Homepage/NAKATAGONG MATA NI LUISA/
IKA-PITONG SULYAP
PAALAM NA, MANONG LOAD
Madilim na ngunit wala pa rin sina Ate Elena. Panay ang silip ko sa bintana kung paparating na ba sila, bukas ang lahat ng ilaw sa bahay dahil ako lamang mag isa, at kung sakali mang may mangyari sa akin ay kitang-kita.
Pagtanaw kong muli sa bintana ay aking natanaw ang kotse ng matandang nagpapaload na kapitbahay namin. Nagtataka ako dahil ang sabi niya ay babalik rin siyang agad sa ospital para sa kanyang asawa, ngunit mula nang iniwan ko siya ay 'di ko pa nakitang lumabas ng bahay nila. Ngunit madilim naman ang kanyang bahay, dahil ang lahat ng ilaw ay patay.
Tila may 'di tama. Ito na naman ang pakiramdam kong madalas ay maramdaman. Sinilip ko ang bintana upang tingnan ang mga kaluluwang do'n ay sumisilong, ngunit wala ang mga ito. Hindi ko na lamang ito pinansin. Palayo na sana ako sa bintana nang marinig kong may tumawag sa akin.
"Ne!"
Napalingon naman ako agad dahil kilala ko ang kanyang boses. Agad ko itong sinilip sa bintana.
"Ne!" muling tawag niya sa akin.
"Manong!" akin namang sigaw nang makita ko si Manong load sa harap ng aming gate. Agad naman akong lumabas dahil baka importante ang kanyang kailangan.
"Manong bakit po?" aking tanong habang binubuksan ang gate.
"Ne... Pakitawagan mo naman itong number na'to.." sabay iniabot niya ang kapirasong papel na may nakasulat na pangalan, tila isang doktor.
"Bakit po? Wala po ba kayong load?" aking tanong.
"Hindi ko kasi makita ang cellphone ko eh.." sabay ngiti niya.
"Ah sige po.. Ano po bang sasabihin ko Manong?"
"Pakisabi mo sa kanyang pumunta siya dito sa bahay ngayon ding oras na ito, at may importante akong ipakikita sa kanya.." ang sagot niya.
Nginitian ko naman siya. Naglakad na siyang pabalik, ngunit bago pa man makatawid ng kalsada ay muli niya akong nilingon at sinabing..
"Ne!"
Tumingin naman ako.
"Maraming salamat nga pala sa mga sinabi mo.." kanyang salita.
Ngumiti lang akong muli at tumalikod na. Naisipan ko biglang itanong sa kanya kung..
"Manong! Ba--" ako ay biglang natigilan.
Kaybilis niyang nawala. Hundi ko na siya matanaw dahil napakadilim ng kanyang paligid. Iyon pa lang sana ang aking itatanong sa kanya... Kung bakit patay ang lahat ng ilaw niya sa bahay.
Kumibit-balikat na lamang ako at pumasok na sa loob ng bahay.
Pagdating sa loob ay agad kong kinontak ang numerong kanyang ibinigay. Ngunit nakalimutan ko nga palang itanong ang pangalan ni Manong load.
Nang makausap ko ang lalaki ay sinabi ko na lamang mabuti ang itsura niya. Agad naman akong naintindihan ng aking kausap. Ang sabi pa nga niya ay kanina pa raw tumatawag sa kanya si Alfon, 'yun ang pangalan ni Manong load. Ngunit ng kanya na raw itong tinatawagan ay 'di naman sinasagot ang telepono niya.
Nagmadali na ang lalaking aking kausap. Pupunta na raw siya agad. Ang lalaking ito pala ay ang kanyang matalik na kaibigan. Nagpasalamat na siya sa akin at naputol na ang aming usapan.
***
Pip! Pip! Pip!
Nagising ako sa sunod-sunod na pagbusina. Pagtingin ko sa orasan ay alas-nuwebe na pala. Dinampot ko ang aking cellphone at marami nang miscol dito, maging si Ate Elena ay kanina pa pala tumatawag sa akin. Nagpungas ako ng aking mga mata at tumayo na upang sa gate ay magpunta.
Pagbukas ko pa lamang ng pinto ay nakita ko na maliwanag ang paligid. Napakaraming sasakyan pati na rin ang tao sa bahay nila Manong load. Nakapagtataka.
"Luisa! Baka gusto mong buksan ang gate?!" sigaw ni Ate Elena.
Nakatuon kasi ang aking pansin sa kaguluhan sa labas.
"Ate Lena, ano pong meron, bakit may pulis at ang daming tao?" tanong ko.
Pagbukas ko ng gate ay lumabas na lang din muna ako upang tingnan ang kaganapan, tutal naman ay naroon pa rin ang Kuya Jigs at ang ilan ring kapitbahay.
"May nangyari yatang masama do'n sa matandang nakatira diyan eh…" sagot ni Ate Elena.
Maya-maya ay tumunog ang cellphone ko.
At tumatawag ang lalaking aking kausap kanina. Agad ko itong sinagot upang makapagtanong.
Nagulat ako nang sinabi niyang gusto niya ako makausap ng personal at 'wag daw akong aalis sa aking kinatatayuan dahil nakikita niya raw ako. Medyo nakaramdam naman ako ng takot, siguro ay may masama talagang nangyari kay Manong load.
Hindi naman nagtagal at may nakita akong isang may edad na ring lalake na lumabas sa bahay ni Manong load, at kinausap muna ang isang mamang pulis bago lumakad patawid sa aking kinatatayuan, alam ko na siya sigurado ang lalaking kausap ko.
At sandali pa nga ay..
"Luisa?" tanong agad ng lalaki.
Nakatinginan pa muna kami ng Ate Elena, at siya ang unang sumagot.
"Bakit ho? Ano'ng problema?" mataray na sagot ng Ate Elena.
Ngumiti ang lalaki at.. " Ako po 'yung kausap niya kanina.. Gusto ko lang po sanang itanong kung anong oras sila nagkita ni Alfon, kung anong oras po niya ako pinatawagan.." sagot niya.
Tiningnan ko ang aking cellphone. Naroon pa kasi ang mga tawag ko sa kanya.
"Aah..eto po, 6:45, pag uwi niya po kasi eh agad ko kayong tinawagan.." sagot ko habang ipinakikita ang telepono sa kanya.
Sumabat naman ang matararay na si Ate Elena.
"Ba---bakit ho? May problema ba? A--ano po bang nangyari diyan?!" tanong niya na nakasalubong pa ang kilay.
"Ayon po kasi sa doktor at sa imbestigasyon ay... Mga limang oras na raw pong patay si Alfon.." sabi ng lalaki.
Bigla akong nanlamig sa kanyang tinuran. Sapagkat kanina lamang ay kausap ko pa ang matanda at nagbigay pa siya ng kapirasong papel sa akin.
"Pa--patay na po si Manong load? Eh---kanina lang po kausap ko pa siya at pinatawagan niya pa kayo...pa---paano pong nangyari 'yon?" nauutal kong pagsasalita.
Kumibit-balikat ang lalaki at umiling.
"Base sa findings, kanina pa raw mga alas-dos ng hapon patay.."
"Po?!" nanlaki ang aking mga mata.
Napahawak ako sa aking bibig. Hindi ko lubos maisip na patay na si Manong load.
"Ano po kinamatay?" tanong ni Ate Elena.
At ang sagot..
"Nagbigti siya.."
Parang gustong magsitulo ng aking luha. Ang matandang kanina lamang na kausap kong malungkot ay wala na rin ngayon. Naisip ko tuloy, na napasama pa yata ang aking pagtulong na makausap niya ang yumao na ring asawa.
Sandali pa at..
"May iniwan siyang mga sulat at ilang papel.. At may iniwan rin siyang maliit na halaga para sa'yo 'ne.."
Nagulat ako sa sinabi ng lalake.
" 'Ne ang nakalagay sa kanyang sulat, 'di niya raw kasi alam ang pangalan mo, ngunit inilarawan niya ang itsura mo at sinabi niya ring ang dalaga daw na nakatira kina Mr. Sangco.." muling sabi niya
Napatingin si Ate Elena sa akin. Si Kuya Jigs ang sinasabing Mr.Sangco.
Hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi tungkol sa halaga raw na iniwan niya, ngunit tungkol ito sa biglaang pagkamatay niya.
Nagpaalam muna ang lalaki at babalikan daw niya ako mamaya. Sinabi niya ring kakausapin din daw ako ng mga pulis ngunit upang magtanong lamang daw ng kaunti kung kaya at 'wag daw akong matatakot dahil 'di naman daw ako napagbibintangang may kinalaman sa pagkamatay ni Manong load.
Sa aming pagtayo na nakatanaw sa kanyang bahay ay naramdaman kong tumutulo na pala ang aking mga luha. Nalulungkot ako sa nangyari, kahit na 'di ko siya lubusang kilala ay masasabi kong mukhang mabait na tao naman siya.
Nakaramdam tuloy ako ng konsensya dahil kung 'di ko siya siguro nilapitan pa at nagtanong tungkol sa kaluluwang aking nakita disinsana ay buhay pa siya.
Mahirap din pala talaga ang ganito. Minsan pala ay sumusugat din ng puso ang mga kakaibang aking nakikita. Tulad na lamang ng aking nararamdaman sa ngayon, umiiyak ako dahil parang pakiramdam ko ay may kasalanan rin ako sa mga nangyari.
Ilang minuto rin ang itinayo namin at nakatanaw roon, nag-aalisan na ang ibang tao at ang ambulansyang may dala sa bangkay ni Manong load ay umalis na rin. Ang ilang kapulisan ay lumisan na rin ngunit may ilan pang nanatili.
Nakikita ko pa rin ang lalaking aking nakausap at may dala-dala syang isang malaking bag at isang maliit na maleta.
"Luisa, pumasok na kayo.." sabi ni Kuya Jigs.
Ngunit nanatili pa rin akong nakatingin roon. Hinihintay ko pa din kasi ang pulis na magtatanong sa akin ngunit isa-isa na rin silang umalis at tanging ang kotse ng lalaki ang naiwan. Nakatingin ako sa kanya ng tumunog ang cellphone ko.
At nakalagay doon ay babalik ang lalake bukas, aasikasuhin niya raw muna ang bangkay ni Alfon, ni Manong load.
Kumaway na muna siya sa akin bago sumakay ng kanyang kotse at umalis.
Madilim na muli ang paligid.
"Luisa.. Sumunod ka na ha?" sabi ni Ate Elena.
Tumango lamang ako.
Muli kong binato nang tingin ang dating bahay ng aming katapat bahay na maraming ilaw, ang dating masayang bahay na madalas ay mariringgan mo ng magagandang musikang pinatutugtog ni Manong load ay bakante at madilim na ngayon. Sinulyapan ko rin maging ang bintana na madalas kong makita ang kaluluwa ng bata, ngunit wala rin akong nakita.
Malungkot na ang lahat sa kanila.
Tumalikod na ako upang pumasok na nang biglang..
" 'Ne!"
May tumawag sa akin. At kilala ko ang tawag na iyon.
"Manong!" bulalas ko.
" 'Ne... Maraming salamat ulit sa'yo, masaya na ako at magkakasama na kame ng mahal ko.. Pakisilip na lang ang bahay ko ha? At saka 'Ne, ang iniwan ko para sayo ay tanggapin mo.. Iyon ay para sa pasasalamat ko.. "
Nangilid ang aking luha sa aking mga narinig. Para sa akin ay wala naman kwenta ang aking nagawang pagkausap sa kanyang asawa, ngunit para sa kanya pala ay napakalaki noon.
Tumalikod na siya sa akin. At sa huli ay..
"Manong!" tawag ko sa kanya.
Lumingon naman siyang muli at..
"Maraming salamat po.. Sana.. Sana hindi niyo po ginawa iyan, hindi rin po kayo matatahimik. Mamamalagi lamang kayo sa dilim.. Kasalanan po ang pagpapakamatay.. "
Tumingin siya sa akin at ngumiti, matapos ay..
" Kung gayon ay itawid mo ako sa liwanag na nakikita mo.. " sabi niya sabay tango.
"At saka.."
"Paalam na po...Manong load.."
Ang huling sinabi ko sa kanya kasabay ng pagtulo ng aking luha.
Ngumiti siya sa akin at sabay tumakbo na papasok sa kanilang bahay.
At saglit lamang ay, nawala na ang kaluluwa niya.
Parang isang pelikula ang aming eksena. Wala na akong pakialam kung may nakakita ba na nagsasalita ako mag- isa, basta ang mahalaga ay nakapagpaalam at pasalamat ako sa kanya.
Hindi ko rin alam kung bakit napaka-apektado ko sa nangyari sa kanya. Marahil lang siguro ay nalaman ko ang kanyang istorya.
At napagtanto ko na rin ngayon kung bakit ko siya nakitaan ng puting usok.
At tulad ng sinabi ng aking inay..
Na kapag nariyan na raw ang puting usok, ay tiyak na ang kamatayan ang kasunod.
At ngayon ay unti-unti ko nang napag-aaralan at natatanggap ang lahat. Mahirap na masarap pala talaga ang pakiramdam ng may ganitong kakayahan.
June_ThirteenI-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (90)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
Unique story
09/04
0first horror story na nabasa ko dito super ganda deserved ng author ng 5 star ⭐
06/12
0nice story
16/05/2025
0Tingnan Lahat