Homepage/NAKATAGONG MATA NI LUISA/
IKA-LABING ISANG SULYAP
ANG LALAKI SA LITRATO
"Okay ka lang beh?"
Ang tanong ng lalaking nurse sa akin.
"O--opo.."
Napansin niya sigurong pumagkit ang aking tingin sa kanya. Nagawa niya pa nga akong pakyutan, tunay namang may itsura siya. Ngunit 'di naman iyon ang naka- agaw sa aking atensyon. Ibinaba ko ang aking tingin sa pangalang nakasulat sa kanyang damit, 'di ko naman 'yun nakita dahil may nakasabit na kung anong palawit sa bulsa nito.
Pagtalikod niya sa akin ay muli pa kaming nagkatinginan. Papito-pito pa siya habang naglalakad at sumusulyap sa akin.
Nakakita ako ng upuan sa pasilyo at sandali munang naupo roon.
"Dito siya nagtatrabaho... Isa pala siyang nurse.." bulong ko sa aking sarili.
Nang mga oras na ito ay napakaraming gumugulo sa isipan ko, tila ako'y nasa laban na 'di ko naman talaga gusto. Muling pumasok sa aking isip si Maggie, 'di na kasi siya nagpaparamdam pa sa akin.
Bakit kaya at ano'ng nangyari?
***
Nang makabalik na ako mula sa aking paglalakad sa labas ay agad kong nakita si Kuya Jigs na nakasilip sa kuwarto kung asaan si Ate Elena. Nasa ICU kasi siya dahil under observation pa raw at ang kondisyon ngayon ay 'di masyadong stable. Ang mga salitang 'yun ay galing sa mga doktor na pinaniniwalaan ni Kuya Jigs na siyang makatutulong raw talaga sa kanya.
Lumapit ako upang sumilip rin.
At muli akong nagimbal sa aking nakita.
Ang babaeng kanina lamang ay tumatakot sa kanya ay nakatayo ito sa tabi ng kama niya at hinahaplos pa ang kanyang buhok. Agad naman akong nataranta.
"Kuya Jigs tingnan mo!" sabi ko sa malakas na boses kasabay ang malakas na pagkakahatak sa kanyang braso.
Itinuro ko sa kanya ang babaeng nakatayo ngunit..
"Luisa...Huwag kang maingay.." bulong niya.
"Pero Kuya! Alisin natin si Ate Lena dito at iuwi na lang sa probinsya!"
Inaawat niya ang aking bibig sa pag-iingay, sinenyasan niya pa ako.
"Luisa huwag kang maingay!" may gigil na sa tono ng boses niya.
"Oo nga pala... Nakalimutan ko.. 'di mo nga pala siya nakikita.." aking banggit.
Muli akong sumilip, at..
"Aaah!!"
Biglang sumulpot sa maliit na bintanang salamin ang babaeng kanina lang ay nakatayo sa gilid ng kama ni Ate Elena at sumilip rin sa akin.
Agad namang tumayo si Kuya Jigs upang umalalay sa akin, dahil sa lakas ng aking pagkakasigaw ay naglabasan ang mga nurse sa kuwarto.
"Pasensya na...hah! Pasensya na po.." aking paumanhin.
Hinawakan ni Kuya Jigs ang aking braso upang akayin at paupuin.
"Ano ba'ng nangyayari sa iyo Luisa.."
Pagkahatid niya sa akin sa upuan ay siya namang sulpot pa ng isang lalaking nurse.
"Pare, may problema ba?" tanong nito.
Mas lalong nawindang ang mundo ko nang makita ko ang lalaking nurse.
"Jake! Ah wala naman.."
Sa tono nang pagbati nila sa isat-isa ay tila matagal na ang kanilang pagkakakilala.
Napatingin sa akin ang lalaking nurse. At..
"Is she alright? (ang turo niya sa akin) Ikaw 'yung nabangga ko kanina diba?" tanong niya.
Hindi ko naman nakuhang sumagot dahil tila nabibingi na ako sa gulo ng utak ko. Tumalikod na lamang ako sa kanilang dalawa at tinakpan ang aking mukha at sinabayan ko nang subsob sa aking mga hita.
"Hm...hm...Nanay.." aking impit na iyak.
"Kawawa naman si Ate Lena...hm...hm..." muli kong sabi.
Maya-maya lang ay may naramdaman akong humahagod sa aking likod. Iniangat ko ang aking mukha at si Kuya Jigs pala iyon.
"Luisa...Ano bang problema talaga?" malumanay niyang tanong sa akin.
Basang-basa pa ng luha ang aking mukha nang sinabi kong..
"Kuya... Ano po bang nangyari talaga sa kapatid niyo? Gusto ko pong malaman...at si Maggie? Ano po'ng koneksyon niyo sa kanya?"
Bigla niyang inalis ang kanyang kamay sa pagkakahagod sa aking likod at napa-atras sa aking mga itinanong. Hindi rin agad nakapagsalita na tila nalulon ang dila.
At muli..
" Ang lalakeng kausap mo... Sino 'yan?" aking muling tanong.
Sa pagkakataong 'yun ay sumagot na siya.
"Ka---kaibigan ng kapatid ko... Ka---kasama niya sa trabaho.." sabi niya.
Ako'y natahimik ring saglit sa kanyang sagot. Ang kapatid niya pala ang may kakilala rito at kasamahan pa sa trabaho.
"Naitanong mo na ba sa kanya kung ano'ng nangyari sa kapatid mo?"
Tiningnan ko siya sa kanyang mga mata at sinabing..
"Baka may alam siya?"
Kita ko sa reaksyon ng mukha ni Kuya Jigs ang kanyang pagkagulat. Sa mga oras na ito ay may namumuo sa isip niya. At..
"Bakit ko naman siya tatanungin Luisa? Hindi naman sila gaanong magkakilala.." tugon niya.
Muli na lamang akong yumuko at 'di na lang kumibo. Ang sa totoo lang ay wala talaga akong kahit na anong ideya kung anong nangyari sa kapatid niya. Ngunit ang aking pakiramdam ay sinasabing mayroon siyang kinalaman.
***
Jigs' POV
Jigs! Jigs! Ahaha!
Isang malakas na tawag mula sa 'di kalayuan ang aking narinig. Palinga-linga ako sa lugar kung saan ako nakatayo. Amoy na amoy ko ang alat ng tubig dagat mula roon.
Jigs..
Nagulat na lamang ako sa isang tapik sa aking braso mula sa aking likuran.
Huh?! Ma--maggie?
Nakita ko si Maggie na nakangiti sa akin. Napakaganda niyang tunay kapag siya ay nakangiti, bakas na bakas rito ang kanyang magandang ugali.
Kamusta na? Tagal na nating 'di nagkikita ah! Haha!
Ang masayang bungad niya sa akin. Nararamdaman kong bumubuka ang aking bibig at ako'y may pilit na sinasabi ngunit 'di ko ito marinig. Gustong-gusto kong sabihin at itanong sa kanya kung bakit niya ako iniwang wala man lamang paalam.
Alagaan mo ang magiging anak mo Jigs..
Nagulat ako sa kanyang sinabi. Muli kong ibinuka ang aking bibig, ngunit talagang walang lumalabas rito. Naririnig ko ang lahat ngunit 'di ako makatugon sa kanya. Maging ang mga hampas ng maalat na hanging mula sa dagat na madalas naming pasyalan ay akin ring nadarama. Ngunit bakit... 'di ako makapagsalita?
At muli ay..
Patawad at 'di ako nakapag paalam sa iyo..pero 'di pa naman huli ang lahat eh..hihi..
Ang humahagikgik pang sabi niya sa akin.
Lumayo siya sa akin at lumapit sa tabi ng dagat na ang pagitan ay ang mababang pader lamang.
Dito mo ako makikitang muli Jigs..
Dito lang madalas sa ating tagpuan..
Pagtapos ay humarap siya sa akin. Malungkot ang kanyang mga ngiti ngunit napakaganda pa rin ng dating nito para sa akin. Hindi ko maitatanggi na maging hanggang sa panahong ito ay siya pa rin talaga ang iniibig ko.
Tiningnan niya ako na tila nababasa ang mga nasa isip ko. At..
Maari mo ba akong kalimutan?
May isang Elena na nagmamahal sa iyo at sa susunod ay may darating pang isa..
Maari mong ibuhos ang lahat ng iyan sa kanila..
Sige na...andito lang ako, hihintayin ko ring makita mo kung asaan ako..
Isang matamis na ngiti ang kanyang pinakawalan.
At pagkatapos ay..
"Kuya Jigs! Kuya Jigs!"
Ang gising sa akin ni Luisa.
"Huh?!"
Malamig ang loob ng ospital ngunit pawis na pawis ako. Pagdilat ng aking mga mata ay agad kong nasambit..
"Ma---maggie.."
Ang kanyang pangalan, imbes na pangalan ng asawa ko.
Nakatingin sa akin si Luisa. Tila ba wala akong pakialam kung marinig man niya ang tinuran ko.
Muling bumalik sa akin ang lahat. Ang masasaya naming sandali at mas lalo na ang unang araw ng aming pagkikita. Alam kong masama ang aking ginagawang pag-iisip sa kanya ngunit 'di ko maaring itanggi at ikubli ang lahat. Maging ang pagbabakasyon sa probinsya kung saan kami nagkakilala ni Elena ay isa lang sa aking mga dahilan upang limutin siya.
Matagal na rin ang lumipas na 'di bumabalik ang lahat ng aking mga ala-ala ngunit bakit ganito ngayon?
Bakit tila nagparamdam siyang bigla?
Wala akong alam kung ano ang kanyang naging dahilan upang ako ay iwan na walang paalam ngunit pinilit ko na talagang balewalain ang lahat. At ngayon sa aking panaginip ay kanyang sinasabing kalimutan ko siya..
Ngunit.. Ano nga bang talaga ang nangyari sa kanya?
Hindi na siya dapat pang nagpakita..Nagulo lamang niya lalo ang aking utak. Ngunit may isang sulok pa rin sa aking puso na nagsasabing..
Mahal ko pa rin siyang talaga, kahit na ako ay meron ng Elena.
***
Umuwi muna si Kuya Jigs sa bahay upang kumuha ng ilang gamit at upang matingnan na ring muna ang kanyang bahay. Ilang oras na ang lumilipas at 'di pa rin nagigising ang Ate Elena, ang sabi raw ng doktor ay normal lamang 'yun dahil daw sa mga gamot na ibinigay sa kanya. Ngunit 'di naman 'yun makakasama sa kanyang dinadala.
Nakaupo ako sa mga silyang bakal na nakahilera sa pasilyo habang isinasandal maayos ang aking likod.
"Haay.." malalim kong paghinga.
Maya-maya lang ay nakaramdam ako ng kaunting antok. Inobserbahan ko munang maigi ang paligid bago sana ako pipikit, ngunit..
"Bakit nandoon sila sa loob?"
Isang nagtatanong na babae ang pumukaw sa aking antok. Nagulat ako dahil wala naman siya kanina roon. Nakapuwesto siya sa dulo ng nakahilerang bangkong bakal na akin ring inuupuan. Umagaw ng aking atensyon ang kanyang kasuotan. SIya ay nakadamit pangkasal. At muli ay..
"Bakit nandoon sila?!"
Nagtatakang sumagot naman ako.
"A--ang alin po?"
Tumingin siya sa akin at..
" Iyong dalaga na nakatabi doon sa babae sa loob ng kuwarto!" kanyang sagot.
Kahit na 'di ko maintindihan kung ano at sino talaga ang kanyang tinutukoy ay panay naman ang sagot ko.
"Si--sino pong dalaga?" tanong ko.
" 'Yung dalaga, at pati na rin 'yung bata sa ilalim ng kama niya.. Kanina ko pa sila nakikitang naroon.. Hindi ba bawal pumasok sa loob pero bakit andoroon sila?!" kanyang tugon.
Nakapagtatakang talaga ang kanyang mga sinasabi. Maging ang kanyang itsura. Napabaling ang aking mga mata sa laylayan ng kanyang damit. Napakarumi nito at tila siya ay naka-paa.
Nag-uumpisa nang tumakbo ang isip ko. Marahil ang aking kausap ay isang kaluluwa lamang.
Saglit na napako ang aking paningin sa kanya. At naisipan kong itanong na..
"Bakit po ganyan ang suot niyo? Ikakasal ba kayo ngayon?"
Ngumiti naman siya.
"Oo.. Sinundan ko lang ang asawa ko kasi inatake siya eh, nagkaroon ng emergency kaya naudlot ang kasal namin.. At sabi kasi dito raw siya dinala... Kahapon pa nga ako nandito eh, pero 'di ko pa rin makita kung asaan siya.." nakangiti pang sagot niya.
At tinanong ko pa siya..
"Wala po ba kayong kasama?"
Mas lalong lumaki ang ngiti sa kanyang mga labi.
"Wala eh.."
Napatungo lamang ako.
Maya-maya lang ay may dalawang matandang mag asawa na lumabas ng ICU. Umiiyak ang mga ito habang nagyayakap pa. Nabalingan ko ang mga ito nang silip kung kaya at maging ang babae ay napatingin rin.
"Huh?!"
Tila siya ay nagulat sa kanyang nakita.
"Ma?! Pa?!" agad siyang tumayo.
Pagtayo niya ay nakita kong iisa lang ang kanyang sapatos na suot.
Hindi nga ako nagkamali, isa lang siya na kaluluwang 'di alam na siya ay wala na.
Paglapit niya sa dalawang matanda ay akin rin siyang sinundan. Pilit niyang kinakausap ang dalawang mag- asawa ngunit 'di naman siya nito pinapansin. At nang makita niya ako ay kanyang sinabing..
"Bakit sila umiiyak? Patay na ba ang asawa ko?!"
Gusto kong sabihing siya siguro ang patay na ngunit tila 'di ko talaga kaya.
Paulit-ulit niyang kinakausap ang dalawa.
Narinig ko sa dalawang matanda na may taong kinasusuklaman sila. Ang lalaking kanyang pakakasalan pala ay 'di dumating at sinabing narito raw sa ospital na ito at inatake sa puso. Ngunit agad namang daw pinuntahan ng mga kaibigan upang malaman ang kalagayan ngunit ito ay nagpalusot lamang pala. Hindi lang pala talaga niya gustong magpakasal.
Ang babaeng nakadamit na pangkasal naman pala ay nasagasaan sa kanyang pagmamadaling mapuntahan ang ospital na ito. Ngunit sa kasamaang palad ay 'yun nga ang kanyang inabot. Kahapon pala nangyari ang aksidente.
Sinulyapan ako ng babae. Nagtatanong ang kanyang mga tingin sa akin. Naawa naman ako sa kanya at umisip kung paano niya makikita ang katotohanan. Tila siya kasi ay walang balak tumigil sa paghahanap sa kanyang tumakas na mapapangasawa.
Naisipan kong tumingin sa loob ng kuwarto. May nakita akong isang pasyente na inaalisan na ng mga aparato. At nang masilip ko ang mukha nito..ay siya nga ang babaeng nasa harapan ko. Dali naman akong lumapit sa pinto at itinuro ang sarili niyang nakaratay at wala nang buhay sa loob ng kuwarto.
Napatingin pa siya sa akin.
"Ayun ka.." aking bulong lamang sa kanya.
"A--ako?!" turo nya sa kanyang sarili.
"Oo...patay ka na.." muli kong bulong.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Pumasok siya sa loob ng kuwarto at nagulat rin siyang tumagos lamang ang kanyang mga kamay ng humawak sa pinto. Tiningnan niya pa ang sarili at kinapa ang katawan.
"Huh?!" singhap niya.
Nakita kong lumakad na siya palapit sa katawan niyang walang buhay. Tumayo siya sa paanan nito at pinagmasdan ang sarili. Nakita kong muli niyang hinawakan ang kanyang katawan.
Maya-maya pa ay ibinabalot na ng kumot ang kanyang katawang walang buhay. Pinagmamasdan niya iyon hanggang sa tuluyan na maibalot at inilalabas na rin at dadalhin na sa kung saan. Nakasunod lamang siya rito.
Nang makarating na siya sa labas ay huminto siya sa aking tapat. At..
"Asaan kaya ang aking asawa?" malungkot na tanong niya.
At ang sagot ko naman..
" Huwag mo na siyang hanapin... Iniwan ka na kasi niya.."
Nalungkot siya sa aking sinabi. Tumalikod na lamang siya sa akin at muling sumunod sa may dalawang kuwarto ng layo na katawan niya na itinutulak ng isang lalaki. Bago pa siya tuluyang makalayo ay..
"Doon na lang ako maghihintay sa aking asawa.." Ang malungkot na kanyang sabi at saka muling tumalikod sa akin.
Naawa ako sa kanya. Sa aking tingin ay 'di pa niya kayang manahimik dahil sa may hinihintay pa siya, ganoon daw talaga ang mga kaluluwang may naiwang hindi pa kukumpleto sa kanila.
Malayo na ngunit nakikita ko pa rin ang babaeng kaluluwa na nakapangkasal. Kung iba ang makakakita ay siguradong matatakot sila. Mahirap pala talaga ang ganito, dahil maging ang nararamdaman nila ay mararamdaman mo.
Muli kong ibinaling ang aking tingin kay Ate Elenang natutulog pa rin. May bigla tuloy tanong sa aking isip na..
Ano kaya ang ibig sabihin nang makita ni Ate Elena ang kanyang sariling nakatayo sa bintana?
Ito kaya ay ang diwa niyang naglalakbay na?
Kung kaya at maging hanggang ngayon siya ay tulog pa?
June_ThirteenI-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (90)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
Unique story
09/04
0first horror story na nabasa ko dito super ganda deserved ng author ng 5 star ⭐
06/12
0nice story
16/05/2025
0Tingnan Lahat