang dalawa.”
“A-alam mong may gusto si Caleb, pero hinayaan mong dumikit siya sa anak ko?!” tumaas ang boses ni Mama na bihira ko lang marinig.
Dahil sa biglang taas ng boses niya ay biglang dumating si tito Steve na galing sa loob. Nagtanong kung anong nangyayari pero wala ni isang sumagot sa amin.
“It is my fault, Tita. Hindi ko po napigilan ang feelings ko para kay Kenan,” ang explain ni Caleb.
Pero nanatili pa rin ang galit na itsura ni Mama. “Ikaw,” ang tawag niya sa akin. “Mahal mo ba siya?”
Sa nanginginig na labi ay sinagot ko si Mama sa pamamagitan ng tango.
Pagkatapos ay bigla na lang naglakad paalis si Mama. Sandali akong nalito kung anong gagawin.
“Sundan mo, Kenan,” ang payo ni Tita. “Pero hayaan mo muna siyang magalit. Nabigla lang siya sa nangyari.”
Humakbang ako para sundan si Mama nang bigla akong yakapin ni Caleb. Mahigpit na mahigpit na yakap.
Ramdam ko ang takot niya para sa relasiyon naming dalawa. At bago niya ako bitawan ay binulong niya ang salitang nagbibigay lakas sa akin sa kabila ng kakaharapin ko, “I’ll wait, I love you.”
*****
NAABUTAN ko si Mama sa kusina. Nakaupo habang may hawak na baso. Paglapit ko ay uminom siya ng tubig ng hindi ako tinitingnan.
Nakatayo lang ako at naghihintay na magsalita siya.
“Ga’no na kayo katagal?”
Napalunok ako ng laway bago sumagot, “S-six months.”
Tumayo siya at nilagay sa lababo ang basong ginamit. Pagkatapos ay nilampasan ako pero humintong bigla. “Tapusin mo na habang maaga pa.”
“Pero, ‘Ma,” hindi ko napigilang isatinig ang pagtutol.
Isang matalim na tingin ang pinukol niya sa akin. “Mali ‘yang relasiyon niyo,” mahinahon ngunit ramdam ko ang pandidiri at galit niya ng sabihin iyon.
Kagat ang labing tiningnan ko siya ng diretso sa mata. “M-mahal ko siya, ‘Ma,” matapos ay umiling. “Hindi ko kaya.”
Dumilim ang tingin niya na mas lalong nagpakaba sa akin. Alam kong hinding-hindi niya papayagan ang relasiyon namin pero hindi ko kayang hiwalayan si Caleb.
“Mahal? Anong alam mo sa pagmamahal? Ni hindi ka pa nga nagkaka-girlfriend. Naguguluhan ka lang kasi lagi kayong magkasama… hindi totoo ‘yang nararamdaman mo.”
“Mahal ko siya,” tanging ito lamang ang nasabi ko. Mahal ko talaga si Caleb. Hindi tulad ng sinasabi niya.
“Naririnig mo ba ang sarili mo, Kenan? Kabaliwan ‘yang ginagawa niyong dalawa! Isang malaking kasalanan ‘yang nararamdaman mo. Hindi ka ba nag-iisip?!”
“Walang mali sa ginagawa namin, ‘Ma. Mahal namin ang isa’t isa.”
Mabigat ang hakbang niyang lumapit sa akin at hinawakan ang magkabila kong balikat. “Gumising ka! Mali ‘yan. Kaya sa ayaw’t gusto mo ay ihihinto mo na ‘yang relasiyon mo sa kanya. Ayokong makikita kayong magkasama. Layuan mo siya.” Pagkatapos ay binitawan ako nang marahas at saka tuluyang umalis.
Nanatili ako sa kinatatayuan ng matagal. Saka lang ako gumalaw nang maramdaman ang vibration ng cellphone sa bulsa. Hindi ko napansing kanina pa tumatawag si Caleb.
May mga message rin siya pero wala akong ni-reply-an kahit isa. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga tanong niya.
Pagpasok sa kwarto ay naupo ako sa kama. Nakatitig sa message ni Caleb na hindi ko pa rin kayang reply-an. Kaya itinabi ko na lang ang cellphone at nagpasiyang matulog kahit siguradong mananatili akong gising magdamag.
Ipinikit ako ang mga mata at saka tahimik na lumuha. Paano na ito. Ano nang gagawin ko?
Hindi ko kayang suwayin si Mama. Pero mas lalong hindi ko kayang hiwalayan si Caleb. Hindi ko talaga kaya. Isipin pa lang na makikipaghiwalay ako sa kanya ay para na akong masisiraan ng bait.
Hanggang sa naramdaman kong may dumampi sa pisngi ko. Pagmulat ng mata ay si Caleb agad ang nakita ko. Kahit sa may kadiliman ang kwarto dahil hindi ko in-on ang ilaw ay alam kong siya. Sa paraan ng paghawak niya ay walang dudang siya ang narito kasama ko sa kwarto.
“Anong ginagawa mo rito?” ang tanong. Marahil ay dumaan na naman siya sa bintana. Pero nakakahiyang nakita niya pa akong umiiyak.
“Nag-alala akong hindi ka sumasagot sa tawag ko.”
Bumangon ako sa kama at saka siya niyakap nang mahigpit na hindi ko nagawa noong magkasama kami kanina sa bahay nila.
Hinaplos niya ang likod ko. Pinaparamdam ang init ng yakap niya. “Anong gagawin natin?” ang bulong ko. “Gusto ni Mama na tapusin natin ‘to.”
“Gusto mo ba?”
Mabilis ang iling ko at mas lalo pang hinigpitan ang yakap sa kanya. “Ayoko. Kahit anong mangyari. Hinding-hindi ako makikipaghiwalay sa 'yo."
“Ako rin. Hindi ko hahayaang maghiwalay tayong dalawa.”
“Ayaw niyang makita tayong magkasama. Mahihirapan na tayong mag-usap after nito.”
“Pwede naman tayong mag-usap sa cellphone, mag-video call. Maraming paraan.”
Humiwalay ako sa yakap at saka siya tiningnan sa mata. “Kaya mo?” kaya niya bang hindi ako makita at umasa lang sa video-call? Pero ako, hindi. Gusto ko siyang laging nakikita. Hindi sapat ang video call.
“Siyempre, hindi. Pero wala tayong magagawa. Hindi natin pwedeng dagdagan ang galit ni Tita at baka mas lalo pa tayong mahirapan. Ang dapat nating gawin ay mag-ingat na hindi tayo mahuling magkausap lalo na ang magkita.”
Tumango ako at payag sa plano niya. Baka kasi, unti-unti ay matanggap ni Mama ang relasiyon namin. Pero habang hindi pa ay kailangan naming magtiis.
Biglang sumagi sa isip ko si tita Janette nang sabihing alam nito na may gusto sa akin si Caleb. “Okay lang ba kanila Tita na naging ‘tayo’?”
“Oo, nang mapansin nila na parang may kakaiba sa akin ay tinanong nila ako. Sinabi ko na gusto kita at wala naman silang negative reaction. Noong una ay nabigla pero afterward ay naging maayos din. Tanggap na nilang hindi sila magkaka-daughter-in-law.” At bahagyang natawa.
Muntik ko ng masabi ang ‘buti ka pa’. Hindi ko kasi maiwasang ikumpara ang sitwasiyon naming dalawa. Kung sana ay tulad ni Tita na ayos lang sa kanila kung sino ang magustuhan ni Caleb… sana ganoon din si Mama sa akin. Kahit pareho pa ng kasarian.
Muli niyang hinaplos ang pisngi ko. “Kailangan ko ng umalis.” At akmang tatayo nang mabilis kong pigilan.
“Mag-stay ka muna, please.” Ayokong umalis siya.
“Baka, mahuli tayo ni Tita, kung magtatagal pa ako.”
“Sasama na lang ako sa ‘yo. Tapos babalik ako bago pa mahalata ni Mama.”
Dumaan ang kamay niya sa likod ng ulo ko at saka dinala payakap sa kanya. “Pinapahirapan mo naman ako, e.”
“Natatakot lang ako. Kasi baka paggising ko bukas wala ka na.”
“Hindi ako mawawala, okay? Nandito lang ako. Ipaglalaban natin ‘to.”
Mabigat sa loob na binitawan ko siya at hinayaang bumalik sa kanila. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya hanggang sa tuluyan na siyang makapasok sa kwarto. Agad siyang dumungaw sa bintana at kumaway sa akin.
Kitang-kita ang kanyang ngiti habang kumakaway. Pero alam kong sa likod ng ngiting pinapakita niya ay tulad ko… natatakot siya sa maaaring mangyayari sa relasiyon namin.
Matapos ay dahan-dahan kong sinara ang bintana at pinilit ang sariling matulog.
*****
PAGGISING ay inisip ko pang panaginip lang ang nangyari kagabi. Na hindi kami nahuli ni Mama at hindi pa alam ang relasiyon namin ni Caleb.
Pero sinong niloko ko? Sa mata ko palang na namumugto ay halata ng totoo ang nangyari kagabi at hindi isang imahenasiyon.
At habang nasa hapagkainan, kumakain ng agahan ay ramdam ko ang tensiyon. Tahimik si Mama at mukhang alam na rin ni Papa ang nangyayari dahil sa panaka-nakang tingin niya sa akin.
Ang kinabuti lang ay hindi siya nagtatanong at hindi niya ako tinitingnan nang kakaiba, hindi tulad ni Mama na hindi ako makuhang tingnan. At kung mapapatingin man sa akin ay naroon ang talim sa paraan ng kanyang pagtitig.
“Nag-usap kami ng Papa mo kagabi. Simula ngayon ay ihahatid at susunduin ka namin sa University.”
Napatingin ako kay Papa na nakatingin sa akin ngunit agad rin na umiwas. Mukhang wala siyang balak magsalita. Hindi ko tuloy malaman kung tulad ba ni Mama ay tutol siya sa relasiyon namin ni Caleb o hindi?
Pinagpatuloy ko ang pagkain at hindi na nagkomento. Ayos lang naman sa akin ang gusto ni Mama. Basta huwag lang niyang hihilinging muli na maghiwalay kami ni Caleb.
Pagbalik ko sa kwarto para kunin ang bag at ibang gamit ay nag-message ako kay Caleb tungkol sa sinabi ni Mama. Wala namang problema sa kanya. May ibang paraan naman para magkita at magkasama kami.
Sa kotse ay tahimik pa rin si Mama na ikinalulungkot ko. Mas mabuti pa sigurong nagsasagutan kami para nasasabi niya ang mga nasa isip kaysa ganitong ‘silent treatment’.
Pagdating sa University ay halos takbuhin ko na ang department nila Caleb para makita ito agad. Pero dumaan muna ako sa classroom dahil baka nando’n ‘yon, hinihintay ako.
At hindi nga ako nagkamali. Nasa tapat siya ng classroom, naghihintay.
Pagkalapit ay parang gusto ko na agad siyang yakapin. Pero dahil sa mga dumadaan na estudiyante ay pinigilan ko ang sarili.
Hindi ko maitago ang emosiyon nang makita ang ngiti niya. Hindi ko maiwasang isipin kung hanggang kailan tatagal ang saya sa kanyang labi. Baka kasi sa paglipas ng ilang araw ay mas lalo kaming mahirapan.
“Good morning,” aniya.
Matapos marinig ang boses niya ay hindi ko na napigilan ang sariling yakapin siya. Kumapit ako nang husto sa uniform niya at binaon ang mukha sa kanyang balikat habang paulit-ulit sinasabi ang salitang ‘I love you’ at ‘ipaglalaban kita’.
Kahit anong mangyari ay ilalaban ko itong relasiyon namin. Patutunayan ko kay Mama na hindi mali itong nararamdaman namin sa isa’t isa. Na walang mali sa dalawang lalakeng nagmamahalan.
***<[°o°]>***

Komento sa Aklat (99)

  • avatar
    alecajoyjoson

    Ganda❤

    14/05/2024

      0
  • avatar
    InginAmir

    i love it

    23/04/2024

      0
  • avatar
    SimJaeyun

    nice story para sa mga bl Reader's and watchers, good job po

    22/04/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata