CHAPTER 51

KINABUKASAN, nagtungo ang mag asawang Dondon at Selene sa San Martin. Dumaan muna ang dalawa sa bahay ng pamilya ni Dondon bago tumuloy sa bahay sa tabing dagat.
"Mukhang nahiyang sa'yo ang Manila Don," turan ng ina ng lalaki. Makikita sa mukha nito ang saya na makita silang dumalaw. "Salamat Selene sa pag-aalaga sa aming anak.''
Namumula naman sa hiya si Selene sa ina ng asawa. "Hindi niyo naman po kailangan magpasalamat,nay. Tungkulin ko po iyon bilang asawa ng anak niyo.''
Nasisiyahan naman na tumango ang matandang babae.
"Sana naman ay bilisan niyo ang pagbibigay ng apo sa'min. Aba, gusto ko naman na makarga ang magiging apo ko sa inyo.'' Sabat naman ng ama ni Dondon.
"Huwag po kayong mag-alala, magkakaapo rin kayo sa'min.'' Tugon naman ni Dondon na ngiting ngiti.
Napuno ng tawanan ang bahay ng mga magulang ni Dondon dahil sa kanilang pagdating. Kahit paano ay nagkaroon ng ingay ang bahay. Simula kasi mag-asawa ang lahat ng mga anak ng mga ito ay tanging ang mag-asawa na lamang naiwan sa bahay na iyon.
Pagkatapos ng tanghalian ay nagyakad na si Dondon na puntahan na ang mag-asawang Haru at Margaret.
Medyo kabado si Selene habang bumibiyahe sila. Hindi kasi nila malaman kung paano sasabihin sa mga ito ang pagbabalik ni Zari.
Nang makarating ay agad na umibis si Zari sa sasakyan. Mula sa kinatatayuan ay tinanaw muna niya ang malawak na karagatan.
May alaala ang biglang lumitaw sa kaniyang balintataw.
Bigla siyang napalingon sa asawa na umakbay sa kaniya.
"Buo na tayo makakapag swimming," anito na nakatanaw din sa malawak na dagat.
"Tara na sa taas,'' yakad ni Selene. "Sigurado magugulat ang mga iyon sa pagdating natin.''
Umakyat sila sa hagdang bato na patungo sa bahay ng mga kaibigan.
Ilang hakbang na lamang mula sa pintuan ng bahay ay maririnig na ang matinis na halakhak ni Urah. Nagkatinginan silang mag-asawa bago sabay na nakangiti.
Si Dondon ang kumatok. Napatungo sila nang mapakita ang nagbukas ng dahon ng pinto.
"Tita Selene! Tito Don!"
Agad na yumakap sa kanila ang bata. Hindi magkamayaw sa paghalik sa kanilang pisngi at pagyakap.
"Isa itong sorpresa.''
Napatingin sila sa nagsalita. Nakaakbay si Haru kay Margaret habang malapad ang pagkakangiti.
Tumuloy na ang mag-asawa habang si Margaret at Selene ay nagtungo sa kusina kasama si Urah.
Maririnig pa sa kanugnog na sala ang tawanan ng dalawang babae.
"Ilang araw lang tayong hindi nagkita eh blooming ka na agad. Sabagay nga naman eh nandirito na ang nagpapasaya sa'yo. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig.''
"Asus, nagsalita ang hindi blooming. Ikaw din kaya.''
"Aminado ako d'yan. Simula nang naging kami ni Dondon,puro kaligayahan na lamang ang nadarama ko sa piling niya.''
Sabay tawanan ng dalawa. Nagtataka naman ang mga tingin ni Urah sa kanilang dalawa. Nang mapansin ni Selene na mulagat na nakatingin ang bata,ginulo niya ang buhok nito na ikinatawa naman nito.
"Mag-prepare na tayo ng meryenda nila,baby.'' Sabi naman ni Margaret sa anak.
Samantala,sina Haru at Dondon at nasa balkonahe ng bahay. Parehas silang nakatanaw sa dagat.
"Alam kong may nais kang sabihin,pare.'' Mahihinuha ang kaseryuhan sa tono ni Haru kahit hindi ito tumingin sa kaibigan.
Nag-alis muna ng bara si Dondon bago nagsalita. '' Kasi pare…nandito na ulit sa mundo natin si Zari.''
Biglang baling ng tingin si Haru sa kaibigan na umiwas naman ng tingin.
"Kailan pa?''
"Hindi ko alam kung kailan siya dumating sa mundo natin,pero kahapon ay kasama siya ng babaylan na pumunta sa bahay.''
"Ang babaylan? Bakit sila magkasama? Huwag mong sabihin na may kinalaman ang babaylan sa—.''
"Mali ka ng iniisip, ganito kasi iyon…''
Pahapyaw na ikinuwento ni Dondon ang mga sinabi ng baybaylan, ngunit hindi pa rin kumbinsido si Haru.
"Kailangan kong makausap mismo ang babaylan. Hindi ako papayag na nandito ang babaeng iyon. Hindi ko hahayaan na sirain niyang muli ang pagsasama namin ni Margaret. Binigyan ko na siya ng pagkakataon na makalaya sa Arectia ngunit iba pala ang plano niya.''
"Bueno,mas makakabuti nga kung magkakausap kayo ng babaylan. Pero opinyon ko lang naman ito,namin ni Selene. Sa tingin namin ay totoo nang nagbago si Zari. At isa pa,nasa pangangalaga naman siya ng babaylan. Hindi iyon gagawa ng anumang hakbang laban sa inyo.''
Hindi umimik si Haru, ngunit hindi pa rin siya kumbinsido sa paliwanag ng kaibigan. Nais pa rin niyang makatiyak sa sarili niya mismo.
"Kailangan kong makipagkita sa babaylan ngayon.''
"May problema ba?''
Sabay silang napalingon kay Margaret na kasunod si Selene na akay ang bata.
Masinsinan nag-uusap ang mag-asawa. Iniwan muna nila sa pangangalaga ng mga kaibigan ang anak.
"Sasama ako sa iyo.''
Mataman lamang siyang minasdan ni Haru.
"Gusto ko rin siyang makausap at ang baybaylan. Pakiusap,isama mo na ako.''
"Paano si Urah?''
"Isama natin siya.''
Naroon pa rin ang pag-aalinlangan sa awra ni Haru na isama ang asawa.
"Sige.'' Pagsang-ayon na lamang niya kasabay ng pagtataas ng dalawang kamay na tanda nang pagsuko.
Kinausap nila ang mag-asawa sa plano nilang pakikipagkita sa baybaylan at kay Zari.
"Kami nalang ang magbabantay kay Urah. Mabait naman na bata iyang anak niyo. Tiyak hindi kami mahihirapan.'' Sabi ni Selene na napasulyap pa sa kinaroroonan ng bata.
Nasa sala ito habang nanunuod ng TV. Nasa balkonahe silang apat at doon nag-uusap upang hindi marinig ng bata.
"Okay lang ba?'' tanong ni Margaret.
"Oo naman bessy! Kaya go na kayong mag-asawa kaysa naman sa mayroon gumugulo sa inyong isipan,mabuti nang makausap niyo sila.''
"Huwag niyong intindihin si Urah. Kami muna ang magiging magulang niya habang wala kayo.'' Saad naman ni Dondon.
"Salamat sa inyong dalawa,'' wika ni Haru.
Sandaling kinausap ng mag-asawa ang anak nila.
"Talaga po bang hindi ako puwedeng sumama?" Misty eye na tanong nito.
"Sandali lang kami baby,may kailangan lang ayusin sina mommy at daddy na importante.''
"Eh bakit kailangan magkasama pa kayo? Hindi ba puwede na isa lang sa inyo ang aalis?"
Si Haru ang sumagot. " May kakatagpuin kasi kaming kaibigan. Matagal namin siyang hindi nakita. Siguro hindi ka pa pinapanganak sa mundong ito nang huli namin siyang nakita. Baka umalis din siya,kung hindi namin siya pupuntahan ngayon eh baka hindi na namin makita o makausap.''
Tumango-tango naman si Urah na tila nauunawaan ang paliwanag ng ama.
"Okay po.''
Niyakap ni Margaret ang anak ng mahigpit. Napaka suwerte niya talaga sa pagkakaroon ng mabait at maunawaing anak sa ganoon edad pa lamang.
Niyakap din ni Haru ang anak nang kumalas rito si Margaret.
"Ang bait talaga ng prinsesa ko. Kaya love na love ka namin eh.''
"Love ko rin po kayo.''
Napapangiti naman habang nanunuod sa kanila ang mag-asawang Dondon at Selene.
Matapos ihabilin ang anak sa mag-asawa ay umalis na ang dalawa. Kumaway pa sa kanila ang anak at nagbilin ng pasalubong.
Habang nasa kotse,hindi maiwasan ni Margaret ang mag-alala sa nalalapit na paghaharap nila. Nais din niyang malaman ang totoong dahilan ng pagbabalik ng babae.
Kahit naipaliwanag na ni Selene sa kaniya kanina ay hindi pa rin maiwasan na kabahan siya nang malaman na narito sa mundong ito si Zari.
"Huwag kang mag-alala,hindi ko na ulit hahayaan mangyari ang dati. Haharapin natin itong magkasama.''
"Hindi ko lang kasi maiwasan na hindi mag-alala. Kahit sino naman di ba? Pero mas gusto kong isipin na baka totoo nga na nagbago na siya. Kapag nakaharap natin si Zari, hayaan natin siyang magpaliwanag. Nais ko rin marinig ang side niya bago ko siya husgahan.''
"Tama ka. Nadala lang ako kanina kaya kung anu-ano na ang pumasok sa isip ko. Gusto ko rin marinig ang paliwanag ng babaylan kung bakit kailangan niyang kupkupin si Zari sa mundong ito.''
"Natitiyak kong mabuti ang intensiyon ng baybaylan.''
Tumango na lamang si Haru. Si Margaret naman ay ipinaling ang mga mata sa labas ng bintana.
Tila napakatagal ng naging biyahe nila nang sa wakas ay nasa harap na sila ng napakalaking bahay ng babaylan.
Nakita nilang lumapit sa may gate si Mads at saka sila pinagbuksan ng gate.
Batid nila na alam ng babaylan ang kanilang pagdating.
Hindi nga sila nagkamali ng sapantaha. Naroon sa sala ang babaylan at maging si Zari.
Medyo natigilan si Margaret nang makita ang babae. Ang laki kasi ng pinagbago ng itsura nito. Ang dating nakakaakit na ganda nito ay biglang naglaho pero naroon pa rin ang gandang taglay.
"Maupo muna kayo…'' paanyaya ng baybaylan sa kanila. "Mahaba-haba ang ating pag-uusapan.''
"Anong ginagawa mo Zari sa mundong ito?" tanong ni Haru nang nakaupo na sila. Diretso ang tingin nito sa babae na halata ang tensiyon sa kinauupuan.
"Kamahalan… Margaret. Una masaya ako na makita kayong magkasama ngayon. Alam kong nalampasan niyo na ang pinakamatinding pagsubok na dumating sa buhay niyo.''
"Kung totoo man ang sinasabi mo, nagpapasalamat ako. Pero bakit ka pa nagbalik sa mundo namin?" Si Margaret naman ang nagtanong.
"Mas gusto ko ditong manirahan.'' Halos pabulong na sagot nito.
"Masyadong mababaw ang dahilan na sinabi nila Dondon upang piliin mong dito manirahan. Ano ba talaga ang motibo mo?''
Biglang nag-angat ng paningin si Zari. Mababakas sa mukha nito ang determinasyon.
"Kamahalan,simula nang tumuntong ako sa mundong ito sa kauna-unahang pagkakataon,alam kong dito ako magiging maligaya. Hayaan niyo na po ako,hindi naman ako mangugulo sa inyo.''
"Paano kami nakatitiyak?'' Naroon pa rin ang pagdududa Kay Haru.
"Tama ang sinabi ni Zari." Sumabat na sa usapan ang babaylan. "Hindi siya nandito upang guluhin kayo. Bigyan natin siya ng pagkakataon na mamuhay sa mundong ito. Katulad niyo kamahalan ay pinili na dito manirahan. Nais din niyang gugulin ang buong buhay niya sa mundong ito.''
"Pero…" may nais sanang sabihin si Haru. Nabasa naman ng baybaylan ang nasa isip niya ng mga sandaling iyon.
"Huwag mo nang alalahanin ang bagay na iyon. Nagawan ko na ng paraan. Maari na siyang manirahan dito kaya lamang ay katulad mo ay hindi na siya makakabalik pang muli sa mundo ng Arectia."
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Haru bago ibinaling muli ang paningin kay Zari.
"Kung ganoon Zari, maligayang pagbabalik sa mundong ito. Nawa ay mahanap mo ang kaligayahan sa mundong ito."
Napangiti na si Margaret. Natutuwa siya dahil naging malawak ang pang-unawa ni Haru sa babae.
"Salamat sa inyo.'' Walang pagsidlan ang tuwa ni Zari. Sa wakas ay nawala na rin ang isang nagpapabigat sa kaniyang kalooban.
"Siya nga pala, kamahalan, Margaret. Mabuti na rin at narito kayo ngayon. Magpapaalam na rin kami sa inyo.''
Nagtataka naman ang mga tingin ng mag-asawa sa babaylan.
"Saan po kayo pupunta?" Si Margaret ang nagtanong.
"Balak namin libutin ang buong mundo. Kasama ko si Zari at Mads. Baka matagalan pang muli ang ating pagkikita.'' Sandaling huminto sa pagsasalita ang babaylan bago nagpatuloy. '' Margaret,ipinapaubaya ko na sa'yo ang kamahalan. Ikaw na ang bahala sa kaniya.''
"Makakaasa po kayong hindi ko pababayaan si Haru. Maligayang paglalakbay po sa inyong tatlo.''
"Salamat sa inyo. Sa paglalakbay namin hindi pa rin matatapos ang aking pagiging lagalag na baybaylan.''
"Lagi po kayong mag-iigat saan man kayo naroroon.''
"Salamat kamahalan.''
Natapos ang kanilang pag-uusap na bawat isa sa kanila ay nabunutan ng tinik. Wala na rin bigat sa kanilang mga puso dahil sa naging nakaraan.

Komento sa Aklat (81)

  • avatar
    TempladoMaria

    Touch and hold a clip to pin it. Unpinned clips will be deleted after 1 hour.Welcome to Gboard clipboard, any text you copy will be saved here.

    19/01

      0
  • avatar
    BaquirelEljun

    mobile legends

    16/10

      1
  • avatar
    CaballeroPauline

    nice story

    27/01/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata