TURN OF TABLES "Nasaan ang katawan mo?" tanong ni Kino matapos makalapit sa kanila si Andy. Hindi na nila magawang makababa dahil sa nanghihina pa rin ang katawan nina Denum at Lylia. Nagkibit-balikat si Andy, "Hindi ko na alam kung saan ko naiwan dahil sa pagtakbo ko." Inulit ni Krem ang sinabi ni Andy kaya tiningnan siya ng apat. Nalukot ang mukha ni Lylia. "Bakit ka ba tumatakbo?" takhang tanong ni Lylia bago hinahanap kung saan siya titingin dahil hindi niya makita si Andy. Hinawakan ni Kino ang isang balikat ng dalaga at inalalayan sa pagharap kay Andy kaya nakaramdam ito ng pamumula. Biglang bumalik sa isipan ni Andy ang nangyari kanina at tiningnan ang mga kaharap. Nagdadalawang-isip siyang banggitin iyon dahil sa sitwasyon nila. "Dito lang kayo, hahanapin ko muna ang katawan ko..." pag-iiba ni Andy ng usapan bago mabilis na tinalikuran ang mga kaibigan. Naguguluhang pinanood siya ni Kino matapos ulitin ni Krem ang sinabi ng dalaga. "Sundan natin siya.." wika ni Kino at hahakbang na nang gumalaw si Denum at iniayos ang tayo. "Ako na ang susunod.. Manghingi na kayo ng tulong." pagpigil nito na ikinagulat ng tatlo. "Sira ka ba? Ikaw nga ang may kailangan ng tulong at paano mo naman makikita si Andy... Hoy! Denum! Umayos ka!" habol ni Kino ngunit mabilis na naglaho si Denum matapos mawala sa liwanag ng buwan. Muling inalalayan ni Krem si Lylia nang muntikan na itong mapaupo dahil sa muling pananakit ng katawan. Doon na napagtanto ni Kino na kailangan na nilang tumawag ng tulong kaya tumingin siya sa dalawa. "Sh*t... Wala pala akong dala na cellphone.." napamurang sabi niya bago tumango sa dalawa, "Hihingi ako ng tulong sa labas nitong gubat. Babalikan ko kayo kaagad kapag nakatawag ako ng tulong, huwag kayong aalis dito. Hintayin niyong makabalik sina Andy at Denum." mabilis na bilin niya sa dalawa. Malungkot na tumango si Lylia dahil tingin niya ay palusot lang iyon ni Kino para hanapin si Andy. Ngumiti si Krem. "Salamat. Mag-iingat ka, Kino." tugon ni Krem bago pinanood na makaalis si Kino. Inihilig ni Lylia ang ulo sa balikat ni Krem at humikbi. "Habang binubugbog ako, wala akong ibang pangalan na binanggit kundi siya. Nakalimutan ko na pamilya ko pala ang babalikan ko, tama ba ang ginawa ko?" may panghihinayang na tanong ni Lylia. Saglit na natigilan si Krem bago hinaplos ang maikling buhok ng kapatid. "Walang mali sa ginawa mo, Iya. Walang mali sa nararamdaman mo." tanging nasabi ni Krem dahil alam niya ang nararamdaman ng kapatid para kay Kino. Medyo gumaan ang pakiramdam ni Lylia matapos marinig ang sinabi ng kapatid kaya marahan niyang niyakap ito. Dahil sa pag-iisip ay hindi na namalayan ni Andy na nawawala na naman siya. Sa paghahanap sa katawan niya ay naligaw na naman siya nang wala sa oras. Bumuntong-hininga si Andy at napagdesisyunan na bumalik na lang ngunit may humawak sa kamay niya kaya mabilis niyang tiningnan iyon. Kahit madilim ay alam na alam niya ang amoy ng katabi; ang amoy ng adobo na mukhang huli nitong kinain. "Bakit mo ako sinundan? Hindi ba nahihirapan ka pa?" naguguluhang tanong ni Andy bago marahan na hinila ang kamay mula sa pagkakahawak ng binata. Napansin iyon ni Denum kaya ang braso naman ni Andy ang hinawakan niya. "Huwag kang lalayo sa akin..." mahina ngunit sapat na para marinig ni Andy. Hindi lumilingon si Denum sa dalaga dahil tanging ang paghawak niya lang dito ang paraan para mahanap ito. Pasamat siya dahil sa kagustuhang lumayo sa mga kaluluwa ay lumakas ang pakiramdam niya na nakatutulong para mahanap niya kaagad si Andy. "Wanna bet?" biglaang nasabi ni Denum na tila nakikipag-usap sa hangin, "Kapag nahanap ko ang katawan mo, sa akin ka sasama sa susunod na taon. Sa huling taon natin, ako ang dapat na samahan mo kapag nawala si Kino sa Paaralan na pinapasukan natin." paliwanag nito sa seryosong tono. May pagkalito siyang tiningnan ni Andy bago umiling. "Huwag mo nga akong binibiro, Denum. Hindi ka nakakatuwa.." sumimangot si Andy bago inagaw ang braso sa binata ngunit kaagad ding binawi iyon ni Denum at bumaba muli sa kamay ng dalaga. "Kapag hindi ko nahanap ang katawan mo, lalayo na ako sa grupo niyo, sa iyo, kay Kino, sa Club niyo.. I don't deserve any of you to be with me, kahit ikaw..." ramdam ni Andy ang emosyon sa tono ng pananalita nito. Umiling si Andy, "Denum..." "Kasi... isa lang naman akong binata na nagtatago sa imahe ng batang ako. Ayaw makipag-kaibigan at higit sa lahat, lumalayo sa gulo kaya ginawa ko ang lahat para mapunta sa mataas, pero sumobra at pagiging makasarili pala ang tawag doon. Humihingi ako ng tawad sa iyo kasi pinalampas ko ang maraming segundo na tinuring niyo akong kaibigan para sa imahe na nawala rin dahil sa ilang minuto na kapabayaan ko.. Ayoko na isipin mong gusto kitang maging kaibigan dahil pakiramdam ko ay walang-wala na ako, ayos lang kahit maging estranghero lang ako sa paningin mo. Basta nandito ka sa susunod na taon sa tabi ko para mabantayan kita. Kahit isang taon lang, ako muna ang magbabantay sa iyo." hinarap ni Denum si Andy at may sasabihin pa ngunit biglang naglaho ang dalaga na parang bula. Dumilat si Andy sa mahabang pagkakatulog at sinalubong nang tahimik na paligid. Hindi katulad nuong huling gising sa katawan; mas maliwanag na ang kalangitan ngayon at hindi na masyadong mahirap para kay Andy na makita ang daan. Hinawakan niya ang ulo bago kinusot ang mga mata. Biglang sumagi sa isipan niya ang mga sinabi ni Denum kaya nagmamadali siyang tumayo at hinanap ang binata. Ngunit mukhang kabaligtaran ang nakita niya dahil walang Denum na nasa paligid. Mabilis siyang tumakbo para hanapin ang binata at ang iba pang kaibigan. "Denum! Kino! Lylia! Kreeeeem!" paulit-ulit niyang tawag sa mga ito ngunit wala siyang narinig na tugon. Hinihingal niyang tinakbo ang mas masukal na bahagi ng gubat ngunit wala siyang nakita. Mawawalan na siya ng pag-asa nang makarinig siya ng wangwang mula sa sasakyan kaya sinundan niya kung nasaan iyon. Nasa may bukana na siya at nakikita na niya ang kalsada ngunit kaagad din siyang napaatras nang makita na puro sasakyan ng mga pulis ang naroon. Sa kabilang bahagi ng kalsada kung nasaan si Andy ay may mga grupo ng tao na naroon. Mga pulis, guro at ang mga estudyante. Pinaningkitan ni Andy ang mga iyon at napatakip ng bibig nang makilala kung sino. Kitang-kita sa mga mukha ng apat na estudyante na hindi sila nasisiyahan sa kung ano ang pinag-uusapan kasama ang mga pulis. Ilang saglit pa ay umiling si Denum bago sumulyap sa puwesto kung nasaan si Andy. Naguguluhang tiningnan ni Andy ang hindi magandang timpla ng mukha ni Denum. Muli itong umiling sa kaniya bago ibinalik ang tingin sa isa sa mga pulis na nagsasalita. Gustong-gusto ni Andy na lumabas ngunit kahit walang ideya ay sinunod niya ang ginawa ni Denum. “Anong nangyayari? Anong pinag-uusapan nila?” naguguluhang tanong ni Andy habang iniikot ang tingin sa paligid. Napansin niya ang ambulasya kung nasaan ang ilang tao na nakauniporme rin. Iilan lang dito ang kaniyang nakilala at isa na rito si Entice na nanginginig sa takot habang ginagamot ang sugat sa noo. “At bakit sina Entice ang nasa ambulansya? Kahit sina Lylia at Denum ang puno ng sugat at pasa?” Hindi makapaniwala na binalingan ni Andy ang lugar kung nasaan sina Denum, ganoon na lang ang pagtataka niya nang magsimulang maglakad ang mga ito papunta sa mga sasakyan ng pulis at isa-isang isinakay. Iika-ika pa sina Lylia at Denum habang inaalalayan nina Kino at Krem. Sa unang sasakyan sumakay sina Lylia at Denum habang kasama ang mga pulis habang sina Kino at Krem naman ay sa ikalawang sasakyan kung saan kasama ang ilan sa mga guro mula sa Paaralan. “Anong nangyayari? B–bakit sila ang isinakay... Saan sila pupunta?” Naguguluhan na si Andy at balak na lumabas sa pinagtataguan ngunit hindi naituloy dahil tumingin muli sa kaniya si Denum at inilingan siya bago sumenyas na huwag maingay. Kasunod nito ang pag-andar ang mga sinasakyan nila. Hindi nawala ang tingin ni Denum sa lugar kung saan nakatago si Andy. Isa lang ang iniisip ng binata. Madadamay ka kapag nakita ka nila, Andy. “Sigurado ba kayo na itong apat lang ang nakita niyo?” Ito ang panimulang tanong ng isang lalake nakaupo sa swivel chair, wala na itong buhok dala ng katandaan ngunit bakas pa rin ang kalakasan ng katawan. Dito sila idiniretso matapos makarating sa Police Station. Kahit iika-ika ay pinilit na maglakad ni Denum maging si Lylia na hindi maitimpla ang mukha. Nakasunod naman sa kanila sina Kino at Krem na bakas ang pangamba at pag-aalala sa mga mukha habang kasunod ang mga guro. “Yes, Chief. Ito yung mga itinurong estudyante na dumukot sa mga nagrereklamo.” tugon ng pulis na may hawak kay Denum. Sinulyapan siya ni Denum bago pinangingkitan. “I already told you, kami ang dinukot. Kami ang kinulong at sinaktan.” may galit sa boses ni Denum at gustong-gusto na saktan ang pulis na mahigpit ang kapit sa braso niya. Inilingan lang siya nito bago ngumisi. “Hijo, hindi mo na mapapaikot ang imbestigasyon hindi ‘gaya nuong nasa posisyon ka pa sa Club ninyo at konektado ka sa amin. Basa na namin bawat galaw mo, hindi ka na makakatakas sa mga ebidensya.” Pinakatitigan ni Denum ang Hepe na nagsalita bago bumaling kay Lylia na diretso lang ang tingin. Mukhang hindi pa rin marehistro sa utak nito na sila ang napagbibintangan na may ginawang masama matapos ang mga nangyari. Balak niya sanang tawagin ito ngunit may kamay na pumatong sa balikat niya kaya dali-daling tiningnan. Si Krem iyon na inilingan siya. Isang malalim na pagbuntong-hininga ang kumawala kay Denum bago binalingan ang mga pulis. “Kung totoo ang mga binibintang niyo, lapagan niyo kami ng ebidensya. I will not let this slide, sinisiguro ko na walang lalabas na may chapa rito kapag hindi niyo napatunayan ang mga binibintang niyo sa amin.” desididong wika ni Denum habang tinitingnan bawat isang pulis maging ang mga guro na katabi nina Kino at Krem, “I will not let this slide..” pag-uulit niya bago ngumisi. Bumakas ang pangamba sa mukha ng mga guro ngunit hindi na ito mga tumugon sa binitawang mga salita ni Denum. Pinanatili nilang kalmado kahit alam nila ang mga kayang gawin ng estudyanteng minsang naging pinakamataas sa Paaralan. Ang mga kaganapang iyon ay hindi nakawala sa mata ni Kino na nag-aalala sa mga mangyayari para sa nakababatang kapatid at mga kaibigan. Tila namanhid siya at walang boses dahil sa mga nangyayari, hindi siya makaniwala at tanging pagkadismaya lang ang nagawa. Matapos bitawan ni Denum ang mga salitang iyon ay isang palakpak ang umalingawngaw sa buong paligid. Ang apat na estudyante ay pare-parehong natigilan sa narinig, tila isang masamang tunog ang kanilang narinig na nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa kanila. Ilang saglit pa ay tunog ng isang tungkod ang narinig nila kaya mabilis nilang tiningnan iyon. Isang lalake ang naglakad palapit sa puwesto nila, ngunit hindi diretso ang lakad nito at nakaalalay sa baston. Tulad ng inaasahan, wala ni isa sa apat ang may kilala rito at pare-parehong pagtataka ang bumalatay sa mukha. Hinintay nilang makalapit sa lugar nila ang lalake at saktong huling pagtunog ng baston nito ay doon lang bumalik ang kanilang diwa na tila nahipnotismo. Doon lang nagbago ang tingin ni Denum at Lylia na masama na ulit ang timpla ng mukha. “Ito pala... Kayo pala ang mga dumukot at nanakit sa anak ko.” nakangiti ito ngunit hindi tuwa ang mararamdaman sa paraan nito ng pagtingin, tila mangangain. “Opo, Mr. Pablo. Ayon sa salaysay ng anak mo at ng mga kasama nito, ang dalawang ito ang nagplano upang dukutin sila.” sagot ng pulis na mukhang hepe ng Pulisya. Tumango ang lalake na tinawag na Mr. Pablo bago tiningnan bawat isa sina Kino, Krem, Lylia at Denum. Nagtama ang mga mata nila ni Denum at ganoon na lang ang pamimilog ng mata ni Denum nang may mapansin sa mata nito bago dinilaan ang pang ibabang labi at ngumisi sa kaniya. “Denum Gozo..” tila mahika ang pagbanggit nito sa pangalan ni Denum na may kung ano siyang naramdaman kaya siya ang unang umiwas ng tingin. “Ikaw pala ang ama ni Rizalino..” ngumisi si Denum habang sa ibang direksyon ang tingin, “Kaya naman pala uminit dito, nandito pala ang ama ng demonyo.” tatawa-tawang wika ni Denum. Imbes na magalit ay natawa pa ito bago hinawakan ang balikat ni Denum. Malumanay ang paghawak nito sa kamay ng binata ngunit mabigat ang naging pakiramdam ni Denum, isang pakiramdam na parang pinipigilan siya sa paghinga. “Ang amang ito ng tinatawag mong demonyo ang magpapatunay na may ginawa kayong kasalanan sa anak ko at sa mga kaibigan niya...” lumapit ang bibig nito sa tenga ni Denum bago bumulong, “Ang ama ng demonyo ay nakaharap sa kapwa niya demonyo.” Kumuyom ang kamao ni Denum matapos marinig ang sinabi nito ngunit hindi na siya tumugon pa. Hinayaan niya ang mabigat na presensya nito na lukubin siya at maging mahina dahil ayaw niyang maulit ang nangyari kanina. Ang pangyayaring inaakala niyang panaginip. Ilang segundo itong nagtagal sa tenga niya bago inamoy ang presensya niya at huminga. “Mukhang nagigising na ang demonyo sa katawan mo..” bulong nitong muli bago umalis sa pagkakalapit sa kaniya. Wala namang ideya na pinapanood ng tatlo at ng iba pang mga nakapaligid ang dalawa. Tila huminto ang oras sa pagitan ng dalawa at ang minutong iyon ay segundo lang sa iba. Sa paglayo ni Mr. Pablo ay ang paglamig ng mga kamay ni Denum na bibihirang mangyari sa buong buhay niya. Para nitong pinasok ang buong pagkatao niya gamit ang salitang mga binigkas nito. Naramdaman niya ang pagnginig ng mga kamay niya na kaagad niyang itinago sa mga bulsahan ng pantalon na suot. Hindi iyon nakalampas sa mata ni Kino kaya tinitigan niya ang nakababatang kapatid bago dumako sa estrangherong lalake. Tiningnan ni Mr. Pablo ang hepe ng mga pulis bago ngumiti rito. Maya-maya pa ay sinenyasan ng hepe ang isa sa mga pulis na kakarating lang na may inilabas na plastic na selyado. Iniabot ito ng pulis sa hepe bago tuluyang mawala sa kanilang paningin. Tinitigan muna ng hepe ang hawak bago tinapunan ng tingin sina Denum, Lylia, Krem at Kino at sumulyap kay Mr. Pablo. Itinaas niya ang plastic na hawak kaya nakita na ngayon ang laman nito, isang baril. “Ang baril na ito ay nakitaan ng finger prints na mula sa totoong dumukot at may sala..” sumeryoso ang mukha nito bago tumikhim at tiningnan ang bawat isa na nasa opisina niya. Kita ang pagbasa ni Lylia ng mga labi habang tinitingnan ang baril. Malinaw pa sa isipan niya kung paano pumutok iyon ng ilang beses. Kumuyom ang kamao niya sa ala-alang iyon. “At ano ang nakita niyo? Oh no, let me rephrase it.. Kaninong finger prints ang nakita niyo?” tila namamanghang tanong ni Denum na siguradong wala ni isa sa kanila ang humawak ng baril. Ibinaba ng hepe ang selyadong plastic kung nasaan ang baril bago pilit na ngumiti. “Walang iba kun’di sa iyo, Mr. Denum Gozo. Ikaw ang dumukot at nambugbog kina Rizalino Pablo, Entice Luna at iba pang kasamahan nila na na-confine sa Hospital. Kasama ang kasabwat mong si Lylia Regino at kapag napatunayan, pwedeng maisama ang dalawang binata na kasama niyo rito.” paliwanag nito na ikinalaglag ng panga nina Lylia, Krem at Kino. “Spill the tea, Chief Magno. Huwag mo kaming idaan sa pagbibiro.” tatawa-tawa na tinitigan ni Denum ang Hepe. Umiling ang Hepe bago ngumiti nang makahulugan kay Denum, “You know our action inside and out the field, Mr. Gozo. Ang pagbibiro ay wala sa aming prayoridad. Nakuha ito sa abandonadong bahay kung saan nakita ang mga katawan ng walang malay na estudyante at ayon sa nakalap naming imbestigasyon, ikaw ang tinuturo nilang nanutok ng baril sa kanila.” dagdag pa nito. Mas hindi makapaniwalang nagkatinginan sina Lylia, Krem at Kino bago tumingin sa puwesto ni Denum na may pagkababala sa mukha. Si Denum lang ang nangingiting umiling sa sinabi ng Hepe bago mabilis na tinanggal ang pagkakahawak sa braso ng pulis at pumunta sa mesa kung nasaan ang Hepe. Galit niyang dinabog ang mga kamao sa mesa nito at pinakatitigan ito. “Are you f-cking serious right now? Huh?!” bakas ang galit sa paraan ng pagtatanong nito maging ang titig niya sa Hepe, “How can I do that? How the two of us can do that?! Napakarami nilang estudyante laban sa amin. At panigurado akong may CCTV sa Convenience Store kung saan nila kami dinukot. Paanong nasiguro niyo kami ang may ginawang masama sa kanila?” Hindi na makontrol ni Denum ang emosyon dahil sa mga narinig. Maging ang pasensya niya ay agad nasagad dahil sa mga kasinungalingan na sinabi ng Hepe. Hindi niya alam kung nabayaran ba ito o may nagawang plano sina Entice para maipasa sa kanila ang kasalanan. Kalmado lang ang Hepe bago kinuha ang plastic at tinaas ito sa harapan niya. “It is what is is, Mr. Gozo. Iyo lang ang nakita rito, at nabaril mo si Rizalino Pablo sa braso na siyang nagpapatunay na ito nga ang ginamit mong baril.” buong wika nito bago marahang hinampas sa noo ni Denum ang baril, “Kung ako sa iyo, hahanap na ako ng magaling na abogado dahil hindi tatalab ang galing mo sa lugar ko.” dagdag pa nito bago ibinaba ang hawak. Sinundan ni Denum ng tingin ang baril bago ngumisi, “Paano kaya kung paputukin ko ngayon iyan?” “Denum, huwag please..” pigil ni Kino habang nakatayo sa hindi kalayuan at hindi makapaniwala sa nakikita. His sudden towering rages are terrifying. Ngayon ko na lang ulit nakita ito. Hindi ito magugustuhan ni Tita Demmy. Alam ni Kino na hindi maganda ang mga susunod na mangyayari kapag hindi pa siya kumilos. Ang tanging gusto niyang gawin ngayon ay kaladkarin si Denum paalis sa kwartong ito. Lumapit siya sa may likuran ni Denum kahit pinigilan siya ng mga kasamang guro. Denum glowered at Kino but said nothing. Muling ibinaling ni Denum ang tingin sa Hepe. Tiningnan ng Hepe si Denum at pinanood ang susunod niyang gagawin. “Sigurado akong hindi ako ang unang tutumba.” tugon nito bago bumaba ang tingin. “Let’s see...” Itinaas ni Denum ang kamao at balak na ambahan ng suntok ang Hepe para paputukin ang bibig nito. Malapit na niya masuntok ang mukha ng Hepe at handa na rin ito sa gagawin ni Denum. Tila bumagal ang oras at isang hampas mula sa likod ang nagpatumba sa kaniya. “Oh my gosh! Denum!” napahawak sa bibig si Lylia at nanghihina na pinanood ang nangyari sa kasama na ngayon ay nakahiga na sa sahig. “Denum..” agad na lumapit sina Kino at Krem upang tingnan ang kalagayan ni Denum. “Ooppss, sorry if I handle it manually.” boses ni Mr. Pablo habang ibinababa ang baston na pinanghampas kay Denum, “Ayoko lang na tuluyan niyang masaktan ang Hepe.” Bumaling ang tingin ni Kino rito at sinamahan ito ng tingin. “Muntik mo na siyang mahampas sa ulo. Kakasuhan kita.” nagpipigil ng galit na wika ni Kino. Nagkibit-balikat si Mr. Pablo, “I am just helping you. Kaysa naman madagdagan ang kaso niya kapag nasaktan niya ang Hepe.” makahulugang sabi nito bago binalingan ang hepe, “I will go now. Kailangan ko pang bisitahin ang anak ko sa Hospital. Chief, ikaw na ang bahala patungkol sa napag-usapan natin.” ngumisi ito. Tumango ang Hepe, “Makakaasa ka sa magiging aksyon namin, Mr. Pablo. Salamat sa pagbisita, mag-iingat po kayo.” tumayo pa ang hepe at sumaludo kay Mr. Pablo na tinanguan lang siya bago tuluyang umalis. Tumingin ang Hepe sa mga gurong naroon, “Kumusta naman po ang pagpapatawag sa mga guardian ng mga batang ito? Kailangan silang makausap para sa mga susunod na mangyayari sa kasong isasampa ni Mr. Pablo at ng ibang mga magulang.” “Opo, Hepe. Nasabihan na namin ang mga guardian ng mga estudyante ito at anumang oras ay makakarating na sila.” sagot ng isa sa mga guro. Tumango ang Hepe at tumayo bago tingnan ang ilang pulis, “Mauuna na muna ako, bantayan niyo ang mga batang iyan. Babalikan ko kayo mamaya.” Sumaludo ang mga pulis bago tuluyang nakalabas ang Hepe. Ang mga guro naman ay nagsimula na ring lumabas. Seeing how they were treated, Lylia couldn't stop herself from doing what she think is right. Umiling-iling si Lylia at naiinis na dinuro ang mga guro, pulis at ang kakalabas lang na Hepe. “Bakit ba ayaw niyong makinig na wala kaming kasalanan?! Mga bulag ba kayo?! Kitang-kita naman kung sino ang mas nasaktan dito?! Pakawalan niyo na kami!” Buong lakas siyang sumigaw kahit nanghihina pa ang katawan niya dahil sa mga natamong pasa at sugat. Hindi kumibo ang mga sinabihan niya at walang anu-anong iniwan sila sa kwarto. Tanging apat na lang silang natira rito. “Arghhh! I knew it! Sigurado na ako ngayong may nangyaring pagmamanipula sa mga nangyari! Seeing how those people reacted, mas malinaw pa sa makintab na ulo ng kalbong Hepe na iyon ang pag-frame up sa atin! AAAAHHHHHH!” nagdadabog na napaupo si Lylia. Nagsisimula na rin manubig ang mata niya kaya agad siyang nilapitan ni Krem at niyakap. “Sshhhh.. Huwag mo silang pakiusapan. Hindi nakakarinig ang nagbibingi-bingihan.” pag-aalo niya sa kapatid, “Sisiguraduhin kong walang mangyayaring masama sa iyo, nandito na ako Lylia. I am sorry kung napabayaan kita. Wala ka sana sa ganitong sitwasyon ngayon.” nagsisimula na rin maluha si Krem. Napuno ng iyakan ang buong silid samantalang si Kino ay abala sa paggising kay Denum na nawalan ng malay. Laking-gulat niya nang may kamay siyang nakita na humawak kay Denum kaya tiningnan niya ito. “Andy.. bakit sumunod ka pa?” bakas ang pag-aalala sa boses ni Kino. Natigil sa ginagawa sina Lylia at Krem nang marinig ang sinabi ni Kino ngunit wala silang makita. Naluluhang umiling si Andy, “I am sorry. Nahuli ako para pigilan si Denum.” wika niya kahit alam niyang hindi siya maririnig ni Kino. Napangiti si Krem sa narinig bago tiningnan ang kapatid, “Sinundan tayo ni Andy.” Dahil sa sinabi ni Krem ay medyo gumaan ang pakiramdam ni Lylia at siya na ang lumapit sa puwesto ni Kino para tulungan itong alalayan ang walang malay na si Denum. Medyo nagulat si Kino sa kinilos ni Lylia sa kabila ng mga natamo nito. Hindi niya mapigilang hawakan ang isang kamay nito dahilan para tingnan siya. “Magpahinga ka na lang, Lylia.” wika niya rito. Ilang segundo siya nitong tinitigan bago ngumiti kahit bakas ang mugto nitong mata. “Sa kabaong lang ang pahinga ko.” sagot nito na ikinailing ni Kino. “Huwag kang mag-alala, nandito lang kami para sa inyo ni Denum.” paniniguro ni Kino bago sumulyap sa puwesto kung nasaan ang kaluluwa ni Andy, “At si Andy.” dagdag nito. Tumango si Andy bago ngumiti. #FIVESENSES
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (61)
Rhnlndr
their senses used in paranormal things make the story unique from the other stories i've read, nice work author! 💛💛
26/08/2022
0
imjfran
the flow of the story. I loved it.
gusto ko yung part na yung babaeng bida is humihiwalay yung katawan and that nahulog as bangin part dahil may lumapit sa kaniyang kaluluwa na hindi nakita ni kino.... OMG! ANG GANDA! pero gusto ko po si denum. ang gwapo niya sa imagination ko!!!
16/07/2022
0
Scarlett Moon
synopsis pa lang interesting na! highly recommended story, must read! ♡♡♡
their senses used in paranormal things make the story unique from the other stories i've read, nice work author! 💛💛
26/08/2022
0the flow of the story. I loved it. gusto ko yung part na yung babaeng bida is humihiwalay yung katawan and that nahulog as bangin part dahil may lumapit sa kaniyang kaluluwa na hindi nakita ni kino.... OMG! ANG GANDA! pero gusto ko po si denum. ang gwapo niya sa imagination ko!!!
16/07/2022
0synopsis pa lang interesting na! highly recommended story, must read! ♡♡♡
30/05/2022
0Tingnan Lahat