Homepage/NAKATAGONG MATA NI LUISA/
IKA-ANIM NA SULYAP
ANG DATING MAY-ARI
Alas onse na ng gabi ngunit 'di pa rin ako dalawin ng antok. Alumpihit sa aking hinihigaan kung kaya at pabangon-bangon. Iniisip ko kasing mabuti kung saan ko nailagay ang ID ni Maggie.
"Asan na ba kasi 'yun.." bulong ko.
"Maggie...Asaan na ang ID mo?" aking tanong sa hangin. Maging ang poster ay akin ring nakaligtaan kung nasaan.
Maiingay pa ang ilang sasakyang dumaraan. Nakaramdam ako ng kaunting pagkalam ng sikmura kung kaya at naisipan ko munang lumabas sa kusina, at ang isa pa ay, naririnig ko pa ang bukas na telebisyon sa kuwarto nila Ate Elena, ibig sabihin ay gising pa sila.
Paglabas ko ng kuwarto ay madilim sa aming sala. Tanging ilaw ng poste sa labas ang pumapasok na tanglaw. Hindi naman ako nakakaramdam ng takot kung kaya at 'di ko na kailangan ang liwanag pa, sanay naman ako sa probinsya. Marahan kong binaybay ang dalawang pirasong baitang pababa galing sa aking kuwarto. Pagtapat ko sa kuwarto ng mag asawa ay narinig kong tila nag-uusap pa sila, ngunit..
"Ayan kuya..dito lang ako tulad ng gusto mo.." bulong ng nasa loob.
Hindi ko kilala ang tinig na 'yon kung kaya at sa aking pagtataka ay inilapit ang aking tenga. Nakasalubong pa ang aking kilay na maiging pinakikinggan ang boses.
Ilang segundo rin.
Ngunit 'di na ito nasundan pa.
Alam kong kami ay may kasama at nasa loob 'yon ng kanilang kuwarto, dahil 'yun ang ibinubulong ng isip ko. Ngunit kung sino man ito ay siguradong konektado sa asawa ni Ate Elena.
Bumaba na lamang ako.
Pagdating sa kusina ay aking kinapa ang ilaw na sa dingding malapit sa isang cabinet nakapuwesto, ngunit 'di ko malaman kung asan ito kung kaya at dumiretso na lamang ako sa ref. Pagbukas ko ng ref ay nasinagan ng ilaw nito ang ilang bagay na nakapaligid malapit rito, at napansin ko ang isang pigurin ng isang anghel na tila galing sa isang cake. Nakaplastik ito at may kasama pang dalawang kandila sa loob. Sa aking pagkatuwa ay kinuha ko 'yon at tiningnang mabuti.
"Kanino kaya ito?" aking mahinang tanong habang kumakagat pa sa mansanas na hawak ko. Inikot-ikot ko pa at inamoy.
Maya-maya lang ay..
"Hmmn?"
Naka-amoy ako ng kandila. At ang lamig na aking naramdaman ay tila 'di na nagmumula sa ref. Hawak ko pa rin ang piguring anghel habang nakikiramdam sa aking naaamoy. Hindi na ako lumingon sa aking likuran dahil alam kong siya ay naroon.
At siy ang may-ari ng hawak ko. Siya ang sagot sa tanong ko kaninang, kung kanino ba ito.
Ibinalik ko na lamang ulit ang pigurin at nagpaumanhin. Ayaw niya sigurong may ibang gumagalaw ng gamit niya bukod sa kanyang kuya.
"Pasensya na ha?" aking salita sa hangin.
Isinarado ko na ang ref at muling nagdilim ang aking paligid. Paglingon ko ay wala naman akong nakita, ngunit alam kong naroon lamang siya dahil sa amoy ko pa rin ang kandila niya. Tahimik na lamang akong umakyat pabalik sa aking silid, ngunit..
"Hm? Um!"
Nang binubuksan ko na ang pinto ng aking kuwarto ay tila may pumipigil na naman rito.
"Bakit?! Um!"
Kahit na anong hatak at tulak ang aking gawin ay talagang nakasarado na ito.
Napangiti na lamang ako. Nakalimutan kong 'di pala akin ang kuwarto, at ang may-ari ay nasa loob at 'di ako pinahintulutang pumasok. At sigurado akong no'ng unang araw ko rito ay siya rin ang sa aki'y nanloko.
Wala akong nagawa, ni ang kausapin siya ay aking 'di na tinangka. Marahil ay ayaw niya akong narito, at siguro'y kaya 'di rin ako makatulog masyado dahil sa ako ay kanyang minamanmanan. Hindi ko na pinilit pang mabuksan ang pinto, ako ay bumalik na lamang sa ibaba upang sa sala na lamang magpa-antok.
***
ANG MGA TAGA-KABILANG BAHAY
"Luisa...Hoy! Gising na, paalis na kame.."
Napabalikwas ako sa gulat, alis-muta at punas-laway ang aking ginawang agad.
"Huh?! Alis na kayo 'te?" wala pa sa ulirat na bigkas ko.
"Oo, bahala ka na muna rito.. May pagkain naman diyan at may pera kaming iniwan para pambili mo ng gusto mo..." sagot ni Ate Elena.
Naupo muna ako sa malambot na kulay brown na sofa ni Kuya Jigs.
"Bakit nga ba diyan ka natulog?" tanong naman ni Kuya Jigs.
"Ku--kumain po kasi ako, tapos nakatulugan ko na lang siguro.." kunwaring sagot ko.
Ngunit ang totoong dahilan talaga ay dahil 'di ako pinapasok ng kanyang kapatid na may-ari ng kuwarto. Ang kanyang kapatid na sinabi niyang nasa "malayo na".
Tumayo na muna ako upang ihatid sila sa labas at upang maisara rin ang gate.
"Mag lock ka na lang pag medyo dinilim na kami ha?!"
"Bye!" kaway ng dalawa.
Pag-alis ng kanilang sasakyan ay agad kong isinara ang gate, ngunit naagaw ng aking pansin ang bintana ng kapitbahay namin. Wala kasi ngayon roon ang batang madalas tumanaw sa akin.
Hindi ko alam kung bakit tila may 'di tama sa aking pakiramdam. Nagbabad muna akong pansamantala sa aming harapan. May pilit kasing sumisiksik sa aking isip ngunit 'yon ay 'di ko malaman. Tumalikod na lamang ako at papasok na sana sa loob.
Ngunit..
Huminto ako sa aking paglakad. Alam kong may mga matang nakamasid sa akin. Malakas ang aking pakiramdam na may naamoy akong presensya ng bagong kaluluwa. Dahan-dahan kong ipinihit ang aking katawan, alam ko na ang bintana ang aking dapat tingnan.
"Huh??"
Pagbaling ng aking tingin ay naroon na ang batang mukhang espanyola. At may kasama na siya.
Muli akong lumapit sa gate upang matanaw sila nang mas maayos.
Isang matandang babae ang kanyang kasama, ito ay kahawigan ng mukha niya ngunit mas matandang bersyon nga lamang niya. Hindi ko rin kilala ang kanyang mukha dahil ito ang unang beses ko sa kanyang pagkakita. Nakasuot lamang siya ng daster na pangkaraniwan, daster na madalas sinusuot ng mga matatandang nasa bahay lamang, kulay lila ito at may mga bulaklak.
Kasalukuyan pang nagsasalubong ang aking mga kilay nang dumating ang sasakyan ng may ari ng bahay, ang matandang lalake na nagpapaload. Nakita kong malungkot ang kanyang mukha habang siya ay bumababa sa kanyang sasakyan. Paglabas niya ay kinawit ang kandado ng kanyang gate at nang maibaling ang tingin, ako ang kanyang nakita.
Ngumiti lamang siya sa akin. Malungkot na ngiti ang lumabas sa kanyang labi. Nakita kong tila aligaga siya sa pagbukas sara ng kanyang bakal na gate na tila may pagmamadali sa kanyang mga kilos. Nagka-interes tuloy akong lumapit na kunwa'y magpapaload.
Mabilis kong kinabig pabukas ang aming gate upang siya ay aking maabutan. Habang tumatakbo ay sumisigaw na ako.
"Manong, paload po.."
Ngumiti muna siya at..
"Pasensya na 'ne, nagmamadali kasi ako eh kaya 'di kita maasikaso.." malungkot na tugon niya.
At doon na ako bumanat nang usisa.
"Ba--bakit po parang nagmamadali kayo? May problema po ba?" aking paunang tanong.
Huminto siya sa paglakad. Nagpunas ng kanyang butil na pawis at..
"Kamamatay lang kasi ng asawa ko 'ne, babalikan ko pa kasi siya sa ospital.." malungkot niyang tugon kasabay ang pagngilid ng kanyang mga luha.
Napanganga naman ako sa kanyang sinabi. Sinulyapan ko ang bintana at muli kong nakita ang dalawang kaluluwa. Hindi ko pa kasi nakita ang kanyang asawa kung kaya at 'di ko alam ang kanyang itsura. Bigla ko tuloy naisipang itanong na..
"Ano pong suot niya nang mamatay Manong?" aking tanong.
Tila nagtaka ang matanda sa aking sinabi, ngunit 'di rin naman niya ipinagdamot ang sagot. At..
" Iyong paborito niyang daster 'ne, 'yung kulay violet na bulaklakin... Bakit mo naman naitanong?" tanong niya pabalik sa akin.
Lumakad ako papalapit sa kanya upang sabihin na ang aking nakita.
"Natatandaan niyo po ba ang bata sa bintana na sinabi ko sa inyo noon?"
Nagkunot ang kanyang kilay na tila nag-iisip.
"May kakilala po ba kayong batang mukhang espanyola na kulot ang buhok? May kwintas po siyang malaking kulay lila rin ang batong palawit, at may pulseras po siyang perlas.." muli kong banggit.
"Sa--sandali lang ha.." tumakbo ang matandang lalake papasok sa kanyang bahay.
Hindi naman ako sumunod at sa labas na lamang naghintay.
Sandali pa at nagmamadali siya sa kanyang paglabas dala dala ang isang photo frame.
"I--ito ba ang bata?" tanong niya sa akin.
Ipinakita niya sa akin ang isang larawan ng bata. At 'di mapagkakailang, ito nga ang bata na madalas sa kanilang bintana.
"Opo, kaanuo-ano niyo po 'yan?"
"Hipag ko, ang panganay na kapatid ng aking asawa.."
"Patay na po ba siya?"
"Oo, mga bata pa lamang sila nang mamatay siya sa isang aksidente.. Si-- sigurado ka bang ito ang yong nakita?!"
"Opo, katunayan po.. Kasama niya na ang asawa niyo, siya po 'yung maganda na kulot din ang buhok at maputing ale, magkamukhang-magkamukha silang dalawa.."
Napatingin sa akin ang matanda. Pinagmasdan ang kanilang bahay at muling nangilid ang kanyang luha.
"Sa---sana 'di siya umalis dito...Sana...Huwag niya pa rin akong iwan.." malungkot na tugon ng matanda.
Nakatingin lamang ako sa kanya. Naaawa ako sa kanyang itsura. Mag-isa na lamang kasi siya sa kanyang buhay ngayon. Maging anak ay wala pala sila.
Pinapasok niya ako sa kanyang bahay. Pagdating sa loob ay ipinakita niya ang mga larawan ng kanyang asawa. At 'di nga ako nagkamali, siya nga ang matandang babaeng kasama ng bata sa may bintana.
"Kung siguro ay napa-aga ang 'yong pagdating ay 'di sana hahantong sa ganito.. Wala naman siyang karamdaman talaga, kung saan ko na siya ipinagamot ngunit wala talaga silang makita.. Hindi talaga ako naniniwala sa mga tulad niyo ngunit.. Ang lahat ng sinabi mo ay tumugma.." kanyang malungkot na kuwento.
"Maari mo bang sabihin sa akin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng aking asawa?" paki usap niya.
Lumakad akong kaunti papunta sa isang pintuan ng kuwarto. Pagtapat ko rito ay aking naramdaman ang presensya ng batang kaluluwa. At..
"Malungkot siya..."
"Mula pa lamang pagdating niyo rito ay madalas na silang magka-usap, ang kanyang ate na mahal na mahal siya."
"Madalas siyang tanungin ng kanyang kapatid kung kailan sasama, pero ang madalas namang sagot niya ay 'di niya pa kaya.."
"Ang inyong asawa po ay tila nagkaroon ng sakit sa pag iisip, na ang kapatid ang may gawa, tanging sarili niya po lamang ang nakakaalam kung kaya at wala naman po talagang makitang karamdaman sa kanya..at ang kanyang kapatid lamang ang lumilikha ng lahat.."
"Hanggang sa umabot na pong 'di niya na kinaya ang kalungkutang nadarama.."
"Mula po noon ay madalas niya nang naaalala ang ate nya, kung kaya at kinaing tuluyan ng kalungkutan ang lahat sa kanya.."
"At sa huling araw na nagtanong sa kanya ang kanyang ate kung siya ba ay sasama na.."
"Ay tumugon na sya ng oo.."
Ang aking kuwento sa matanda. Ang lahat ng aking sinabi ay tila nakalista na sa aking utak nang maramdaman ko ang presensya ng kaluluwa ng bata sa bintana. At maging ako ay nagtataka kung paano ko nailahad ang lahat, tila may isang katauhang sa akin ay nagbubulong habang panay ang buka ng bibig ko at nagkukuwento.
Pagtapos ng lahat ay naupo ang matanda, yakap-yakap ang larawan ng asawa habang umiiyak.
"Bakit niya nagawa 'yun..ba--bakit niya ako iniwang mag- isa..Hu--hu.." kanyang hinanakit.
"Maari po ba akong pumasok sa inyong kuwarto?"
Nagpunas siya ng kanyang luha at tumayo. 'Di na siya nagsalita man lang at binuksan agad ang pinto ng kuwarto.
Pagpasok ko ay naroon ang magkapatid at nakatayo sa tapat ng bintana. Ang dahilan kung bakit ako pumasok sa kanilang kuwarto ay..
"Nandyan po sa drawer na 'yan ang regalo niya para sa inyong kaarawan bukas.."
Nagulat ang matandang lalake sa aking sinabi.
"Pa--paano mo nalamang, kaarawan ko bukas?" nagtatakang tanong niya.
Itinuro ko ang kanyang asawa at..
"Sinabi po niya, sige na po..buksan niya na daw po.." aking sagot.
Lumapit ang matanda upang hugutin at buksan ang drawer na aking itinuro. Sa ilalim ng mga papel ay nakita niya ang isang birthday card kalakip ang isang maliit na kulay pulang hugis pusong supot.
Napakapit na lang ang matanda sa ibabaw ng cabinet. Tumutulo ang kanyang mga luha dahil sa sugatan ang damdamin. Sinulyapan niya ang bagay na sabing regalo sa kanya ng kanyang asawa.
Marahan niyang dinampot , at nang kanyang binuksan at tiningnan ang laman ng maliit na supot ay mas lalong tumangis ang kanyang damdamin. Tila alam niya agad kung ano ang laman noon.
"Waa..Haaah.." kanyang panaghoy.
At..
"Iyan daw po ang wedding ring niyo na nawala niya, at sabi niya po ay 'wag na kayong magalit at sadyang hinintay niya ang inyong kaarawan upang maibigay niya 'yan..."
" Iyon nga lang po ay 'di na siya umabot pa.."
"Nagalit ako sa kanya nang mawala niya ang aming wedding ring.. Napaka-importante sa akin ng bagay na ito... Napakahirap kasi ng aming pinagdaanan bago makapag suot nito, kung kaya at gano' na lang ang galit ko.."
"At...at..namatay siya na 'di man lamang ako nakapagsorry, kung kaya at ganito na lamang ang aking nararamdaman..Hu---hu..anong gagawin ko, 'di ko man lang siya nakausap maayos.. Napakabigat ng damdamin ko ngayon 'ne.." kanyang lahad.
At nang binasa niya naman ang nakasulat sa card.. Ang tanging nakasulat lamang ay..
"Mahal ko, hihintayin kita sa kabilang buhay.."
NAng mabasa niya ang mga nakasulat ay biglang gumuhit ang ngiti sa kanyang labi.
At nagtanong sa akin kung..
"Masaya ba siya ngayon?"
Umiling lamang ako, dahil 'yun naman ang totoo.
Malungkot ang kaluluwa ng kanyang asawa, malungkot dahil pinagsisisihan niya ang pag-iwan sa kanya, ngunit sa kabilang banda naman ay meron ding saya, dahil sa kasama na siya ng kanyang pinakamamahal na kapatid.
Nagpaalam na ako sa matandang lalake pagtapos ko mailahad ang lahat ng mga bilin ng kanyang asawa. Maging ang paghingi niya ng sorry ay akin ring sinabi. Ngunit tila 'di pa rin talaga sapat ang lahat. Malungkot pa rin ang matandang lalake.
Inihatid niya pa ako sa labas ng kanilang gate.
Sa huli bago ako pumasok ay sinulyapan ko pa muna siys, at nagtaka ako sa aking nakita.
"Huh?! A--ano 'yun?!"
Ako'y talagang nagtaka, dahil ang matandang kanina lamang na aking kausap, ay malabo na at halos 'di ko na makita. May tila isang puting usok na lumiligid sa kanya.
"Ano kaya 'yun?!"
June_ThirteenI-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (90)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
Unique story
09/04
0first horror story na nabasa ko dito super ganda deserved ng author ng 5 star ⭐
06/12
0nice story
16/05/2025
0Tingnan Lahat