logo text

Chapter 20| Please, Go Home

"Now explain" nakataas ang kilay na bungad ni Rose habang nakahalukipkip. Pinaupo nila ako sa may bench samantalang silang dalawa ay nakatayo sa harapan ko.
"Ah—eh—" ano nga bang sasabihin ko? Kakamot kamot ako sa kilay ng walang pumapasok sa isipan ko.
"— i o u." dugtong ni Judith sabay hagikgik. Pinaningkitan naman siya ni Rose kaya natigil si Judith sa pagtawa. Umayos siya nang tayo at tumikhim.
Bumaling ulit sa'kin si Rose.
"Ano na Verna? Anong meron sa inyo ni Max?" tanong niya. Nako! Sumasakit ang ulo ko sa tanong nito.
"Walang namamagitan sa amin, guys. Maniwala kayo." paliwanag ko habang kumukumpas pa ng kamay.
"E, ano 'yung kiss na 'yon? Wala lang? Napagtripan lang? Nangati lan— Aray!"
Hindi na naituloy ni Rose ang sasabihin ng sabay namin siyang binatukan ni Judith.
"Ano ba, guys?! Mapanakit na kayo, ha!" nakangusong reklamo niya habang hinihimas ang kanyang ulo.
Natawa naman kami kaso biglang nagseryoso si Judith.
"So anong nakita namin Verna? Care to explain?" seryosong tanong sa akin ni Judith. Napabuntong hininga naman ako habang iniisip ang sasabihin ko.
Bakit nga ba nasa gano'n kaming posisyon? Bakit nga ba ginawa ni Max 'yon sa akin?
Huminga muna ako nang malalim bago sumagot.
"Walang kiss na naganap, okay? Baka mali lang ng angulo ang nakita niyo." nakangiwing sagot ko. I know hindi ito convincing pero iyon ang totoo!
"Ha? Anong maling angulo? Kung ganon, bakit kayo nasa gano'ng posisyon?" kunot noong litanya ni Rose sa'kin at namewang na.
Okay. Relax lang Verna. Wala kang ginawang masama kaya walang rason para kabahan ka sa mga ungas na nasa harapan mo. Okay?! Inhale. exhale. Wooh!
"Tinulungan ko lang si Max. Ang bilis ng pangyayari, e. Basta nakita ko siyang nakahiga sa lapag at napansin kong may sugat sa gilid ng labi niya kaya pinunasan ko iyon. Aalis na sana ako kaso bigla niya akong hinila papalapit sa kanya—"
Hinawakan ko ang kamay ni Rose na tila ba dine-demo ko ang pangyayari.
" —tapos nagkatitigan kaming dalawa."
"Eeew! Lumayo ka nga Verna! Ang lapit mo na masyado. Konting batok na lang, ghad!" kinikilabutang wika ni Rose habang nira-rub ang magkabila niyang braso.
Nagtawanan kami ni Judith sa nakikita. Nang makita naming nakamungot na siya ay tinigil na namin ang pagtawa. Pinunasan ko na ang mga nangingilid kong luha sa mata dahil sa pagtawa.
"Pero seryoso guys, walang kiss. Hindi ko alam kung bakit hinila ako ni Max papalapit sa kanya." pagpapaliwanag ko.
Paulit-ulit na lang kami dito.
"Okay. Ang kailangan natin gawin ay malaman kung bakit niya ginawa sayo iyon kaya kausapin mo siya Verna." nakangiting suhestiyon ni Rose na para bang iyon ang pinaka magandang naisip niya na hindi maiisip ng iba.
Hindi ko alam kung may saltik ba ito o ano. Ang bilis magbago ng mood.
"Hindi pwede. Ayoko ng mapalapit sa mga iyon." wika ko. Lagi kasi niyang kasama si Alexander pati na rin yung mga hitad na nam-bully sa akin.
"E, paano naman natin malalaman ang dahilan niya?" tanong pa niya.
Ay nako! Mamumuti na ata ang kulay ng buhok ko sa dami ng tanong nila.
"Basta! Wala lang iyon, okay? Hindi na mahalaga kung ano ang dahilan. Case closed na ha? Tama na ang tanong. Tara na. Pumunta na tayo sa susunod na klase baka mamarkahan pa tayong late." pag-aya ko sa dalawa. May hesitasyon man na gumuhit sa kanilang mukha ay tumango na lang sila sa akin bilang pagsang-ayon at sumunod.
Salamat. Tumahimik.
****
"Verna, baka naman pwedeng gumimik ka naman kahit isang beses lang, o? Sama ka sa amin ni Judith. Magpaalam ka muna kay Miggy o mas mabuti kung isasama mo na din siya." kumikinang ang mga matang sambit ni Rose.
Iiling-iling na lang ako sa kaniya habang si Judith ay parang binagsakan ng langit at lupa.
"Uy, ano na?" kulit niya sabay hampas sa balikat ko. Napatigil ako sa paglalakad at hinarap siya.
"Ayoko sumama. Alam mo naman na hindi ako mahilig sa ganyan tsaka mas gugustuhin ko pa na mag-stay sa kwarto habang nagbabasa." paliwanag ko at nagpatuloy muli sa paglalakad. Bumuntot naman agad ang dalawa sa akin.
"Verna naman. Huwag ka namang kj. Ang ano mo kamo—kainis!"
"E, sa ayoko nga."
"Ah ganon..." may himig na paghahamon ni Rose sa akin. Napatigil ako sa paghakbang at tumingin sa kanya. Nang magtama ang mga mata namin ay humalukipkip siya at nag-smirk.
"Oo?" kunot noong sagot ko.
"Okay. Si Max na lang aayain namin. That means masosolo ko siya at malaya akong matanong lahat ng gustuhin kong tanungin." walang hingahang wika niya at malokong ngumiti.
Asa naman na matatakot ako.
"Okay." tipid kong sagot at sinimulan muli maglakad. Ramdam kong hindi na sila sumunod sa akin.
"Sasabihin ko kay Alexander na nagkiss kayo ni Max sa restroom!"
Namilog ang mga mata ko at napahinto sa paglalakad dahil sa narinig. Agad na nilingon ko sila. Nagpalinga-linga pa ako kaliwa't kanan para tingnan kung may ibang taong nakarinig sa sinigaw ni Rose. Nang masigurong kami lang ang nandito ngayon ay dali-dali akong naglakad patungo sa kinapipwestuhan nila.
Habang papalapit ay natatanaw ko ang ngiting tagumpay ni Rose habang si Judith ay namumula sa pagpipigil ng tawa niya.
Naiinis na huminto ako sa harapan ni Rose at nakipagsukatan ng tingin.
"Alam kong hindi mo magagawa iyon Rose."
"Try me." hamon niya na ikinahinto ko. Hays! Sumasakit ang ulo ko sa babaeng ito. Kaibigan ko ba talaga 'to?
"Fine! Sasama na." talunang saad ko.
"Yehey!" masayang sigaw ni Rose na parang batang pinayagan maglaro at nagtatalon pa.
Natutuwang inakbayan niya ako pati si Judith. Bali nasa gitna namin siya.
"Pinilit kita sumama Verna kasi pakiramdam namin ni Judith—" sinulyapan niya muna ako ng tingin bago ipagpatuloy ang sasabihin.
"Overload na ng problema 'yang nasa utak mo."
Sa narinig ay napangiti ako.
Gusto lang pala nila ako makapag relax o magchill man lang.
"Salamat." pagpapasalamat ko at naglakad na.
****
Alexander's POV
Thugs! thugs! thugs! thugs!
"Let's party people!"
Ingay.
Tss.. Natawa ako sa reklamo ko. Bakit pa ako pumunta dito kung ayaw ko ng maingay?
"Alex, tara sayaw tayo." paanyaya sa akin ni Jessica. Lasing na lasing na ang loka.
"Kayo na lang. Wala ako sa mood." walang ganang sagot ko.
"Pero—" hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya. Inis na tiningnan ko siya.
"Maghanap ka na lang ng iba diyan, okay? Huwag mo kong hintaying mapikon." nagulat siya sa inasal ko pati na rin sila Arthur.
"Jess, halika na." aya ni Abegail kay Jessica sabay hila nito sa braso ng isa. Hindi na sila umimik at nagsi-punta na sa dance floor.
"Bwisit!" naiinis na sambit ko sa sarili. Hindi ko na talaga maintindihan ang sarili ko. Naguguluhan ako. Ewan ko ba kung bakit pero nakakaramdam ako ng selos kila Max at Miggy. Parehas pang "M" ang unang letra ng pangalan. Lahat ba ng may pangalang nag-uumpisa sa 'M' ay magiging karibal ko?
Sa tuwing nakikita kong dumadampi ang kamay ni pinsan sa balat ni Verna ay parang napapaso ang mata ko at may kung anong tumutusok sa dibdib ko. Sa tuwing nakikita ko namang tulala si Verna habang nakatitig kay Max, hindi ko maiwasang mainggit.
Am I stupid? Am I coward? Masyado na bang sarado ang isip ko sa paliwanag para isaksak sa isipan kong tama lahat ng sinasabi nila Jessica sa akin patungkol sa kanya.
Masyado ba akong takot na baka maulit sa akin ang pangyayari noon?
Nanginginig ang mga kamay na kinuha ko ang baso na may lamang alak at ininom iyon. Bahala na kung gumapang ako sa daan pauwi sa amin.
Mabuti na lang wala si Mommy sa bahay. Hindi muna raw siya makakauwi. Kailangan niya pumunta sa Cebu. May aayusing negosyo roon.
Kumuha ako ng pulutan at kinain iyon. Napatigil lang ako sa pagnguya nang may tumapik sa balikat ko.
"Hey." isang malungkot na ngiti ang bumungad sa akin galing kay Arthur.
Umupo siya sa tabi ko at uminom din ng alak.
"Dahil ba sa kanya?" tanong niya.
Mga ilang minuto ko siyang tinitigan. Gusto kong sabihin lahat lahat kaso— parang may pumipigil sa akin na gawin iyon.
Napabuntong hininga na lang siya at inakbayan ako.
"Alexander, kahit sira ulo ako, napaka gag* ko, at walang magawang matino sa buhay pero isa akong kaibigan pare. Nakikita kong nahihirapan ka. Sabihin na nating parang ang manhid nang apat pero ako hindi."
Sa sinabi niya'y naramdaman kong nag-uumpisa ng uminit ang aking mga mata.
"Am I coward, Art?" kapag kuway tanong ko at nagbaba ng tingin.
"Yes Alex. Natatakot kang mangyari na naman ang nangyari sayo noon. Hindi pa nakatulong ang mga pinagsasabi namin sayo nung pinag - uusapan natin iyon. Pasensya ka na pare about doon." paghingi niya ng paumanhin at niyugyog ng mahina ang aking balikat.
"Mahal mo ba?"
Napaangat ako ng tingin sa tanong niya.
"Medyo shaky pa pero alam kong may nararamdaman ako sa kanya Arthur at paniguradong mag g-grow pa iyon." honest kong sagot.
"Kung ganon pala ay puntahan mo na." sabay nguso niya sa may dancefloor.
Ganon na lang ang paniningkit ng aking mga mata ng may namukhaan akong nagsasayaw sa kalagitnaan ng dancefloor. Nakita ko siyang nagsasayaw kasama si Miggy pati na rin ang mga kaibigan niya sa di kalayuan.
Bigla akong napatayo ng makitang dumapo ang kamay ni pinsan sa bewang niya.
"O-ow." nanunuksong himig ni Arthur.
"Mukhang matinik ang pinsan mo ha." dagdag pa niya at humagikgik.
Wala na akong inaksaya pang oras at nagsimula na akong maglakad patungo sa pwesto nila.
Malalaking hakbang ang ginawa ko para makapunta agad kaso napapatigil kapag may humahablot sa akin na mga babae. Hindi ko na sila binigyang pansin pa. Diretso lang ang aking tingin sa dalawang nagsasayawan ngayon.
Walang akin? In the first place akin na siya. Huwag kang magpatawa Miggy.
Pagkalapit ko sa kanila ay agad akong nakita ni Verna sa likuran ni pinsan. Namimilog ang mga mata dahil sa pagkabigla nung makita ako.
Pagkalapit ko ay walang salitang hinablot ko ang braso ni Verna papalayo kay Miggy at naglakad paalis sa dance floor.
"Alexander!" sigaw ni pinsan. Hindi ko siya nilingon. Diretso lang ang aking tingin habang naglalakad. Napatigil ako sa paghakbang ng hablutin ako ni pinsan paharap sa kanya. Bago pa man siya makapag salita ay agad na akong nagpakawala ng suntok na tumama sa mukha niya.
Matagal ko ng gustong gawin iyon simula nang kunin niya si Verna sa bahay.
Nagulantang naman si Verna ng makitang natumba si Miggy sa sahig.
Hinila ko ulit si Verna palabas ng bar.
"Ano ba Alex?! Bi-bitiwan mo ko!" pagpupumiglas niya at pilit tinatanggal ang kamay kong mahigpit na nakahawak sa palapulsuhan niya.
"Ano ba?!" inis na bulyaw niya sa akin kaya napahinto ako sa paglalakad at humarap sa kanya.
Nang masilayan muli ang mukha niya ay lahat ng selos, pagod, at inis ko ay parang bulang naglaho.
"Bumalik ka na sa bahay." mahinahong wika ko habang nakatingin sa kanya na nakakunot noo na ngayon.
"Huh! Nagpapatawa ka ba?" hindi makapaniwalang tanong niya at napabuga ng hangin sabay napasuklay ng buhok gamit ang kanyang mga daliri.
"Mukha ba akong nagpapatawa? Umuwi ka na." naiinis na turan ko at napahawak sa ulo ng makaramdam ako ng hilo.
"Ayoko!" pagtanggi niya.
"Umuwi na tayo sabi eh!" hindi ko na napigilang pagtaasan siya ng boses. Tuluyan ng sumipa ang alak sa sistema ko.
"Ayoko nga sabi!" she scream at the top of her lungs.
Biglang kumulo ang dugo ko ng may sumagi sa aking isipan.
"Bakit?! Dahil magaling ba si Miggy? Mayaman din kaya hindi ka nanghihinayang na mawala ako sa buhay m—"
PAK!
Napabaling ang aking ulo sa lakas nang sampal na natanggap ko sa aking kaliwang pisngi mula sa kanya.
Tila nagising ako at napagtanto lahat ng mga sinabi ko kanina.
Nahihiyang napatingin ako sa kanya at nakitang may umaagos na luha sa kanyang mga mata.
"I HATE YOU!" buong lakas na sigaw niya sa pagmumukha ko at tumakbo papalayo.
Naiwan akong nakatayo habang hinahatid siya ng tanaw.
Napapikit ako ng mariin at napu-frustrate na napahawak sa batok ko.
Nasaktan ko na naman siya.

Komento sa Aklat (31)

  • avatar
    castanedamarissa

    ang cute ng story👏👏😍😍😍🙏

    24/01/2025

      0
  • avatar
    BrownAlex

    good

    24/12/2024

      1
  • avatar
    BalquinMilyn

    so nice! good job author♥️

    21/12/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata