Chapter 17

[Past]
MABILIS kong ikinubli ang sarili sa kanila. Ang pader na ginawang panangga upang hindi nila makita ay siya ring nagbibigay ng suporta sa akin nang biglang manghina.
Ilang beses akong umiling. Hindi, imposible itong nakikita ko. Pinaglalaruan lamang siguro ako ng mga mata. Nagkamali lang ako sa nakita.
Tama… nagkamali lang ako. Imposibleng hawak ni Nikki ang kamay ni Caleb.
“Hello, Kenan?” rinig kong sabi ni Caleb kaya mabilis kong tiningnan ang cellphone. Hindi ko napansin na sinagot niya pala ang tawag ko.
Kailangan kong makalayo muna sa lugar para hindi niya mapansin na nasa paligid lang ako at nakita sila. Tumakbo ako nang mabilis hanggang sa mapagod. “H-hello?” ang tugon ko matapos tuluyang makalayo.
“Ba’t ka napatawag?”
Lumunok muna ako ng laway para alisin ang bara sa lalamunan. “Lunch break na kasi, nasa’n ka?” Please, sumagot ka ng totoo.
“Papunta na sa canteen.”
“I-ikaw lang mag-isa?”
“Of course.”
Mariin akong napahawak sa cellphone nang sabihin niya iyon. Sinungaling! Kasama niya si Nikki, kitang-kita ko silang dalawa. “Ah, okay. Punta ka na rito,” ang sabi ko na lang at pinatay agad ang tawag.
Pumunta ako sa canteen at hinanap si Felix na kumakain na. “Sa’n ka galing?”
“D’yan lang sa tabi-tabi.”
Tinitigan niya muna ako bago pinagpatuloy ang pagkain. Pero hindi nagtagal ay binaba niya ang hawak na kutsara’t tinidor. “Nakakawalang gana kang tingnan. Namumutla ka kasi, may sakit ka ba?”
Sasabihin ko ba o hindi?
Pinilig ko ang ulo. Hindi ko pwedeng sabihin sa kanya ang nakita pero hindi yata ako patatahimikin nang utak kung ililihim ko lang ito sa sarili. “May kinuwento kasi ‘yung kaibigan ko sa ‘kin—“
“Sino? Si Caleb?”
“Hindi siya, ‘yung isa kong kaibigan.”
“’Wag mo sabihing ako?”
“Siyempre hindi ikaw!”
“Ha? e, sino pala? Dalawa lang kaming kaibigan mo. ‘Wag mo sabihing isa sa barkada? Si Marlon ba?”
“Makinig ka nga muna sa ‘kin!” nag-uumpisa na akong mainis sa kanya. “Patapusin mo ‘ko.”
“Okay, sige, continue.” Tapos ay sumubo ng pagkain.
“May kinuwento ‘yung kaibigan ko pero hindi si Caleb at lalong hindi ikaw o isa man sa barkada, basta may isa pa akong kaibigan na hindi mo kilala. ‘Yung kaibigan kong ‘yun ay may nililigawan—“
“Parang ikaw, may nililigawan rin.”
Tumalim ang tingin ko sa kanya. Bakit ang daldal niya?! “Kumain ka na lang.” Nagtitimpi na ako sa kanya. Kapag hindi pa siya tumigil ay talagang ako na ang magpapakain sa kanya, kasama ang kutsara’t tinidor.
“May nililigawan ‘yung kaibigan ko. Pero isang araw nakita niya ‘yung nililigawan niya na kasama ‘yung bestfriend niya. At alam mo kung anong nakita niya?”
“Hindi ko alam, ikaw nagkukwento rito, ba’t mo ‘ko tinatanong?”
“Wa… la… kang… kwen…tang… ka…u…sap.”
Umakto naman siyang sinasara ang bibig na parang may invisible zipper.
“Nakita nang kaibigan kong magkahawak kamay silang dalawa,” ang pagpapatuloy ko.
“Nakita mong magkahawak kamay si Caleb at Ni—“ Mabilis kong tinakpan ang bibig niya dahil sa lakas ng boses niya.
Muntik na niyang mabanggit si Nikki!
“Hindi ako! ‘yung kaibigan ko ang pinag-uusapan natin dito.”
“Lokohin mong lelang mo. Ano? Pareho kayong may nililigawan at bestfriend? Saka kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa buhay ng ibang tao?”
Tikom ang bibig at hindi na ako naka-react sa sinabi niya. Ganoon ba ako ka-obvious?
“Okay fine, hindi na ikaw ‘yung kinukwento mo. Ganito, sabihan mo ‘yang kaibigan mo na ’wag mag-isip ng kung ano-ano tungkol sa nakita niya. Hintayin niya munang magpaliwanag ang bestfriend niya, ‘kay? Magkaibigan sila kaya tiwala lang. Naks! Ang galing kong mag-advice.”
May point siya sa sinabi niya. Hindi muna ako dapat mag-isip ng kung ano-ano tungko kay Caleb. Kaibigan ko ito simula pagkabata at kilalang-kilala. Alam kong hindi ito gagawa ng isang bagay na ikasasama ko ng loob.
Mayamaya pa ay nakita ko na si Caleb na palapit sa table namin. “Ba’t hindi ka pa kumakain?”
“Ah… nawala sa isip ko,” tumayo ako at akmang aalis para bumili ng pagkain nang hawakan niya ang kamay ko. Nabigla ako sa ginawa niya at mabilis na natabig palayo ang kamay… ang kamay na kanina lang ay hawak ni Nikki.
“May problema ba?” ang tanong niya at kahit si Felix ay napatingin na rin sa akin.
“Wala, sige, bibili lang ako ng pagkain.”
Bigla siyang tumayo. “No, ako na ang bibili para sa ‘ting dalawa.” At umalis na papunta sa counter.
Nakatitig ako sa likod niya habang sumasagi sa isip ang maraming katanungan.
Ano ba talaga iyong nakita ko?
Bakit sila magkahawak kamay?
At bakit nagsinungaling siya sa akin?
Gustong-gusto ko iyong tanungin pero tulad ng pinayo ni Felix. Hindi dapat ako mag-isip ng masama tungkol sa kanya.
*****
HUMINTO ang sasakyan sa tapat ng bahay. Oras na para umuwi ako… pero hindi talaga ako matatahimik kung hindi ko ito itatanong.
Humugot ako nang malalim na hininga bago binaling sa kanya ang tingin. Bahala na!
“Caleb, may itatanong lang sana ako sa ‘yo.”
“Ano ‘yun?”
“May… may relasiyon ba kayo ni Nikki?” ang kamay kong nakahawak sa seatbelt ay mas lalo pang humigpit dahil sa tinanong.
Nanlaki ang mata niya, anong ibig sabihin ng expression niya? Totoo ba ang hinala o talagang nagulat lang siya sa tanong ko?
“Of course not,” aniya na bumalik sa normal ang expression. “Ba’t mo naman nasabi?”
“Nakita ko kayo, nu’ng lunch break sa likod ng classroom.” Nanatili ang tingin ko sa mga mata niya. Sa tagal naming magkaibigan ay alam ko kung paano siya magsinungaling kaya hindi siya makakatakas sa mapanuri kong mga mata. Mahuhuli ko agad siya.
Pero tulad ko ay tumitig muna siya nang matagal bago napatingala na tila may inaalala. “Ah, ‘yun ba? Kinausap niya kasi ako tungkol sa isang project. Nabanggit ko ‘to one time sa ‘yo, right? Kulang kami ng member at kumuha kami sa ibang section tutal at iisa lang naman ang teacher namin sa subject na ‘yun at isa siya sa member.”
“Talaga?” Pero hindi pa rin ako kumbinsido. Parang may mali pa rin, e.
“Saka kung nakita mo kami kanina. Malamang ay nakita mo rin na hawak ko ang kamay niya kanina, right? Wala lang ‘yun, muntik na kasi siyang madapa kaya tinulungan ko.”
“Bakit do’n pa kayo nag-usap?” May ibang lugar naman at hindi iyong para silang may itinatago.
Bigla siyang napangisi. “Tamang hinala ka pala. Okay sige, explain ko sa ‘yo… kaya kami du’n nag-usap kasi natatandaan mo last year? ‘Yung issue ko?”
Ah! Biglang sumagi sa isip ko ang tinutukoy niya. Last year ay may rumor na kumalat sa buong school na may sinulot daw siya. Inagaw niya ang girlfriend ng isang dating senior na gr-um-aduate na ngayon. Pero ang totoo ay tinulungan lang naman niya ito na dalhin ang ibang props sa school play dahil member ang naturang babae.
Kaya simula nu’n ay hindi na siya masiyadong friendly sa mga babae kasi name-misinterpret ng iba.
“Yup, tanda ko pa ‘yung issue. Tinawanan lang natin ‘yun dati,” ang tugon ko.
“Exactly, sa tingin mo, kung nag-usap kami sa harap ng maraming tao, anong mangyayari? Lalo na at alam ng karamihan na nililigawan mo siya? Baka may kumalat na namang issue at sabihing inaagawan kita.”
Gumaan ang pakiramdam ko sa narinig. Tama nga ang sinabi ni Felix na dapat ay pakinggan ko muna ang paliwanag niya bago mag-conclude.
“Salamat, magaan na ang pakiramdam ko. Sige, pasok na ‘ko sa loob.” Inalis ko ang seatbelt at lumabas na sa kotse.
“Okay, see you tomorrow na lang ulit.”
“Okay,” ang sagot at tuluyan nang sinara ang pinto ng kotse.
*****
KINAUMAGAHAN ay naghintay ako sa labas ng gate. Pero ilang minuto na ay wala pa ring lumalabas na kotse sa gate nila Caleb kaya nagpasiya akong puntahan na ito.
At ang sabi ng katulong ay nakaalis na raw ito at pumasok na sa school. Labis akong nagtaka kasi hindi naman siya sumisira sa usapan. Kapag sabay kaming papasok sa school ay talagang ginagawa niya.
Or baka…?
May nakalimutang assignment tapos makiki-copy sa classmate. Ganoon ako kung minsan, e, hehehe.
Nang makarating naman sa school ay nakita ko rin siya na naghihintay sa labas ng classroom ko. Nag-sorry siya kasi nakalimutan niyang sabay kaming papasok. Pero hindi ko na iyon inintindi, ayos lang naman sa akin.
At nang mag-bell for lunch ay parang tuko na kung kumapit sa akin si Felix. Magpapalibre na naman ng pagkain sa canteen.
“Wala akong pera,” ang iwas ko pero ang totoo ay ayaw ko lang siyang ilibre dahil puro na lang siya ganoon.
“Si Caleb ba? Buti pa ‘yun lagi akong nililibre.”
“Kasi mayaman naman ‘yun, e, ako? Wala akong pera kaya du’n ka kumapit at hindi sa ‘kin.” Sinubukan kong alisin ang kamay niyang nakalingkis sa braso ko.
“O edi, tara na sa canteen at baka nando’n na ‘yun naghihintay sa ‘tin.” Tapos ay hinila na ako palabas ng classroom.
Pagdating sa canteen ay halos puno na ng mga students pero kahit anong libot ko ng tingin sa buong paligid ay hindi ko makita si Caleb. “Maghanap ka muna ng vacant table at iti-text ko muna ‘yun,” ang utos ko kay Felix.
Pinadalhan ko ng message si Caleb pero hindi naman ito sumasagot. Kahit nang subukan kong tawagan ay ayaw namang sagutin. Kaya nagpaalam muna ako kay Felix na susunduin na si Caleb.
Nasa senior high building na ako at wala ng katao-tao. Kahit sa classroom mismo ni Caleb ay wala ng students. Saan naman kaya iyon nagpunta?
Kaysa masayang ang oras sa paghahanap sa kanya ay mas mabuti pang bumalik na lang ako sa canteen at kumain. Saka na lang sa pag-uwi ko ito tatanungin.
“Ano ba!”
Isang mahinang sigaw ang narinig ko kaya napahinto ako sa paglalakad. Ano iyon? May multo ba rito sa paligid?
“Ibalik mo sa ‘kin ‘yan!”
Muli akong napalingon nang marinig muli ang boses. Nasa malapit lang iyon. Dahan-dahan ay naglakad ako papunta kung saan nagmumula ang boses.
“Ano ba Nikki! Ibalik mo na ‘yang cellphone sa ‘kin, naghihintay na si Kenan.”
Muli akong nahinto nang marinig ang sariling pangalan. Unti-unti ay naging malinaw na sa akin ang boses na sumigaw ay si Caleb pala. Hindi ko agad nakilala dahil bihira ko lang marinig si Caleb na sumigaw.
Pero bakit sila magkasamang ulit?
“Ayoko, hindi ko ito ibabalik sa ‘yo,” ang boses ni Nikki.
“Nauubos na ang pasensiya ko kaya ibigay mo na sa ‘kin ‘yan,” si Caleb.
Kahit kinakabahan sa hindi malamang dahilan ay unti-unti akong lumapit papunta sa likod ng isang classroom. Maingat at walang ingay akong sumilip at nakita ang likod ni Caleb habang si Nikki ay nakaharap dito, kitang-kita ko ang mukha niya habang may hawak na cellphone. Marahil ito ang kanina pa ikinaiinis ni Caleb. Kinuha ni Nikki ang cellphone niya.
“Ows talaga? Kasi ako, matagal nang naubos ang pasensiya ko sa ‘yo Caleb!”
Natigilan ako dahil ngayon ko lang nakita si Nikki na ganito kagalit na talagang mababakas sa mukha niya.
“Ano ba talagang intention mo, ha?! Anong purpose mo sa pagpapakita sa ‘kin ng motibo? You make me feel special every time na magkasama tayo yet binabalewala mo rin the next day na parang walang something sa ‘ting dalawa. Gusto mo lang ba akong paglaruan kasi alam mong crush kita noon pa?”
Nahigit ko ang hininga sa narinig. Matagal ng may gusto si Nikki kay Caleb? At ano iyong sinasabi niya na ‘something’? May nangyayari ba sa kanila na hindi ko alam?!
***<[°o°]>***

Komento sa Aklat (99)

  • avatar
    alecajoyjoson

    Ganda❤

    14/05/2024

      0
  • avatar
    InginAmir

    i love it

    23/04/2024

      0
  • avatar
    SimJaeyun

    nice story para sa mga bl Reader's and watchers, good job po

    22/04/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata