IKA-SAMPUNG SULYAP

ANG KANIYANG NAIS
Dalawang linggo na halos ang lumipas at mas pumayat na ang Ate Elena. Nawalan na rin siya tuluyan nang ganang lumabas ng bahay. Ang mga gawain sa bahay ay aking inaako lahat, maging ang pamimili ng aming mga kailangan ay ako na rin.
Tumatakbo na palimang buwan ang kanyang tiyan at medyo kita na rin ang umbok nito, ngunit ang talagang aking ipinagtataka ay kung bakit habang tumatagal at bumibilang ang araw ng kanyang dinadala ay mas lalong lumalala ang kalagayan niya. Panay ang sabi ng doktor niya na talagang ganoon daw ang nanganganay at sadyang matagal lang daw talaga ang kanyang paglilihi kung kaya at ang kanyang asawa ay 'di masyadong nababahala at panay lamang ang alaga sa kanya. Ngunit para sa akin ay mukhang may kakaiba, tila nasisiraan siya nang bait minsan lalo na kung kami lamang dalawa ang magkasama. Ngunit ang akin 'din namang ipinagtataka ay wala naman akong makitang kaluluwa na nagbabantay sa kanya. Hindi ko siya iniiwan madalas kapag kami lamang ang nasa bahay, ngunit minsan ay ako ay kanyang pinalalayas at kinakandaduhan ng kanyang pintuan upang 'di siya mapakialaman. Madalas din siyang dumuwal na tila may bara ang kanyang lalamunan.
Isang maambong umaga ay nagpunta ako sa likod bahay upang kumuha ng mop sa maliit na kuwartong andoon. Madaraanan ko muna ang aking silid bago ang kanila. Pagdaan ko sa bintana ng kuwarto nila ay napansin kong nakatayo ang Ate Elena at nakapamintana. Sandaling tiningnan ko siya at nagtuloy na sa paglakad. Naisip ko tuloy na siguro ay gumaan ang pakiramdam at naisipang tumayo upang makadungaw sa bintana. Magmula kasi na maranasan niya ang kanyang kakaibang lihi ay 'di na ito bumabangon nang maaga at madalas rin ay nakahiga lang sa kanyang kama.
Nang pabalik na ako ay muli ko pa rin siyang nakitang nakadungaw at malayo ang tingin, tila isang bata na binibilang ang mga patak ng tikatik na ulan. Hindi ko na lamang siya pinansin at lumakad na ring agad. Medyo lumalaki na kasi ang mga patak ng ulan. Pagpasok ko sa bahay ay agad kong pinuntahan ang kanyang kuwarto. Binuksan ko ng marahan ang pinto at sinilip siya, nagulat pa ako dahil nakahiga na ito at tila hinihintay ang aking pagdating. Nakahiga siyang patagilid at sa akin ay nakatingin. Ngumiti lamang ako sa kanya at isasara na sana ang kanyang pintuan nang bigla niya akong tawagin.
"Isang.." mahinang boses niya.
Tila nasabik ako sa tawag niyang 'yun kung kaya at lumapit naman ako agad, matagal ko na rin kasing 'di naririnig na tinatawag niya ako sa palayaw ko.
"Bakit 'te? May kailangan ka ba?" mahinang tanong ko.
Hinawakan niya ang aking mga kamay. Mahigpit. Tila namiss niya ako.
"Gusto ko maka-usap ang Ate Andrea... Pakitawagan mo naman siya.."
Nagulat ako sa kanyang tinuran. May problema ang Ate Elena.
"Bakit 'te? Ano'ng problema?" gulat na tanong ko.
Nilapit niya ang kanyang mukha sa aking punung-tenga at..
"May babaeng madalas narito sa tabi ko.." bulong niya, sabay senyas na huwag akong maingay.
Ako'y biglang napasulyap sa bintanang nakita kong tinayuan niya kanina. May biglang pumasok sa isip ko. Muli niya akong binulungan.
"Nakita ko ang sarili ko sa bintanang nakatayo kanina at nakatingin sa labas.." sabi niya.
Napanganga ako sa sinabi ng Ate Elena. Ang nakita ko pala kanina ay 'di talaga siya, marahil ito siguro ang babaeng sinasabi niyang madalas na kasama niya.
Sandali kong binitiwan ang mga kamay ni Ate Elena. Marahan akong lumakad patungo sa bintanang pinagkitaan ko sa kanya kanina. Tumayo akong saglit roon at nilingon siya. Pagtingin ko kay Ate Elena ay kitang- kita ko sa kanyang dalawang mata ang biglaang takot na bumalot rito at..
"I--isang...Sa likod m--mo.." kanyang nauutal na sabi habang may itinuturo sa aking likod.
Hindi ako nakagalaw. Alam kong totoo ang kanyang sinasabi dahil nararamdaman ko ito. Marahan kong ipinipihit ang aking mga mata upang masipat man lamang siya, ngunit..
Hindi pa man pumapalo ang aking paningin sa kanya ay siya na mismo ang sumalubong sa aking tingin.
"Luisa..hahah..." takot na takot na sambit ni Ate Elena sa aking pangalan.
Nakikipagtitigan ako sa babaeng nakabali ang ulo papunta sa aking harapan habang ang kanyang katawan ay nasa aking likuran. Halos lumuwa na ang aking mga mata habang tinititigan ko siya, 'di katulad ng tingin ni Maggie ang aking nakikita, kung'di matatalim na tinging tila nagbabadya sa akin. At pagtapos noon ay..
"Lumayas ka rito...Bata! " kanyang galit na bulong.
"Hah! Si--sino ka?!" aking tanong sa kanya.
"Luisa..hahah.." halos maluha na sa takot ang Ate Elena. Sobrang takot sa kanyang nakikita na hindi normal na ngyayari sa kanya. Hindi madaling matakot ang babaeng ito sa buong buhay niya pagkakaalam ko.
"Si--sino ka?! Ano'ng kailangan mo sa amin?!" muling tanong ko. At kanyang sagot ay..
"Buhay...Bagong buhay.."
"Hah!"
Pagtapos ng kanyang mga sinabi na 'yun ay nawalang bigla ang kanyang mga tingin sa akin. At nakita ko na lamang siyang nakaupo na sa paanan ng kama at nakapuwesto sa mga paa ni Ate Elena.
"Luisa.." tawag sa akin ng Ate Elena.
"Lumayo ka sa kanya!" aking sigaw.
Pilit akong lumalakad papunta kay Ate Elena ngunit tila pinipigilan niya ang aking mga paa.
Tila gusto niyang makita ko ang ibig niyang iparating na gusto niya ng bagong buhay.
Unti-unti niyang pinalalakad ang kanyang kanang kamay pagapang paakyat sa mga binti ni Ate Elena hanggang sa makarating na sa tiyan nito.
"Luisa.." takot na takot na si Ate Elena habang pilit ibinabaluktot ang kanyang katawan at iniiiwas ang kanyang sinapupunang maabot ng babaeng kanyang kinatatakutan.
" Huwaaag!!" aking sigaw.
Nanginginig na ang buong katawan ni Ate Elena at tumitirik na ang kanyang mga mata, habang panay ang pagapang ng kamay ng babaeng malapit sa kanya.
Pinipilit kong kumawala sa pagkakapako ng aking mga paa ngunit 'di ko talaga kaya.
"Hehehe.." ngisi ng babae nang marating ang tiyan ni Ate Elena.
" Huwaaag!! " huling sigaw ko.
At pagtapos noon ay..
Bigla na lamang siyang nawala.
Nasubsob pa ako sa sahig dahil sa pagpupumilit kong makatakbo agad. Tila may isang taling napatid sa mga paa ko dahilan upang makagalaw na ang mga ito. Agad akong bumangon at pagapang na nilapitan ang Ate Elena.
"Ate Elena? "
Wala siyang malay ngunit patuloy pa rin ang panginginig ng kanyang buong katawan. Sa aking pagkataranta ay nasambit ko ang pangalan ng aking ina at lola.
"Nay! Lola ano pong gagawin ko? "
Umiiyak na ako sa takot.
Agad na akong tumakbo sa labas upang tumawag ng tulong. Kailangan kong maitakbo si Ate Elena sa ospital. Iyon ang tanging naisip ko.
***
AKING MGA NAKITA
"Kuya Jigs maniwala ka sa akin! Hindi dahil sa pagbubuntis niya ang kanyang pagkakasakit! May naglalaro sa kanya!"
Ang mahina ngunit may diing salita ko kay Kuya Jigs.
"Luisa, calm down.. Okay na siya, bumaba lang daw ang sugar niya kaya nagkaroon ng breakdown..Huwag tayo magjump sa kung ano?" mahinahong sagot niya.
Tumayo ako sa upuang bakal na nakakabit sa pasilyo at lumakad papalayong kaunti kay Kuya Jigs. Mahirap talagang paniwalain ang taong puro siyensya at medisina ang inaasahan, keysa sa mga katulad naming mga tubong-probinsya.
"Luisa.." sunod niya sa akin.
Nahalata niya sigurong tila ako ay nairita sa kanya kung kaya at ako ay kanyang nilapitan. Tinapik ako sa aking balikat at..
"Luisa, huwag kang mag alala... Ayos na ang Ate Elena mo.. Saka 'wag kang mag isip ng kung ano.. Nasa Maynila na tayo, so... Ibahin mo na ang takbo ng buhay mo dahil iba na ang paligid mo.." mahinang salita niya.
Hindi ako umimik.
"Walang naglalaro kay Elena at dala lang ng maselang pagbubuntis niya ang lahat, 'yun ang sabi ng mga doktor..." muling salita niya.
Hindi na ako nakatiis pa at..
"Alam mo ba kung ilang buhay na ang naisalba ng aking ina dahil sa kakayahan niya? At ni isang doktor na nagsabing ayos sila ay 'di tumama lahat?" sabi ko sa kanya habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Wala siyang nasabi sa aking mga tinuran. At muli ko pa itong sinundan..
"Akala mo ba madali ang magkaroon ng ganitong mga mata Kuya?" tanong ko sabay turo sa mga mata ko.
"Pe--pero Luisa... Hindi kasi ako.."
Pinutol ko ang kanyang pagsasalita.
" Hindi ka naniniwala sa mga tulad namin?! Buhay ng asawa at anak mo ang nakataya rito, kaya kung 'di ka talaga maniniwala Kuya Jigs ay mapipilitan akong iuwi si Ate Elena sa probinsya.." sabi ko sa kanya.
Tumingin siya sa akin na tila nag-iisip.
At muli pa ay..
"Walang magagawa ang mga doktor mo Kuya, maniwala ka sa akin habang maaga pa.." huli kong salita sa kanya bago ko siya iniwan upang magpunta muna sa labas ng ospital.
Iniwan ko muna siya mag-isa upang makapag isip na.
***
Habang lumalakad ako ay tumutulo ang aking luha. Natatakot kasi ako sa mga maaring mangyari kay Ate Elena. Ang sa tingin ko kasi ay talagang 'di ko pa kaya dahil sa dinadatnan pa rin ako ng takot. At ang isa pa ay...nakakaya pa rin nila akong paglaruan, tulad na lamang ng nangyari kanina. Napakalakas ng babaeng aming nakita, dahil kahit ano'ng pilit kong makalapit agad kay Ate Elena ay 'di ko magawa dahil sa pagpigil niya. Ngayon ang aking tanong...makakaya ko kaya siyang tulungan kung maging ako ay natatakot rin.
Kailangang malaman ni inay ang nangyayari sa amin. Walang ibang makakatulong sa amin kung'di siya lamang. Bigla ko tuloy naisip ang aking cellphone. Hindi ko kasi makita 'yun mula pa kaninang umaga. Maging ang cellphone ni Ate Elena ay 'di rin makita at ang number naman ng inay kay Kuya Jigs ay nabura niya daw nang 'di sinasadya. Tila umaayon ang kanyang mga pinaplano. Ang lahat ng magiging daan para makausap ko ang aking mga magulang lalo na ang inay ay may humaharang. Bakit niya kaya ginagawa ito, at ano ang kanyang gustong mangyari.
Paglampas ko sa isang kuwarto ay may nakita akong isang batang pasyente na may kasamang maputing usok. Napahinto ako sa tapat ng kuwarto na 'yun. Ang bata ay maraming nakatusok na kung ano sa katawan. Tila matindi ang kanyang karamdaman. At sa kanyang tabi ay isang magandang babaeng may katandaan na at hawak ang kanyang kamay at umiiyak.
Napalapit akong bigla sa kanilang pintuan at napasilip dito. Pinagmamasdan kong mabuti ang puting usok na lumiligid sa kanya. Tila ito pala ay isang anghel na panay ang pagaspas ng kanyang mga malalaking pakpak. Hindi ko aninag kung ito ba ay may mukha ngunit ang pigura nito ay kitang-kita ko. At alam kong sa mga oras na ito ay naghihintay na siya sa pagsama ng batang 'yun sa kanya.
Sa aking pagkakatitig ay umiiyak na pala ako. Naaawa ako kasabay nang pagmangha sa aking nakikita. Ang akala ko kasi noong una ang kamatayan na sumusundo ay madilim at ang kulay ay itim. Ngunit 'di naman pala, ito ay maputing usok na tila isang anghel na may dalang liwanag. Ngunit sa kabila ng kanilang maliwanag na itsura ay kakambal naman ang kalungkutan, dahil sa alam mong may lilisang isang mahal sa buhay.
Naisip ko tuloy.. na kung makikita ko sila sa aking mga magulang ay sisiguraduhin kong 'di ko na sila iiwan.
"Nay...Tay.."
Aking bulong.
Mas lalo tuloy tumindi ang aking pananabik sa kanila. At naisip kong muli na gusto ko nang umuwi.
Na gusto ko na munang kalimutan ang pagtupad ng aking pangarap at makasamang muli ang aking mga magulang. Naisip ko kasing madali ang paghabol sa isang bagay lamang...kaysa ang pagbalik ng mga oras na iyong mga pinagsisisihan.
Umiiyak na ako.
"Ate Lena.."
Ayoko siyang makitaan ng puting usok kaya gagawin ko ang lahat upang maagapan ang pagkalala ng kanyang sitwasyon sa lalong madaling panahon.
" 'Ne... Dalaw ka ba? Mamaya pa ang dalaw." kalabit ng guwardiya sa akin.
Pinunas ko agad ang aking mga luha.
"O--opo.." aking pasinungaling.
Pinalabas ako ng guwardiya at sumunod rin naman akong agad.
Naglakad ako palabas ng pasilyo na 'di alam kung saan pupunta. Sa aking pagkakaseryoso ay 'di ko napansing may papalabas pala ng kuwarto.
"Ay! Sorry.."
Nakabangga ko ang isang lalaking nurse.
At nagulat ako nang matitigan ang kanyang mukha. Nanlaki ang aking mga mata.
Dahil ang lalaking nasa harap ko...
Ay isa sa mga lalaking nakita ko sa litrato at pati na rin ang nasa panaginip ko.
June_Thirteen

Komento sa Aklat (90)

  • avatar
    SimbulanArriane

    Unique story

    09/04

      0
  • avatar
    Rovie-joy L. Pinkian

    first horror story na nabasa ko dito super ganda deserved ng author ng 5 star ⭐

    06/12

      0
  • avatar
    Nans Lyn

    nice story

    16/05/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata