Chapter 78

Ang hirap magdesisyon kapag hindi umaayon sa'yo ang sitwasyon.
"Ipa-kidnap na lang natin si Arim. May kakilala ako'ng sindikato," seryosong saad ni Maris na ikinairap ni Lera.
Bakit nga ba siya nagtatanong pa ng payo dito? Wala naman siyang makuhang matinong sagot.
Kinuha niya ang bag at handa nang umalis sa opisina. Uuwi siya sa mansyon nila sa Sta. Ignacia, kagaya ng kondisyon na ibinigay niya sa anak. Mananatili sila sa Pilipinas kasama si Lucas ngunit doon sila maninirahan.
"Bye! Hoping for a comeback!"
Naiiling na iniwan niya ang kaibigan. Hindi niya alam kung saan ba ito pumapanig. Isa pa'y wala naman balikan na mangyayari dahil walang nakikipagbalikan. Ang kanilang pagsasama ngayon ay para na lamang sa bata. Sa mga susunod na araw ay binabalak niya nang kumbinsihin ang anak at ipaunawa dito ang magiging set-up nila ni Lucas bilang magulang. Ipapaliwanag niya na hindi na sila pwedeng magsama sa iisang bubong.
"Mabuti naman kung hindi na kayo aalis. Ayoko din na magkaroon ng broken family si Arim," sabi ng kan'yang ina nang tulungan niya ito sa paghahanda ng hapunan.
"Gan'on po siguro talaga kapag naging ina. Hindi mahalaga ang nararamdaman mo, basta ikakasiya ng anak mo."
Hindi niya pa din gusto ang ideya na makasama si Lucas sa iisang bubong dahil mataas ang posibilidad na makita niya si Ginang Juana.
"Si Lucas ba ay napatawad mo na?"
Napatigil siya sa ginagawa nang marinig ang tanong ng ina. Pinakiramdaman niya ang puso. Napatawad niya na ba ito? Nagalit ba talaga siya o sa tingin niya ay iyon lang ang dapat na maramdaman para makalimutan niya sa sinapit ng ama?
"Humingi sa amin ni Mikoy ng tawad si Lucas noong wala ka. Dama ko ang sinseridad sa kan'ya." Bumaling sa kan'ya ang ina at masuyong hinaplos ang braso niya.
"Naniniwala ako na nagsisisi siya sa nagawa noon, anak. Wala siyang kasalanan sa sinapit ng iyong ama."
Tumango siya ina upang tapusin ang pag-uusap. Hindi niya alam ang nararamdaman. Gusto niyang sisihin si Lucas ngunit sa kabilang banda tama din ang ina, walang kinalaman ang lalaki sa sinapit ng kan'yang itay.
"Mama, ano'ng oras po uuwi si papa?" tanong ni Arim nang samahan niya itong mahiga sa kama.
Tiningnan niya ang orasan at nakitang alas-nuebe na nang gabi.
Sa totoo lang ay komportable siyang wala ang lalaki sa paligid kaya hindi niya ito hinihintay. Subalit, hindi niya itatanggi na nagtataka din siya dahil wala pa ito.
Nakatulog na si Arim nang lumabas siya ng kwarto. Pasado alas-onse na nang gabi subalit wala pa din si Lucas. Sumilip siya sa labas ngunit wala pa doon ang kotse nito. Tiningnan niya ang telepono at wala din mensahe o tawag mula dito.
Ano ba'ng pakialam niya sa lalaki?
Mariin siyang pumikit at umakyat sa kwarto.
Hindi siya nag-aalala para dito. Dala lang ng pagod at antok ang kan'yang nararamdaman.
Lumipas ang isang oras. Mulat na mulat pa din ang kan'yang mga mata. Nagawa niya na yata ang lahat ng posisyon sa kama pero hindi pa rin siya makatulog. Gusto niya nang akusahan si Lucas na ginayuma siya nito dahil hindi ito maalis sa isip niya.
Kinuha niya ang telepono at hindi mabilang kung beses niyang kinumbinsi na walang malisya kung tatawagan niya ito.
Imbes na maibsan ang kaba ay mas lalo pa itong tumindi nang 'unattended' ang telepono nito.
Sumagi sa kan'yang isipan ang nangyari noon sa farm, nang saluhin nito ang patalim na sana ay tatama sa isang magsasaka.
Paano kung maulit iyon? Paano kung na-salvage na si Lucas?
Ang mga katanungan na iyon ang bumagabag sa kan'yang isipan. Tinawagan niya si Haya subalit hindi na din ito sumasagot. Tulog na iyon panigurado.
Walang pag-aalinlangan siyang bumangon. Kinuha niya jacket upang kahit papaano ay matakpan ang suot na pajama. Ayaw niyang mag-aksaya ng oras sa pagpapalit ng damit.
Napatigil siya sa mabilis na paglalakad pababa ng hagdan nang makasalubong niya ang kapatid. Binigyan siya nito ng nagtatakang tingin.
"Saan ka pupunta, ate?"
"Wala pa kasi si Lucas."
Ngumiti ito nang makahulugan. Inirapan niya si Mikoy. Alalang-alala na siya subalit nagawa pa nito ang magbiro.
"Huwag ka nga mag-isip ng kung ano d'yan. Si Arim kasi... nagising. Hinahanap ang papa niya Hindi namin ma-contact. Kaya pupuntahan ko sa mansyon. I-che-check ko lang kung andoon ba siya. Alangan naman na sabihin ko sa pamangkin mo na ayos lang si Lucas pero hindi pala. Kaya mabuti kung makikita ko."
Huli na nang mapansin niyang napaka-defensive ng kan'yang sagot. Pigil ang ngiti ng kan'yang kapatid na itinaas pa ang dalawang kamay, na animo'y hindi na siya magtatanong pa.
"Pakitingnan na lang si Arim," habilin niya bago lumabas.
Mahina siyang nagmaneho habang nagmamasid sa tabi ng daan. Tumigil siya nang makarating sa farm. Lakas-loob siyang bumaba at naghanap doon.
"Ma'am Lera, si Sir po ba ang hinahanap n'yo?" Isang may edad nang babae na may akay na lasing na lalaki ang lumapit sa kan'ya.
Mabilis siyang tumango.
"Inihatid na po nina Mang Isko sa mansyon."
Nagpasalamat siya dito bago bumalik sa sasakyan. Nagdalawang isip siya kung tutuloy pa ngunit natagpuan niya na lang ang sarili sa tapat ng mansyon ng mga Valle. Sa labas ay nakita niya ang wala sa ayos na pagkakaparada ng sasakyan ni Lucas at ang dalawang katulong na pilit itong ipinapasok sa loob ng gate. Bumaba siya at nilapitan ang mga ito.
"Hindi nga ako dito manang uuwi. Nandoon sa kabila ang mag-ina ko. Bakit ba dito ako hinatid?" Narinig niya ang wala sa ayos na pagsasalita nito subalit naintindihan niya pa din.
Malayo pa lang ay amoy niya na ang alak mula sa bibig ng lalaki.
"Lucas!" May diin niyang pagtawag dito.
Lumingon sa kan'ya ang lalaki na mayroong malaking ngiti sa labi. Bumangon ang inis na nararamdaman niya. Labis ang kan'yang pag-aalala tapos makikita niya lang ito na wala sa sariling katinuan dahil sa alak.
"My love!" Ibinuka nito ang mga braso at sinalubong siya ng mahigpit na yakap. Halos mawala siya sa balanse dahil naibigay nito ang bigat ng katawan sa kan'ya.
Pinagtulungan nila itong iakyat sa kwarto. Siya na ang nagpa-iwan upang alagaan ito.
Hinubad niya ang sapatos at damit nito bago binihisan ng bago at pinunasan ng maligamgam na tubig.
Masama ang loob na ginagawa niya iyon.
"Aray," ungot ni Lucas nang dumiin ang pagpupunas niya sa mukha nito.
"Galit ka my love?"
Umirap siya sa biglaang endearment nito sa kan'ya.
"Sorry. Nagkainuman kasi sa farm. I need to drink para palakasin ang loob na mabawi 'yang puso mo." Ang pananalita ni Lucas ay putol-putol at malabo subalit naiintindihan pa din ito ni Lera.
Napatigil siya sa pagpunas. Ano ba ang sinasabi ng lalaking ito? Hindi ba't hindi man lang nga sila nito hinabol? Pagkatapos ay sasabihin na gustong magkabalikan sila. Hindi na siya maniniwala na nagsasabi ng totoo ang mga lasing.
"I love you, Lera. Magbalikan na tayo."
Paulit-ulit iyong sinabi ni Lucas hanggang sa marindi na si Lera. Hindi nagugustuhan ang kakaibang pakiramdam na bumabangon sa kan'yang puso. Tumayo siya at handa nang lumabas ng kwarto nang hilahin siya nito. Bumagsak siya sa dibdib ng lalaki at doon ay malaya siyang niyakap nito gaano man siya magpumiglas.
"Lucas, ano ba? Bitiwan mo na ako."
Sinungaling! Sino'ng niloko niya? Gayong paggising niya ay siya na itong mahigpit na nakayakap kay Lucas.

Komento sa Aklat (71)

  • avatar
    BarcinasNecresia

    super love this story❤❤❤

    30/08/2022

      1
  • avatar
    Rolando Priagola

    nice po

    17/10/2025

      0
  • avatar
    Cely Bautista Andres

    Ang ganda

    07/08/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata