Ang magandang sikat ng araw ay hindi nakatulong para mabigyan ng sigla ang bahay ng mga Santillan. Ang dating masayang pagsasalo-salo sa hapag ay nauwi sa tahimik na tensyon sa pagitan ni Lera at kan'yang mga magulang. Ilang araw niya nang tinitiis ang hindi pagpansin ng ama at ina sa kan'ya. Naiintindihan niya dahil kasalanan niya. "Hindi na po ako papasok sa eskwela." Hinintay niyang makaalis ang kapatid upang masabi iyon. Imbes na sumagot ay tumayo ang ama at walang pasabing iniwanan siya. Napatingin siya sa ina. "Nasasaktan kami sa ginawa mo'ng ito anak. Pero nand'yan na iyan, wala na tayong magagawa." Alam niyang hindi siya matitiis ng ina. Tinanggap nito ang kan'yang sitwasyon at sinamahan siya na magpatingin sa pampublikong doktor. Tatlong buwan na ang nasa sinapupunan niya. Tunay nga'ng mayroong batang mabubuo sa loob niya. "Nora! Buntis ka?" tanong ng kapitbahay nila nang maabutan sila sa health center at kagaya nito ay kumukuha ng gamot para sa buntis. Higit kwarenta anyos na ang ina para magbuntis, kaya ang pagtatanong ng babae ay may halong pagbibiro, ngunit nang dumako ang tingin nito kay Lera ay naglaho ang ngiti nito. Napayuko si Lera. Kung tutuusin ay hindi na siya menor-de-edad upang magdalang tao, ngunit mapanghusga ang lipunan sa kagaya niyang walang ama ang nasa sinapupunan. "Mauna na kami sa'yo, marami pa akong trabaho sa mansyon," bigla ay sabi ng kan'yang ina habang dali-dali nitong kinuha ang gamot mula sa botika. Wala sa sariling hinaplos niya ang tiyan. Paano niya nga ba haharapin ang bagong yugto ng kan'yang buhay? Paano niya papalakihin ang anak? Iniisip niya pa lamang ay nahihirapan na siya. Kagaya ng inaasahan, kumalat sa kanilang lugar ang kan'yang agarang pagbubuntis ng walang ama. Hindi niya ininda ang usap-usapan ng mga tao at itinuon na lamang ang atensyon sa maingat na pag-alaga sa sarili para sa kan'yang magiging anak. Huminto siya sa pag-aaral upang manilbihan sa mansyon ni Mayor Esteban. Kinailangan niyang gawin iyon upang matustusan ang nalalapit na panganganak. Nang una ay tinulungan siya ng ina upang mahanap ang ama ng kan'yang anak, base na rin sa pagsalarawan niya sa pisikal nitong anyo, ngunit bigo siyang makita ito. Sa huli'y pinagpasyahan niyang mag-isa na lamang na itaguyod ang anak. "Naku, ang gwapo talaga ni Sir Lucas!" Narinig niyang sabi ng isang kasambahay nang mayroong ipakitang larawan sa telepono ang kasama. Abala siyang maghiwa ng mga rekado para sa pagkain ng pamilyang pinagsisilbihan habang pinapakinggan ang usapan ng dalawang katulong na kasama niya. "Sabihan mo si Ma'am Haya na araw-araw magpadala ng litrato niya kasama si Sir Lucas," nasasabik na sabi ng isa. Napaangat ng tingin si Lera nang marinig ang pangalan ng kaibigan. "Pwede ko ba'ng makita ang picture ni Haya?" Na-mi-miss niya na ang kaibigan. Hirap man tumayo dahil sa siyam na buwan niyang tiyan ay nagtangka siya upang lumapit sa mga kasama ngunit kaagad din na napatigil nang makaramdam nang mas matinding pananakit ng puson kumpara sa kanina niya pa iniinda. "Lera? Ayos ka lang ba?" Mabilis siyang dinaluhan nito. "Manganganak na yata ako," nahihirapan niyang tugon. Mabilis siyang naisugod sa ospital at matapos ang isang oras ay normal niyang nailabas ang bata. "Congratulations mommy! Isang malusog na lalaking sanggol." Gabi-gabi ay nagtatanong si Lera kung ano ang bukas na naghihintay sa kan'ya, subalit tila lahat ng kan'yang takot ay naglaho nang marinig ang iyak ng kan'yang anak. Inilagay ng midwife ang bata sa kan'yang dibdib. Walang mapagsidlan ang saya sa kan'yang puso. Para ba'ng ang lahat ng kan'yang paghihirap ay kusang naglaho at napalitan ito ng pag-asa. Ang pag-asang kakayanin niya ang lahat para sa anak. Masuyo niyang hinaplos ang bagong silang na anak. Tumulo ang kan'yang luha. Isa na siyang ina. "Ano'ng ipapangalan mo sa kan'ya anak?" tanong ng ina nang ilipat na siya sa recovery area. "Lance Arim Santillan po." Si Arim ang natatanging tama sa kamalian na kan'yang nagawa. Sinagot ng asawa ni Mayor Esteban ang kaunting gastusin nila sa ospital. Taos-puso niya itong pinasalamatan sa patuloy nitong pagtulong sa kanila. Ayon dito'y nagpapasalamat lamang sila sa ginawa niyang pagtulong kay Haya. "Ate mabuti na lang walang namana sa'yo si Baby Arim." Napairap siya sa ginawang pagbibiro ng kapatid na si Mikoy habang pinagmamasdan ang kan'yang anak na nasa duyan. Nakauwi din siya kaagad mula sa ospital at walang ibang ginawa kun'di ang magpahinga at alagaan ang anak. "Matangos ang ilong at makapal ang kilay. Labi lamang ang namana sa'yo anak. Kapag lumaki na iyan ay mas lalong magiging kamukha ang ama, kaya mabilis natin na makikilala." Sabay-sabay silang natahimik pati ang inang si Nora nang lumapit sa duyan si Manong Leroy at kargahin ang apo. Napaawang ang labi ni Lera. Matapos ang ilang buwan ay ngayon lamang siya tinawag na 'anak' ng ama. "Subalit kahit makilala pa natin ang lalaking iyon ay hindi ko ibibigay ang aking apo. Magtutulong-tulong tayo upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang batang ito," pagpapatuloy nito. Hindi na napigilan ni Lera ang lumuha. "Itay, patawad po," aniya kasabay nang paglapit sa ama. Yumakap siya sa baywang nito at bilang ganti ay mahinang tinapik ng ama ang kan'yang balikat. Sa pagdating ni Arim sa kanilang buhay ay bumalik ang sigla sa tahanan ng mga Santillan. Umalis na sa trabaho bilang katulong sa mansyon ng alkalde si Lera. Nagpatayo siya ng maliit na tindahan sa kanilang bahay at paminsan-minsa'y tumatanggap ng labada. Hindi niya maiwan ang anak sa ibang pangangalaga. "Happy first birthday Baby Arim!" Isang simpleng handaan ang pinag-ipunan ni Lera para sa unang kaarawan ng anak. Napakabilis ng panahon, parang kailan lang ay natatakot siyang aminin sa mga magulang na nagdadalang tao siya, ngunit ngayon ay hindi niya na makarga ang bata dahil hindi ito binibitiwan ng ama. "Lera!" Mula sa paghuhugas ng sandamakmak na pinggan ay mabilis na nagpunas ng kamay si Lera nang marinig ang pagtawag ng ina. "Bakit po inay?" Nag-alala siya sa paraan ng pagtawag nito, subalit mas lalo siyang kinabahan nang makita ang pagiging aligaga ng ina habang karga-karga ang kan'yang anak. "Nilalagnat si Arim. Nagsuka din siya." Kanina niya pa napapansin ang pagiging malumbay ng anak, sa kabila nang pagiging makulit at masayahin nito. Kinapa niya ang noo ng anak at tuluyan na nga'ng natakot nang mapagtantong inaapoy ito ng lagnat. Sumugod sila sa ospital. Dalawang araw itong namalagi doon upang obserbahan hanggang sa gumaling. Bukod dito, may mga gamot pa'ng inireseta ang doktor. "Anak isama mo na ito sa pambili ng gamot ni Arim." Iniabot ng ina sa kan'ya ang isang libong pera. "Salamat po inay." Mahal ang gamot at gatas na iniremomenda ng doktor kay Arim kung kaya't naubos ang ipon ni Lera. Nang tuluyan nang gumaling ang anak ay nagsimula nang maghanap ng trabaho si Lera na mayroong mas mataas na sahod kumpara sa kinikita niya sa tindahan at paglalabada. Bakasyon ni Mikoy sa pag-aaral kaya mayroon siyang naiwanang magbabantay sa anak. Sa kabutihang palad ay natanggap siya bilang saleslady sa isang grocery store sa ibayong lungsod. Malayo ito sa Sta. Ignacia kung kaya't hindi niya palaging makakasama ang anak. "Say Ma-ma. Mama." Tinuruan niya ang anak na bigkasin ang magiging tawag nito sa kan'ya upang bago man lamang siya umalis ay marinig niya ito. "Mmma-ma." Tuluyan nang nangilid ang luha sa kan'yang mga mata nang sa wakas ay bigkasin iyon ng anak. Mahigpit niya itong niyakap at pinaulanan ng halik. "Mahal na mahal kita Baby Arim ko. Huwag ka'ng mag-alala dahil palaging uuwi si mama para sa'yo. Magsisikap ako na mabigyan ka ng magandang buhay. Magpapakabait ka at huwag pasaway." Tuluyan nang tumulo ang luha niya. Ito ang unang pagkakataon na mawawalay siya sa anak at isipin niya pa lamang na bukas na siya aalis ay tila gusto niya nang umatras, ngunit alam niyang hindi maaari. Nag-baby talk ang anak at umaktong pinupunasan ang kan'yang luha gamit ang maliit na kamay at inihilig pa nito ang ulo sa dibdib niya. Sa halip na umalo ay mas lalo siyang napaluha. Napakaswerte niya sa anak at hinding-hindi niya hahayaan na mawala ito sa kan'ya. Ipinapangako niya sa sarili na magsisikap at mag-iipon siya upang makapagpatayo ng negosyong kainan sa kanilang lugar nang sa gayon ay hindi niya na kailangan pa'ng malayo sa anak. Higit apat na oras ang layo ng siyudad sa Sta. Ignacia at dalawang araw lamang ang day-off niya sa isang buwan, kung kaya't hirap si Lera na bisitahin ang anak kagaya ng ipinangako niyang isang beses kada buwan. Umuuwi na lamang siya tuwing kaarawan ng anak at pasko. Tumagal iyon ng dalawang taon hanggang sa nasanay na siyang makita at makausap na lamang ito sa telepono. Cellphone ang una niyang binili upang araw-araw na magkaroon ng komunikasyon dito. "Kumusta po kayo inay? Si Arim po ba tulog na?" Itinutok ng kan'yang ina ang camera ng cellphone nito sa natutulog na si Arim. Napangiti siya, tila ba sa isang iglap ay nawala ang pagod niya. Hindi na siya makapaghintay na lumipas ang isang buwan upang muli ay makauwi. Pinayagan siya ng may-ari ng grocery store na maagang magbakasyon para sa pasko. "Pagod na pagod ang anak mo. Nakipaglaro ba naman kay Sir Lucas," masayang pagkwekwento ng ina. Nagsalubong ang kan'yang kilay nang marinig ang pangalan na iyon. Naalala niyang nabanggit na ito ng mga kasambahay sa mansyon na kasama ni Haya sa ibang bansa. Isinasama ng kan'yang ina ang apo sa trabaho dahil wala ditong magbabantay sa bahay nila. Magiliw na ikwenento nito kung paano nagkasundo ang kan'yang anak sa lalaking tinutukoy nitong Lucas, na 'di kalaunan ay naalala niyang anak ni Ginang Juana na ipinapahanap nito sa mga pulis noon. Napangiti siya habang pinapakinggan ang ina. Masaya raw ang anak dahil binibigyan ito ng laruan at pagkain ng lalaki. Mas lalo tuloy siyang nasabik na umuwi upang makilala ang Lucas na sinasabi ng ina upang makapagpasalamat.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
super love this story❤❤❤
30/08/2022
1nice po
17/10
0Ang ganda
07/08/2025
0Tingnan Lahat