IKA-SIYAM NA SULYAP

ANG NASA PANGANIB NA BAGONG BUHAY
Lumipas ang isang buong araw na di iniimik ni Ate Elena si Kuya Jigs, kahit na panay ang kausap nito sa kanya. Kahit pa nasa harap ng pagkain ay 'di pa rin talaga siya nagsasalita.
Kinabukasan ay maagang umalis ang Kuya upang mag- asikaso ng para sa aking eskuwela. Nagkakaroon na tuloy ako ng hiya sa kanya, pakiramdam ko ay may mga pagbabago sa aming tatlo..At ang isa pa ay, parang may problema si Ate Elena.
"Ate! Andito ka lang pala.. Kanina pa tumatawag ang Kuya Jigs eh, tinatanong kung ano raw gusto mong ulam mamaya dahil.."  itinigil ko ang aking pagsasalita dahil tila walang naririnig ang aking kausap.
Nilapitan ko ang nakatulalang si Ate Elena sa harap ng cabinet na pinaglalagyan ng camera ng kapatid ni Kuya Jigs. Napansin ko ang pagkaseryoso ng kanyang mukha habang nakatitig roon.
"Ate Lena... Bakit?"  aking tanong sa kanya.
Ngunit nilingon niya lamang ako at sandaling tinapunan ng tingin. Mas lalo pa akong lumapit sa kanya at muli siyang tinanong.
"Ate Lena... May problema ba?" 
Hinawakan niya ang camera.
" Talagang napaka-importante sa kanya ng gamit na ito.."  ang sagot niya.
Naupo ako sa kama at..
" Syempre... Sa kapatid niya 'yan eh! Kahit sino siguro na namatay na ang kapatid eh iingatan talaga ang bagay na nagpapaalala sa nakaraan nila.."  sagot ko.
Muling ibinaling ng Ate Elena ang kanyang mga tingin sa akin. Medyo iba ang kanyang datingan ngayon. May kabagalan sa kanyang mga kilos na tila mabigat ang pakiramdam. At ang kanyang pananalita, di ganoon kasigla. Madalas kasi ay mataray ang pagbigkas niya sa mga binibitiwang salita, pero ngayon siya ay medyo kalma. Napansin niya sigurong sinusuri ko siya at sandali lang ay walang kibong lumabas na lang siya ng kuwarto.
"Ano ba iyon?! Parang may kakaiba sa kanya, ganoon ba ang selos? O! Hindi kaya buntis at naglilihi na kaya may topak?!"  aking tanong sa sarili.
Hindi ko na siya sinundan pa dahil narinig kong tumunog ang pinto ng kanilang kuwarto at siguradong pumasok na siya rito.
***
Pagpasok ni Elena sa kuwarto ay naupo ito sa kanilang kama. Tila lulugolugo at nakayuko lamang siya. Maya- maya lang ay..
"Nakita mo na? Mahal na mahal talaga ako ng Kuya,kaya nga 'di ko siya maiwan kahit na patay na ako.."  salita ng babaeng katabi niyang nakaupo rin sa gilid ng kama.
Ngunit walang kibo si Elena, tila nasa kalawakan ang utak at nananatiling nakayuko lamang at nakatingin sa sahig.
At muling..
" Huwag kang mag alala... Hindi ko sasaktan ang magiging pamangkin ko.."  muling sabi ng babaeng kanyang katabi kasabay ang paghimas sa tiyan ni Elena.
" Dahil siya ang magsisilbing bagong buhay ko..hehe..at ikaw?"  haplos naman nito sa buhok ni Elena. " Papatayin na kita bago pa sumapit ang ikawalong buwang pagbubuntis mo....hihi...medyo matagal pa naman rin iyon... May apat na buwan ka pa para mabuhay...haha! hahaha!"  kanyang malakas na tawa.
Pagtapos ng kanyang nakakikilabot na halakhak na tanging siya lang ang nakakarinig ay..
"Waak! Aark! Ahak!"  duwal ni Elena.
Hawak-hawak ang kanyang bibig habang patuloy ang pagduwal.
"Ahak! Ahak!"
Pag-alis ng kanyang mga palad sa bibig ay puro putik na may mabahong amoy ang lumabas galing sa kanyang pagduwal.
"Hmp!"
Ipinunas niya lamang ito sa kanyang damit, wala siyang pakialam sa kanyang nakita. Tila wala talaga sa kanyang sarili, pagkatapos ay basta na lamang nahiga. Nakatanaw sa kanilang bintana at malalim ang iniisip.
Ngunit.. Ano kaya ang kanyang iniisip?
***
Panay ang busina ni Kuya Jigs. Natataranta naman akong tumakbo palabas agad.
"Naku Kuya,pasensya na po...si Ate Lena kasi panay ang suka.."  sabi ko.
Nagulat siya sa aking sinabi at agad na bumaba ng kotse na 'di man lang muna iginarahe ito. Nagmamadali siyang tumakbo papasok at nagpunta sa kanilang kuwarto. Agad naman akong nakasunod sa kanya.
"Lena bakit?!"  tanong niya sabay ang pag-aalalay pagbangon sa kanyang 'di makagulapay na asawa.
"Ahak!"  duwal ni Elena.
"Luisa, tawagan mo si Doc. Nievo, nandoon ang number niya sa tabi ng telepono.. At sabihin mong emergency lang.."  utos ni Kuya Jigs.
Agad akong tumakbo pababa upang magpunta sa telepono. Pagdating doon ay agad ko namang nakita ang numero.
***
"Congrats Pare! Magiging tatay ka na! Haha!"  malakas na tawa ni Doc. Nievo.
Hindi nga ako nagkamali at buntis nga ang Ate Elena.
"Magpunta kayo sa clinic ko bukas para mapa ultrasound and macheck up na rin siya ..."  a'ni Doktor.
Hindi maipinta ang mukha ni Kuya Jigs sa sobrang tuwa habang hinahagod pa ang buhok ng natutulog na si Ate Elena. Tuwang-tuwa siya at magiging tatay na. Ang sabi ng doktor sa kanyang panantya sa pagpintig ng bata ay nasa mag-aapat na buwan na raw ito. Palibhasa ay tagaprobinsya kung kaya at 'di man lang siguro naisip na siya ay nagdadalang tao at sadyang walang pakialam si Ate Elena dahil nga sa kakaibang personalidad niya. Matagal na rin kasi niyang problema noong dalaga pa siya ang 'di normal na pagdating ng kanyang buwanang daloy kung kaya rin siguro 'di niya ito pansin.
Lumabas muna ang Kuya Jigs upang ihatid ang doktor. Naiwan ako sa loob ng kuwarto kasama ang natutulog na si Ate Elena. Naupo ako ng marahan sa kama upang 'di siya maistorbo. Nangingiti pa akong pinagmamasdan ang magiging ina ng si Ate Elena ko. Ang mabagsik na mambabarang ay masusubukan na ang kabagsikan sa kanyang nalalapit na pagiging ina. Natutuwa akong isipin na tila nagbabago na ang lahat sa kaniya, iba yata talaga ang nagagawa kapag labis na umiibig ka. Kalilimutan mo lahat para lamang sa taong iniibig mo, kahit pa ang dating pagkataong kinagisnan mo na.
Kasalukuyan akong nasa kalagitnaan ng aking katuwaan ng biglang makaramdam nang pagdaan ng malamig na hangin mula sa pintuan. Tila may pumasok at dumaan sa aking tagiliran. Ilang segundo rin at..
Chag!
Nahulog ang maliit na pouch bag na madalas gamit ni Kuya Jigs. Nakapagtatakang bukas ito kung kaya at nagsabog ang kanyang mga gamit na nakalagay rito. Ayoko sanang kumilos o damputin ngunit may nagtutulak sa akin. Namataan ko ang isang tila maliit na plastik na photo album. Mas lalong may tumulak sa akin nang makita ang dulo ng isang bagay na nakaipit rito.
Tumingin pa muna ako sa labas at nang makitang nagtatapikan pa ang dalawang magkaibigan habang may hawak na tag-isang bote ng beer ay maingat akong umalis sa aking kinauupuan at marahang lumakad papalapit sa pouch bag na nahulog.
Isa-isa kong dinampot ang mga gamit at isinuksok muli sa bag, ihinuli ko ang maliit na plastik na photo album. At nang dinampot ko ito binuklat at ay tumambad sa akin ang isang bagay na ilang araw ko na ring hinahanap.
Ang ID ni Maggie.
Nang mabuklat kong tuluyan ay nakita ko pa ang isang litratong nakaipit sa maliit na plastik na photo album, at bukod tanging iyon lamang ang larawang naroon. At ito ay ang litrato ni Kuya Jigs kaakap ang isang babae.
Si Maggie.
Napakagat ako sa aking daliri nang makita 'yon, at ang isa pang ipinagtataka ko ay kung bakit narito sa kanya ang ID samantalang sa pagkakatanda ko ay inilagay ko ito ng maayos sa kuwartong tinutulugan ko. Mabilis kong itinago ang ID sa garter ng aking short dahil sa wala akong bulsa. At sandali lang ay..
"Luisa!"  tawag ni Kuya Jigs na biglang sumulpot sa pinto ng kuwarto.
"Po??"  gulat namang sagot ko.
Sinulyapan ko ang pouch bag. Medyo 'di halatang nagalaw ito dahil agad ko naman itong naibalik sa kanyang puwesto. Kahit na kinakabahan ay pilit kong kinuha ang ID, kahit na alam kong matutuklasan niya ring wala ito roon.
Nagpaalam na muna akong kakain para makaiwas sa kanyang mga tingin, dahil..
Dahil mukhang nakahalata siya.
***
ANG AKING BANTAY
Huwag kang mag alala apo.. Nandito na ako..
"Lola!!"
Napabalikwas akong pasigaw. Napanaginipan ko ang aking lola. Ang lola ng aking ina. Nilinga ko ang paligid ng aking kuwarto, para kasing totoong narito lamang siya.
Naupo akong nakabaluktot na yakap ang dalawa kong tuhod. Pagbaling ng aking tingin sa maliit na orasan ay alas-tres lamang ng madaling araw.
Alas-tres na naman. Madalas ay putol ang aking tulog pagdating ng ganitong oras. Ngunit nito lang naman 'yon nang dumating ako sa Maynila. Madalas sa probinsya ay mahimbing ang aking tulog at ala-siyete na ng umaga ang gising ko.
Napansin ko ang pagsayaw ng kurtinang puti, bukas na naman ang aking bintana. Gusto kong isipin na may kaluluwa na namang dumadalaw ngunit.. Wala naman akong ibang nararamdaman. Biglang pumasok sa aking isip ang busisiin ang ID ni Maggie. Sa ilalim lamang ng aking unan 'yun itinabi para kung sakaling may kukuha ay aking malalaman. Ngunit wala naman, dahil naroon pa rin siya.
Hinila ko ang tali ng lampshade upang ito ay magsilbing aking ilaw, ngunit tila may naglalaro na naman sa akin dahil ayaw nitong bumukas samantalang kagagamit ko lamang nito kanina. Hindi ko na 'yon pinagpilitan pang buksan dahil siguradong nagagalit na naman ang may ari nito.
Ang kapatid ni Kuya Jigs na yumao.
Hinugot ko na lamang ang drawer at kinapa ang aking cellphone. Mabuti na lamang at naroon ito, pagdampot na pagdampot ko rito ay agad kong binuksan upang gawing ilaw. Aking maiging sinisipat ang mga numero at pangalang nakalagay sa likod nito ngunit sadyang madilim ang paligid, maging ang ilaw ng makaluma kong cellphone.
"Grr...Ano ba'to!!"  inis na sambit ko.
Maya-maya ay..
Biglang lumamig ang aking mga paa. Alam ko ang ibig sabihin nito. Ibinaba ko ang aking mga hawak-hawak at hinayaan mamatay ang ilaw ng cellphone. Inaasahan kong si Maggie ang aking masisilayan na may dala ng malamig na hangin. Ngunit..
Isang anino ang nakikita kong nakatayo sa aking harapan na nasa dulo ng kamang aking kinauupuan. At 'di iyon si Maggie. Masyadong malamig at malagkit ang hangin na kanyang dala na sinabayan pa ng mabahong amoy.
"Hmp!"
Wala ako makitang mukha sa aninong nakaharap sa akin kahit na anong tingin ko. Nananatili lamang siyang nakatayo sa aking harapan. Hindi ako nakakaramdam ng takot. Nasanay na siguro ako.
Tinitiis ko ang mabahong amoy na dala ng aninong kaharap ko hanggang sa..
Tsik!
"Huh?!"
Biglang bumukas ang ilaw ng lampshade na kanina lang ay walang reaksyon. At nawalang bigla ang anino sa aking harapan pati na rin ang mabahong amoy na dala nito.
Napangiti akong bigla.. Pumasok sa isip kong..
Narito na nga ang aking lola.
At may kakampi na ako.
***
Malalim ang mga mata at payat na.
Ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay ganoon na ang itsura ni Ate Elena. Madalang na rin siyang kumain at lumabas ng bahay. Ang sabi raw ng doktor ay maselan ang kanyang pagbubuntis dahil ilang buwan na rin at ngayon lamang lumabas ang kanyang mga kahinaan.
Ngunit may sumasagi rin minsan sa isip kong talaga kayang dahil lamang sa pagbubuntis ito?
Minsan kasi ay nakita ko ang Ate Elenang may bahid ng putik ang damit. Maraming beses ko rin siyang narinig na tumatawa.
Kasalukuyang nanonood ako ng t.v. nang tawagin ni Kuya Jigs upang utusang bumili ng gamot. Masakit na naman kasi ang ulo ni Ate Elena at naubos na pala ang gamot para lamang sa kanya. Agad naman akong sumunod. Medyo kabisado ko na rin ang lugar kung kaya at madali na lang ito para sa akin.
Paglabas ko ng gate ay natanaw ko ang isang truck na ginagamit sa paglilipat ng bahay. Natuwa ako dahil may bago kaming kapitbahay. Nabili na pala ang bahay ni Manong load. Matagal-tagal na ring 'di ko nasisilayan ang mga kaluluwang andidyan. Siguro ay nagpaubaya na rin sila para magkaroong muli ng saya ang bahay nila. At nakatawid na rin sa puting ilaw ang kaluluwa ng nagpakamatay na si Manong load.
Isinara ko na ang gate at nag-umpisa na maglakad. Nang malapit na ako sa daang madalas namin pagtagpuan ni Ruben ay napahinto ako. May dalawang beses na rin kasing napadaan ako rito ngunit 'di ko na siya nakakasalamuha. At maging itong oras na nakatayo ako ngayon ay 'di ko rin siya nakikita. Naitanong ko tuloy..
"Kamusta na kaya siya?"
Wala pa kasi ako nagagawa para sa kanya. Simula ng araw na mangako ako na ako ay babalik ay 'di ko nagawa. Sandaling napahinto tuloy ang aking mundo. Nakaramdam ako ng lungkot at pagsisisi kung bakit ko siya napangakuan na 'di ko naman naitupad.
Sinilip ko ang kalyeng kanyang kinamatayan. Umaasang akin siyang masisilayan. Nang wala talaga akong makita ay medyo lumapit pa akong bahagya.
At napabuntung-hininga na lamang ako at sinabing..
"Pasensya ka na...Hindi ko pa talaga siguro kaya.."
Malungkot na aking salita. Konti na lamang at nararamdaman kong nangingilid na ang aking luha. Konti na lamang at..
"Ate.."
Ang tawag ng boses ng batang lalake na nasa aking likuran.
Sa aking pagharap ako ay talaga namang nasurpresa at pinanlakihan ng mga mata sa aking nakita.
"Ruben?!"  nakangitin banggit ko.
Nakita ko ang kaluluwa ng batang nagtitinda ng dyaryo na maliwanag na, at hulaan niyo kung sino ang kanyang kasama?
Ang kanyang lola.
Magkasama na sila ng kanyang lola. Siguro ay yumao na rin ito. Sandaling napawi ang aking mga ngiti. Naisip ko kasing...Namatay na lamang din ang kanyang lola na 'di man ako nakatulong sa kanya. Ngunit sa nakikita kong mga masayang mukha ay nila ay masasabi kong maligaya na talaga sila.
Wala na siyang dalang mga lumang dyaryo at 'di na rin pilipit ang mga paa. Maging ang bitak sa kanyang mukha ay naalis na. Ito siguro ang kanyang tunay na itsura. At ganito siguro ang itsura ng mga kaluluwang matatahimik na. Napakaliwanag at napakalinis  ng kanilang mga itsura.
"Ate...salamat.."  wika niya.
Naiiyak na ako sa sobrang tuwa.
"Salamat saan? Wala naman akong nagawa.."  aking tugon.
At ang sagot nya naman ay..
"Basta salamat... Magkasama na kami ng lola ko..Ang sabi niya sa akin itinuro daw ako ng lola mo.."
"Lo--lola ko?!"  gulat na sambit ko.
"Oo Ate, siya ang tumulong sa amin.."
Kahit na 'di ko talaga maintindihan ang kanyang mga sinasabi ay umarte na rin ako na parang naintindihan ko.
"Aalis na kame Ate.. Maraming salamat sayo.. Binalikan talaga kita para muling magkita bago pa kami tumawid."
Ang kanyang malambing na salita kasabay ang pag-akay sa kanyang lola at paglakad papunta sa kalyeng kanyang kinamatayan. Isang maliwanag na ilaw ang kanilang sinundan. At nang marating na ito ay..
"Paalam.."
Kumaway pa muna siya sa akin bago tuluyang tumalikod. At ilang sagli, ay nawala na sila.
Naiwan akong tulalang luhaan. Hindi ako makapaniwala sa aking nasaksihan.
"Si Lola ko? Haha! Si Lola!"
Ang aking bulong sabay tawa.
June_Thirteen

Komento sa Aklat (90)

  • avatar
    SimbulanArriane

    Unique story

    09/04

      0
  • avatar
    Rovie-joy L. Pinkian

    first horror story na nabasa ko dito super ganda deserved ng author ng 5 star ⭐

    06/12

      0
  • avatar
    Nans Lyn

    nice story

    16/05/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata