Wala nang mas sasakit pa sa isang ina kun'di ang malayo sa kan'yang anak. Halos palitan na ni Lera ang driver ng bus na sinasakyan upang mabilis na makarating sa Sta. Ignacia. Hindi niya akalain na sa isang iglap matatagpuan sila ni Lucas at mababawi nito si Arim sa kan'ya nang walang kahirap-hirap. Pinalis niya ang panibagong luha na tumulo sa kan'yang mga mata. Masakit na ang kan'yang ulo sa kakaiyak subalit kaya niyang indahin iyon kumpara sa sakit ng puso na nadarama niya. Nangyayari na ang kinatatakutan niyang gamitin ni Lucas ang pera nito upang ipagdamot sa kan'ya ang bata. "Papasukin mo ako! Kailangan ko'ng makuha ang anak ko!" Dumiretso siya sa mansyon ng mga Valle, kahit pa malalim na ang gabi. Hinarangan siya ng mga tauhan ni Ginang Juana na makapasok sa mataas nitong bakod. Kung dati'y manghang-mangha siya sa ganda ng labas ng mansyon, ngayo'y tila impyerno na ang pagtingin niya dito. "Lucas! Lucas! Ilabas mo ang anak ko!" Halos mamaos na siya sa kakasigaw subalit walang Lucas na humaharap sa kan'ya. Pilit siyang pinapakalma ng ina, na kagaya niya'y wala na din pahinga. "Lera, umalis ka na dahil kahit ano'ng sigaw mo d'yan, hindi ka nila naririnig sa loob." Paano nga ba siya maririnig ng mga ito gayong bukod sa mataas na bakod ay napakalaki ng mansyon nito. Subalit hindi siya susuko. Kumuha siya ng may kalakihang bato at inulan ng bato ang mataas na bakod ng mansyon. Narinig niya ang pagtahulan ng mga aso sa loob at ang paulit-ulit na pagsaway sa kan'ya ng mga tauhan ng mga Valle. Wala siyang pakialam, nais niyang makuha ang anak. Tumagal ang tagpong iyon ng ilan pa'ng minuto at himalang hindi siya nakaramdam ng pagod at takot. Kahit ang mga pulis na dumating ay hindi siya naawat. Kinailangan pa ng mga ito na sapilitan siyang bitbitin patungong presinto. "Nasa kanila ang anak ko! Kailangan ko'ng mabawi si Arim." Hanggang presinto ang paghihinagpis niya subalit nakalimutan niya yatang ang kapulisan ng Sta. Ignacia ay hawak din ng mga Valle sa leeg. Hindi siya nito papakinggan. "Anak." Ang paghawak ng kan'yang ina, na nanlalamig ang kamay dulot ng matinding pagod, ang kumuha sa atensyon niya. Nakaligtaan niyang kasama niya ang matanda ng ina sa loob ng presinto. "Inay?" Unti-unting napaupo ang kan'yang ina sa sahig, dala ng panghihina. Dinaluhan sila ng mga pulis at inabutan ito ng tubig at pagkain. Nakaramdam siya ng awa para sa kanilang mag-ina. Mas lalong sumidhi sa puso niya ang galit para kay Lucas. Nang sumapit ang umaga ay pinalaya din kaagad sila sa tulong ni Mayor Esteban. "Pasalamat ka kay Mayor dahil sa susunod kakasuhan ka na ng mga Valle," pagbabanta ng pulis, pero hindi niya ito pinansin. Handa siyang makulong, mabawi lamang ang anak. Pinilit siya ng ina na umuwi upang makakain at makapaghinga subalit tumanggi siya. Ayaw niya'ng magsayang ng panahon. Inaamin niyang pagod siya. Pagod na pagod. Gayunpaman, hindi niya maramdaman ang panghihina dulot nito. Suot ang parehong damit kahapon ay kumatok siya sa mansyon ni Mayor Esteban. Hindi katulad sa mansyon ng mga Valle na pinagtabuyan siya, dito ay malugod siyang pinapasok. Maaga pa kaya naabutan niya sa salas si Mayor at ang asawa nito. Hindi siya sanay humingi ng tulong mula sa mga ito dahil ito ang kusang nag-aabot ng tulong sa kanila. Subalit ngayon ay kakapalan niya na ang kan'yang mukha. "Nabalitaan ko ang nangyari sainyong mag-ina kagabi. Pasens'ya na, nahuli ang pagpapalaya ng mga pulis sainyo. Hindi mo naman siguro ako masisisi kung kinailangan ko munang alamin mula kay Juana kung bakit ka naroon." Mapagkumbaba at mabait si Mayor Esteban kaya malaki ang antisipasyon siyang makakakuha ng tulong mula dito. "Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa Mayor at Madam Mirasol. Nasa kanila po si Arim. Kinuha po ni Lucas ang anak ko." Muli ay bumuhos ang luha sa mga mata ni Lera. "Ano'ng gusto mo'ng mangyari?" "Tulungan n'yo po ako na mabawi ang anak ko." Nagkatinginan ang mag-asawa. Malaki ang utang na loob nila kay Lera dahil sa paglitas nito kay Haya. Kahit pa alam nilang wala itong magiging laban kay Ginang Juana ay handa silang tumulong sa makakaya nila. Napahikbi si Lera at sinalubong ang nakakaawang tingin ng mag-asawa sa kan'ya. Sinubukan siyang tulungan nito sa pamamagitan nang pagkumbinsi kay Lucas para sa joint custody ng bata ngunit naging matigas ito. Nilubos niya na ang paghingi ng tulong, sa pamamagitan nang paghiling dito ng isang abogado at koneksyon na mas mapapadali para sa kan'ya na mabawi ang anak. Binigyan siya ng pribadong abogado ng mag-asawa na sila mismo ang nagbayad. Subalit ang ikalawa niyang hiling ay hindi kayang gawin ni Mayor Esteban dahil ayon dito ay nais niyang maging patas ang laban lalo pa't pamangkin niya ang imbwelto. "So you've actually filed a petition, huh?" Sa tulong ng abogado ay nagkaharap-harap sila ni Lucas, kasama pa nito ang nobya na una pa'ng pumuna sa kan'ya. Sumailalim sa tamang proseso at pagdinig ang kaso. Subalit sa huli'y hindi siya pinanigan ng korte. "Attorney baka po pwede pa natin i-file ulit ang kaso." Nagsusumamo siyang lumapit sa abogadong ibinigay sa kan'ya ni Mayor Esteban. Tamad itong bumaling sa kan'ya. "I'll be honest with you Miss. Santillan. Simula pa lang alam ko na wala na tayong laban. Mayaman at makapangyarihan ang ama ng anak mo. Higit siyang mas makakapagbigay ng magandang buhay sa bata kumpara sa'yo. Wala ka'ng trabaho, wala na din hanapbuhay ang itay mo. Iyon ang nakitang butas sa'yo ng kabilang kampo, at kahit maghain muli tayo ng kaso, ibabasura lang ito." "Naririnig n'yo po ba ang sinasabi n'yo Attorney? Hindi lang po pera ang kailangan ng anak ko! Kailangan niya ng ina." "Mas makakabuti ang anak mo doon. I'm sorry pero hindi na kita matutulungan." Bagsak ang balikat niyang pinagmasdan ang abogadong maglakad palayo sa kan'ya. Unti-unting nawala ang pag-asang nabuo sa puso niya nang nagdaang araw. Magulo ang isipan, kumakalam ang tiyan, at halos lumalabo na ang paningin subalit naglakad pa din si Lera. Kung saan patungo ay hindi niya na alam. Pakiramdam niya'y mababaliw na siya. Ilang araw na ba? Ilang araw niya na ba'ng hindi nakikita ang anak? Dinala siya ng mga paa sa napakalaking mansyon, na impyerno na sa kan'yang paningin. Madilim na ang paligid, kasing-dilim ng kan'yang mundo. Ang liwanag niya'y nasa likod ng mataas na bakod sa kan'yang harapan. Nanlalamig ang pakiramdam ni Lera. Hindi niya na malaman ang nangyayari sa paligid, dahil sa sobrang sama ng pakiramdam. Maging ang paulit-ulit na pagbusina ni Lucas sa kan'yang likuran ay hindi niya na halos marinig. "'Di ba't pinagbawalan ka na ng korte na lumapit dito? Umalis ka na Lera bago pa ako tumawag ng mga pulis para ipadampot ka." Bumukas ang malaking gate sa kan'yang harapan, walang pag-aalinlangan siyang pumasok sa loob. Pakiramdam niya'y mabilis siyang tumatakbo ngunit ang totoo'y mahina siyang naglalakad papasok hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak sa semento. "Mama!" Napangiti siya nang maaninag ang anak bago tuluyang sumara ang kan'yang mga mata.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
super love this story❤❤❤
30/08/2022
1nice po
17/10
0Ang ganda
07/08/2025
0Tingnan Lahat