Chapter 24

FIVE SENSES
CHAPTER 24: SUSPENSION
"Seryoso ka ba? Suspended ka ng dalawang buwan at may detention pa dahil sa pagtulong mo sa mga taong iyon?" nabiglang tanong ni Lylia ng ikwento ni Krem ang nangyari.
Natahimik ang dalawang kabanda nila ng marinig ang pag-uusap ni Lylia at Krem. Hindi sila makapaniwala sa narinig.
Tumawa ng mahina si Krem bago ginulo ang may violet na parte ng buhok ni Lylia.
"Ginusto ko naman na tulungan sila, hindi mo lang alam kung gaano kami kasaya habang nasa detention kami dahil kay Andy. Sinong maniniwala na sumayaw kaming apat nung wap wap challenge na iyon dahil natalo kami sa laro, hahahaha." paliwanag niya kay Lylia.
Mariing umiling si Lylia, "Pero hindi mo ginusto na masuspend." may inis na sabi nito.
Natawang muli si Krem, "Bakit ka ba sa akin nagagalit? Sisihin mo yung teacher na nag-suspend sa amin."
Nakasimangot na tumayo si Lylia sa upuan.
"Saan ka naman pupunta?" tanong ni Krem dahil hindi pa sila tapos mag-agahan.
Hindi sumagot si Lylia at nagmamadaling lumabas ng Music Clubroom. Napatingin si Krem sa mga kasama na naguguluhan rin sa inasal ni Lylia. Ngunit kaagad na napagtanto ni Krem ang balak nitong gawin kaya sinundan niya ang dalaga.
"Lylia! Lylia!" tawag niya kay Lylia na nagmamadaling lumiko at mawala sa paningin ni Krem.
Napakamot ng ulo si Krem habang palinga-linga, "Saan pupunta ang babaeng iyon?"
Habang naglalakad sa corridor sina Kino at Andy ay masaya silang kumakain ng libreng burger ni Kino.
"Ano ang gagawin natin ngayong suspended tayo sa Club natin?" napapaisip na tanong ni Andy.
Dahil sa pagsuspinde sa kanila ay hindi sila pwedeng gumawa ng kahit anong bagay na patungkol sa Club nila, mapapatanggal sila sa school kapag nilabag nila iyon.
Napabuntong-hininga si Kino bago nagkibit-balikat, "Hindi ko alam, ngayon lang kasi ako nasuspinde. At ang masama ay masyadong matagal." May lungkot sa tono nito.
Napakagat ng labi si Andy at hindi alam ang magiging reaksyon dahil pakiramdam niya ay kasalanan niya ang nangyari.
'Hindi naman dapat kayo madadamay.' sabi ni Andy sa kanyang isipan.
Napansin ni Kino ang itsura ni Andy kaya mahina niya itong siniko, "Ginusto ko rin naman na tulungan ka, hahayaan ko dapat kung si Denum iyon. Pero nakita kita kaya wala akong nagawa kundi tumulong."
Napangiti si Andy bago kinuyom ang kamao para makipag-twist bomb kay Kino na kaagad tinanggap ng binata.
"Pero dapat kahit si Denum lang ang makita mo ay tulungan mo siya, baka nakalimutan mo na nangako tayo kay Tita Demmy." paalala ni Andy.
Umismid si Kino, "Ikaw lang naman ang nangako." sagot ni Kino na ikinakunot ng noo ni Andy kaya sinuntok niya sa braso si Kino.
"Aww, bakit palagi mo akong sinusuntok? Kapag kay Denum naman, hampas lang." nakangusong sabi ni Kino kaya napangiwi si Andy at binatukan si Kino.
"Alam mo, Kumag. Sa linggong ito, wala na akong narinig sa iyo bukod sa pagrereklamo mo patungkol kay Denum. Nagsese- imposible." napapailing si Andy at hindi na itinuloy ang sasabihin.
"Nagsese- imposible? Anong sabi mo?" naguguluhang tanong ni Kino.
Hindi na kumibo si Andy at tahimik na kumain. Naguguluhang sinundan siya ni Kino.
"Ano ba talagang ibig mong sabihin?" pamimilit nito kay Andy.
"Nagsesebo? Utak baka ka kasi." walang gana na sabi ni Andy.
"Anong utak baka?" pag-uusisa nito.
Nahinto sa pagkain si Andy at muling hinarap si Kino.
"Hmm, utak baka, yung mahilig ka umungol na parang baka."
Mas kumunot ang noo ni Kino, "Sample nga, paano yung ungol ng baka?"
Mariing pumikit si Andy bago napahilamos ng mukha. Kitang-kita sa mukha ng dalaga ang pagkairita sa tanong ni Kino.
"Ikaw ang umuungol na parang baka, huwag mo sa akin ipagawa." naiiritang sabi ni Andy.
Natawa si Kino dahil sa namumulang mukha ni Andy, "HAHAHAHAHAHA! Kalma, nagtatanong lang ako."
Nakasimangot na ipinagpatuloy ni Andy ang paglalakad, "Mabuti na lang at kumikirot pa ang paa ko kundi, baka sipa na ang ibigay ko sa iyo."
Hindi na kumibo si Kino at inakbayan na lang si Andy. Napailing na lang si Andy dahil sa makulit na kasama.
Nang maihatid na ni Kino si Andy ay nakangiti siyang nagpaalam dito.
"Bibisita-bisitahin kita, huwag ka na magcutting class para hindi na kita hanapin." habilin ni Kino kaya napailitang tumango si Andy.
"Ingat ka," tugon niya bago pumasok ng classroom.
Papaupo palang si Andy ay sinalubong na siya ng mga kaklase niya na nagkukumpulan at mukhang may pinag-uusapan.
"Andrea, totoo ba na pinagsasabay mo ang tatlong Club president ng school natin?" naiintriga na tanong ng isa sa mga babaeng nakapaligid sa kanya.
Kumunot ang noo ni Andy, "Anong ibig mong sabihin?"
Nagkatinginan ang mga kaklase niya bago siya tinawanan.
"Huwag ka na mahiya, kalat na ang balita na nilalandi mo ang tatlong Club President. Ikaw nga ang dahilan kung bakit nasuspend kayo, sinusulsulan mo si Denum kaya natanggal siya sa puwesto niya." paliwanag nito na ikinagulat ni Andy.
"At sinong baliw ang nagkalat ng tsismis na iyan?" naiirita na tanong ni Andy.
"Kalat na nga 'di ba? Wala ng oras ang mga tao na alamin pa iyon dahil kitang-kita naman." may pangugutya na sabi nito sa kanya, "Tirador ka ng mga Club president. Magshare ka naman ng paraan mo para makakuha ng tatlong lalake." may birong tanong nito.
Kumuyom ang mga kamay ni Andy at malalim na nag-isip. Gustong-gusto niyang saktan ang mga nakapaligid sa kanya ngunit may mas malinis siyang naisip na ideya.
Muli niyang tinapunan ng tingin ang mga kaharap, "Alam niyo ba na pwede ko kayong kasuhan ng slander dahil sa mga sinasabi niyo?"
Nagkatinginan ang mga kaklase ni Andy at mukhang nabigla sa sinabi niya.
Hindi na siya nagulat sa mga naging reaksyon at nginitian niya ng malawak ang mga kaklase.
"Bago kayo maniwala sa mga tsismis, siguraduhin niyong hindi malalaman ng pinag-uusapan niyo. Bata palang kayo, magkakakaso na kayo. Kawawa naman ang mga magulang niyo, may mga anak silang tsismoso't tsismosa." buong tapang na sabi niya.
Wala naman siyang kaibigan o ka-close sa mga ito kaya hindi siya nagdalawang na asarin ang mga kaharap. Sumama ang timpla ng mga mukha nito at mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ni Andy.
"Huwag kang magmagaling, wala kang maipagmamalaki, Andrea." pinilit kumalma ng isa sa mga kausap niya.
Mas lumawak ang ngiti ni Andy, "Wala akong kompletong pamilya pero may totoo akong kaibigan. Hindi ko kailangan makielam sa buhay ng iba para lang gumanda ang buhay ko." tugon niya sa mga kaharap, "Kung wala kayong magawa, pag-usapan niyo kung bakit naging tsismosa kayo para wala kayong madamay." dagdag niya.
Sasagot pa sana ang isa sa mga kaharap ni Andy ng pumasok na ang guro nila para sa unang klase. Masama ang tingin na ipinupukol sa kanya ng mga kaklase niya tuwing mahuhuli niyang nakatingin ang mga ito. Napabuntong-hininga na lang si Andy.
"Monggii, ang hirap kapag walang totoong kaklase sa room." mahina at dismayadong sabi ni Andy.
Isa ito sa dahilan kung bakit naiisip niya na hindi pumasok at bumawi na lang sa mga activities at exam, ayaw niyang makaharap ang mga taong hindi naging totoo sa kanya kahit totoo ang ipinapakita niya.
Buong oras ay tahimik na nakinig si Andy at hindi pinansin ang mga tingin ng mga kaklase niya. Naghihinayang siya na wala na siyang pang-excuse sa mga guro niya dahil suspended siya sa pagiging Club member. Wala na siyang dahilan para makatakas sa mga klase at iwasan ang mga kaklase niya.
Nang matapos ang pang-umagang subject ay kaagad siyang sinalubong ni Kino sa may gilid ng pintuan. Nakangiti itong umakbay sa kanya.
"Kumusta ang pagiging third year? Nakakastress ba?" bungad nito.
Umiling si Andy, "Hindi mahirap mag-aral, mahirap makisama." May lungkot sa tono ng pananalita ni Andy.
Medyo nagulat si Kino ng tanggalin ni Andy ang pagkakaakbay niya rito at mataman siyang tiningnan.
"Huwag ka masyadong lumapit sa akin kapag susunduin o pupuntahan mo ako, ayoko ng madamay kayo sa mga tsismis." tanging nasabi ni Andy bago tahimik na nauna sa paglalakad.
Kumunot ang noo ni Kino dahil sa inasal ni Andy bago sinulyapan ang mga tao sa loob ng silid-aralan na nahuli niyang nag-uusap habang nakatingin sa kanila. Nagkaroon siya ng ideya sa pagbabago ng mood ni Andy.
Nang makapasok sila sa Canteen ay kaagad na kumuha ng pagkain si Andy. Ibabayad na sana siya ni Kino ng pigilan siya ni Andy.
"Ako na, may pera na naman ako. Hindi mo na ako kailangan ilibre." pagpigil ni Andy at siya na ang nagbayad ng pagkain.
Hindi na siya pinilit ni Kino at binayaran na ang sarili nitong pagkain. Sumunod siya kay Andy na pumunta sa isang mesa, umupo ito sa isa sa dalawang parihabang upuan. Uupo sana si Kino sa tabi niya ngunit mabilis na lumipat si Andy sa kabilang upuan na labis na ikinagulat ni Kino ngunit hindi na lang siya kumibo at ipinagpatuloy ang pagkain.
Nang matapos sila ay tahimik niyang hinatid si Andy at ngumiti bago nagpaalam, "Sabay tayong pumunta sa Detention room mamaya." sabi niya kay Andy.
Pinilit na ngumiti ni Andy bago umiling, "Huwag na, mahuhuli ako dahil cleaners kami. Mauna ka na."
Umawang ang bibig ni Kino ngunit napamulsa na lang siya bago tumango, "Sige, kitakits na lang." paalam niya bago tinalikuran si Andy at nagsimulang maglakad.
Napabuntong-hininga si Andy dahil sa ginawa niya kay Kino. Gusto niyang makipag-usap ng normal at kumilos ng normal pero ayaw niyang magawan ng issue ang mga taong nakapaligid sa kanya at dumating sa punto na layuan siya ng mga ito.
'Sorry, Kumag..' tanging nasabi niya sa kanyang isipan bago pumasok sa pintuan.
Nakarating si Kino sa Detention room na ang tanging tao palang ay si Denum at nakatayo sa gilid ng blackboard. Dahan-dahan lumapit si Kino sa puwesto nito bago ngumiti.
"Kumusta ang pagiging normal na demonyo?" biro ni Kino.
Umismid si Denum bago napamulsa, "Masaya, balak pa rin pabagsakin ang Club ng mga baliw."
Mahinang natawa si Kino bago napahalukipkip ang mga kamay, "Kung baliw naman pala ang tingin mo sa amin, bakit patuloy mong nilalapitan si Andy?"
Tumaas ang dalawang kilay ni Denum, "Kasi balak kong magkaroon ng kaibigan na baliw. Masaya rin siyang kasama. Kung ako ang nauna kay Andy, hindi ko siya hahayaan na matulad sa iyo. Isang baliw na nagpapakasaya na baliwin ang iba."
Kumuyom ang mga kamao ni Kino bago pinilit na ngumiti, "Siya nga pala, condolence sa kaibigan mong si Jonil. Sana mahanap mo ang hustisya na hinahanap mo kahit wala talaga."
Naestatwa si Denum sa sinabi ni Kino, "Paano mo nala-"
Hindi na niya natuloy ang sasabihin ng pumasok si Andy na paika-ikang lumapit sa kanila.
"Anong pinag-uusapan niyo?" puno ng kuryosidad na tanong ni Andy.
Ngumiti si Kino sa kanya bago sinulyapan si Denum, "Gusto ko lang sabihin na magaling siya sumayaw kahapon." sagot ni Kino bago umupo sa isa sa mga nasa harapan upuan.
Kumunot ang noo ni Andy at tiningnan si Denum, "Kumusta ang pag-iimbestiga mo?"
Masama ang tingin na ibinigay ni Denum kay Andy bago lagpasan ang dalaga at umupo sa pinakadulong upuan ng Detention room. Napaawang ang bibig ni Andy at tahimik na umupo sa upuan malapit sa puwesto ni Kino.
Tumaas ang dalawang kilay ni Kino at itinuro ang isang upuan na naghihiwalay sa kanilang dalawa ni Andy.
"Umupo ka na sa tabi ko, nahiya ka pang makatabi ang guwapo." biro ni Kino.
Pinilit na matawa ni Andy bago umiling, "Ayoko, ang ingay mong katabi."
Napanguso si Kino at tinanggal ang sombrerong suot bago muling tiningnan si Andy.
"Balak mo ba akong layuan buong oras na magkasama tayo?" seryosong tanong ni Kino na ikinabigla ni Andy ngunit pinilit niyang hindi mailang sa tinginan nila.
Hindi nakakibo si Andy at nakipagtitigan lang kay Kino. Pinapanood lang sila ni Denum sa likuran. Napangisi si Denum.
"Mukhang may away ang mga baliw," mahinang sabi ni Denum.
"Ano? Hindi ka ba sasagot?" tumaas ang isang kilay ni Kino kaya napalunok ng ilang beses si Andy.
"Ahm, kasi..."
Hindi na siya nakasagot ng marinig ang pagbukas ng pintuan. Sabay-sabay nilang tinapunan ng tingin ang dalawang papasok.
Namilog ang mata ni Andy ng makilala ang mga pumasok. Kumunot naman ang noo nila Kino at Denum.
Masayang lumapit sa puwesto nila Andy at Kino ang dalawang estudyante bago nagsalita.
"Simula na ba ang Detention hours?" mataray na tanong ni Lylia sa dalawang nakaupo.
Umawang ang bibig ni Andy at tiningnan si Krem, "Bakit kasama mo siya?"
Nagkibit-balikat si Krem at hinayaan na si Lylia ang sumagot.
"Inaway ko yung teacher na nagparusa sa kakambal ko, ayon, dinetention niya rin ako." sagot ni Lylia bago umupo sa upuan sa pagitan ni Andy at Kino.
Napanganga si Andy at Kino bago tinapunan ng tingin si Krem na nagtataka sa naging reaksyon ng dalawa.
"Huwag na kayong magulat na warfreak ang kakambal ko." nakangiwing sabi ni Krem.
Napailing si Andy, "Hindi nakakagulat na palaaway ang babaeng ito," tugon ni Andy bago balingan ng tingin si Lylia, "Ang nakakagulat ay ang kakambal mo siya."
Pinagkumpara ni Andy ang mukha ni Krem at Lylia bago napagtanto na magkahawig nga ang dalawa.
"Monggii..." hindi makapaniwalang sabi niya.

Komento sa Aklat (61)

  • avatar
    Rhnlndr

    their senses used in paranormal things make the story unique from the other stories i've read, nice work author! 💛💛

    26/08/2022

      0
  • avatar
    imjfran

    the flow of the story. I loved it. gusto ko yung part na yung babaeng bida is humihiwalay yung katawan and that nahulog as bangin part dahil may lumapit sa kaniyang kaluluwa na hindi nakita ni kino.... OMG! ANG GANDA! pero gusto ko po si denum. ang gwapo niya sa imagination ko!!!

    16/07/2022

      0
  • avatar
    Scarlett Moon

    synopsis pa lang interesting na! highly recommended story, must read! ♡♡♡

    30/05/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata