FIVE SENSES CHAPTER 15: THE GHOST BRIDE Nang makabalik sa resort ay kaagad na nagpatawag ng doktor sa kwarto ni Andy. Kumunot ang noo ng doktor bago sila tiningnan. "Wala naman pong kahit anong mali sa kanya." sabi ng doktor sa kanila matapos suriin si Andy. "Kung ganoon, bakit siya nahimatay?" naguguluhang tanong ni Demmy. "Siguro dahil lang po sa pagod." sagot ng doktor. "Hayaan muna natin siyang magpahinga para mabalik ang lakas niya." huling sinabi ng doktor bago sila iniwan sa kwarto. Tumaas ang kilay ni Entice. "Baka nagpapanggap lang." bulong nito. Sinamaan siya ng tingin ni Kino. "Bakit? I'm just kidding.." maarteng sabi nito. Sinulyapan muna ni Kino ng tingin ang katawan ni Andy bago tiningnan si Denum. "Mag-usap tayo.." sabi nito bago lumabas ng resthouse at pumunta sa may swimming pool. Nang makalapit si Denum ay buong lakas na sinuntok siya ni Kino. Napaupo siya sa sahig. Marami ang nakakita at nasa kanila na ang atensyon. Inalis ni Kino ang sombrero bago ginulo ang buhok at dinuro si Denum. "Sabi mo ikaw ang bahala sa kanya 'di ba? Nakita mo ang nangyari dahil sa pagiging makasarili mo?!" galit na galit na sabi ni Kino. Tumayo si Denum at inayos ang suot na mask bago tiningnan si Kino. "Ngayon naramdaman mo na." sabi ni Denum. Kumunot ang noo ni Kino. Umiling si Denum bago nakakainsultong tumawa. "Alam mo na kung paano maagawan. Kagaya ng pang-aagaw niyo sa mama ko." Napakuyom ang kamao ni Kino. "Bakit ang kitid ng utak mo? Wala kaming inagaw sa iyo, ikaw ang lumalayo." saad ni Kino. Tumaas ang mga kilay ni Denum. "Kasi ayoko sa inyo, ayoko sa iyo, sa papa mo, sa buong pamilya niyo at sa lahat ng nakapaligid sa iyo." seryosong turan ni Denum. Tumango si Kino. "Mabuti at inamin mo rin na ayaw mo talaga kay Andy. Hindi na ako mahihirapang maghanap ng dahilan para palayuin siya sa iyo." seryosong sabi ni Kino bago nilapitan si Denum. "Hindi ko rin gusto na nandito ka kaya kung hindi na magagawa ni Andy ang pangako niya sa iyo. Umalis ka na dahil hindi ko rin naman ramdam ang presensya mo." huling sinabi ni Kino bago iwan si Denum at puntahan ang katawan ni Andy. Tumingin sa orasan si Kino. Mahigit isang oras na ngunit wala pa rin malay si Andy. "Andy, nasaan ka na?" mariing pumikit si Kino at napahilamos ng mukha. Ngayon niya lang nakita na hindi nakabalik ang kaluluwa ni Andy sa kanyang katawan. Mabilis siyang tumayo at kumuha ng flashlight para hanapin si Andy sa madilim na gabi. Naglalakbay pabalik sa mataas na bundok si Andy para balikan sina Kino ngunit habang naglalakad ay nakarinig siya ng babaeng umiiyak. Hinanap niya iyon. Nakakita siya ng nakayuko na babae at nakasuot ng puting gown habang nasa ilalim ng puno. Kumunot ang noo niya bago ito nilapitan. "Miss? Alam mo ba kung saan ang pabalik sa bundok? Nawawala kasi ako." nahihiyang sabi niya rito. Hindi ito kumibo kaya mas lumapit siya. Namilog ang mata niya ng may nakitang dugo na tumutulo sa ilalim ng gown nito at biglang maalala na kaluluwa siya. Pinilit ngumiti ni Andy. "Ah, okay... Hindi na ako magtatanong." sabi ni Andy habang dahan-dahan na humahakbang paatras. Papalayo na siya ng magsalita ang babae. "Mga manloloko kayo. Hindi ko kayo mapapatawad." galit na galit na sabi ng babae. Bago pa man makahakbang ng isa pa si Andy ay bumungad na sa kanya ang duguan at hindi makilalang mukha ng babae dahil sa wasak na mukha nito. Hindi nakagalaw si Andy dahil sa takot. Namalayan niya na lang na itinali siya nito gamit ang mga tela ng gown nito sa puno kung saan niya ito nakita. Biglang nawala ang babae sa paningin niya kaya bumalik siya sa reyalidad. "Hindi naman ako magtatagal na nakakulong rito dahil ilang minuto na lang ay makakabalik na ako sa katawan ko." pinipilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili. Ngunit inabot na siya ng dilim ay hindi siya nawala sa pagkakatali at nanatili pa rin sa pagiging kaluluwa. Mariin siya pumikit bago umiling. "Hindi pwede 'to! Monggii!!!!" sigaw niya dala ng inis dahil ngayon lang siya hindi nakabalik sa katawan. Nakaramdam siya ng panghihina sa katawan bago pumikit. "Baka babalik na ako.." tanging nasabi niya bago nawalan ng malay. "Andy! Andy!" sigaw ni Kino habang iniikot ang gubat kung saan nahulog si Andy. Masyadong malaki ang gubat kaya nahihirapan siyang mahanap ang dalaga. Nang makarating sa isang puno. Namilog ang mata niya ng makita ang isang tali na nakapulupot rito. Inikot niya ang puno at napangiti ng makita ang kaluluwa ni Andy na walang malay habang nakatali sa puno. "Andy..." umupo siya para pantayan ito at akmang hahawakan ito ngunit nabigo lang siya. Tinanggal niya ang sombrero bago napasabunot sa kanyang buhok dahil sa inis na nararamdaman sa sarili. Naluluha niyang tiningnan ang walang malay na si Andy. "Paano kita matutulungan kung hindi kita mahawakan?" naguguluhang tanong niya sa sarili. Napakuyom ang kamao niya bago inilapag ang sombrero sa gilid ni Andy. "Pupuntahan ko si Denum.." sabi niya bago pinilit na ngumiti. "Makikiusap ako na tulungan ka niya. Sana tulungan ka niya, babalikan kita. Pangako." huling sinabi niya bago patakbong umalis para bumalik sa resort. Nang makarating siya sa resthouse ay kaagad siyang pumunta sa kwarto ni Denum. Kinalampag niya ang pintuan ngunit walang sumasagot. "Bat ang ingay mo?" naiinis na tanong ni Entice na kakabukas lang ng pintuan. "Hinahanap ko si Denum, nasaan siya?" hinihingal na tanong ni Kino. "May dala siyang bag kanina, nagpaalam siya sa mga magulang mo na uuwi na siya." sagot ni Entice. Napahilamos siya ng mukha at nawalan ng pag-asa sa narinig. Hindi na niya napigilan ang mga luha na kanina pa naipon sa mga mata niya. "Paano na si Andy?" tanong niya sa sarili. Kunot-noo na lumapit sa kanya si Entice. "Bat ka umiiyak?" walang ideya na tanong nito. Umiling si Kino. "Huwag mo akong pakialaman." naiinis na sagot niya bago patakbong lumabas ng resthouse. Hindi namalayan ni Kino na sinundan siya ni Denum habang iniikot niya ang gubat para hanapin ang kaluluwa ni Andy. Nakita ni Denum na may tinitingnan si Kino sa puno. Lumuhod ito at may sinasabi na parang may kausap. Maya-maya pa ay nagulat siya ng makita na naluluha na ang mga mata ni Kino bago tumayo at tumakbo paalis. Nang mawala sa paningin si Kino ay mabilis na nilapitan ni Denum ang puno kung saan pumunta si Kino. Sinuri niya ito ngunit wala siyang makita. "Andy, nandiyan ka ba?" naiilang na tanong niya dahil ayaw niya ng mga kabaliwan na ginagawa niya ngayon. Ni hindi niya nga alam kung bakit sinundan niya si Kino imbes na dumiretso na lang sa pag-uwi dahil iyon naman ang gusto nito. Napapikit siya dahil wala naman sumagot sa kanya. Paalis na siya ng may maramdaman siya ng sumipa sa paa niya. Napatingin siya sa puno at kunot-noo na umupo. "Andy?" tanong niya bago tinapunan ng tingin ang sombrero na iniwan ni Kino. Muli siyang nakaramdam ng sipa kaya nasiguro niya na si Andy ang kaharap. "Mapanakit ka para sa isang babaeng kaluluwa.." wala sa sariling nasabi niya bago mas lumapit pa rito. Hindi niya namalayan na magkalapit na ang mga mukha nilang dalawa habang kinakapa niya ang mga kamay nito na nasa likuran at mukhang nakatali. Papikit-pikit siyang tinitingnan ni Andy dahil sa nanghihina pa rin ito. Nagising si Andy ng marinig na may tumatakbo palayo at huli na ng mapagtanto niyang si Kino iyon dahil sa iniwan na sombrero. Medyo gulat pa rin siya na makita ang presensya ni Denum sa harapan niya ngayon. Naramdaman niya na inalis nito ang tali ng mga kamay niya pagkatapos ay ang mga tali sa katawan niya na parang nakikita ito. Nang maalis ni Denum ang mga tali na hindi niya nakikita ay tiningnan niya ang kaharap na hindi nakikita. "Kaya mo bang tumayo?" naiilang na tanong niya sa kaharap. Mahinang natawa si Andy dahil pansin niya ang pagkailang ni Denum sa nangyayari. Humawak siya sa mga braso ni Denum at hinayaan niyang itayo siya nito ngunit nanghihina ang mga tuhod niya kaya napaupo siyang muli, ganoon rin si Denum. Mataman siyang tinitigan ni Denum. "Bubuhatin kita o sasampa ka sa akin?" tanong nito na ikinamilog ng mata ni Andy. Mariin siyang umiling. "Kaya ko.." tanging nasabi ni Andy ngunit sa huli ay inikot niya si Denum. Naintindihan kaagad ni Denum ang sagot ni Andy kaya umayos siya ng upo. Nanghihina na sumampa si Andy sa likod ng binata at hinayaan niyang buhatin siya nito. "Yumakap ka, hindi apat ang kamay ko para ako pa yumakap sa iyo." seryosong sabi nito na ikinasimangot ni Andy. Nanginginig ang mga kamay niya na yumakap sa balikat ng binata. Maya-maya pa ay naramdaman niya na naglakad na ito. "Salamat.." nakangiting sabi ni Andy kahit alam niya na hindi siya naririnig ni Denum. "Pangalawang beses na akong tinulungan ng demonyo na kagaya mo." dagdag nito bago pumikit dahil sa panghihina. Muling bumalik si Kino sa lugar kung saan niya iniwan ngunit laking-gulat niya nang makita ang sombrero niya na tanging naiwan sa ilalim ng puno. Dahan-dahan niya itong kinuha bago inilibot ang paningin. Nakuha ng atensyon niya ang mga tali na pinagtalian kay Andy. Nilapitan niya iyon at sinuri. Nanlaki ang mata niya ng makilala ang tela na iyon. "Ito yung tela nung naka-gown na multo." bulong niya sa sarili. Mabilis siyang tumayo nang may dumaan sa gilid niya. Tiningnan niya iyon at laking-gulat niya nang makita ang babae na nakangiti habang nakatitig sa kanya. Napaatras si Kino dahil sa kaba nang makita ang mukha ng babae na hindi na makilala. "Sino ka?" kunot-noo na tanong niya. Hindi kumibo ang babae at mabilis na lumapit sa kanya. Napaupo si Kino dahil sa gulat. Masama ang tingin na ipinukol sa kanya ng babae bago mabagal na inikot ang ulo nito. Tumayong muli si Kino. "Ikaw yung nobya nung tour guide.." hindi makapaniwalang sabi ni Kino. Nagising si Andy na nasa kwarto na siya. Nanakit ang ulo na tumayo siya at inilibot ang mga paningin. Walang tao sa loob ng kwarto. Napahawak si Andy sa katawan niyang nanghihina. "Ganito pala ang epekto kapag hindi ako nakabalik kaagad sa katawan ko." mahinang sabi niya bago umunat para matanggal ang pangangalay. Nahinto siya ng bumukas ang pinto at iniluwa ang mag-asawang sina Kris at Demmy. Naluluhang lumapit sa kanya si Demmy bago siya niyakap. "My gosh! Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo, Hija." natutuwang sabi nito bago siya pinakawalan. "Kumusta ang pakiramdam mo? Nagugutom ka ba? May masakit ba sa iyo?" may pag-aalalang tanong ni Kris. Nakangiting umiling si Andy. "Medyo masakit lang po ang katawan at ulo ko pero hindi naman po malala. Nasaan po sina Kino at Denum?" tanong niya habang tumitingin sa pintuan. "Nagpapahinga si Denum dahil sa sobrang pagod. Nagulat na lang kami ng bumalik siya matapos niyang magpaalam na uuwi na siya." sagot ni Kris na ikinagulat ni Andy. "Si Kino naman ay biglang nawala sa paningin namin matapos ka namin madala rito sa resthouse." dagdag ni Demmy. Kumunot ang noo ni Andy. "Baka hinahanap niya pa rin ako..." malungkot na bulong ni Andy. "What?" tanong ni Demmy na ikinailing ni Andy. "Ah, wala po Tita Demmy.. Pwede po ba akong lumabas? Hahanapin ko lang si Kino." nakangiting sabi niya bago dahan-dahang tumayo. Hindi na siya nakarinig ng anumang pagtanggi. Nang makalabas siya ng resthouse ay sumalubong sa kanya si Entice na naka-swimwear at nakataas ang kilay habang nakatingin sa kanya. Mag-isa ito na nakatambay sa pool area. "O, gising na pala ang pilay. Kumusta ang pagpapanggap na nahimatay?" salubong nito sa kanya. Ngumiti si Andy. "Masaya. Hindi ko nakita ang pagiging linta mo kay Denum." Habang paika-ikang humahakbang ay hinarangan siya ni Entice. Magkasalubong ang mga kilay nito at mukhang hindi nagustuhan ang sinabi niya. "What did you say?" naiinis na tanong nito. Ngumiti na parang aso si Andy bago tumingin sa mga mata ni Entice. "Mas mabuti ng maging pilay kaysa maging linta, naintindihan mo ba? O gusto mo i-translate ko pa sa lenggwahe na maiintindihan ng mga linta na 'gaya mo?" mas lumapit siya kay Entice bago bumulong. "Kapag ayaw, 'wag na ipilit. Nagmumukha kang desperada." huling sinabi ni Andy bago nilagpasan si Entice. Wala na siyang oras para kausapin ito dahil hahanapin niya pa si Kino. "Hindi ako desperada!" narinig niyang sigaw ni Entice na mukhang galit na galit. Hindi na niya ito nilingon dahil ayaw niya ng away. Ngunit laking-gulat niya ng itulak siya nito sa swimming pool. Dahil sa gulat ay hindi nakagalaw si Andy. Huli na ng mapagtanto niya na nahihirapan siyang huminga at hindi siya makalangoy dahil sa paa niyang nananakit. Namilog ang mata ni Entice at hindi nakagalaw dahil sa takot ng makita na hindi makalangoy si Andy. Mabilis siyang tumakbo papasok sa loob at tinungo ang kwarto. Nanginginig siyang umupo sa sahig. Nakaramdam ng pagkawala ng hangin si Andy at napapikit ng mawalan ng pag-asa. Hihintayin niya na lang ang susunod na mangyayari sa magulo at delikado niyang buhay. Naramdaman niyang may humila sa kamay niya at iniahon siya sa tubig. "Andy.. Andy... " tawag nito. Hindi siya kumibo dahil kinakapos siya sa paghinga. Ilang sandali pa ay naramdaman niya na may lumapat sa kanyang mga labi at binibigyan siya ng hangin. Ilang beses lumapat ang bibig ng lalake bago niya naramdaman ang mga tubig na lumabas sa bibig niya. Nang makaubo siya ay nakangiti niyang tiningnan ang lalake na nag-aalalang nakatitig sa kanya. "Hi Kumag.." nakangiting bati niya rito. Hindi napansin ni Andy na lumuluha na si Kino dahil pareho silang basa. Sa isang iglap ay hinila siya ni Kino at niyakap ng mahigpit. "Akala ko mawawala ka na.. Natakot ako." humihikbing pag-amin nito. Hindi makapaniwalang tumawa ng mahina si Andy bago niyakap si Kino. "Teka, umiiyak ka ba Kumag?" hindi makapaniwalang tanong ni Andy. Hindi nagsalita si Kino at mas lalong umiyak dahil sa saya na makita si Andy. —————END OF CHAPTER 15————
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (61)
Rhnlndr
their senses used in paranormal things make the story unique from the other stories i've read, nice work author! 💛💛
26/08/2022
0
imjfran
the flow of the story. I loved it.
gusto ko yung part na yung babaeng bida is humihiwalay yung katawan and that nahulog as bangin part dahil may lumapit sa kaniyang kaluluwa na hindi nakita ni kino.... OMG! ANG GANDA! pero gusto ko po si denum. ang gwapo niya sa imagination ko!!!
16/07/2022
0
Scarlett Moon
synopsis pa lang interesting na! highly recommended story, must read! ♡♡♡
their senses used in paranormal things make the story unique from the other stories i've read, nice work author! 💛💛
26/08/2022
0the flow of the story. I loved it. gusto ko yung part na yung babaeng bida is humihiwalay yung katawan and that nahulog as bangin part dahil may lumapit sa kaniyang kaluluwa na hindi nakita ni kino.... OMG! ANG GANDA! pero gusto ko po si denum. ang gwapo niya sa imagination ko!!!
16/07/2022
0synopsis pa lang interesting na! highly recommended story, must read! ♡♡♡
30/05/2022
0Tingnan Lahat